Ang Priesthood ni Aaron
Ang taglay ninyong priesthood ay isang espesyal na regalo o kaloob, dahil ang nagbigay nito ay ang Panginoon. Gamitin ninyo ito, gampanang mabuti, at mamuhay nang marapat dito.
Noong nagsalita ako sa pangkalahatang kumperensya 25 taon na ang nakalilipas, may ipinakilala akong visual aid na nakatayo sa tabi ko. Iyon ay ang aking panganay na apong lalaki. Katatanggap lang niya noon ng Aaronic priesthood at bagong orden na deacon. Sinamantala ko ang pagkakataong iyon upang ipatungkol sa kanya ang aking mensahe tungkol sa kahalagahan ng pagtanggap ng Aaronic Priesthood.
Sinabi ko sa aking apo:
“Hindi ako labis na natutuwa sa kalagayan ng daigdig na mamanahin mo at ng iba pang mga binatilyo sa pagtupad ninyo ng inyong tungkulin sa pagsulong tungo sa pagiging ganap na mga binata. Bagama’t kaming mas matatanda ay nasa posisyong maimpluwensyahan ang mundo, naniniwala ako na binigo namin kayo dahil sa pinahintulutan naming mangyari sa mundo ngayon. Nalagay kayo sa katayuan kung saan marami sa mga kahalubilo ninyo ay hindi napalaki nang may pang-unawa o paggalang sa nakaugaliang kagandahang-asal. Dahil dito, lalong tumindi at mahirap iwasan o tanggihan ang pamimilit ng barkada.
“Nag-uwi kami sa ating mga tahanan ng mga radyo, record player, at telebisyon. Bagama’t bawat isa ay may kakayahang maglaan ng makabuluhang libangan, marami sa mga produktong nilikha para pakinggan at panoorin natin ay walang kalidad na magbigay-inspirasyon o manghikayat sa mga kabataang lalaki. Sa katunayan, marami sa mga produkto ay nakapagpapababa ng pagkatao. Ang pagpindot sa isang switch sa inyong tahanan mismo ay may kakayahang sirain ang inyong pandamdam sa kung ano ang tama at ano ang mali” (“I Confer the Priesthood of Aaron,” (Ensign, Nob. 1985, 46).
Kapag mas maraming pagbabago sa mga bagay-bagay, lalong nananatiling gayon ang mga ito—maliban sa teknolohiya. Nagaganyak akong tanungin ang mga kabataan ng Aaronic Priesthood kung alam nila kung ano ang isang record player. Para sa mga hindi nakaaalam, ito ay isang bagay na dati-rati’y pinupuntahan namin sa sala at pinatutugtog upang makapakinig kami ng musika. Isipin ninyo iyan— kailangan namin itong puntahan, sa halip na dala-dalahin ito kahit saan kami naroon.
Itinuro ko rin sa apo kong si Terry, ang apat na aral na hango sa kuwento ni Daniel sa Lumang Tipan. Sinabihan ko siyang (1) panatilihing malusog at malinis ang kanyang katawan; (2) paunlarin ang kanyang isipan at maging matalino; (3) maging matatag at labanan ang tukso sa mundong puno nito; at (4) magtiwala sa Panginoon, lalo na kapag kailangan mo ang Kanyang proteksiyon.
Tinapos ko ang aking payo kay Terry sa mga salitang ito: “Ang mga kuwento sa mga banal na kasulatang ito ay hindi kailanman kukupas. Magiging kapana-panabik ang mga ito sa iyo kahit binabasa mo ang mga ito bilang deacon, teacher, priest, misyonero, home teacher, elders quorum president, o anuman ang ipagawa sa iyo ng Panginoon. Tuturuan ka ng mga ito na magkaroon ng pananampalataya, lakas ng loob, pag-ibig sa iyong kapwa-tao, kumpiyansa, at pagtitiwala sa Panginoon” (Ensign, Nob. 1985, 48).
Natutuwa akong iulat na si Terry ay naging tapat sa atas na ibinigay ko sa kanya 25 taon na ang nakalilipas. Natanggap niya kalaunan ang Melchizedek Priesthood, tapat na naglingkod sa misyon, kasalukuyang naglilingkod bilang pangulo ng elders quorum, at ama ng isang magandang anak na babae.
Maraming pagbabago sa nakalipas na 25 taon. Ang isa pang nangyari ay marami sa aking mga apo ang nagsilaki na at may kani-kaniya nang mga anak. Nitong tag-init nagkaroon ako ng pagkakataong tumayong kasama ng mga maytaglay ng priesthood at ipinatong ang aking mga kamay sa ulo ng aking panganay na apo-sa-tuhod habang iginagawad sa kanya ng kanyang ama ang Aaronic Priesthood. Kahit wala dito ang aking apo-sa-tuhod para tumayo sa tabi ko ngayon, gusto kong ipatungkol sa kanya ang mensahe ko at sa inyong lahat na kahanga-hangang mga kabataang lalaki na maytaglay ng Aaronic Priesthood.
Napakaespesyal na pagpapala ang tanggapin ang Aaronic Priesthood. Nakatala sa kasaysayan ang maluwalhating araw nang ipanumbalik ang priesthood sa lupa at nabigyan ang kalalakihan ng karapatang muling kumilos bilang mga kinatawan ng Diyos habang isinasagawa nila ang mga sagradong ordenansa ng priesthood. Noon ay Abril 15, 1829, nang dumating si Oliver Cowdery sa tahanan ni Joseph Smith sa Harmony, Pennsylvania. Nagtanong si Oliver sa Propeta tungkol sa kanyang gawain ng pagsasalin ng sinaunang tala, ang Aklat ni Mormon. Kumbinsido sa banal na katangian ng gawain, pumayag siyang magsilbing eskriba o tagasulat sa pagkumpleto ng pagsasalin. Mabilis na nagawa ang pagsasalin nang magsilbing eskriba si Oliver.
Noong Mayo 15, 1829, nakaabot na sina Joseph at Oliver sa 3 Nephi. Ang kasaysayan ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas na dumalaw sa Western Hemisphere, at Kanyang mga turo tungkol sa pagbibinyag ay nagbigay-sigla sa kanila. Habang binabasa nila ang 3 Nephi nagsimula silang mag-isip tungkol sa binyag. Ano ang tamang paraan ng binyag, at sino ang may karapatang magsagawa ng sagrado at nakapagliligtas na ordenansang ito? Hinangad nila ang sagot sa mahahalagang tanong na ito tungkol sa doktrina. Nagpasiya silang maghanap ng sagot sa pamamagitan ng panalangin, at nagpunta sila sa isang kalapit na lugar sa pampang ng Susquehanna River. Ibinuhos nila ang kanilang puso, at nabuksan sa kanila ang kalangitan. Isang anghel ang lumitaw, ang nagpakilala bilang Juan Bautista, at sinabikina Joseph at Oliver na kumikilos siya sa ilalim ng pamamahala nina Pedro, Santiago, at Juan na may hawak ng mas mataas na priesthood.(tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:72).
Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa kanilang ulunan, at sinabi: “Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at ng ebanghelyo ng pagsisisi, at ng pagbibinyag sa pamamagitan ng paglulubog para sa kapatawaran ng mga kasalanan; at ito ay hindi na muling kukunin sa mundo, hanggang ang mga anak na lalaki ni Levi ay mag-alay muli ng handog sa Panginoon sa kabutihan” (D at T 13:1).
Kalaunan muling ikinuwento ni Oliver ang pangyayari sa ganitong mga salita: “Subalit … mag-isip, saglit na mag-isip pa, anong ligaya ang pumuspos sa aming mga puso, at sa pagkabigla kami ay napaluhod, … nang aming matanggap sa ilalim ng kanyang kamay ang Banal na Pagkasaserdote” (talababa sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:71).
Matapos hintayin ng sangkatauhan sa loob ng maraming siglo ang panunumbalik ng awtoridad ng Diyos, ang kapangyarihan at kaluwalhatian ng banal na Aaronic Priesthood ay naibalik sa lupa. Sa bahagi 107 ng Doktrina at mga Tipan, nalaman natin kung bakit tinawag na mas mababang priesthood ang Aaronic Priesthood:
“Ang pangalawang pagkasaserdote ay tinatawag na Pagkasaserdoteng Aaron, dahil ito ay iginawad kay Aaron at sa kanyang binhi, sa lahat ng kanilang salinlahi.
“Kung bakit ito tinawag na nakabababang pagkasaserdote ay dahil sa ito ay kaakibat sa nakatataas, o ang Pagkasaserdoteng Melquisedec, at may kapangyarihan sa pangangasiwa sa mga panlabas na ordenansa. …
“Ang kapangyarihan at karapatan ng nakabababa, o Pagkasaserdoteng Aaron, ay hawakan ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel, at upang pangasiwaan ang mga panlabas na ordenansa, ang titik ng ebanghelyo, ang pagbibinyag ng pagsisisi para sa kapatawaran ng mga kasalanan, sang-ayon sa mga tipan at kautusan” (D at T 107:13–14; 20).
Hindi lamang natatanggap ng mga kabataang lalaki ng Aaronic Priesthood ang kapangyarihan at awtoridad na maging mga kinatawan ng Panginoon sa pagsasakatuparan ng kanilang mga tungkulin sa priesthood, kundi natatanggap nila ang mga susi ng paglilingkod ng mga anghel.
Mga kabataan ng Aaronic Priesthood, nagpapatotoo ako sa inyo na nakatali ang Panginoon sa taimtim na tipang pagpalain ang inyong buhay batay sa inyong katapatan. Kung pakikinggan ninyo ang tinig ng babala ng Espiritu Santo at susundin ang Kanyang patnubay, kayo ay bibiyayaan ng paglilingkod ng mga anghel. Ang pagpapalang ito ay magdaragdag ng karunungan, kaalaman, kapangyarihan, at kaluwalhatian sa inyong buhay. Ito ay tiyak na pagpapalang ipinangako sa inyo ng Panginoon.
Ilang buwan na ang nakararaan nakadalo ako sa fast at testimony meeting ng isang ward. Isa sa mga tumayo upang magbigay ng kanyang patotoo ang Aaronic priesthood adviser. Ang kanyang patotoo ay nagbigay sa akin ng bagong pagpapahalaga sa ibig sabihin ng paghawak ng isang maytaglay ng Aaronic Priesthood ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel.
Inilarawan ng adviser na ito ang ilan sa kanyang mga karanasan sa Aaronic priesthood ng ward nang umagang iyon. Habang naglalakad siya papunta sa simbahan napansin niya ang dalawang batang deacon na may dalang mga sobre ng handog-ayuno papunta sa mga tahanan ng mga miyembro. Humanga siya sa maayos nilang kasuotan sa araw ng Linggo at sa pagtupad nila sa kanilang tungkulin nang may dangal. Pagkatapos ay sinamahan niya ang dalawang priest upang mangasiwa ng sacrament sa isang bahay-kalinga para sa kalalakihang may kapansanan sa katawan at pag-iisip. Ito ang unang pagkakataon na nabisita ng dalawang binatilyo ang tahanang ito, at napansin ng kanilang adviser ang paggalang at pagmamalasakit sa pagtupad nila ng kanilang tungkulin sa priesthood.
Pagkatapos ay ibinahagi ng adviser ang maikling karanasan na labis na nakaantig sa kanyang puso, dahil ipinaalala sa kanya ng isa sa mga priest ang tunay na kahulugan ng pagiging tunay na ministro ni Jesucristo—literal na isang anghel na naglilingkod. Ang batang priest na nagpapasa ng tubig sa kongregasyon ay lumapit sa isang lalaking mukhang may matinding kapansanan na Down syndrome. Dahil sa kalagayan ng lalaki hindi niya mahawakan ang munting baso mula sa trey para inuman ito. Kaagad napansin ng batang priest ang sitwasyon. Inalalayan niya ng kanyang kaliwang kamay ang likuran ng ulo ng lalaki upang makainom ito, at gamit ang kanyang kanang kamay ay kumuha siya ng munting baso mula sa trey at dahan-dahang inilagay ito sa labi ng lalaki. Nabakas ang pasasalamat sa mukha ng lalaki—bakas ng pasasalamat ng isang taong natulungan at napaglingkuran ng kanyang kapwa. Pagkatapos ay itinuloy ng kahanga-hangang batang priest na ito ang kanyang tungkulin ng pagpapasa ng binasbasang tubig sa iba pang miyembro ng kongregasyon.
Ipinahayag ng adviser sa kanyang patotoo ang nadama niya sa nakaaantig na sandaling iyon. Sinabi niyang tahimik siyang naiyak sa kagalakan, at alam niyang ang Simbahan ay nasa mabubuting kamay ng mga batang ito na mapagmalasakit at masunuring maytaglay ng Aaronic Priesthood.
Si Pangulong Ezra Taft Benson ay minsang nagsabi: “Bigyan ninyo ako ng isang binatang pinapanatiling malinis ang kanyang moralidad at matapat na dumadalo ng kanyang mga miting sa Simbahan. Bigyan ninyo ako ng isang binatang nakaganap na mabuti sa kanyang tungkulin sa priesthood at nagkamit ng Gawad na Tungkulin sa Diyos at isang Eagle Scout. Bigyan ninyo ako ng isang binatang nakatapos ng seminary at nag-aalab ang patotoo sa Aklat ni Mormon. Bigyan ninyo ako ng ganitong uri ng binata, at bibigyan ko kayo ng binatang makagagawa ng mga himala para sa Panginoon habang nasa misyon at habang siya’y nabubuhay” (“To the ‘Youth of the Noble Birthright,’” Ensign, Mayo 1986, 45).
Mga magulang ng kagila-gilalas na mga kabataang lalaki at babaeng ito, iniaatas namin sa inyo ang sagradong tungkulin na ituro sa inyong mga anak ang mga doktrina ng banal na priesthood. Kailangang matutuhan ng inyong mga anak sa murang gulang ang pagpapala ng pagkakaroon ng walang hanggang priesthood ng Panginoon at kung ano ang kailangang gawin ng bawat isa sa atin upang maging marapat sa mga pagpapalang ito.
Mga bishop, nasa inyo ang mga susi ng priesthood upang pamunuan ang mga kabataan ng Aaronic Priesthood, upang maupo at makipagsanggunian sa kanila at ituro ang kanilang mga tungkulin sa priesthood. Mangyaring tiyakin na nauunawaan ng bawat kabataang lalaking karapat-dapat tumanggap ng Aaronic Priesthood ang mga obligasyon at pagpapalang dumarating sa kanya bilang maytaglay ng priesthood. Tulungan siyang gumanap na mabuti sa priesthood ngayon sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mahahalagang gawain at pagtulong sa kanya na maglingkod sa iba.
Mga kabataan, hinahamon ko kayo na gawing pundasyon ng inyong buhay ang katotohanan at kabutihan. Ito lamang ang pundasyon na mananatiling matatag sa kabila ng mga hamon ng buhay na ito at magtatagal hanggang sa walang hanggan. Ang taglay ninyong priesthood ay isang espesyal na kaloob, dahil ang nagbigay nito ay ang Panginoon. Gamitin ninyo ito, gampanang mabuti, at mamuhay nang marapat dito. Gusto kong malaman ninyo na ako ay may espesyal at personal na patotoo sa kapangyarihan nito. Napagpala nito ang aking buhay sa napakaraming paraan.
Hinahamon ko rin kayo na magpasiya ngayon na igalang ang dakilang pagpapalang ito at maghanda upang sumulong sa bawat katungkulan ng Aaronic Priesthood—deacon, teacher, at priest. Ihanda ang inyong sarili sa mas malaking pagpapala ng pagtanggap ng Melchizedek Priesthood, kung saan kailangang karapat-dapat kayo na matanggap ito bago kayo maglingkod bilang full-time missionary. Nais ng Panginoon na ihanda ninyo ang inyong sarili para makapaglingkod sa Kanya, lalo na ang malaking responsibilidad na mapapasainyo sa pangangaral ng Kanyang ebanghelyo sa mundo. Ipinapangako ko na kung maghahanda kayo sa pagtanggap ng Kanyang banal na priesthood, literal na ibubuhos Niya ang mga pagpapala sa inyong ulunan. Iniiwan ko ang patotoong ito sa pangalan ng ating Panginoon at Tagapagligtas, maging si Jesucristo, amen.