Pagsunod sa mga Propeta
Kaylaking pagpapala na mayroong mga propeta sa ating panahon!
Naturuan ako at nabinyagan sa Simbahan. Lubos akong nagpapasalamat na sinagot ng Diyos ang aking panalangin at binigyan ako ng kaalaman at malakas na patotoo na si Joseph Smith ay propeta ng Diyos.
Bago ako nagpasiyang magpabinyag sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, pinag-aralan ko ang mga siping hango sa kasaysayan ni Joseph Smith. Nagdasal ako matapos basahing mabuti ang bawat talata. Kung gusto ninyong gawin ito, gugugol kayo ng 14 na oras.
Matapos akong magbasa, magnilay at manalangin, tiniyak sa akin ng Panginoon na si Joseph Smith ay Kanyang propeta. Pinatototohanan ko sa inyo na si Joseph Smith ay isang propeta, at dahil natanggap ko ang sagot na ito mula sa Panginoon, alam ko na ang lahat ng humalili sa kanya ay mga propeta rin. Kaylaking pagpapala na mayroong mga propeta sa ating panahon!
Bakit mahalaga na magkaroon ng buhay na mga propeta na papatnubay sa totoong Simbahan ni Jesucristo at sa mga miyembro nito?
Sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, mababasa natin na ang kahulugan ng salitang propeta ay: “Isang tao na tinawag at nangungusap para sa Diyos. Bilang isang sugo ng Diyos, ang isang propeta ay nakatatanggap ng mga kautusan, propesiya at paghahayag mula sa Diyos” (“Propeta,” scriptures.lds.org; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Propeta”).
Napakalaking pagpapala ang matanggap ang salita, mga kautusan at patnubay ng Panginoon sa mahirap na panahong ito sa mundo. Ang propeta ay mabibigyang inspirasyon na makita ang hinaharap para sa kapakanan ng sangkatauhan.
Sinabi sa atin na “tunay na ang Panginoong Dios ay walang gagawin, kundi kaniyang ihahayag ang kaniyang lihim sa kaniyang mga lingkod na mga propeta” (Amos 3:7). Nalaman natin mula sa banal na kasulatang ito na tunay na ihahayag ng Panginoon sa kanyang mga propeta ang lahat ng bagay na nadarama Niyang kailangang ipabatid sa atin. Ihahayag Niya ang Kanyang kalooban sa atin at tatagubilinan Niya tayo sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta.
Ipinangako ng Panginoon sa atin na kung naniniwala tayo sa mga banal na propeta, magkakaroon tayo ng buhay na walang hanggan (tingnan sa D at T 20:26). Sa pang-anim na saligan ng pananampalataya ipinahahayag natin na naniniwala tayo sa mga propeta. Ang ibig sabihin ng maniwala ay manampalataya at magtiwala sa kanila at sundin at gawin ang ipinagagawa sa atin ng mga propeta.
Noong 1980, nang si Pangulong Ezra Taft Benson ay naglilingkod bilang pangulo ng Kapulungan ng Labindalawang Apostol, nagbigay siya ng napakagandang mensahe tungkol sa pagsunod sa mga propeta sa debosyonal ng BYU sa Marriott Center. Ang maganda niyang mensahe na may pamagat na, “Fourteen Fundamentals in Following the Prophet,” ay umantig sa aking puso. Masaya ako dahil nagpasiya akong sundin ang mga propeta sa buong buhay ko nang tanggapin kong magpabinyag sa totoong Simbahan ng Panginoon.
Gusto kong ibahagi sa inyo ang ilan sa mga alituntunin na itinuro ni Pangulong Benson:
“Una: Ang propeta ang nag-iisang tao na nangungusap para sa Panginoon sa lahat ng bagay” (1980 Devotional Speeches of the Year [1981], 26).
Sa ating panahon, sinabihan tayo ng propeta ng Diyos na mahalin ang ating kapwa, maglingkod, pangalagaan ang bagong henerasyon, sagipin ang mga miyembrong hindi aktibo o hindi gaanong aktibo—gawin ang maraming bagay na tinatawag nating mga dapat unahin ayon sa propeta. Kailangan nating maunawaan na ang mga dapat unahing ito ay mga bagay na inuuna ng Diyos, at ang propeta ang Kanyang tinig sa pagpaparating nito sa buong Simbahan at sa mundo.
Tayo ay pinayuhan na “[tumalima] sa lahat ng kanyang mga salita at kautusan” (D at T 21:4). Natutuhan din natin ang:
“Sapagkat ang kanyang salita ay inyong tatanggapin, na parang mula sa sarili kong bibig, nang buong pagtitiis at pananampalataya.
“Sapagkat sa pamamagitan ng paggawa ng mga bagay na ito ang pintuan ng impiyerno ay hindi mananaig laban sa inyo; oo, at itataboy ng Panginoong Diyos ang mga kapangyarihan ng kadiliman mula sa harapan ninyo, at payayanigin ang kalangitan para sa inyong ikabubuti, at sa ikaluluwalhati ng kanyang pangalan” (D at T 21:5–6).
Pangalawang alituntunin: “Ang buhay na propeta ay mas mahalaga sa atin kaysa pamantayang mga banal na kasulatan” (“Fourteen Fundamentals,” 26).
Ang buhay na propeta ay tumatanggap ng partikular na mga paghahayag para sa atin. Naaalala ko nang maraming beses noong naroon ako at narinig na nagsalita ang isang lingkod ng Panginoon tungkol sa isang partikular na bagay para sa isang lungsod o bansa. Naaalala ko ang tatlo sa mga buhay na propeta, tagakita at tagapaghayag na nangusap tungkol sa aking bansang Brazil. Isa sa mga lingkod na ito ang nagsabing magiging maganda ang ekonomiya ng Brazil sa mundo, at hindi tataas ang presyo ng bilihin at hindi bababa ang halaga ng pera nito. Nang panahong iyon, may dobleng pagtaas ng presyo ng bilihin bawat buwan. Nahirapan ang maraming tao na maniwala sa sinabi ng propeta, pero naniwala ako. Tumataas nang mga 5 porsiyento ang presyo ng bilihin noon sa Brazil kada taon sa loob ng maraming sunud-sunod na taon. Ang Brazil ay naging pangwalo sa ekonomiya sa mundo, at patuloy na umuunlad ang bansa!
Pangatlong alituntunin: “Ang buhay na propeta ay mas mahalaga sa atin kaysa sa isang namatay nang propeta” (“Fourteen Fundamentals,” 27).
Natutuhan natin ang mahalagang aral tungkol dito mula sa mga banal na kasulatan. Sa panahon ni Noe mas madaling maniwala ang mga tao sa patay na mga propeta, subalit mahirap sa kanila ang paniwalaan si Noe. Alam natin na dahil sa kanilang kawalan ng paniniwala, hindi sila nakaligtas sa baha (tingnan sa Genesis 6–7).
Pang-apat na alituntunin: “Hindi kailanman ililigaw ng propeta ang Simbahan” (“Fourteen Fundamentals,” 27).
Muli, natututo tayo mula sa buhay na mga propeta. Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff:“Ang Panginoon kailanman ay hindi ako pahihintulutan o sinupamang tao na nagsisilbing Pangulo ng Simbahang ito na iligaw kayo. Wala ito sa programa. Wala ito sa isipan ng Diyos. Kung ako ay magtatangka nang gayon, ako ay tatanggalin ng Panginoon mula sa aking kinalalagyan, at Siya rin niyang gagawin sa kahit sinong tao na magtatangkang akayin ang mga anak ng tao sa pagkaligaw mula sa mga orakulo ng Diyos at mula sa kanilang mga tungkulin” (Official Declaration 1).
Panglimang alituntunin: “Ang propeta ay hindi kinakailangang magkaroon ng anumang training o mga kredensiyal mula sa mundo upang mangusap sa anumang paksa o kumilos sa anumang bagay sa anumang oras” (“Fourteen Fundamentals,” 27).
Tinawag ng Panginoon ang isang binatilyo, si Joseph Smith, upang ipanumbalik ang Kanyang Simbahan. Sa palagay ba ninyo ang binatilyong si Joseph Smith ay dalubhasa sa teolohiya o agham? Alam natin na siya ay isang hamak na binatilyo at hindi pormal na nakapag-aral. Gayunpaman siya ay pinili ng Panginoon, at natanggap niya mula sa Panginoon ang lahat ng kinakailangan upang ikarangal at isakatuparan ang tungkulin ng isang propeta ng Panunumbalik.
Patuloy pa ni Pangulong Benson:
“Pang-anim: Hindi kailangang sabihin ng propeta, ‘Samakatuwid sinabi ng Panginoon’ para ito maging banal na kasulatan. …
“Pampito: Sinasabi sa atin ng propeta ang kailangan nating malaman, hindi palagi iyong kung ano ang nais nating malaman”(“Fourteen Fundamentals,” 27, 28).
At pagkatapos binanggit ni Pangulong Benson ang 1 Nephi 16:1, 3:
“At ngayon ito ay nangyari na, na matapos na ako, si Nephi, ay magwakas sa pangungusap sa aking mga kapatid, masdan, sinabi nila sa akin. Ikaw ay nagpahayag sa amin ng masasakit na bagay, higit kaysa kaya naming tiisin. …
“At ngayon mga kapatid ko, kung kayo ay mabubuti at nahahandang makinig sa katotohanan, at bigyang-unawa ito, nang kayo ay makalakad nang matwid sa harapan ng Diyos, kung magkagayon kayo ay hindi magbubulung-bulong dahil sa katotohanan, at sasabihing: Ikaw ay nangungusap ng masasakit na bagay laban sa amin.”
Pangwalong alituntunin: “Ang propeta ay hindi nahahadlangan ng katuwiran ng mga tao. …
“… Makatwiran bang gamutin ang ketong sa pagsasabi sa taong maligo nang pitong beses sa isang partikular na ilog? Subalit ito nga ang ipinagawa ng propetang si Eliseo sa taong may ketong at siya ay gumaling. (Tingnan sa 2 Mga Hari 5.)” (“Fourteen Fundamentals,” 28).
At patuloy pang nagbigay si Pangulong Benson ng iba pang mga alituntunin tungkol sa pagsunod sa propeta. Babasahin ko ang huling anim na alituntunin at aanyayahan kayo na hanapin ang mga alituntuning ito sa mga salita at turo ng ating buhay na mga propeta, tagakita at tagapaghayag sa pangkalahatang kumperensyang ito sa inyong susunod na family home evening.
“Pansiyam: Maaaring makatanggap ang propeta ng paghahayag tungkol sa anumang bagay—temporal man o espirituwal. …
“Pansampu: Maaaring makibahagi ang propeta sa mga kapakanang pangsibiko. …
“Panlabing-isa: Ang dalawang grupong lubos na nahihirapang sundin ang propeta ay ang mga mapagmataas na marurunong at ang mapagmataas na mayayaman. …
“Panlabingdalawa: Ang propeta ay hindi kinakailangang tanggap ng mundo o ng makamundo. …
“Panlabingtatlo: Ang propeta at kanyang mga tagapayo ang bumubuo ng Unang Panguluhan—ang pinakamataas na korum sa Simbahan. …
“Panlabing-apat: Ang propeta at ang panguluhan—ang buhay na propeta at ang unang panguluhan—sundin sila at kayo ay pagpapalain; suwayin sila at kayo ay magdurusa.” (“Fourteen Fundamentals,” 29).
Pribilehiyo nating mapakinggan ang mga salita ng buhay na mga propeta, tagakita at tagapaghayag sa magandang pangkalahatang kumperensyang ito. Sila ay mangungusap ng kalooban ng Panginoon para sa atin, na Kanyang mga tao. Kanilang ipararating ang salita ng Diyos at Kanyang payo sa atin. Makinig mabuti at sundin ang kanilang tagubilin at mga mungkahi, at pinatototohanan ko sa inyo na ang inyong buhay ay lubos na pagpapalain.
Si Jesus ang Cristo, ating Tagapagligtas at Manunubos. Si Thomas S. Monson ang buhay na propeta ng Diyos at ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay mga propeta, tagakita at tagapaghayag. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.