Kapahingahan ng Inyong mga Kaluluwa
Kabilang sa kapahingahan ng ating kaluluwa ang kapayapaan ng puso’t isipan, na mga bunga ng pag-aaral at pagsunod sa doktrina ni Cristo.
Sa kabayanan ng Gothenburg, Sweden, may isang maluwang na lansangang maraming magagandang puno sa magkabilang tabi. Isang araw nakakita ako ng butas sa isa sa malalaking puno, kaya inusisa ko ang loob at nakita ko na hungkag ito. Hungkag nga, pero may laman! Puno ito ng sari-saring basura.
Nagulat ako dahil nakakatayo pa ang puno. Kaya tumingala ako at nakita ko ang isang malapad na sinturong bakal na nakatali sa itaas na bahagi ng katawan nito. May mga alambreng nakakabit sa sinturon, at nakatali at nakaangkla naman ang mga ito sa malalapit na gusali. Mula sa malayo wala itong ipinagkaiba sa ibang mga puno; sa pagsilip lang sa loob malalaman ng isang tao na hungkag ito sa halip na magkaroon ng buo at matatag na katawan. Ilang taon bago iyon may nagpasimula ng proseso ng paghina ng katawan nito nang paunti-unti. Hindi ito nangyari sa loob ng magdamag. Gayunman, tulad ng pagtubo nang paunti-unti ng mga batang puno hanggang sa maging matibay itong puno, maaari din tayong lumakas nang paunti-unti sa kakayahan nating maging matatag at buo sa loob at labas, kumpara sa hungkag na puno.
Sa pamamagitan ng nagpapagaling na Pagbabayad-sala ni Jesucristo magkakaroon tayo ng lakas na tumayo nang tuwid at matatag at mapuspos ang ating kaluluwa—ng liwanag, pag-unawa, kagalakan, at pagmamahal. Ang Kanyang paanyaya ay para sa “lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33). Ang pangako Niya ay:
“Magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.
“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa” (Mateo 11:28–29).
Tungkol sa kapahingahang ito, sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith: “Sa aking isipan, ang ibig sabihin nito ay pagpasok sa kaalaman at pag-ibig ng Diyos, na may pananampalataya sa kanyang layunin at sa kanyang plano, hanggang sa puntong nalalaman natin na tama tayo, at na hindi na tayo naghahanap pa ng iba, hindi tayo nagagambala ng magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, o sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian. Nalalaman natin na ang doktrinang ito ay sa Diyos, at hindi na tayo nagtatanong pa ng kahit ano sa kahit kanino ng tungkol dito. Sila ay may karapatan na magbigay ng kanilang opinyon o ideya at ng kanilang mga di-inaasahang pagtugon. Ang taong nakarating sa gayong antas ng pananampalataya sa Diyos na ang lahat ng pag-aalinlangan at takot ay naiwaksi na mula sa kanya, ay nakapasok na sa “kapahingahan ng Diyos’” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1998], 65–66).
Kabilang sa kapahingahan ng ating kaluluwa ang kapayapaan ng puso’t isipan, na mga bunga ng pag-aaral at pagsunod sa doktrina ni Cristo, at pagiging mga kamay ni Cristo sa paglilingkod at pagtulong sa iba. Ang pagsampalataya kay Jesucristo at pagsunod sa Kanyang mga turo ay nagbibigay sa atin ng matibay na pag-asa, at ang pag-asang ito ay nagiging matibay na sandigan ng ating kaluluwa. Magiging matatag tayo at di-natitinag. Maaari tayong magkaroon ng walang hanggang kapayapaan ng kalooban; makakapasok tayo sa kapahingahan ng Panginoon. Kung tatalikod tayo sa liwanag at katotohanan saka lamang natin madarama, gaya ng sa puno, ang kahungkagan ng kalooban sa kaibuturan ng ating kaluluwa, at baka tangkain pa nating punan ang kahungkagang iyon ng mga bagay na walang kabuluhan.
Kung iisipin natin ang buhay bilang mga espiritung anak bago tayo pumarito sa lupa at ang imortalidad sa kabilang buhay, ang buhay na ito ay tunay na napakaikli.
Gayunman, ito ay isang araw ng pagsubok, ngunit isa rin itong araw ng mga pagkakataon kapag pinili nating sundin ang paanyayang huwag sayangin ang mga araw ng ating pagsubok (tingnan sa 2 Nephi 9:27). Ang mga ideyang nananahan sa ating isipan, ang mga damdamin sa ating puso, at lahat ng bagay na pinipili nating gawin ay may epektong umiimpluwensya sa atin, kapwa sa buhay na ito at sa kabilang buhay.
Ang nakakatulong na gawi ay itaas ang ating tingin araw-araw upang mapanatili ang walang hanggang pananaw sa mga bagay na ipinaplano at ginagawa natin, lalo na kung mapansin natin ang hilig nating maghintay hanggang kinabukasan para gawin ang alam nating dapat nang gawin habang buhay pa tayo ngayon.
Sa ating buhay tinutulungan tayo sa ating mga pagpili sa pamamagitan ng nagpapalakas na impluwensya ng Espiritu. Ngayon, kung pipiliin nating kumilos nang salungat sa liwanag at pag-unawang nasa atin, makokonsensya tayo, na mangyari pa ay hindi magandang pakiramdam. Ngunit ang makonsensya ay isang pagpapala dahil agad tayong napapaalalahanan na panahon na upang magsisi. Kapag tayo ay mapakumbaba at hangad nating gawin ang tama, masasabik tayong kumilos kaagad para baguhin ang ating mga gawi, habang yaong mga mapagmataas at naghahangad na “maging isang batas sa [sarili]” (D at T 88:35) ay hinahayaan si Satanas na akayin “sila sa kanilang leeg, sa pamamagitan ng de-ilong lubid, hanggang sa maigapos niya sila ng kanyang matitibay na lubid magpakailanman” (2 Nephi 26:22) maliban kung maisip nilang magsisi nang taos. Ang pagsunod sa masasamang impluwensya ay hindi kailanman magbubunga ng kapayapaan ng damdamin dahil ang kapayapaan ay kaloob ng Diyos at dumarating lamang sa pamamagitan ng Espiritu ng Diyos. “Ang kasamaan ay hindi kailanman kaligayahan” (Alma 41:10).
Sa araw-araw nating pagkilos, madalas ay maliliit at mga simpleng bagay ang may matagalang epekto (tingnan sa Alma 37:6–7). Ang ating sinasabi, ang ating ikinikilos, at ang pinipili nating pagtugon ay makakaimpluwensya hindi lamang sa atin kundi maging sa mga nakapaligid sa atin. Makapagpapasigla tayo, o makakapanira tayo. Isang simple at positibong halimbawa ang kuwento tungkol sa aking lola. Pinabili niya ng itlog ang isa sa mga musmos niyang anak. Patalun-talon sigurong naglakad sa daan ang pinagkatiwalaang anak, at karamihan sa mga itlog ay basag pag-uwi nito sa bahay. Naroon ang isang kaibigan ng pamilya at pinayuhan ang lola ko na pagalitan ang bata dahil masama ang ginawa nito. Sa halip, payapa at matalinong sinabi ni Lola, “Hindi, hindi naman niyon mabubuong muli ang mga itlog. Gagamitin lang natin ang magagamit natin at gumawa na lang tayo ng ilang bibingkang makakain nating lahat.”
Kapag natuto tayong harapin ang maliliit at simpleng bagay sa araw-araw sa matalino at inspiradong paraan, magbubunga ito ng positibong impluwensyang magpapatibay sa pagkakasundo sa ating mga kaluluwa at magpapatatag sa mga nakapaligid sa atin. Ito ay dahil lahat ng bagay na nag-aanyayang gumawa tayo ng mabuti, “ay isinugo sa pamamagitan ng kapangyarihan at kaloob ni Cristo; kaya nga malalaman [natin] na may ganap na kaalaman na iyon ay sa Diyos” (Moroni 7:16).
Ngayon, wala na ang hungkag na punong ikinuwento ko sa inyo. Ilang kabataan ang naglagay ng mga paputok sa butas niyon, na siyang ikinasunog nito. Hindi na ito maisalba at kinailangan nang putulin. Mag-ingat sa mga bagay na sisira sa loob hanggang sa labas, malaki man ito o maliit! Maaari itong magkaroon ng mapaminsalang epekto at maging dahilan ng espirituwal na kamatayan.
Sa halip ay magtuon tayo sa mga bagay na magpapanatili ng walang katapusang kapayapaan sa puso’t isipan. Sa gayon ang ating “pagtitiwala [ay] lalakas sa harapan ng Diyos” (D at T 121:45). Ang pangakong makapasok sa kapahingahan ng Panginoon, na makatanggap ng kaloob na kapayapaan, ay ibang-iba sa pansamantala at makamundong kasiyahan. Tunay ngang ito ay kaloob ng langit: “Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:27). May kapangyarihan Siyang magpagaling at magpatatag ng kaluluwa. Siya si Jesucristo, na aking pinatototohanan sa pangalan ni Jesucristo, amen.