Maging Uliran ng mga Nagsisisampalataya
Nais ko kayong anyayahan na “maging uliran ng mga nagsisisampalataya … sa pananampalataya [at] sa kalinisan.”
Di pa katagalan, isinilang ang munting si Ruby sa aming pamilya. Habang tinitingnan ko ang kanyang maamong mukha, namangha ako sa kaalamang bago siya pumarito sa mundo ay nabuhay siya sa piling ng ating Ama sa Langit. Tinanggap niya ang Kanyang dakilang plano ng kaligayahan at piniling sumunod sa Kanya at kay Jesucristo, ang ating Tagapagligtas.1 Dahil sa kanyang desisyon, pinahintulutan siyang pumarito sa daigdig upang maranasan ang mortalidad at sumulong tungo sa buhay na walang hanggan. Sa pagsasanib ng kanyang espiritu at katawan, sinimulan ni Ruby ang kanyang pag-aaral kung saan patutunayan niya ang kanyang sarili, pipiliing sundin si Cristo, at maghahanda upang maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan.
Pumarito si Ruby sa mundong ito na dalisay, ngunit bilang bahagi ng plano siya ay haharap sa mga pagsubok at tukso at siya ay makagagawa ng mga pagkakamali. Gayunman, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, mapatatawad si Ruby, makatatanggap ng ganap na kagalakan, at magiging dalisay na muli—handang mabuhay nang walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.
Ilang oras mula nang isilang siya, nagkaroon ako ng pribilehiyong kargahin ang minamahal na batang ito. Sabi ko sa kanyang ina, “Ah, dapat nating turuan si Ruby kung paano maging marangal na babae, dalisay at walang katumbas ang halaga tulad ng ipinapahiwatig ng kanyang pangalan.”2
Sumagot ang kanyang ina, “Sinisimulan ko na po ngayon.”
Ano ang gagawin ng ina ni Ruby para “makapagsimula ngayon?” Bilang mga magulang, lolo’t lola, at mga lider paano natin masisimulan at mapananatili ang ating mga anak—ang ating kabataan—sa landas tungo sa buhay na walang hanggan? Dapat tayong “maging uliran ng mga nagsisisampalataya.”3
Sinabi ng propetang si Brigham Young: “Hindi natin dapat tulutan ang ating sarili na gawin ang anumang bagay na ayaw nating makitang ginagawa ng ating mga anak. Dapat tayong magpakita [sa kanila] ng halimbawa na nais nating gayahin nila.”4Bawat isa sa atin ay maaaring magsimula ngayon sa pagiging mabuting halimbawa.
Ngayon nais ko kayong anyayahan na “maging uliran ng mga nagsisisampalataya … sa pananampalataya [at] sa kalinisan”5—dalawang alituntuning kailangan sa kaligtasan.
Maging uliran ng mga nagsisisampalataya sa pananampalataya. Palakasin lagi ang inyong sariling pananampalataya at patotoo kay Jesucristo, upang maging handang magpatotoo sa salita at halimbawa sa inyong mga anak.
Ikukuwento ko sa inyo ang isang kahanga-hangang ina na ang buhay ay halimbawa ng pananampalataya. Noong si Propetang Joseph Smith ay batang-bata pa, nakita at natutuhan niya ang pananampalataya sa Diyos mula sa kanyang ina, si Lucy Mack Smith. Nakahanap ng mga kasagutan si Lucy sa pamamagitan ng pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan,6 at ginawa rin ito ni Joseph, at bumaling sa Biblia upang magabayang tulad ng kanyang ina noon.7
Nilutas din ni Lucy ang mga problema ng pamilya sa pamamagitan ng sarilinang pagdarasal sa Panginoon na tulungan siya. Isang araw, nang di magkasundo ang pamilya hinggil sa relihiyon, sinabi ni Lucy na siya ay “nagtungo sa malagong taniman ng mga puno ng cherry sa di kalayuan at nanalangin sa Panginoon.”8
Nanalangin din si Lucy taglay ang matinding pananampalataya nang magkaroon siya ng mga problema sa kalusugan, noong halos maputulan ng paa si Joseph dahil sa osteomyelitis, at nang halos mamatay ang kapatid ni Joseph na si Sophronia, dahil satipus. Ito ang isinulat ni Lucy tungkol sa sakit ni Sophronia: “Minasdan ko ang aking anak. … Mahigpit kaming naghawak-kamay ng aking asawa at lumuhod sa tabi ng kama at ibinuhos ang aming pagdadalamhati at pagsusumamo [sa Panginoon].”9 Nabuhay si Sophronia. Tiwala akong nasaksihang madalas ng mga anak ni Lucy ang kanyang pagdarasal nang may pananampalataya at pagtanggap ng mga sagot sa mga panalanging iyon.
May pananampalatayang humingi ng patnubay si Lucy, at si Joseph ay nagtungo rin sa isang kakahuyan, kung saan nanalangin siya nang may pananampalataya, naghahangad ng kasagutan mula sa Panginoon tulad ng kanyang ina.
Tulad ni Lucy, dapat nating ipakita sa ating mga anak at sa kabataan kung paano palakasin ang kanilang pananampalataya at patotoo kay Jesucristo sa pagpapalakas ng sarili nating pananampalataya at patotoo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pananalangin, nang mag-isa at nang kasama sila.
Di tulad ni Lucy, mapalad tayo ngayong magkaroon ng aklat bukod pa sa Biblia. Nasa atin ang mga banal na kasulatan sa mga huling araw at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw na magiging “gabay sa ating buhay”10sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin ang tungkol sa mga taong nasa landas na “patuloy na humahawak nang mahigpit sa gabay na bakal,”11 at inihahalintulad ito sa “salita ng Diyos.”12 Sa mundo ngayon na puno ng tukso, ang “[paghawak] nang mahigpit” ay malaking hamon, dahil sinisikap ni Satanas sa kanyang mapanlinlang na paraan na ilayo tayo sa mga landas ng Diyos. Kung ang isang kamay natin ay nasa gabay na bakal at ang isang kamay ay nasa daigdig, inilalagay natin ang ating mga anak at kabataan sa panganib na malihis ng landas. Kung ang ating halimbawa ay nakalilito, sabi nga ni Jacob ay nawawala sa atin “ang tiwala ng [ating] mga anak, dahil sa [ating] masasamang halimbawa.”13
Mga magulang, lolo’t lola, at mga lider, kailangang malinaw ang inyong mensahe. Magkakaroon lamang ng kalinawan kung parehong nakakapit ang mga kamay sa gabay na bakal at ipinamumuhay ang mga katotohanang nasa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Maaaring hindi kayo nagpapalaki ng isang propeta tulad ni Lucy noon, ngunit tiyak na kayo ay nagpapalaki ng mga kasunod na mamumuno, at tulad niya ang inyong mga kilos ay malinaw na makaiimpluwensya sa kanilang pananampalataya.
Susunod, maging uliran ng mga nagsisisampalataya sa kadalisayan. Ang tanging paraan upang maging dalisay tayo ay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas. Para sa bawat isa sa atin, ang proseso ng pagiging dalisay ay nagsisimula sa pananampalataya, pagsisisi, at sa ating unang tipan sa binyag.
Upang tulungan ang ating mga anak na maipamuhay ang kanilang mga tipan sa binyag, ipinayo ni Elder Robert D. Hales: “Itinuturo natin na sa sandaling umahon sila sa tubig [ng binyag], ay iiwan nila ang makamundong bagay at tatahak tungo sa kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng tipan, sumasang-ayon silang sundin ang Kanyang mga utos.”14
“Ipinasailalim tayo ng mga tipan sa matinding obligasyon na tuparin ang mga ipinangako natin sa Diyos. Para matupad ang ating mga tipan, kailangan nating talikuran ang mga aktibiti o kinahihiligan na humahadlang sa atin sa pagtupad sa mga tipang iyon.”15
Ang Para sa Lakas ng mga Kabataan ay napakagandang materyal upang tulungan ang kabataan na maunawaan ang sagradong obligasyon ng paggawa ng tipan at ang mga pagpapala ng kalinisang-puri na nagmumula sa pagtupad ng tipan. Naglalaman ito ng mga salita ng mga propeta sa mga huling araw—ang gabay na bakal na ligtas na gagabay sa kanila sa makipot at makitid na landas, upang ilayo sila sa mga patibong ni Satanas na makaaantala sa kanilang pagsulong. Sa aklat na ito, malalaman din ninyo ang maraming pagpapala na nagmumula sa pagsunod at paghahangad sa anumang “marangal, [at] kaaya-aya.”16
Mga magulang, magkaroon ng sariling kopya ng buklet na ito at basahin ito nang madalas. Ipamuhay ninyo mismo ang mga pamantayan. Masinsinan ninyong pag-usapan ng mga kabataan ang ebanghelyo na tutulong sa kanilang hangaring ipamuhay at tuklasin sa kanilang sarili ang kahulugan at layunin ng mga pamantayan.
Ang mga pamantayang matatagpuan sa bahaging “Libangan at ang Media” at “Pananamit at Kaanyuan” ay maaaring mahirap sundin dahil nagiging taliwas na ang mga ito sa pamantayan ng mundo.
Dapat tayong maging halimbawa ng pagiging marangal at kaaya-aya sa mga pinipili nating media. Dapat nating siguruhin na ang media na pinapapasok natin sa ating mga tahanan ay hindi hadlang sa pagdama sa Espiritu, hindi nakasisira sa samahan natin sa ating pamilya at mga kaibigan, o kaya’y nagpapakita ng pansariling prayoridad na hindi akma sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Sa pamamagitan ng halimbawa matutulungan natin ang ating mga anak na maunawaan na ang pag-uukol ng mahabang oras sa pakikipag-ugnayan gamit ang Internet, social media, at mga cell phone; paglalaro ng video game; o panonood ng telebisyon ay naglalayo sa atin sa makabuluhang mga aktibidad at mahalagang pakikipag-ugnayan sa iba.
Nagiging halimbawa din tayo ng pagiging marangal at kaaya-aya sa ating pananamit at kaanyuan. Bilang mga tao ng tipan may responsibilidad tayong pangalagaan, protektahan, at damitan nang angkop ang ating mga katawan. Dapat nating tulungan ang ating mga anak at mga kabataan na maunawaan na iginagalang natin ang ating mga katawan bilang mga templo at mga kaloob ng Diyos.17 Nagpapakita tayo ng halimbawa kung tatanggi tayong bumili o magsuot ng mahalay na damit na hapit na hapit, napakanipis, o mapang-akit sa anumang paraan.
Ang mga tumutupad ng tipan ay nagsisikap na maging masunurin “sa lahat ng panahon … at sa lahat ng lugar”18 dahil sa kanilang pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang ipinangakong mga pagpapala. Isang gabi, habang naglalakad kami ng aking asawa, nadaanan namin ang isang salu-salo sa kasalan. Hindi namin kilala ang mga taong ito, subalit nakita ko kaagad na marangal sila. Ang mga pinili nilang musika at pananamit ay kaaya-aya. Kitang-kita ang disenteng trahe-de-boda ng babae, gayundin ang damit ng mga abay. Pinili ng pamilya na huwag haluan ng makamundong bagay ang kabanalan ng araw na iyon.
Ngayon, may sasabihin ako sa mga kabataan ng ating Simbahan. Salamat sa inyong mabubuting halimbawa sa inyong mga kaibigan, guro, lider, at mga pamilya. Alam ko na marami sa inyo ang kayo lang ang miyembro ng Simbahan sa inyong pamilya. Marahil mag-isa lang kayong nagsisimba. Pinupuri ko ang inyong katapatan at mabuting halimbawa. Maging matiyaga at patuloy na mamuhay nang matwid. Maraming makatutulong sa inyo. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kahit ang isang ulirang pamilya … ay magagamit ang lahat ng tulong na makukuha nila sa mabubuting lalaki [at babae] na tunay na nagmamalasakit.”19
Hanapin sa inyong ward at stake ang mga lider at kaibigan na mga uliran ng mga nagsisisampalataya at matuto mula sa kanila.
Noong dalagita ako, may mga halimbawa ako ng mga mananampalataya. Bukod sa mga magulang ko, isa sa kanila ang aking Tita Carma Cutler. Tandang-tanda ko pa nang magsalita siya sa standards night ng stake noong ako ay 16 na taong gulang. Itinuro niya ang kahalagahan ng kalinisang-puri at pagiging karapat-dapat na makasal sa templo. Naantig ako nang lubos sa kanyang patotoo. Nakita ko ang kanyang marangal na pamumuhay mula pa noong bata ako, at alam kong ginagawa niya ang kanyang itinuturo. Gusto kong sundan ang kanyang halimbawa.
Mga kabataan, kayo ay maaaring magsimula ngayon sa pamamagitan ng pagiging uliran ng mga nagsisisampalataya sa pananampalataya at sa kalinisang-puri. Palakasin ang inyong pananampalataya at patotoo araw-araw sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal. Tuparin ang inyong tipan sa binyag, na magpapanatili sa inyong dalisay at karapat-dapat sa paggabay ng Espiritu Santo. Maaari na kayong magsimula ngayon na maging halimbawang tutularan ng iba.
At malay ninyo—baka kayo ang halimbawang kakailanganin ng aking munting si Ruby balang-araw. Sa ngayon, napakaganda ng pagsisimula ni Ruby sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Ang kanyang mga magulang ay nagpapakita ng mga pamantayan ng kabutihan sa kanyang tahanan, sinisimulan ang bawat araw sa pasiya na maging mga uliran ng mga nagsisisampalataya. Umaaasa kami, na gamit ang kanyang kalayaan, pipiliin ni Ruby na sumunod.
Nagpapasalamat ako sa plano ng kaligayahan, at pinatototohanan ko na ito ang tanging paraan upang si Ruby—at ang bawat isa sa atin—ay maging dalisay na muli, at mabuhay magpakailanman sa piling ng ating Ama sa Langit. Nawa’y magsimula tayong lahat ngayon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.