Mga Salamin ng Kawalang-Hanggan ng Templo: Isang Patotoo ng Pamilya
Makakatulong ang walang hanggang pananaw ng pagbabalik-loob sa ebanghelyo at mga tipan sa templo para makita natin ang saganang mga pagpapala sa bawat henerasyon ng ating walang hanggang pamilya.
Mahal kong mga kapatid, noong nasa Provo Missionary Training Center ang anak naming lalaki, nagpadala ng bagong lutong tinapay sa koreo si Sister Gong para sa kanya at mga kompanyon niya. Narito ang ilang natanggap na maiikling sulat ng pasasalamat ng mga missionary kay Sister Gong. “Sister Gong, lasang luto ng nanay ko ang tinapay na iyon.” “Sister Gong, ang masasabi ko lang ay wow. Ang tinapay na iyon ang pinakamasarap na pagkaing nakain ko mula noong kumain ako ng enchilada ng nanay ko sa bahay.” Pero ito ang paborito ko: “Sister Gong, napakasarap ng tinapay.” Pagkatapos ay pabiro niyang idinagdag, “Alalahanin po ninyo ako kapag hindi na po kayo ni Mr. Gong.”
Mahal namin ang aming mga missionary—bawat elder, sister, and senior couple. Walang hanggan ang pasasalamat namin sa espesyal na missionary na iyon na unang naghatid ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Buong pasasalamat kong pinatototohanan na makakatulong ang walang hanggang pananaw ng pagbabalik-loob sa ebanghelyo at mga tipan sa templo para makita natin ang saganang mga pagpapala sa bawat henerasyon ng ating walang hanggang pamilya.
Ang unang nabinyagan sa pamilya Gong sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang aming inang si Jean Gong. Noong tinedyer siya sa Honolulu, Hawaii, nakinig siya; nalaman niya; nabinyagan siya at nakumpirma; patuloy siyang sumasampalataya. Tinulungan ng matatapat na miyembro ng Simbahan ang aking ina na magkaroon ng mga kaibigan sa ebanghelyo, mga katungkulan sa Simbahan, at patuloy siyang mapalakas ng mabuting salita ng Diyos. Sa madaling salita, bawat bagong binyag, young single adult, yaong nagbabalik sa pagkaaktibo sa Simbahan, at iba pa ay nagpapala sa mga henerasyon kapag naging miyembro sila sa sangbahayan ng Diyos.1
Ang pamilya ni Gerrit de Jong, Jr. ay isa sa mga nagpalakas sa aking ina sa Simbahan . Isang linguist na nagmahal sa wika ng puso at Espiritu, kinikiliti ni Lolo de Jong ang aking imahinasyon noong bata pa ako tulad sa pagsasabi niya ng “Ang mga blackberry kapag mapula ito ay mura pa.” Ngayon, patungkol sa mga electronic handheld device, sinasabi ko sa mga kabataang kaibigan ko, “Kapag ang Blackberry sa Simbahan, binabasa ang bishop ay namumula.”
Ang mga magulang ko, sina Walter at Jean Gong, ay tatlong beses ikinasal: sa isang seremonyang Instik para sa pamilya, sa isang seremonyang Amerikano para sa mga kaibigan; at sa isang seremonyang banal sa bahay ng Panginoon para sa buhay na ito at sa kawalang-hanggan.
Kinakanta ng ating mga batang Primary: “Templo’y ibig makita. Doon ay pupunta.”2 Ang ating mga kabataan ay nangangakong “tanggapin ang mga ordenansa sa templo.”3
Kamakailan ay tumayo ako sa bahay ng Panginoon kasama ang isang matapat na mag-asawa para tumanggap ng mga pagpapala sa pamamagitan ng tipan. Hinamon ko silang patagalin nang 50 taon ang unang pulutgata nila; at pagkaraan ng 50 taon, simulan nila ang ikalawang pulutgata nila.
Kasama kong tumingin ang magandang mag-asawang ito sa mga salamin ng templo—sa dalawang magkaharap na salamin. Mababanaag sa dalawang magkaharap na salaming ito ng templo ang mga larawang tila umaabot sa kawalang-hanggan.
Ang mga salamin ng kawalang-hanggan ng templo ay nagpapaalala sa atin na bawat nilalang ay may “banal na katangian at tadhana;” “ang mga sagradong ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao upang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan”;4 at, sa pagyabong ng pagmamahalan at katapatan, mabibigyan natin ng pundasyon at inspirasyon ang mga bata.
Sa mga salamin ng kawalang hanggan ng templo, pinagmuni-munihan ko ang tungkol kay Unang Dragon Gong, na isinilang noong a.d. 837 (huling bahagi ng Tang dynasty) sa katimugang Tsina at ang sumunod na mga henerasyon ng pamilya Gong hanggang sa aking ama, ang ika-32 nakatalang henerasyon ng aming angkan. Ako at ang kapatid kong lalaki at kapatid kong babae ay nasa ika-33 henerasyon ng aming angkan; ang aking mga anak at kanilang mga pinsan, ay nasa ika-34 na henerasyon; ang aming apo, sa ika-35 nakatalang henerasyon ng angkang Gong. Sa mga salamin ng kawalang-hanggan ng templo, hindi ko makita ang simula o wakas ng mga henerasyon.
Pagkatapos inisip ko hindi lamang ang pagkakasunud-sunod ng mga henerasyon, kundi pati na rin ang pagkakasunud-sunod ng mga kaugnayan sa pamilya. Sa isang direksyon, nakita ko ang sarili ko bilang anak, apo, kaapu-apuhan, pabalik sa Unang Dragon Gong. Sa mga salamin sa kabilang direksyon, nakita ko ang sarili ko bilang ama, lolo, at lolo sa tuhod. Nakita ko ang asawa kong si Susan bilang anak, apo, apo sa tuhod at, sa kabilang direksyon, bilang ina, lola, lola sa tuhod.
Sa mga salamin ng kawalang-hanggan ng templo, naunawaan ko ang aking asawa at ako bilang mga anak sa aming mga magulang at mga magulang sa aming mga anak, bilang mga apo sa aming mga lolo’t lola at mga lolo’t lola sa aming mga apo. Ang magagandang aral sa buhay ay nagpapadalisay sa ating kaluluwa habang natututo at nagtuturo tayo sa ating ng mga walang hanggang papel, kabilang na ang pagiging anak at magulang, magulang at anak.
Sa mga banal na kasulatan inilarawan ang ating Tagapagligtas bilang “ang Ama at ang Anak.”5 Nagkatawang-tao ngunit ipinasakop ang laman sa kalooban ng Ama, alam ng ating Tagapagligtas kung paano tayo tutulungan, na Kanyang mga tao, sa ating mga pagsurusa, paghihirap, tukso, karamdaman, maging kamatayan.6 “Nagpakababa-baba sa lahat ng bagay,”7 mapapasan ng ating Tagapagligtas ang ating mga pagdurusa at madadala ang ating mga kalungkutan. “Nasugatan dahil sa ating mga paglabag, … babugbog dahil sa ating mga kasamaan, … ; [sa Kanyang ] mga latay ay nagsigaling tayo.”8
Mula sa mga kapulungan sa langit, hinangad lamang sundin ng ating Tagapagligtas ang kalooban ng Kanyang Ama. Ang huwarang ito ng Ama at Anak ay maipapaliwanag ang magkasalungat na pahayag na “ang mawalan ng buhay dahil sa akin ay makasusumpong niyaon.”9 Hangad ng mundo ay ang pansariling interes. Subalit wala tayong kapangyarihang iligtas ang ating sarili. Kundi nasa Kanya. Walang katapusan at walang hanggan,10 tanging ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ang nakahihigit sa panahon at kalawakan upang daigin ang kamatayan, galit, kapaitan, kawalang-katarungan, kalumbayan, at pagkawasak ng puso.
Kung minsan hindi pa rin maganda ang mga nangyayari kahit ginawa na natin ang lahat. Isang Korderong walang malay at dalisay, nananangis ang Tagapagligtas para sa atin. Kapag lagi nating Siyang aalalahanin,11 makakasihan Niya tayo “sa lahat ng panahon, sa lahat ng bagay at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] naroroon.”12 ang Kanyang “katapatan ay higit na mas matibay kaysa sa mga gapos ng kamatayan.”13 Isa paglapit sa Kanya, inilalapit din tayo ng ating Tagapagligtas sa ating Ama sa Langit. Bagama’t may ilang bagay na hindi perpekto sa lupa, mapagtitiwalaan natin ang ating Ama sa Langit na tapusin ang “hangaring tayo’y matubos, [kung saan] pag-ibig, awa at katarungan ay nagtutugma nang lubos!”14
Ang isang himala ng mga larawang nahihiwatigan natin sa mga salamin ng kawalang-hanggan ng templo ay na sila—tayo—ay maaaring magbago. Nang pumasok sina Jean at Walter Gong sa bago at walang hanggang tipan, binuksan nila ang daan para ang mga ninuno (tulad ng Unang Dragon Gong) na mabuklod at ang mga inapo ay maisilang sa tipan. Tandaan sana ninyo: kapag tinulungan natin ang isang kapatid, pinagpapala natin ang mga henerasyon.
Nagkakagulo sa mundo,15 ngunit sa Kanyang “nag-iisang tunay at buhay na Simbahan,”16 may pananampalataya at walang takot. Sa mga salita ni Apostol Pablo, taimtim ko ring pinatototohanan:
“Sapagka’t ako’y nanainiwala nang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, …
“Kahit ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”17
Mapakumbaba akong sumasaksi: ang Diyos ay buhay. “Papahirin Niya ang lahat ng luha sa [ating] mga mata”18—maliban sa mga luha ng kagalakan kapag tumingin tayo sa mga salamin ng kawalang-hanggan ng templo at makita na tayo ay nakauwi, dalisay at malinis, nabuklod ang mga henerasyon ng ating angkan ng awtoridad ng priesthood sa pagmamahalan, na sumisigaw,“Hosana, hosana, hosana.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.