2010–2019
Matibay at Matatag
Oktubre 2010


2:3

Matibay at Matatag

Kung tayo ay tapat at magtitiis hanggang wakas, tatanggap tayo ng lahat ng pagpapala ng Ama sa Langit, maging ng buhay na walang hanggan at ng kadakilaan.

Nagpapasalamat akong makasama sa pagtitipong ito ng tapat na kababaihan sa buong mundo. Libu-libo na sa inyo ang nakilala ko sa iba’t ibang bansa. Ang katapatan at debosyon ninyo ay nagpapalakas sa akin. Nagkainspirasyon ako sa inyong mga halimbawa ng kabutihan at katapatan sa ebanghelyo. Napakumbaba ako ng mga tahimik at di-makasariling paglilingkod ninyo at ng inyong patotoo at pananalig.

Itatanong ko sa bawat isa sa inyo ngayong gabi ang itinanong ko sa marami sa inyo sa mga pag-uusap natin:

  1. Ano ang nagpapatibay at nagpapatatag sa inyo sa pagharap sa mga hamong sumusubok sa inyong pananampalataya?

  2. Ano ang sumusuporta sa inyo sa mga pagsubok at paghihirap?

  3. Ano ang nakakatulong sa inyo para makapagtiis at maging tunay na disipulo ni Cristo?

Narito ang ilang sagot na ibinigay ninyo sa akin:

  1. Ang inyong kaalaman na kayo’y mahal at pinangangalagaan ng Ama sa Langit.

  2. Ang inyong pag-asa na sa pamamagitan ng nagbabayad-salang sakripisyo ni Jesucristo lahat ng ipinangakong pagpapala sa matatapat ay matutupad.

  3. Ang inyong kaalaman sa plano ng pagtubos.

Ang mensahe ko ngayon ay magpapalawak sa mga patotoong ito na nagmula sa inyong puso.

Sa Mga Taga Roma 8:16 sinasabi, “Ang Espiritu Santo rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios.” Ang naaalala ko na una kong nadama nang buong katiyakan na ako ay kilala, mahal, at pinangangalagaan ng Ama sa Langit ay noong binyagan ako sa gulang na 15 taon. Bago iyon, alam kong may Diyos at si Jesucristo ang Tagapagligtas ng mundo. Naniwala ako sa Kanila at minahal ko Sila, ngunit kailanma’y hindi ko nadama ang pagmamahal at pangangalaga nila sa akin, hanggang sa araw na galak akong gumawa ng mga tipan sa binyag.

Natanto ko ang laki ng himalang matagpuan at maturuan ng mga misyonero, lalo na’t kakaunti ang mga misyonero sa gitna ng dalawang milyong tao! Alam ko noon na kilala at mahal ako ng Ama sa Langit sa natatanging paraan kaya Niya ginabayan ang mga misyonero papunta sa aking tahanan.

Alam ko na ngayon na ang Diyos ay Diyos ng pag-ibig. Totoo ito dahil tayo ay Kanyang mga anak at hangad Niya na lahat tayo’y magkaroon ng galak at walang hanggang kaligayahan. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay ang magkaroon tayo ng imortalidad at buhay na walang hanggan.1 Kaya naglaan Siya ng walang hanggang plano ng kaligayahan para sa atin. Ang ating layunin sa buhay ay magtamo ng buhay na walang hanggan at kadakilaan para sa ating sarili, at tulungan ang iba na gayon din ang gawin. Nilikha Niya ang daigdig na ito upang magkaroon tayo ng katawang-tao at masubok ang ating pananampalataya. Binigyan Niya tayo ng mahalagang kaloob na kalayaan, para mapili natin ang landas tungo sa walang hanggang kaligayahan. Ang plano ng pagtubos ng Ama sa Langit ay para sa atin. Para iyon sa lahat ng Kanyang anak.

“At nilalang ng Dios ang tao ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Dios siya nilalang; nilalang niya sila na lalake at babae.

“At sila’y binasbasan ng Dios, at sa kanila’y sinabi ng Dios, Kayo’y magpalaanakin, at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa.”2

“At siya ay nagbigay sa kanila ng mga kautusan, na kanilang nararapat sambahin ang Panginoon nilang Diyos. … Si Adan ay naging masunurin sa mga kautusan ng Panginoon.”3

Nagkaanak sina Adan at Eva at patuloy na nasunod ang plano.

Alam ko na lahat tayo ay may mahalagang papel bilang anak ng Diyos. Pinagkalooban Niya ng mga banal na katangian ang Kanyang mga anak na babae para maisulong ang Kanyang gawain. Pinagkatiwalaan ng Diyos ang kababaihan ng sagradong gawaing magsilang at magpalaki ng mga anak. Wala nang ibang gawain ang mas mahalaga. Ito ay banal na tungkulin. Pinakamarangal na tungkulin ng isang babae ang sagradong gawaing magbuo ng mga walang hanggang pamilya, sa tulong ng kanyang asawa.

Alam ko na may ilan tayong miyembrong hindi pa napagpapalang makapag-asawa o magkaanak. Tinitiyak ko sa inyo na darating ang panahon na matatanggap ninyo ang lahat ng pagpapalang ipinangako sa matatapat. Dapat kayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa … at magtiis hanggang wakas” nang kayo ay magkaroon ng buhay ng walang hanggan.4 Sa walang hanggang pananaw, ang nawawalang mga pagpapala ay “maikling sandali na lamang.”5

Bukod dito, hindi ninyo kailangang mag-asawa para sundin ang mga kautusan at mag-aruga ng mga pamilya, kaibigan, at kapitbahay. Ang inyong mga kaloob, talento, kasanayan, at espirituwal na kalakasan ay lubhang kailangan sa pagtatayo ng kaharian. Umaasa ang Panginoon sa inyong kahandaang gampanan ang mahahalagang tungkuling ito.

Sabi ng Panginoon:

“Hindi kita kalilimutan.

“Narito aking inanyuan ka sa mga palad ng aking mga kamay; ang iyong mga kuta ay laging nangasa harap ko.”6

Mahal kayo ng Panginoon. Alam Niya ang inyong mga inaasam at kabiguan. Hindi Niya kayo kalilimutan dahil patuloy na nasa Kanyang harapan ang inyong mga pasakit at pagdurusa.

Ang pinakadakilang pakita ng pag-ibig ng Diyos sa atin ay ang kahandaan Niyang isugo ang pinakamamahal Niyang Anak na si Jesucristo upang magbayad-sala para sa ating mga kasalanan, maging ating Tagapagligtas at Manunubos.

Sa Juan 3:16 mababasa natin, “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Sabi ng Tagapagligtas: “Kung paanong inibig ako ng Ama, ay gayon din naman iniibig ko kayo.”7

Ang kahandaan ni Jesucristo na maging tupang sakripisyo ay pagpapahayag ng Kanyang pag-ibig sa Ama at ng Kanyang walang hanggang pag-ibig sa ating lahat.

Inilarawan ni Isaias ang pagdurusa ng Tagapagligtas:

“Tunay na kaniyang dinala ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan. …

“… Siya’y nasugatan dahil sa ating mga pagsalangsang, siya’y nabugbog dahil sa ating mga kasamaan, … at sa pamamagitan ng kaniyang mga latay ay nagsigaling tayo.”8

Ipinahayag ng Panginoon, “Ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi.”9

Pinutol Niya ang mga tanikala ng kamatayan at pinapangyaring mabuhay na mag-uli ang buong sangkatauhan. Binigyan Niya tayo ng kaloob na imortalidad.

Si Jesucristo ay dinala sa Kanyang sarili ang ating mga kasalanan, nagdusa, at namatay upang bigyang-kasiyahan ang hinihingi ng katarungan nang hindi tayo magdusa kung tayo ay magsisisi.

Ipinapakita natin ang pagtanggap kay Jesucristo bilang ating Tagapagligtas kapag sumampalataya tayo sa Kanya, nagsisi sa ating mga kasalanan, at tumanggap ng nakapagliligtas na mga ordenansang kailangan para makapiling ang Diyos. Ang nakapagliligtas na mga ordenansang ito ay simbolo ng mga tipang ginagawa natin. Ang mga tipan ng pagsunod sa Kanyang mga batas at kautusan ay nagbibigkis sa atin sa Diyos at nagpapalakas ng ating pananampalataya. Ang ating pananampalataya at katapatan kay Cristo ay magbibigay sa atin ng tapang at tiwalang kailangan upang harapin ang mga hamon ng buhay, na bahagi ng ating karanasan sa lupa.

Matapos lang matawag ang asawa ko na mangulo sa Paraguay Asuncion Mission noong 1992, dumalo kami sa branch conference sa isang liblib na komunidad sa Paraguayan Chaco.10 Naglakbay kami nang apat na oras sa sementadong kalsada at pitong oras pa sa baku-bakong kalsada. Ang mga panganib at hirap ng paglalakbay ay agad nalimutan nang batiin namin ang masasaya at mababait na miyembro ng Mistolar.

Si Julio Yegros ang bata pang branch president at ang asawa niya, na si Margarita, ay kabilang sa ilang pamilyang nabuklod sa templo. Ipinabahagi ko ang kanilang karanasan sa paglalakbay sa templo.

Sa panahong iyon, Buenos Aires temple sa Argentina ang pinakamalapit na templo. Ang paglalakbay mula sa Mistolar ay kinailangan ng 27 oras papunta sa templo at kasama nila ang dalawa nilang musmos na anak. Sa panahon iyon ng napakaginaw na taglamig, ngunit sa malaking sakripisyo ay nakarating sila sa templo at nabuklod bilang walang hanggang pamilya. Pauwi, dalawang sanggol ang malubhang nagkasakit at namatay. Inilibing nila ang mga ito sa tabing-daan at umuwi sila nang walang kasamang anak. Malungkot sila at nalulumbay, ngunit kamangha-mangha na panatag at payapa sila. Sabi nila tungkol sa karanasan: “Nabuklod sa amin ang aming mga anak sa bahay ng Panginoon. Alam namin na mapapasaamin sila hanggang sa kawalang-hanggan. Ang kaalamang ito ang nagbigay sa amin ng kapanatagan at kapayapaan. Kailangan naming manatiling karapat-dapat at tapat sa mga tipang ginawa namin sa templo, at pagkatapos ay muli namin silang makakasama.”

Paano natin mapag-iibayo ang ating pananampalataya at pag-asa na tulad sa matatapat na miyembrong ito mula sa Paraguay?

Paano natin mapapalakas ang ating paniniwala sa mga patotoong paulit-ulit kong narinig mula sa marami sa inyo, na kayo ay naniniwalang mahal kayo ng Diyos, tiwalang pagpapalain Niya kayo, at nauunawaan ninyo ang plano ng pagtubos sa pamamagitan ng Tagapagligtas na si Jesucristo at ang mahalagang bahagi ninyo sa Kanyang plano?

Apat na bagay ang imumungkahi ko na nakatulong sa akin: panalangin, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagsunod at paglilingkod.

Panalangin

Ang panalangin ay pakikipag-ugnayan sa Ama sa Langit. Kapag nanalangin tayo, kinikilala natin ang ating pananampalataya sa Kanya at ang kapangyarihan Niyang pagpalain tayo.

Sa Alma 37:37, mababasa natin: “Makipagsanggunian sa Panginoon sa lahat ng iyong mga gawain, at gagabayan ka niya sa kabutihan; oo, kapag ikaw ay nahiga sa gabi, mahiga sa Panginoon, upang mabantayan ka niya sa iyong pagtulog; at kapag ikaw ay bumangon sa umaga hayaang ang iyong puso ay mapuspos ng pasasalamat sa Diyos; at kung gagawin mo ang mga bagay na ito, ikaw ay dadakilain sa huling araw.”

Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Nakakatulong sa atin ang kaalaman at pag-unawa sa plano ng Ama sa Langit para malaman kung sino tayo at ano ang dapat nating kahinatnan.

Iniutos ng Panginoon: “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin.”11

Malaki ang pangangailangan ng bawat babae na mag-aral ng mga banal na kasulatan. Habang nagiging mas pamilyar tayo sa mga katotohanan sa mga banal na kasulatan, maipapamuhay natin ang mga ito at magkakaroon tayo ng higit na kapangyarihang isakatuparan ang mga layunin ng Diyos. Ang araw-araw nating panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay nag-aanyaya rin ng impluwensya at kapangyarihan ng Espiritu Santo sa ating buhay.

Pagsunod

Sinabi ng Panginoon, “Kung ako’y inyong iniibig, ay tutuparin ninyo ang aking mga utos.”12 Makakatulong ang ating tapat na pagsunod para tayo maging banal at magbago ang ating puso.

Sa Doktrina at mga Tipan pinayuhan tayo:

“Tuparin ang mga tipan na iyong ginawa. …

“Patuloy na sundin ang aking mga kautusan, at isang putong ng kabutihan ang iyong matatanggap.”13

Pinalalakas ng pangako nating ipamuhay ang ebanghelyo ang ating pananampalataya at pag-asa kay Jesucristo.

Paglilingkod

Napakarami nating pagkakataong maglingkod sa Kanya. Bawat babae ay hinilingang maghanap at tumulong sa maralita at nangangailangan sa atin at sa ating paligid. Kasama sa “maralita at nangangailangan” ang espirituwal at emosyonal na pangangailangan. Bawat isa ay inutusan ding iligtas ang ating mga patay, na magagawa sa pamamagitan ng paggawa ng family history o gawain sa templo. Inutusan tayong ibahagi ang ebanghelyo sa iba, at napakaraming paraan para makalahok sa gawaing misyonero. Lahat ng bagay na ito ay mga paraan na maaari nating gawin upang mapaglingkuran ang Panginoon. Inaasahan ng Panginoon ang mga yaong malalakas na palakasin ang mahihina, at lalakas ang sarili ninyong pananampalataya kapag pinalakas at inaalagaan ninyo ang Kanyang mga anak.

Alam ko na minamahal ng Ama sa Langit ang Kanyang mga anak nang sakdal, isa-isa, at tuwina. Alam ko na bilang mga babae, may mahalagang bahagi tayo sa plano ng kaligayahan. Ang pinakamainam na pagsisikap lamang natin ang hinihiling Niya mula sa atin, at bawat isa sa atin ay kailangan sa pagtatayo ng kaharian. Ang Pagbabayad-sala ay totoo. Si Jesucristo ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Pinatototohanan ko na kung tayo ay tapat at magtitiis hanggang wakas, tatanggap tayo ng lahat ng pagpapala ng Ama sa Langit, maging ng buhay na walang hanggan at ng kadakilaan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.