Ang Espiritu Santo at Paghahayag
Ang Espiritu Santo ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, at kasama ng Ama at ng Anak, nalalaman Niya ang lahat ng bagay.
Bilang batang elder noon na isang taon na sa misyon, at habang binabasa ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga Apostol sa mga huling araw tungkol sa paghahayag at Espiritu Santo, ako ay nagising. Wala akong sariling patotoo, lalo na tungkol sa Ama at sa Anak. Nagpunta ako sa misyon na umaasa sa patotoo ng kahanga-hanga kong mga magulang. Dahil di ako kailanman nag-alinlangan sa kanilang mga salita, hindi ko naisip na magkaroon ng sarili kong espirituwal na patotoo. Isang gabi ng Pebrero sa San Antonio, Texas, noong 1962, nalaman kong kailangan ko itong malaman sa aking sarili. Sa munti naming apartment nakakita ako ng lugar kung saan tahimik akong makapagdarasal, at magsusumamo, “Ama sa Langit, nariyan po ba Kayo? Kailangan ko pong malaman sa sarili ko!”
Kalaunan nang gabing iyon, nalaman ko mismo sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko na ang Diyos at si Jesus ay tunay. Hindi ako nakarinig ng tinig na nagsalita ni nakakita ng makalangit na nilalang. Nalaman ko ito tulad sa paraan ng pagkaalam ninyo—sa pamamagitan ng “hindi masambit na kaloob na Espiritu Santo” (D at T 121:26) at sa diwa ng paghahayag (tingnan sa D at T 8:1–3), na nangusap ng kapayapaan sa aking isipan (tingnan sa D at T 6:23) at mga katiyakan sa aking puso (tingnan sa Alma 58:11).
Mula sa karanasang iyon, napatunayan ko ang payo ni Alma na “gi[singin] at [pukawin] ang [aking] kaisipan, maging sa isang pagsubok sa [Kanyang] mga salita” (Alma 32:27). Ang mga salita o binhing ito ay malalaking puno na ngayon, tunay na mga higanteng puno ng patotoo. Ang proseso ay patuloy sa marami pang mga eksperimento sa salita, na nagbunga ng karagdagang mga puno ng patotoo, na ngayon ay tunay na mga puno na nakabatay sa paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Ang Espiritu Santo ay Isang Kaloob na Minimithi
Nang dalawin ng Tagapagligtas ang mga lupain ng Amerika, tumawag Siya ng labindalawang disipulo. Ang isa sa Kanyang mga mensahe sa kanila at sa mga tao ay tungkol sa Espiritu Santo. Matapos silang turuan, umalis ang Tagapagligtas at nangakong babalik kinabukasan. Magdamag naghanap ang mga tao upang hangga’t maaari ay makatipon sila ng maraming taong makikinig sa Kanya.
Hinati ng mga disipulo ang mga tao sa 12 grupo upang maituro sa kanila ang itinuro ng Tagapagligtas sa kanila. Nangunguna sa kanilang mga turo ang kahalagahan ng Espiritu Santo. (Tingnan sa 3 Nephi 11–18.) At lumuhod at nanalangin ang mga tao. Marubdob na hangarin ng kanilang puso ang mapagkalooban ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 19:8–9).
Nagpakita sa kanila ang Tagapagligtas at muling binigyang-diin ang kahalagahan ng Espiritu Santo habang nagdarasal Siya sa Ama:
“Ama, nagpapasalamat ako sa inyo na inyong ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga ito na aking pinili; …
“Ama, idinadalangin ko sa inyo na ipagkaloob ninyo ang Espiritu Santo sa kanilang lahat na maniniwala sa kanilang mga salita” (3 Nephi 19:20–21).
Batay sa pangyayaring ito sa Aklat ni Mormon, mas nauunawaan ko na kung bakit sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff na “ang kaloob na Espiritu Santo ang pinakadakilang kaloob na maibibigay sa tao. …
[Ito] ay hindi lamang para sa kalalakihan, o sa mga apostol o mga propeta; ito’y para sa bawat matapat na lalaki at babae, at sa bawat bata na nasa hustong edad para tumanggap ng ebanghelyo ni Cristo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Wilford Woodruff (2004), 53–54).
Ang Paghahayag ay Nagbibigay ng mga Kasagutan sa Oras ng Pangangailangan
Ang Espiritu Santo ang pangatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, at kasama ng Ama at ng Anak, nalalaman Niya ang lahat ng bagay (tingnan sa D at T 35:19; 42:17). Mayroon Siyang ilang mahahalagang papel na ginagampanan, nangunguna sa mga ito ang ituro at patotohanan ang Ama at ang Anak (tingnan sa 3 Nephi 28:11). Ang iba pang papel na ginagampanan ay ang inihahayag Niya ang katotohanan ng lahat ng bagay (tingnan sa Moroni 10:5) at inaakay Niya ang tao sa paggawa ng mabuti (tingnan sa D at T 11:12).
Ipinakikita ni Pangulong Thomas S. Monson ang mahalagang papel na ito ng pagkaakay sa paggawa ng mabuti. Sinusunod niya ang halimbawa ng Tagapagligtas na, “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Ang Mga Gawa 10:38). Itinuro niya ang kahalagahan ng hindi pagbalewala sa espirituwal na pahiwatig mula sa Espiritu Santo, na dalawin ang isang tao at tulungan siya at iligtas ang tao.
Ngunit kung minsan walang katulad si Pangulong Monson, walang home teacher, walang malingap na sister na naroon para maglingkod sa oras ng pangangailangan. Sa gayong mga situwasyon, nakatagpo ako ng kapayapaan at patnubay mula sa Mang-aaliw, na isa pang papel ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 36:2).
Ang apo naming si Quinton ay isinilang na may maraming kapansanan at nabuhay nang halos isang taon, at noong panahong iyon ay labas-pasok siya sa ospital. Nakatira kami ni Sister Jensen noong panahong iyon sa Argentina. Talagang gusto naming makapiling ang aming mga anak upang aliwin sila at aliwin nila kami. Mahal namin ang apo naming ito at gusto naming malapit kami sa kanya. Ang nagawa lamang namin ay magdasal, at ginawa namin iyon nang taimtim!
Kami ni Sister Jensen ay nasa mission tour nang mabalitaan naming namatay si Quinton. Nakatayo kami sa pasilyo ng isang meetinghouse at niyakap at inalo namin ang isa’t isa. Pinatototohanan ko sa inyo na nakatanggap kami ng katiyakan mula sa Espiritu Santo, ang kapayapaan na di masayod ng pag-iisip at patuloy ito hanggang ngayon (tingnan sa Mga Taga Filipos 4:7). Nasaksihan din namin ang hindi masambit na kaloob ng Espiritu Santo sa buhay ng aming anak at manugang na babae at kanilang mga anak, na hanggang sa araw na ito ay binabanggit ang sandaling iyon nang may pananampalataya, kapayapaan, at kapanatagan.
Paghahayag at ang Aklat ni Mormon
Ang kaloob ding ito ng paghahayag ang nakaimpluwensya sa aking patotoo sa Aklat ni Mormon. Paulit-ulit ko na itong binasa, pinag-aralan, sinaliksik, at nagpakabusog ako dito. Inihayag sa akin ng Espiritu ang katotohanan at kabanalan nito.
Tinawag ni Pangulong Gordon B. Hinckley ang Aklat ni Mormon na isa sa apat na mahahalagang batong panulok ng Simbahan, at ang iba pa ay ang Unang Pangitain ni Joseph Smith, ang panunumbalik ng priesthood, at mangyari pa, ang ating patotoo kay Jesucristo, ang pangulong bato sa panulok (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19–21). “Ang apat na dakilang mga kaloob na ito na bigay ng Diyos,” paliwanag niya, “ang di-natitinag na mga batong panulok na kinasasaligan ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, gayundin ng mga patotoo ng bawat isa at ng katapatan ng mga miyembro nito” (“Apat na Batong Panulok ng Pananampalataya,” Liahona, Peb. 2004, 7).
Ang apat na kaloob na ito na bigay ng Diyos ang naging angkla ng aking pananampalataya at patotoo, bawat isa ay pinagtibay sa akin ng paghahayag sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Gayunman, sa loob ng ilang minuto ay gusto kong pagtuunan ng pansin ang kaloob na ito na mga batong panulok—ang Unang Pangitain at ang Aklat ni Mormon. Mahalaga na ang bawat isa ay magsimula sa tahanan, kung saan isinisilang ang mga bata sa butihing mga magulang at tinuturuan nilang mabuti ang mga bata (tingnan sa 1 Nephi 1:1). Magkatulad ang mga pangyayari sa buhay nina Lehi at Joseph Smith (tingnan sa 1 Nephi 1 at Joseph Smith—Kasaysayan 1):
-
Bawat isa ay may partikular na pangangailangan. Kailangang iligtas ni Lehi ang kanyang sarili at ang kanyang pamilya sa napipintong pagkawasak ng Jerusalem, at kailangang malaman ni Joseph Smith kung aling simbahan ang totoo.
-
Kapwa sila nagdasal.
-
Kapwa sila may pangitain tungkol sa Ama at sa Anak.
-
Kapwa sila binigyan ng aklat.
-
Kapwa sila nangaral.
-
Kapwa sila tumanggap ng paghahayag mula sa Espiritu Santo at sa pamamagitan ng mga pangitain at panaginip.
-
Sa huli, kapwa sila pinagbantaan ng masasamang tao. Si Lehi at ang kanyang mga tauhan ay nakatakas at nakaligtas. Si Joseph ay namatay na isang martir.
Nakapagtataka ba na inaanyayahan ng mga misyonero ang matatapat na naghahanap ng katotohanan na simulan ang kanilang pag-aaral ng Aklat ni Mormon sa 1 Nephi? Ang aklat na ito ay puno ng Espiritu ng Panginoon. Sa mga unang kabanatang ito ay may malinaw na mensahe na ang paghahayag at ang Espiritu Santo ay ibinibigay hindi lamang sa mga propeta kundi maging sa mga ama at ina at mga anak.
Ang mensahe tungkol sa paghahayag at Espiritu Santo ay patuloy sa kabuuan ng Aklat ni Mormon. Ang mga katotohanang ito ay ibinuod ni Propetang Joseph Smith: “Alisin ninyo ang Aklat ni Mormon at ang mga paghahayag, at nasaan ang ating relihiyon? Wala” (Mga Turo ng ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 227).
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ang ating mga patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon na ibinigay sa atin sa pamamagitan ng paghahayag, ay nagbibigay ng katiyakan sa atin na ang relihiyong ito at mga doktrina nito ay totoo (tingnan sa pambungad ng Aklat ni Mormon).
Ang mga bagay ng Espiritu ay sagrado at mahirap bigkasin. Tayo, gaya ni Ammon, ay nagsasabing, “Masdan, sinasabi ko sa inyo, hindi ko masasabi ang kaliit-liitang bahagi ng nararamdaman ko” (Alma 26:16).
Gayunman, pinatototohanan ko na ang Espiritu Santo ay tunay at Siya ang tagapagpatunay, tagapaghayag, mang-aaliw, gabay, at makalangit na guro.
Buong pagpapakumbaba akong nagpapatotoo na itong totoo at buhay na Simbahan, ang relihiyong ito, ay nakasalalay sa apat na batong panulok na ito. Nagpapatotoo ako na si Jesucristo mismo ang pangulong bato sa panulok (tingnan sa Mga Taga Efeso 2:19–21). Si Pangulong Thomas S. Monson ang propeta ng Panginoon at ang kalalakihang ito na nakaupo sa likuran ko ay mga propeta, tagakita, apostol, at tagapaghayag. Hawak nila ang banal na priesthood at ang mga susi ng kaharian. Mahal ko sila, iginagalang at sinasang-ayunan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.