Magtiwala sa Diyos, Pagkatapos ay Humayo at Gumawa
Ipinapakita ninyo ang inyong tiwala sa Kanya kapag nakikinig kayo na taglay ang hangaring matuto at magsisi at pagkatapos ay humayo at gawin kung anuman ang hinihiling Niya.
Mga minamahal kong kapatid, ikinararangal kong magsalita sa inyo sa araw ng Sabbath na ito. Nakadarama ako ng pagpapakumbaba sa atas na magsalita sa milyun-milyong mga Banal sa mga Huling Araw at sa ating mga kaibigan sa iba’t ibang panig ng mundo. Bilang paghahanda sa sagradong pagkakataong ito, nanalangin at nagnilay-nilay ako upang malaman ang inyong personal na mga pangangailangan at kung ano ang nais ng Panginoon na ibahagi ko sa inyo.
Napakarami at iba’t-iba ang inyong mga pangangailangan. Bawat isa sa inyo ay natatanging anak ng Diyos. Kilala ng Diyos ang bawat isa sa inyo. Ipinaparating Niya ang mga mensahe ng paghimok, pagtutuwid, at paggabay na akma sa inyo at sa inyong mga pangangailangan.
Para malaman kung ano ang nais ng Diyos na sabihin ko sa kumperensyang ito, binasa ko ang mga mensahe ng Kanyang mga tagapaglingkod sa mga banal na kasulatan at sa mga nakaraang kumperensya. Nakatanggap ako ng sagot sa panalangin ko habang binabasa ko ang mga salita ni Alma, na isang dakilang tagapaglingkod ng Panginoon sa Aklat ni Mormon:
“O na ako’y isang anghel, at matatamo ang mithiin ng aking puso, na ako ay makahayo at makapangusap nang may pakakak ng Diyos, nang may tinig upang mayanig ang mundo, at mangaral ng pagsisisi sa lahat ng tao!
“Oo, ipahahayag ko sa lahat ng kaluluwa, tulad ng tinig ng kulog, ang pagsisisi at ang plano ng pagtubos, na nararapat silang magsisi at magsilapit sa ating Diyos, upang hindi na magkaroon pa ng kalungkutan sa balat ng lupa.
“Subalit masdan, ako ay isang tao, at nagkakasala sa aking mithiin, sapagkat nararapat akong malugod sa mga bagay na iniukol sa akin ng Panginoon.”1
Pagkatapos ay nakita ko sa pagmumuni ni Alma ang sagot sa aking ipinapanalangin: “Sapagkat masdan, ang Panginoon ay nagtutulot sa lahat ng bansa, sa kanilang sariling bansa at wika, na ituro ang kanyang salita, oo, sa karunungan, lahat ng nakikita niyang karapat-dapat na taglayin nila; anupa’t nakikita natin na ang Panginoon ay nagpapayo sa karunungan, alinsunod sa yaong makatarungan at totoo.”2
Habang binabasa ko ang mensaheng iyon mula sa tagapaglingkod ng Diyos, naging malinaw ang layunin ko ngayon. Nagpapadala ang Diyos ng mga mensahe at mga awtorisadong sugo sa Kanyang mga anak. Kailangan kong magkaroon ng sapat na tiwala sa Diyos at sa Kanyang mga tagapaglingkod upang humayo tayo at sundin ang Kanyang payo. Nais Niyang mangyari iyon dahil mahal Niya tayo at hangad ang ating kaligayahan. At alam Niya na ang kakulangan ng pagtitiwala sa Kanya ay nagbubunga ng kalungkutan.
Ang kakulangan ng pagtitiwalang iyon ang nagdulot ng dalamhati sa mga anak ng Ama sa Langit bago pa man nilikha ang mundo. Nalalaman natin sa pamamagitan ng paghahayag ng Diyos kay Propetang Joseph Smith na marami sa ating mga kapatid sa buhay bago tayo isinilang ang tumanggi sa plano para sa buhay natin sa lupa na inilahad ng Ama sa Langit at ng Kanyang panganay na Anak na si Jehovah.3
Hindi natin alam ang lahat ng dahilan sa kakila-kilabot na tagumpay ni Lucifer sa paghikayat ng paghihimagsik na iyon. Gayunpaman, isang dahilan ang malinaw. Ang mga nawalan ng pagpapalang isilang sa mundo ay kulang sa pagtitiwala sa Diyos para maiwasan ang walang hanggang kapighatian.
Ang nakakalungkot na paulit-ulit na kakulangan ng tiwala sa Diyos ay nangyayari simula pa noong Paglikha. Maingat akong magbibigay ng mga halimbawa mula sa buhay ng mga anak ng Diyos sapagkat hindi ko alam ang lahat ng dahilan ng kakulangan nila ng sapat na pananampalataya para magtiwala sa Kanya. Marami sa inyo ay napag-aralan na ang tungkol sa mga panahon ng krisis sa kanilang buhay.
Si Jonas, halimbawa, ay hindi lang tumanggi sa mensahe ng Diyos na pumunta sa Ninive kundi tumakas pa siya papunta sa ibang lugar. Hindi masunod ni Naaman ang payo ng propeta ng Diyos na maligo sa ilog para mapagaling ng Panginoon ang kanyang ketongsa pag-aakalang ang simpleng gawaing iyon ay di nababagay sa kanyang katayuan sa lipunan.
Inanyayahan ng Tagapagligtas si Pedro na umalis sa kinakanlungang bangka at sumama sa Kanyang maglakad sa tubig. Nadarama natin ang dusang dinanas niya at nakikita nating kailagan natin ng mas malaking pagtitiwala sa Diyos kapag naririnig natin ang salaysay:
“At sa ikaapat na pagpupuyat ng gabi ay naparoon siya sa kanila na lumalakad sa ibabaw ng dagat.
“At nang makita siya ng mga alagad na lumalakad sa ibabaw ng dagat, ay nangagulumihanan sila, na nangagsasabi, Multo! at sila’y nagsisigaw dahil sa takot.
“Datapuwa’t pagdaka’y nagsalita sa kanila si Jesus, na nagsasabi, Laksan ninyo ang inyong loob; ako nga: huwag kayong mangatakot.
“At sumagot sa kaniya si Pedro, at nagsabi, Panginoon, kung ikaw nga, ay papariyanin mo ako sa iyo sa ibabaw ng tubig.
“At sinabi niya, Halika. At lumunsad si Pedro sa daong, at lumakad sa ibabaw ng tubig upang pumaroon kay Jesus.
“Datapuwa’t pagkakita niyang malakas ang hangin, ay natakot siya, at nang siya’y malulubog, ay sumigaw, na nagsasabi, Panginoon iligtas mo ako.
“At pagdaka’y iniunat ni Jesus ang kaniyang kamay at hinawakan siya, at sa kaniya’y sinabi, Oh ikaw na kakaunti ang pananampalataya, bakit ka nagalinglangan?”4
Maaari tayong makahugot ng lakas ng loob sa katotohanang nagkaroon ng sapat na pagtitiwala si Pedro sa Panginoon upang manatiling tapat sa Kanyang paglilingkod hanggang sa kanyang kamatayan.
Napukaw ng batang si Nephi sa Aklat ni Mormon ang hangarin nating magkaroon ng tiwala sa Panginoon na sundin ang Kanyang mga utos, gaano man kahirap ang mga ito sa ating paningin. Naharap si Nephi sa panganib at muntik nang mamatay nang sabihin niya itong mga salita ng pagtitiwala na maaari at kailangan nating palaging madama sa ating puso: “Hahayo ako at gagawin ang mga bagay na ipinag-uutos ng Panginoon, sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay hindi magbibigay ng mga kautusan sa mga anak ng tao, maliban sa siya ay maghahanda ng paraan para sa kanila upang kanilang maisagawa ang bagay na kanyang ipinag-uutos sa kanila.”5
Ang pagtitiwalang iyon ay bunga ng pagkakakilala sa Diyos. Kumpara sa iba pang mga tao sa mundo, nadama natin, sa pamamagitan ng maluwalhating Pagpapanumbalik ng ebanghelyo, ang kapayapaang iniaalok ng Panginoon sa Kanyang mga tao sa mga salitang “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Dios.”6 Puno ng pasasalamat ang puso ko sa mga inihayag ng Diyos tungkol sa Kanyang Sarili para magtiwala tayo sa Kanya.
Para sa akin, nagsimula ito noong 1820 sa isang batang lalaki na nasa kakahuyan sa isang bukirin sa estado ng New York. Ang batang lalaki, si Joseph Smith Jr., ay naglakad sa gitna ng kakahuyan tungo sa isang liblib na lugar. Lumuhod siya upang manalangin nang may buong tiwala na sasagutin ng Diyos ang kanyang pagsumamong malaman kung ano ang gagawin upang malinis at maligtas sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.7
Sa tuwing mababasa ko ang kanyang kuwento, lumalago ang aking tiwala sa Diyos at sa Kanyang mga tagapaglingkod:
“Ako ay nakakita ng isang haligi ng liwanag na tamang-tama sa tapat ng aking ulo, higit pa sa liwanag ng araw, na dahan-dahang bumaba hanggang sa ito ay pumalibot sa akin.
“Hindi pa natatagalan nang ito’y lumitaw na natuklasan kong naligtas na ang aking sarili mula sa kaaway na gumapos sa akin. Nang tumuon sa akin ang liwanag, nakakita ako ng dalawang Katauhan, na ang liwanag at kaluwalhatian ay hindi kayang maisalarawan, nakatayo sa hangin sa itaas ko. Ang isa sa kanila ay nagsalita sa akin, tinatawag ako sa aking pangalan, at nagsabi, itinuturo ang isa—Ito ang Aking Pinakamamahal na Anak. Pakinggan Siya!”8
Inihayag ng Ama sa atin na Siya ay buhay, na si Jesucristo ay Kanyang Pinakamamahal na Anak, at na sapat ang Kanyang pagmamahal para isugo ang Kanyang Anak upang iligtas tayo, na Kanyang mga anak. At dahil may patotoo ako na tinawag Niya ang isang di nakapag-aral na batang lalaki bilang apostol at propeta, nagtitiwala ako sa Kanyang mga apostol at propeta ngayon at sa mga taong tinawag nilang maglingkod sa Diyos.
Napagpala ng tiwalang iyon ang aking buhay at ang buhay ng aking pamilya. Maraming taon na ang nakararaan narinig kong nagsalita si Pangulong Ezra Taft Benson sa isang kumperensyang tulad nito. Pinayuhan niya kaming gawin ang lahat upang mabayaran ang pagkakautang at umiwas sa utang. Nabanggit niya ang pagsasangla ng mga bahay. Sinabi niya na maaaring hindi posible, ngunit mas mabuti kung mababayaran namin ang lahat ng utang namin sa pagkakasangla.9
Bumaling ako sa aking asawa pagkatapos ang miting at nagtanong, “Sa palagay mo ba may paraan para magawa natin iyon? Wala kaming maisip sa simula. Pagkatapos kinagabihan naisip ko ang bahay na binili namin na nasa ibang lugar. Maraming taon na naming ibinibenta iyon pero walang nangyayari.
Pero, dahil nagtiwala kami sa Diyos at sa ilang salita mula sa mensahe ng Kanyang tagapaglingkod, tumawag kami ng Lunes ng umaga sa isang tao na nasa San Fransisco na siyang mayhawak ng listahan kung saan kabilang ang aming ibinibentang bahay. Tinawagan ko siya ilang linggo pa lang ang nakalilipas at sinabi niya noon, “Matagal nang walang interesadong bumili sa bahay ninyo.”
Ngunit pagdating ng Lunes matapos ang kumperensya, narinig ko ang sagot na hanggang sa ngayon ay nagpapatatag ng aking tiwala sa Diyos at sa Kanyang mga tagapaglingkod.
Ang sabi ng lalaki sa telepono, “Nagulat ako sa tawag mo. May pumuntang lalaki rito ngayon na nagtatanong kung maaari niyang bilhin ang inyong bahay.” Namamanghang naitanong ko, “Magkano daw niya bibilhin?” Mas mataas ito nang ilang dolyar kaysa sa halaga ng aming utang.
Maaaring sabihin ng isang tao na nagkataon lamang iyon. Ngunit nakabayad kami at nabawi namin ang aming isinangla. At patuloy ang aming pamilya sa pakikinig sa anumang salita sa mensahe ng propeta na maaaring iparating para sabihin sa atin kung ano ang dapat nating gawin para makahanap ng kasiguruhan at kapayapaan na nais ng Diyos para sa atin.
Mapagpapala ng ganitong tiwala sa Diyos ang mga komunidad gayundin ang mga pamilya. Lumaki ako sa isang maliit na bayan sa New Jersey. Wala pang 20 ang mga miyembrong regular na dumadalo sa aming branch ng Simbahan.
Kabilang sa kanila ang isang babae—isang matanda na talagang mapagpakumbabang bagong binyag sa Simbahan. Isa siyang dayuhan na may puntong Norwegian kapag nagsasalita. Siya lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya at tanging miyembro ng Simbahan sa lungsod kung saan siya nakatira.
Sa pamamagitan ng aking ama, na siyang branch president noon, tinawag siya ng Panginoon na maging pangulo ng Relief Society ng branch. Wala siyang hanbuk na magsasabi kung ano ang dapat niyang gawin. Walang iba pang miyembrong nakatira malapit sa kanya. Alam lamang niya na mahal ng Panginoon ang mga nangangailangan at ang ilang salita sa motto ng Relief Society: “Ang pagibig ay hindi nagkukulang kailan man.”
Ito ay noong panahon na tinatawag nating Great Depression o Matinding Kahirapan. Libu-libo noon ang walang trabaho at tirahan. Kaya, dahil alam niyang galing sa Diyos ang kanyang tungkulin, nanghingi siya ng mga lumang damit sa mga kapitbahay. Nilabhan niya ang mga damit, pinalantsa, at inilagay sa karton na nasa balkonahe sa likod ng kanyang bahay. Kapag may mga taong walang pera na nangangailangan ng damit at nanghihingi ng tulong sa kanyang mga kapitbahay, sasabihin ng mga ito, “Pumunta kayo sa bahay sa gawing unahan ng kalye. May babaeng Mormon doon na magbibigay sa inyo ng kailangan ninyo.”
Hindi ang Panginoon ang namahala sa lungsod, ngunit binago Niya ang isang bahagi nito sa kabutihan. Tinawag niya ang isang maliit na babae—na na-iisa—na sapat na nagtiwala sa Kanya at nalaman kung ano ang nais Niyang ipagawa sa kanya at ginawa niya ito. Dahil sa pagtitiwala niya sa Panginoon, natulungan niya sa siyudad na iyon ang daan-daang mga anak ng Ama sa Langit na nangangailangan.
Ang gayunding tiwala sa Diyos ang magpapapala sa mga bansa. Nalaman kong maaari tayong magtiwala sa Diyos upang matupad ang pangako ni Alma na, “masdan, ang Panginoon ay nagtutulot sa lahat ng bansa, sa kanilang sariling bansa at wika, na ituro ang kanyang salita, oo, sa karunungan, lahat ng nakikita niyang karapat-dapat na taglayin nila.”10
Hindi pinamamahalaan ng Diyos ang mga bansa, subalit inaalala Niya ang mga ito. Maaari Niyang ilagay at inilalagay Niya sa mga posisyon ang mga maimpluwensyang tao na hangad ang pinakamainam para sa mga tao at may tiwala sa Panginoon.11
Nakita ko ito sa paglalakbay ko sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa isang siyudad na may mahigit 10 milyong katao, nagsalita ako sa libu-libong mga Banal sa mga Huling Araw na nagtipon sa kumperensya. Ginanap iyon sa isang malaking sports arena.
Bago mag-umpisa ang miting, napansin ko ang isang makisig na lalaking nakaupo sa harapan na hanay. Marami siyang katabi na mas maganda at maayos ang bihis na tulad niya kaysa sa ibang nakapaligid sa kanila. Tinanong ko ang General Authority ng Simbahan kung sino ang mga taong iyon na malapit sa akin. Ibinulong niya na iyon ang mayor ng lungsod at kasama niya ang kanyang mga tauhan.
Habang papalapit ako sa aking sasakyan pagkatapos ng miting, nagulat ako nang makita kong naroon ang mayor, na napaliligiran ng kanyang mga tauhan, at naghihintay para batiin ako. Lumapit siya sa akin, kinamayan ako, at sinabi: “Nagpapasalamat ako na dumating kayo sa aming lugar at sa aming bayan. Nagpapasalamat kami sa ginagawa ninyong pagpapasigla sa inyong mga kasapi. Sa gayong uri ng mga tao at mga pamilya, mabubuo namin ang pagkakasundo at kaunlarang nais namin sa aming mga mamamayan.”
Nakita ko sa mga sandaling iyon na isa siya sa mga tapat ang puso na itinalaga ng Diyos na manungkulan sa Kanyang mga anak. Napakaliit nating minorya sa gitna ng mga mamamayan ng malaking lungsod at bayang iyon. Kaunti lang ang alam ng mayor tungkol sa ating mga doktrina at sa mga tao natin. Subalit ipinaabot ng Diyos sa kanya ang mensahe na ang mga Banal sa mga Huling Araw, sa ilalim ng tipan na magtiwala sa Diyos at sa Kanyang awtorisadong mga tagapaglingkod, ay magiging liwanag sa kanyang mga mamamayan.
Kilala ko ang mga tagapaglingkod ng Diyos na magsasalita sa inyo sa kumperensyang ito. Sila ay tinawag ng Diyos upang magbigay ng mga mensahe sa Kanyang mga anak. Sinabi ng Panginoon sa kanila: “Kung ano ang sinabi ko, ang Panginoon, ay sinabi ko, at hindi ko binibigyang-katwiran ang aking sarili; at bagaman ang kalangitan at ang lupa ay lilipas, ang aking salita ay hindi lilipas, kundi matutupad na lahat, maging sa pamamagitan ng sarili kong tinig o sa tinig man ng aking mga tagapaglingkod, ito ay iisa.”12
Ipinapakita ninyo ang inyong tiwala sa Kanya kapag nakikinig kayo taglay ang hangaring matuto, magsisi, at pagkatapos ay humayo at gawin kung anuman ang hinihiling Niya. Kung sapat kayong nagtitiwala sa Diyos at pakikinggan ang Kanyang mensahe sa bawat sermon, awitin, at panalangin sa kumperensyang ito, matatagpuan ninyo ito. At kung hahayo kayo at gagawin ang ipinagagawa Niya sa inyo, lalaki ang kapangyarihan ninyong magtiwala sa Kanya, at darating ang panahon na mapupuspos kayo ng pasasalamat na malaman na napagkatiwalaan na Niya kayo.
Pinatototohanan ko na nangungusap ang Diyos ngayon sa pamamagitan ng Kanyang mga piling tagapaglingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Si Thomas S. Monson ay propeta ng Diyos. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay buhay at mahal tayo. Pinatototohanan ko ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.