2010–2019
“Lumapit sa Akin nang May Buong Layunin ng Puso, at Pagagalingin Ko Kayo”
Oktubre 2010


2:3

“Lumapit sa Akin nang May Buong Layunin ng Puso, at Pagagalingin Ko Kayo”

Ang ating Tagapagligtas ang Pangulo ng Kapayapaan, ang dakilang Manggagamot, ang Nag-iisang tunay na makapaglilinis sa atin mula sa pait ng kasalanan.

Ngayong gabi gustong kong ibahagi ang isang mensaheng magbibigay-aliw at magpapagaling sa sinuman sa inyo na nadaramang kayo ay nag-iisa o pinabayaan, walang katahimikan ng isipan o puso, o nadaramang nasayang ninyo ang inyong huling pagkakataon. Ang lubos na paggaling at kapayapaan ay matatagpuan sa paanan ng Tagapagligtas.

Noong ako ay pitong-taong gulang at nakatira sa Arabian Peninsula, palagi akong sinasabihan ng aking mga magulang na laging magsuot ng sapatos, at naunawaan ko na kung bakit. Alam kong poprotektahan ako ng sapatos ko laban sa maraming panganib na makikita sa disyerto, tulad ng mga ahas, alakdan, at tinik. Isang umaga matapos ang magdamag na pagkamping sa disyerto, ginusto kong maglibut-libot, pero ayaw ko nang mag-abalang magsuot pa ng sapatos. Ikinatwiran ko na sandali lang naman akong maglalakad-lakad at hindi ako lalayo sa pinagkakampingan namin. Kaya sa halip na sapatos, nagsuot ako ng tsinelas. Sinabi ko sa sarili ko na sapatos ang tsinelas—ibang klase nga lang. At saka, ano ang posibleng mangyari?

Nang maglakad ako sa malamig na buhangin—suot ang aking tsinelas—may naramdaman akong parang tinik na tumusok sa talampakan ko. Tiningnan ko iyon at hindi tinik ang nakita ko kundi isang alakdan. Nang mawari kong alakdan iyon at matanto ko ang nangyari, ang sakit ng kagat ay nagsimulang umakyat mula sa aking paa hanggang sa binti. Pinisil ko nang mahigpit ang itaas ng aking binti para subukang pigilin ang pagkalat ng matinding sakit, at pasigaw akong humingi ng tulong. Patakbong lumabas ang mga magulang ko mula sa pinagkakampingan namin.

Habang hinahampas ng pala ng aking ama ang alakdan, buong tapang na sinipsip ng isang matandang kaibigang kasama namin sa kamping ang lason sa aking paa. Sa sandaling ito akala ko mamamatay na ako. Humihikbi ako habang isinasakay ako ng mga magulang ko sa kotse at pinaandar ito nang mabilis sa disyerto papunta sa pinakamalapit na ospital, na mahigit sa dalawang oras ang layo. Napakasakit ng buong binti ko, at sa buong paglalakbay na iyon, inakala kong mamamatay na ako.

Gayunman, pagdating namin sa ospital, tiniyak sa amin ng doktor na mga sanggol lang at mahihina ang katawan ang nanganganib sa kagat ng gayong uri ng alakdan. Ininiksyunan niya ako ng pampamanhid, na nagpamanhid sa aking binti at nag-alis sa lahat ng sakit na naramdaman ko. Sa loob ng 24 na oras, nawalan na ng epekto sa akin ang kagat ng alakdan. Pero natuto ako ng matinding aral.

Alam ko na nang sabihan ako ng mga magulang ko na magsapatos, hindi tsinelas ang ibig nilang sabihin; nasa hustong gulang na ako para malaman na ang proteksyong ibinibigay ng tsinelas ay hindi kapareho ng sapatos. Ngunit nang umagang iyon sa disyerto, binalewala ko ang alam kong tama. Hindi ko pinansin ang paulit-ulit na itinuro sa akin ng mga magulang ko. Tamad at medyo rebelde, at pinagbayaran ko ito.

Habang nagsasalita ako sa inyo na magigiting na kabataang lalaki, sa inyong mga ama, guro, lider, at kaibigan, pinupuri ko ang lahat na nagsisikap nang husto na maging katulad ng kailangan at nais ng Panginoon na kahinatnan natin. Ngunit nagpapatotoo ako mula sa aking karanasan noong bata pa ako at ngayong malaki na ako na ang pagbabalewala sa alam nating tama, katamaran man ito o pagrerebelde, ay laging hindi maganda at nakakasira ng espirituwalidad ang mga bunga nito. Hindi nanganib sa alakdan ang buhay ko sa huli, ngunit nagdulot ito ng matinding sakit at pagkabalisa sa akin at sa mga magulang ko. Pagdating sa pamumuhay natin ng ebanghelyo, hindi tayo dapat tumugon nang may katamaran o pagrerebelde.

Bilang mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo, at maytaglay ng priesthood, alam natin ang mga kautusan at pamantayan na nakipagtipan tayong ating susundin. Kapag pinili natin ang ibang landas maliban sa alam nating tama, tulad ng itinuro ng ating mga magulang at lider at pinagtibay sa ating puso ng Espiritu Santo, para itong paglakad sa disyerto nang naka-tsinelas sa halip na naka-sapatos. Pagkatapos ay pinangangatwiranan natin ang ating katamaran o pagrerebelde. Sinasabi natin sa ating sarili na hindi naman talaga gayon kasama ang ginagawa natin, na hindi talaga ito mahalaga, at na wala namang masamang ibubunga ang bahagyang pagbitiw sa gabay na bakal. Marahil inaaliw natin ang ating sarili sa pag-iisip na ginagawa naman ito ng lahat—o mas malala pa rito—at wala namang masamang epekto ito sa atin. Kahit paano kinukumbinsi natin ang ating sarili na tayo ang eksepsyon sa patakaran kaya hindi tayo tatablan ng mga bunga ng pagsuway rito. Tinatanggihan natin, nang sadya kung minsan, na maging “lubos na masunurin”1—tulad ng nakasaad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo—at hindi natin ibinibigay nang buo ang ating puso sa Panginoon. At saka tayo napapahamak.

Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “hinihingi ng Panginoon ang puso,2 at inuutusan tayong mahalin ang Panginoon at paglingkuran siya nang “buong puso” natin.3 Ang pangako ay “[makatatayo tayo na] walang-sala sa harapan ng Diyos sa huling araw” at makababalik sa Kanyang piling.4

Ibinaba ng mga Anti-Nephi-Lehi sa Aklat ni Mormon ang kanilang mga sandata ng digmaan at ibinaon ito nang malalim sa lupa, na nakikipagtipang hindi na kailanman makikidigma sa kanilang mga kapatid. Subalit higit pa rito ang kanilang ginawa. “Sila ay naging mabubuting tao” dahil “ibinaba nila ang kanilang mga sandata ng paghihimagsik, na hindi na nila muli pang nilabanan ang Diyos.”5 Ang kanilang pagbabalik-loob ay lubos na lubos at napakatindi kaya sila “kailanman ay hindi nagsitalikod.”6

Ngunit bago sila nagbalik-loob, alalahanin ang kanilang kalagayan: namuhay sila sa tinatawag ng mga banal na kasulatan na “hayagang naghihimagsik laban sa Diyos.”7 Inilagak sila ng kanilang mapaghimagsik na puso na mamuhay “[sa] kalagayang taliwas sa likas na kaligayahan” dahil sila ay “tumaliwas sa katangian ng Diyos.”8

Nang magbaba sila ng mga sandata ng paghihimagsik, naging marapat sila sa pagpapagaling at kapayapaan ng Panginoon, at magagawa rin natin ito. Tiniyak ng Tagapagligtas, “Kung hindi nila patitigasin ang kanilang mga puso, at hindi patitigasin ang kanilang mga leeg laban sa akin, sila ay magbabalik-loob, at akin silang pagagalingin.9 Maaari nating tanggapin ang Kanyang paanyayang “[magbalik] at [magsisi] at [lumapit] sa akin nang may buong layunin ng puso, at pagagalingin ko [kayo].”10

Ihambing ang mahimalang pagpapagaling na ito sa mangyayari “kung ating tatangkaing pagtakpan ang ating mga kasalanan, o bigyang-kasiyahan ang ating kapalaluan [o] ang ating walang kabuluhang adhikain, … ang kalangitan ay lalayo; ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati;” at maiiwan tayong mag-isa “upang sumikad sa mga tinik, … at lumaban sa Diyos.”11

Mga kapatid, makakamtan lang natin ang paggaling at ginhawa kapag dinala natin ang ating sarili sa paanan ng Dakilang Manggagamot, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Kailangan nating ibaba ang ating mga sandata ng paghihimagsik (at alam ng bawat isa sa atin kung ano ang mga ito). Kailangan nating pagsisihan ang ating kasalanan, kaluhuan, at kapalaluan. Dapat nating talikuran ang ating mga hangaring sundin ang sanlibutan at maigalang at mapapurihan ng mundo. Dapat tayong tumigil sa paglaban sa Diyos at sa halip ay ibigay ang ating buong puso sa kanya, nang lubusan. Pagkatapos ay Kanya tayong mapapagaling. At malilinis Niya tayo mula sa nakamamatay na kamandag ng kasalanan.

“Sapagka’t hindi sinugo ng Dios ang Anak sa sanglibutan upang hatulan ang sanglibutan; kundi upang ang sanglibutan ay maligtas sa pamamagitan niya.”12

Itinuro ni Pangulong James E. Faust:

“Kapag naging layunin natin ang pagsunod, hindi na ito nakakayamot; sa halip na batong katitisuran, nagiging batong tuntungan ito. …

“… Ang pagsunod ay humahantong sa tunay na kalayaan. Kapag higit tayong sumunod sa inihayag na katotohanan, higit tayong nagiging malaya.”13

Noong isang linggo nakausap ko ang isang 92-taong-gulang na lalaking nakasama sa maraming malalaking labanan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Tatlong kapinsalaan ang naligtasan niya, isa na rito ang pagsabog ng nakatanim na bomba sa jeep na sinasakyan niya, na pumatay sa drayber. Nalaman niya na para makaligtas sa taniman ng bomba, kailangan ninyong sundan nang eksakto ang dinaraanan ng sasakyang nasa unahan mo. Anumang paglihis sa kanan o kaliwa ay maaaring—at talagang—nakamamatay.

Patuloy na itinuturo ng ating mga propeta at apostol, mga lider at magulang, ang landas na dapat nating sundan kung iiwasan natin ang makakawasak sa ating mga kaluluwa. Alam nila ang landas na walang nakatanim na mga bomba (o mga alakdan), at walang kapaguran nila tayong inaanyayahang sundan sila. Napakaraming mapangwasak na patibong na aakit sa atin na lumihis sa landas. Ang malihis papunta sa mga droga, alak, pornograpiya, o imoralidad sa internet o sa video game ay itutuloy tayo nang diretso sa pagkawasak. Ang paglihis sa kanan o kaliwa mula sa ligtas na daan, dahil man ito sa katamaran o sa pagrerebelde, ay maaaring ikamatay ng ating espirituwal na buhay. Walang mga eksepsyon sa patakarang ito.

Kung nalihis tayo ng landas, maaari tayong magbago, makabalik, at magkamit na muli ng kagalakan at kapanatagan ng kalooban. Matutuklasan natin na ang pagbalik sa landas na inalisan ng mga bomba ay nagdudulot ng malaking ginhawa.

Walang sinumang makatatagpo ng kapayapaan sa taniman ng bomba.

Ang ating Tagapagligtas ang Pangulo ng Kapayapaan, ang dakilang Manggagamot, ang Nag-iisang tunay na maglilinis sa atin mula pait ng kasalanan at kamandag ng kapalaluan at magpapabago sa ating mapanghimagsik na puso sa pagiging pusong nagbalik-loob at nakipagtipan. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ay walang hanggan at sakop tayong lahat.

Ang paanyaya sa mga Nephita, nang Siya ay magministeryo sa kanila bilang nabuhay na mag-uling Cristo, ay may bisa pa sa inyo at sa akin: “Mayroon bang may karamdaman sa inyo? Dalhin sila rito. Mayroon ba sa inyong pilay, o bulag, o lumpo, o baldado, o ketongin, o mga may dinaramdam, o yaong mga bingi, o yaong mga nahihirapan sa anumang dahilan? Dalhin sila rito at akin silang pagagalingin.14

Wala ni isa sa inyo ang nagsayang ng inyong huling pagkakataon. Maaari kayong magbago, makabalik, magkamit ng awa. Lumapit sa Nag-iisang maaaring magpagaling, at makatatagpo kayo ng kapayapaan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.