Mga Banal na Kasulatan
2 Nephi 9


Kabanata 9

Ipinaliwanag ni Jacob na ang mga Judio ay titipunin sa lahat ng kanilang lupang pangako—Tutubusin ng Pagbabayad-sala ang tao mula sa Pagkahulog—Babangon ang katawan ng mga patay mula sa libingan, at ang kanilang mga espiritu mula sa impiyerno at paraiso—Sila ay hahatulan—Ang Pagbabayad-sala ay nagliligtas mula sa kamatayan, sa impiyerno, sa diyablo, at sa walang hanggang pagdurusa—Ang mga matwid ay maliligtas sa kaharian ng Diyos—Ang mga parusa sa mga kasalanan ay itinakda—Ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan. Mga 559–545 B.C.

1 At ngayon, mga minamahal kong kapatid, binasa ko ang mga bagay na ito upang malaman ninyo ang hinggil sa mga tipan ng Panginoon na kanyang itinipan sa buong sambahayan ni Israel—

2 Na siya ay nangusap sa mga Judio, sa pamamagitan ng bibig ng kanyang mga banal na propeta, maging mula sa simula, sa bawat sali’t salinlahi, hanggang sa dumating ang panahon na sila ay maipanumbalik sa tunay na simbahan at kawan ng Diyos; kung kailan titipunin sila pauwi sa mga lupaing kanilang mana, at makapanahan sa lahat ng kanilang mga lupang pangako.

3 Dinggin, mga minamahal kong kapatid, sinasabi ko sa inyo ang mga bagay na ito upang kayo ay magsaya, at maitaas ang inyong mga ulo magpakailanman, dahil sa mga pagpapalang ipagkakaloob ng Panginoong Diyos sa inyong mga anak.

4 Sapagkat nalalaman kong nagsaliksik kayo nang mabuti, marami sa inyo, upang malaman ang mga bagay na mangyayari; kaya nga, alam kong nalalaman ninyo na ang ating laman ay tiyak na manghihina at mamamatay; gayunman, sa ating mga katawan ay makikita natin ang Diyos.

5 Oo, alam kong nalalaman ninyo na sa katawan ay ipakikita niya ang kanyang sarili sa kanila na nasa Jerusalem, na ating pinanggalingan; sapagkat kinakailangang iyon ay sa kanila; sapagkat minamarapat ng dakilang Lumikha na tulutan niya ang kanyang sarili na magpasailalim sa tao sa laman, at mamatay para sa lahat ng tao, upang ang lahat ng tao ay mapasailalim sa kanya.

6 Sapagkat sumapit ang kamatayan sa lahat ng tao, upang matupad ang maawaing plano ng dakilang Lumikha, talagang kinakailangang magkaroon ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli, at ang pagkabuhay na mag-uli ay talagang kinakailangang mapasa-tao dahil sa pagkahulog; at ang pagkahulog ay dumating dahil sa paglabag; at dahil ang tao ay nahulog, sila ay itinakwil mula sa harapan ng Panginoon.

7 Samakatwid, talagang kailangan ng isang walang hanggang pagbabayad-sala—maliban kung ito ay maging walang hanggang pagbabayad-sala, ang kabulukang ito ay hindi makapagbibihis ng walang kabulukan. Kaya nga, ang unang kahatulang sumapit sa tao ay talagang kinakailangang manatili nang walang hanggang panahon. At kung magkagayon, ang lamang ito ay tiyak na malilibing upang mabulok at maagnas sa inang lupa nito, upang hindi na bumangon pang muli.

8 O ang karunungan ng Diyos, ang kanyang awa at biyaya! Sapagkat dinggin, kung ang katawang ito ay hindi na babangon pang muli, ang ating espiritu ay tiyak na mapapasailalim sa anghel na yaon na itinakwil mula sa kinaroroonan ng Diyos na Walang Hanggan, at naging diyablo, upang hindi na bumangon pang muli.

9 At ang ating mga espiritu ay tiyak na matutulad sa kanya, at tayo ay magiging mga diyablo, mga anghel ng diyablo, na masasarahan mula sa kinaroroonan ng ating Diyos, at mananatiling kasama ng ama ng kasinungalingan, sa kalungkutan, katulad ng kanyang sarili; oo, sa nilalang na yaong luminlang sa ating mga unang magulang, na nag-anyo sa kanyang sarili na halos katulad ng isang anghel ng liwanag, at inudyukan ang mga anak ng tao sa mga lihim na pagsasabwatan ng pagpaslang at lahat ng uri ng lihim na gawain ng kadiliman.

10 O kaydakila ng kabutihan ng ating Diyos, na naghanda ng daan upang tayo ay makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak ng kakila-kilabot na halimaw na ito; oo, yaong halimaw, na kamatayan at impiyerno, na tinatawag kong kamatayan ng katawan, at kamatayan din ng espiritu.

11 At dahil sa paraan ng pagliligtas ng ating Diyos, ang Banal ng Israel, ang kamatayang ito, na aking sinabi, na temporal, ay palalayain ang mga patay nito; na kamatayan ay libingan.

12 At ang kamatayang ito na aking sinabi, na espirituwal na kamatayan, ay palalayain ang kanyang mga patay; na espirituwal na kamatayan ay impiyerno; kaya nga, ang kamatayan at ang impiyerno ay tiyak na palalayain ang kanilang mga patay, at tiyak na palalayain ng impiyerno ang bihag nitong mga espiritu, at tiyak na palalayain ng libingan ang bihag nitong mga katawan, at ang mga katawan at espiritu ng tao ay maipanunumbalik sa isa’t isa; at ito ay sa pamamagitan ng kapangyarihan ng pagkabuhay na mag-uli ng Banal ng Israel.

13 O kaydakila ng plano ng ating Diyos! Sapagkat sa kabilang dako, ang paraiso ng Diyos ay tiyak na palalayain ang mga espiritu ng mga matwid, at ang libingan ay palalayain ang katawan ng mga matwid; at ang espiritu at ang katawan ay magsasamang muli sa sarili nito, at lahat ng tao ay magiging walang kabulukan, at walang kamatayan, at sila ay mga buhay na kaluluwa, na may ganap na kaalamang katulad natin na nasa laman, maliban lamang na ang ating kaalaman ay magiging ganap.

14 Samakatwid, tayo ay magkakaroon ng ganap na kaalaman ng lahat ng ating mga pagkakasala, at ng ating karumihan, at ng ating kahubaran; at ang mga matwid ay magkakaroon ng ganap na kaalaman ng kanilang kasiyahan, at ng kanilang katwiran, na nabibihisan ng kadalisayan, oo, maging ng báta ng katwiran.

15 At ito ay mangyayari na kapag ang lahat ng tao ay nakalampas mula sa unang kamatayang ito tungo sa pagkabuhay, kung kaya nga’t sila ay naging walang kamatayan, sila ay tiyak na haharap sa hukumang-luklukan ng Banal ng Israel; at pagkatapos ay darating ang kahatulan, at pagkatapos ay tiyak na hahatulan sila alinsunod sa banal na paghuhukom ng Diyos.

16 At tunay, yamang ang Panginoon ay buhay, sapagkat sinabi ito ng Panginoong Diyos, at ito ay kanyang walang hanggang salita, na hindi mawawalang-bisa, na sila na mga matwid ay mananatili pa ring matwid, at sila na marurumi ay mananatili pa ring marurumi; anupa’t sila na marurumi ang diyablo at ang kanyang mga anghel; at sila ay ilalagak sa walang hanggang apoy, na inihanda para sa kanila; at ang kanilang pagdurusa ay magiging kagaya ng lawa ng apoy at asupre, na ang ningas ay pumapailanglang magpakailanman at walang katapusan.

17 O ang kadakilaan at ang katarungan ng ating Diyos! Sapagkat isinasagawa niya ang lahat ng kanyang salita, at ang mga yaon ay nagmula sa kanyang bibig, at ang kanyang batas ay tiyak na matutupad.

18 Datapwat, dinggin, ang mga matwid, ang mga banal ng Banal ng Israel, sila na nangagsipaniwala sa Banal ng Israel, sila na nangagsipagtiis sa mga pasakit ng daigdig, at nasuklam sa kahihiyan nito, sila ang magmamana ng kaharian ng Diyos, na inihanda para sa kanila mula pa sa pagkakatatag ng daigdig, at ang kanilang kagalakan ay malulubos magpakailanman.

19 O ang kadakilaan ng awa ng ating Diyos, ang Banal ng Israel! Sapagkat inililigtas niya ang kanyang mga banal mula sa kakila-kilabot na halimaw, ang diyablo, at sa kamatayan, at sa impiyerno, at sa yaong lawa ng apoy at asupre, na walang katapusang pagdurusa.

20 O kaydakila ng kabanalan ng ating Diyos! Sapagkat nalalaman niya ang lahat ng bagay, at walang anumang bagay na hindi niya alam.

21 At siya ay paparito sa daigdig upang kanyang mailigtas ang lahat ng tao kung sila ay makikinig sa kanyang tinig; sapagkat dinggin, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan.

22 At titiisin niya ito upang ang pagkabuhay na mag-uli ay maganap sa lahat ng tao, upang makatayo ang lahat sa harapan niya sa dakila at araw ng paghuhukom.

23 At kanyang inutusan ang lahat ng tao na kailangan nilang magsisi, at mabinyagan sa kanyang pangalan, na may sakdal na pananampalataya sa Banal ng Israel, o sila ay hindi maliligtas sa kaharian ng Diyos.

24 At kung hindi sila magsisisi at maniniwala sa kanyang pangalan, at mabibinyagan sa kanyang pangalan, at magtitiis hanggang wakas, sila ay tiyak na susumpain; sapagkat ang Panginoong Diyos, ang Banal ng Israel, ang nagsalita nito.

25 Anupa’t siya ay nagbigay ng batas; at kung saan walang batas na ibinigay ay walang kaparusahan; at kung saan walang kaparusahan ay walang paghatol; at kung saan walang paghatol, ang mga awa ng Banal ng Israel ang aangkin sa kanila, dahil sa pagbabayad-sala; sapagkat sila ay ililigtas ng kapangyarihan niya.

26 Sapagkat ang pagbabayad-sala ang makasisiya sa mga hinihingi ng kanyang katarungan sa lahat ng yaong walang batas na ibinigay sa kanila, upang sila ay maligtas mula sa yaong kakila-kilabot na halimaw, kamatayan at impiyerno, at sa diyablo, at sa lawa ng apoy at asupre, na walang hanggang pagdurusa; at sila ay manunumbalik sa yaong Diyos na nagkaloob sa kanila ng hininga, na siyang Banal ng Israel.

27 Datapwat sa aba niya na binigyan ng batas, oo, na taglay ang lahat ng kautusan ng Diyos, na katulad natin, at lumabag sa mga ito, at sinayang ang mga araw ng kanyang pagsubok, sapagkat kakila-kilabot ang kanyang kalagayan!

28 O yaong tusong plano ng masama! O ang kahambugan, at ang mga kahinaan, at ang kahangalan ng mga tao! Kapag sila ay marurunong, inaakala nila na sila ay matatalino, at sila ay hindi nakikinig sa payo ng Diyos, sapagkat isinasaisantabi nila ito, inaakala nilang alam nila sa kanilang sarili, kaya nga, ang kanilang karunungan ay kahangalan at wala silang pakinabang dito. At sila ay masasawi.

29 Subalit ang maging marunong ay mabuti kung makikinig sila sa mga payo ng Diyos.

30 Datapwat sa aba sa mayayaman, na mayayaman sa mga bagay ng daigdig. Sapagkat dahil sila ay mayayaman, kanilang hinahamak ang mga maralita, at kanilang inuusig ang maaamo, at ang kanilang mga puso ay nasa kanilang mga kayamanan; kaya nga, ang kanilang kayamanan ang kanilang diyos. At dinggin, ang kanilang kayamanan ay mawawala ring kasama nila.

31 At sa aba sa mga bingi na ayaw makinig; sapagkat sila ay masasawi.

32 Sa aba sa mga bulag na ayaw makakita; sapagkat sila rin ay masasawi.

33 Sa aba sa mga hindi tuli ang puso, sapagkat parurusahan sila ng kaalaman ng kanilang kasamaan sa huling araw.

34 Sa aba sa mga sinungaling, sapagkat sila ay itatapon sa impiyerno.

35 Sa aba sa mamamatay-tao na pumapatay nang sadya, sapagkat siya ay mamamatay.

36 Sa aba sa mga gumagawa ng mga pagpapatutot, sapagkat sila ay itatapon sa impiyerno.

37 Oo, sa aba nila na sumasamba sa mga diyus-diyusan, sapagkat ang diyablo ng lahat ng diyablo ay nalulugod sa kanila.

38 At, sa madaling salita, sa aba nilang lahat na namatay sa kanilang mga kasalanan; sapagkat sila ay babalik sa Diyos, at mamamasdan ang kanyang mukha, at mananatili sa kanilang mga kasalanan.

39 O, mga minamahal kong kapatid, alalahanin ang kakila-kilabot na paglabag sa Banal na Diyos, at gayundin ang kakila-kilabot na pagbibigay-daan sa mga pang-aakit ng yaong tuso. Tandaan, ang maging mahalay sa kaisipan ay kamatayan, at ang maging espirituwal sa kaisipan ay buhay na walang hanggan.

40 O, mga minamahal kong kapatid, makinig sa aking mga salita. Alalahanin ang kadakilaan ng Banal ng Israel. Huwag sabihin na ako ay nagsalita ng masasakit na bagay laban sa inyo; sapagkat kung gagawin ninyo ito, hinahamak ninyo ang katotohanan; sapagkat sinabi ko ang mga salita ng inyong Lumikha. Alam ko na ang mga salita ng katotohanan ay masakit laban sa lahat ng karumihan; ngunit ang mabubuti ay hindi natatakot sa mga yaon, sapagkat minamahal nila ang katotohanan at hindi nanginginig.

41 O kung gayon, mga minamahal kong kapatid, lumapit sa Panginoon, ang Banal. Pakatandaan na ang kanyang mga landas ay matwid. Dinggin, ang daan para sa tao ay makipot, ngunit ito ay nasa isang tuwid na daraanan sa harapan niya, at ang Banal ng Israel ang tanod ng pasukan; at wala siyang inuupahang tagapaglingkod doon; at walang ibang daan maliban sa pasukan; sapagkat hindi siya malilinlang, sapagkat Panginoong Diyos ang kanyang pangalan.

42 At ang sinumang kakatok, siya ay kanyang pagbubuksan; at ang matatalino, at ang marurunong, at silang mayayaman, na nagmamataas dahil sa kanilang kaalaman, at kanilang karunungan, at kanilang mga kayamanan—oo, sila yaong kanyang kinasusuklaman; at maliban kung kanilang iwawaksi ang mga bagay na ito, at ituturing na mga hangal ang kanilang sarili sa harapan ng Diyos, at bumaba sa kailaliman ng pagpapakumbaba, hindi niya sila pagbubuksan.

43 Ngunit ang mga bagay ng matatalino at masisinop ay ikukubli mula sa kanila magpakailanman—oo, yaong kaligayahang inihanda para sa mga banal.

44 O, mga minamahal kong kapatid, pakatandaan ang aking mga salita. Dinggin, hinuhubad ko ang aking mga kasuotan, at ipinapagpag ko ang mga ito sa harapan ninyo; ako ay dumadalangin sa Diyos ng aking kaligtasan na tingnan niya ako ng kanyang mapagsiyasat na mata; kaya nga, malalaman ninyo sa huling araw, kung kailan ang lahat ng tao ay hahatulan sa kanilang mga gawa, na ang Diyos ng Israel ay sumaksing ipinagpag ko ang inyong mga kasamaan mula sa aking kaluluwa, at na ako ay nakatayo nang maningning sa harapan niya, at naalis sa akin ang inyong dugo.

45 O, mga minamahal kong kapatid, talikuran ang inyong mga kasalanan; iwagwag ang mga tanikala niya na gagapos sa inyo nang mahigpit; lumapit sa yaong Diyos na siyang bato ng inyong kaligtasan.

46 Ihanda ang inyong mga kaluluwa para sa yaong maluwalhating araw kung kailan igagawad ang katarungan sa mga matwid, maging ang araw ng paghuhukom, upang huwag kayong manliit dahil sa nakapanghihilakbot na takot; upang huwag ninyong maalaala ang inyong nakakikilabot na pagkakasala sa kaganapan, at mapilitang bumulalas: Banal, banal ang inyong mga kahatulan, O Panginoong Diyos na Pinakamakapangyarihan—ngunit alam ko ang aking pagkakasala; ako ay lumabag sa inyong batas, at ang mga paglabag ko ay sa akin; at nakuha ako ng diyablo, na ako ay biktima ng kanyang nakapanghihilakbot na kalungkutan.

47 Ngunit dinggin, mga kapatid ko, kinakailangan bang kayo ay gisingin ko sa isang kakila-kilabot na katotohanan ng mga bagay na ito? Susuyurin ko ba ang inyong mga kaluluwa kung ang inyong mga isipan ay dalisay? Ako ba ay magiging matapat sa inyo alinsunod sa katapatan ng katotohanan kung kayo ay malaya sa kasalanan?

48 Dinggin, kung kayo ay banal, mangungusap ako sa inyo ng kabanalan; ngunit yamang kayo ay hindi banal, at itinuturing ninyo akong isang guro, talagang kinakailangang ituro ko sa inyo ang kahihinatnan ng kasalanan.

49 Dinggin, ang aking kaluluwa ay nasusuklam sa kasalanan, at ang aking puso ay nalulugod sa kabutihan; at pupurihin ko ang banal na pangalan ng aking Diyos.

50 Halikayo, mga kapatid ko, bawat isa na nauuhaw, lumapit kayo sa mga tubig; at siya na walang salapi, halika’t bumili at kumain; oo, bumili ng alak at gatas nang walang salapi at walang bayad.

51 Anupa’t huwag gastusin ang salapi sa mga yaong walang kabuluhan, ni ang inyong paggawa sa mga yaong hindi nakasisiya. Makinig kayo nang masigasig sa akin, at tandaan ang mga salitang aking sinabi; at lumapit sa Banal ng Israel, at magpakabusog doon sa hindi nawawala, ni nasisira, at hayaang ang inyong kaluluwa ay malugod sa katabaan.

52 Dinggin, mga minamahal kong kapatid, pakatandaan ang mga salita ng inyong Diyos; patuloy na manalangin sa kanya sa araw, at magbigay-pasalamat sa kanyang banal na pangalan sa gabi. Magsaya ang inyong mga puso.

53 At masdan kung gaano kaydakila ng mga tipan ng Panginoon, at kaydakila ng kanyang mga pagpapakababa sa mga anak ng tao; at dahil sa kanyang kadakilaan, at kanyang biyaya at awa, kanyang ipinangako sa atin na ang ating mga binhi ay hindi lubusang malilipol, ayon sa laman, kundi kanyang pangangalagaan sila; at sa mga darating na salinlahi, sila ay magiging isang mabuting sanga sa sambahayan ni Israel.

54 At ngayon, mga kapatid ko, magsasalita pa ako sa inyo nang marami; ngunit sa kinabukasan ko na ipahahayag sa inyo ang nalalabi sa aking mga salita. Amen.