Magkaroon ng Liwanag!
Sa tumitinding kasamaan sa mundo mahalagang gawing bahagi ng pampublikong diskurso ang mga pinahahalagahang batay sa paniniwala sa relihiyon.
Nagdiwang ako ng kaarawan noong isang buwan. Bilang regalo sa kaarawan ko, binigyan ako ng asawa kong si Mary ng isang CD na may mga awit ng pag-asa at pananampalataya na kinanta ng bantog na British singer na si Vera Lynn na nagbigay-sigla sa kanyang mga tagapakinig sa gitna ng kahirapan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
May dahilan kung bakit ito ang iniregalo sa akin ng asawa ko. Ang pambobomba sa London noong Setyembre 1940 ay nagsimula isang araw bago ako isinilang.1 Nagpasiya ang aking ina, na nakikinig sa balita ng London blitz sa radyo sa kanyang silid sa ospital, na isunod ang pangalan ko sa tagapagbalita sa radyo na nagngangalang Quentin.
Ang bokalista, si Vera Lynn, ay 93 anyos na ngayon. Noong isang taon muling inilabas ang ilan sa kanyang mga awiting ukol sa digmaan at kaagad itong nanguna sa mga music chart sa Britanya. Maaalala ninyong mga medyo nakatatanda ang ilan sa mga awiting gaya ng “The White Cliffs of Dover.”
Lubos akong naantig ng awiting pinamagatang “When the Lights Go on Again (All over the World).” Dalawang bagay ang naisip ko dahil sa awiting ito—una, ang propesiya ng isang British statesman na: “Namamatay ang mga ilaw sa buong Europa. Hindi na ito muling sisindi sa ating panahon;”2 at ikalawa, ang mga pambobomba sa mga lungsod ng Britanya gaya ng London. Para mas mahirapang makita ng mga nambobomba ang target, nagtakda sila ng mga blackout. Pinapatay nila ang mga ilaw, at kinakabitan ng kurtina ang mga bintana.
Ang awitin ay nagpahiwatig ng pag-asa na manunumbalik ang kalayaan at liwanag. Sa atin na nakauunawa sa papel ng Tagapagligtas at sa Liwanag ni Cristo3 sa kasalukuyang paglalaban ng mabuti at masama, malinaw ang analohiya sa pagitan ng digmaang pandaigdig na iyon at ng mga kaguluhan ngayon tungkol sa moralidad o kagandahang-asal. Sa pamamagitan ng Liwanag ni Cristo maaaring “malaman [ng buong sangkatauhan] ang mabuti sa masama.”4
Hindi kailanman madaling kamtin o panatilihin ang kalayaan at liwanag. Simula noong Digmaan sa Langit, ginamit na ng mga puwersa ng kasamaan ang lahat ng paraan para sirain ang kalayaan at patayin ang liwanag. Mas matindi ang pag-atake ngayon sa mga tuntuning moral at kalayaan sa relihiyon.
Bilang mga Banal sa mga Huling Araw kailangan nating gawin ang lahat para maingatan ang liwanag at maprotektahan ang ating pamilya at komunidad sa pag-atakeng ito sa moralidad at kalayaan sa relihiyon.
Pagprotekta sa Pamilya
Ang panganib na laging nakaamba sa pamilya ay ang pag-atake ng mga puwersa ng kasamaan na tila nagmumula sa lahat ng direksyon. Kahit dapat nating unahing sikaping hanapin ang liwanag at katotohanan, katalinuhan ang protektahan ang ating pamilya sa mga kasamaan sa mundo na sumisira sa espirituwal na pag-unlad at paglago. Ang pornograpiya, lalo na, ay sandatang pupuksa sa moralidad ng lahat ng tao. Ang epekto nito ang nangunguna sa pagpapaguho ng moralidad. Ganito rin katindi ang ilang programa sa TV at mga Internet site. Inaalis ng mga puwersa ng kasamaang ito ang liwanag at pag-asa sa mundo. Bumibilis ang pagbaba ng moralidad.5 Kung hindi natin iwawaksi ang kasamaan sa ating mga tahanan at buhay, huwag magulat kung sirain ng mapangwasak na mga pag-atake sa moralidad ang kapayapaang gantimpala ng mabuting pamumuhay. Responsibilidad nating mapasa mundo ngunit hindi maging makamundo.
Bukod dito, kailangan tayong maging mas tapat sa relihiyon sa ating tahanan. Ang lingguhang family home evening, araw-araw na panalangin ng pamilya at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay mahalaga. Kailangan din tayong magpasok sa ating tahanan ng media na “marangal, kaaya-aya, o magandang balita o maipagkakapuri.”6Kung gagawin nating banal na lugar ang ating mga tahanan na poprotekta sa atin mula sa kasamaan, mapoprotektahan tayo mula sa masasamang bungang ipinropesiya sa mga banal na kasulatan.
Pagprotekta sa Komunidad
Bukod sa pagprotekta sa ating mga pamilya, dapat tayong pagmulan ng liwanag sa pagprotekta sa ating mga komunidad. Sinabi ng Tagapagligtas, “Hayaan na ang inyong ilaw ay magliwanag sa harapan ng mga taong ito, upang makita nila ang inyong mabubuting gawa at luwalhatiin nila ang inyong Ama na nasa langit.”7
Ang ating panahon ay inilarawan bilang “panahon ng kasaganaan at pag-aalinlangan.”8 Ang pangunahing paniniwala sa kapangyarihan at awtoridad ng Diyos ay hindi lamang pinagdududahan, kundi hinahamak din. Sa ganitong mga sitwasyon paano natin maitataguyod ang mga pinahahalagahan sa paraang makukuha natin ang suporta ng mga hindi-naniniwala at nagbabalewala at mapipigil ang napakabilis na pagbulusok sa karahasan at kasamaan?
Napakahalaga ng tanong na ito. Isipin ang propetang si Mormon at ang kanyang hinagpis nang ipahayag niya, “Paanong itinatwa ninyo si Jesus, na nakatayong bukas ang mga bisig upang kayo ay tanggapin!”9 May katwirang maghinagpis si Mormon, at naiwan ang kanyang anak na si Moroni para ilarawan ang “malungkot na kasaysayan ng pagkalipol ng [kanyang] mga tao.”10
Ang personal na karanasan ko sa pamumuhay at pakikisalamuha sa mga tao sa buong mundo ang dahilan kaya maganda ang pananaw ko. Naniniwala ako na maiingatan ang liwanag at katotohanang iyan sa ating panahon. Sa lahat ng bansa ay napakaraming sumasamba sa Diyos at dama nilang pananagutan nila sa Kanya ang kanilang ginagawa. Ilang nagmamasid ang naniniwala na nagbabalik nga ang pananampalataya sa mundo.11 Bilang mga pinuno ng Simbahan, nakausap na namin ang mga lider ng ibang relihiyon at nalaman namin na iisa ang pundasyon ng moralidad na higit pa sa pagkakaiba ng mga relihiyon at pinagkakaisa tayo nito sa ating mga adhikain para sa mas magandang lipunan.
Nalaman din namin na iginagalang pa ng karamihan sa mga tao ang mga pangunahing kagandahang-asal. Ngunit huwag magkakamali: may mga tao ring determinadong sirain ang pananampalataya at iwaksi ang anumang impluwensya ng relihiyon sa lipunan. Ang ibang masasamang tao ay nagsasamantala, nagmamanipula, at sinisira ang lipunan sa pamamagitan ng droga, pornograpiya, seksuwal na pang-aabuso, pangangalakal ng tao, pagnanakaw, at hindi tapat na pagnenegosyo. Ang kapangyarihan at impluwensya ng mga taong ito ay napakalawak kahit medyo kakaunti sila.
Noon pa man ay may labanan na sa pagitan ng mga taong sumasampalataya at ng mga taong mag-aalis ng relihiyon at Diyos sa buhay ng mga tao.12 Maraming lider ngayon na nakaiimpluwensya sa opinyon ng iba ang ayaw tumanggap sa pananaw ng mundo ukol sa moralidad na nakabatay sa paniniwala ng mga Judio at Kristiyano. Sa tingin nila walang makatotohanang kaayusan ng moralidad.13 Naniniwala sila na hindi dapat pahalagahan ang mga moral na mithiin.14
Magkagayunman, karamihan sa mga tao ay naghahangad na maging mabuti at marangal. Ang Liwanag ni Cristo, na iba kaysa Espiritu Santo, ang nagpapabatid sa kanilang budhi. Alam natin mula sa mga banal na kasulatan na ang Liwanag ni Cristo ay “ang Espiritu [na] nagbibigay ng liwanag sa bawat tao na dumarating sa daigdig.”15 Ibinibigay ang liwanag na ito “para sa kapakanan ng buong sanlibutan.”Itinuro ni16 Pangulong Boyd K. Packer na ito ang “pinagmumulan ng inspirasyon na taglay nating lahat na mga miyembro ng pamilya ng sangkatauhan.”17 Ito ang dahilan kung bakit tatanggapin ng marami ang mga pinahahalagahang moral kahit batay ito sa mga paniniwalang nauukol sa relihiyon na hindi nila personal na tinatangkilik. Tulad ng mababasa natin sa Mosias sa Aklat ni Mormon, “Hindi pangkaraniwan na ang tinig ng mga tao ay magnais ng anumang bagay na salungat sa yaong tama; subalit pangkaraniwan ito sa kakaunting bahagi ng mga tao na magnais ng yaong hindi tama.” Pagkatapos ay nagbabala si Mosias na, “Kung dumating ang panahon na ang tinig ng mga tao ay piliin ang kasamaan, sa panahong yaon ay sasapit sa inyo ang mga paghahatol ng Diyos.”18
Sa tumitinding kasamaan sa ating mundo, mahalagang gawing bahagi ng pampublikong diskurso ang mga pinahahalagahang batay sa paniniwala sa relihiyon. Ang mga moral na paninindigang na batay sa paniniwala sa relihiyon ay dapat bigyan ng pantay na pagkakataong mapag-usapan sa publiko. Sa ilalim ng konstitusyon ng karamihan sa mga bansa, ang paniniwala sa relihiyon ay maaaring hindi unahin, ngunit hindi rin ito dapat balewalain.19
Ang pananampalataya sa relihiyon ay pinagmumulan ng liwanag, kaalaman, at karunungan at kapaki-pakinabang sa lipunan sa malaking paraan kapag sumusunod sa kagandahang-asal ang mga naniniwala dito dahil nadarama nilang mananagot sila sa Diyos.20
Dalawang tuntuning ukol sa relihiyon ang maglalarawan sa bagay na ito.
Tapat na Ugaling Nahikayat ng Pananagutan sa Diyos
Ang simula ng ikalabintatlong saligan ng pananampalataya ay, “Naniniwala kami sa pagiging matapat.” Ang katapatan ay tuntuning nakasalig sa paniniwala sa relihiyon at isa sa mga pangunahing batas ng Diyos.
Maraming taon na ang nakalilipas noong abogado pa ako sa California, isang kaibigan at kliyenteng hindi miyembro ang pumasok para kausapin ako at tuwang-tuwang ipinakita sa akin ang liham na natanggap niya mula sa isa sa mga LDS bishop ng kalapit na ward. Isinulat ng bishop na isang miyembro ng kanyang kongregasyon, na dating empleyado ng kliyente ko, ang nanguha ng mga kagamitan sa opisina ng kliyente ko at ikinatwiran na surplus naman ang mga ito. Ngunit matapos maging tapat na Banal sa mga Huling Araw at nagsikap na sumunod kay Jesucristo, inamin ng empleyadong ito na pagnanakaw ang ginawa niya. Nakalakip sa liham ng lalaki ang perang hindi lamang kapalit ng halaga ng mga kagamitan, kundi pati ang tubo o interes nito. Humanga ang kliyente ko na tutulungan ng Simbahan ang taong ito, sa pamamagitan ng mga pinuno na aalalay sa kanya, sa pagsisikap niyang makipagkasundo sa Diyos.
Isipin ang liwanag at katotohanang pinahahalagahan ng mga Judio at Kristiyano ukol sa kahalagahan ng katapatan. Isipin ang epekto sa lipunan kung hindi mandaraya ang mga kabataan sa eskuwela, kung tapat ang matatanda sa trabaho at tapat sa kanilang mga sinumpaan sa kasal. Para sa atin ang konsepto ng katapatan ay nakasalig sa buhay at mga turo ng Tagapagligtas. Ang katapatan ay isa ring mahalagang katangian sa iba pang mga pananampalataya at sa makasaysayang literatura. Sinabi ng makatang si Robert Burns, “Ang matapat na tao ang pinakamarangal na likha ng Diyos.”21 Sa halos bawat pagkakataon, nadarama ng mga taong sumasampalataya na pananagutan nila sa Diyos ang pagiging tapat. Ito ang dahilan kaya’t pinagsisihan ng lalaki sa California ang ginawa niyang pagnanakaw.
Sa isang mensahe sa pagtatapos noong isang taon ibinahagi ni Clayton Christensen, isang propesor sa Harvard at lider ng Simbahan, ang totoong kuwento ng isang kasamahan sa trabaho mula sa ibang bansa na nag-aral ng demokrasya. Nagulat ang kanyang kaibigan sa laki ng kahalagahan ng relihiyon sa demokrasya. Itinuro niya na sa mga lipunan kung saan mula pa sa pagkabata ay tinuturuan na ang mga mamamayan na makadama ng pananagutan sa Diyos ukol sa katapatan at integridad, susunod sila sa mga patakaran at gawi na kahit hindi maipatupad ay nagtataguyod ng demokrasya. Sa mga lipunan kung saan hindi ito ginagawa ay hindi sasapat ang mga pulis para maipatupad ang katapatan ng pag-uugali.22
Malinaw na malaki ang magagampanan ng moralidad sa katapatan sa pagtuturo ng liwanag at katotohanan at pagpapahusay ng lipunan at dapat itong pahalagahan ng mga taong walang pananampalataya.
Pagtuturing sa Lahat ng Anak ng Diyos Bilang mga Kapatid
Ang ikalawang halimbawa kung paano nakikinabang ang lipunan sa pananampalataya sa relihiyon at paano ito nagbibigay ng liwanag sa mundo ang siyang papel ng relihiyon sa pagtuturing sa lahat ng anak ng Diyos bilang mga kapatid.
Maraming institusyong nakabatay sa relihiyon nitong huling dalawang siglo ang nangunguna sa pagtulong at pagsagip sa mga biktima ng kalupitan dahil naniniwala sila na lahat ng tao ay nilikha sa larawan at wangis ng Diyos.23 Si William Wilberforce, na iginagalang na pulitiko sa Britanya na naging instrumento sa pagbabawal ng pangangalakal o pagbebenta ng mga alipin sa Great Britain, ay isang napakainam na halimbawa.24 Naipakita ng nakaaantig na himnong “Amazing Grace,” at ng nagbibigay-inspirasyong pelikula na may ganoon ding pamagat, ang damdaming namayani noong mga unang taon ng 1800 at inilarawan ang ginawa niyang kabayanihan. Ang walang-kapagurang mga pagsisikap ni Wilberforce ay kabilang sa mga unang hakbang upang maalis ang kakila-kilabot, mapang-api, malupit, at tiwaling gawaing ito. Bilang bahagi ng pagsisikap na iyon binago niya, kasama ang iba pang mga lider, ang moralidad ng publiko. Naniwala siya na kailangang ibatay sa moralidad ang edukasyon at gobyerno.25 “Ang pananaw niya sa moral at espirituwal na paglilinang ang naging layunin niya sa buhay, pagtatanggol man ito sa institusyon ng kasal, pag-atake sa pangangalakal o pagbebenta ng mga alipin o tahasang pagtatanggol sa araw ng Sabbath.”26 Buong lakas siyang tumulong sa pagpapakilos sa mga nagtataguyod ng kagandahang-asal at mga lider ng lipunan pakikibaka ng buong bansa laban sa bisyo.27
Sa pagsisimula ng kasaysayan ng ating Simbahan, karamihan sa ating mga miyembro ay tutol sa pang-aalipin.28 Napakalaking dahilan nito, pati na ang mga paniniwala sa kanilang pangrelihiyon, sa poot at karahasang dinanas nila sa kamay ng mga mandurumog, humantong sa utos ni Governor Boggs sa Missouri na lipulin sila.29 Noong 1833 si Joseph Smith ay nakatanggap ng paghahayag na nagsasabing, “Hindi tama na ang sinuman ay nasa gapos ng isa’t isa.”30 Ang ating katapatan sa kalayaan ng relihiyon at pagtuturing sa lahat bilang mga anak ng Diyos ay napakahalaga sa ating doktrina.
Dalawang halimbawa lang ito kung paano sinusuportahan ng mga pinahahalagang batay sa pananampalataya ang mga tuntuning labis na nagpapala sa lipunan. Napakarami pa ng mga ito. Dapat tayong lumahok mismo at sumuporta sa mga taong marangal at may integridad na muling itaguyod ang mga pinahahalagahang moral na magpapala sa buong komunidad.
Lilinawin ko na lahat ng tinig ay kailangang marinig ng publiko. Ito man ay tinig ukol sa relihiyon o sa sekular na bagay, hindi ito dapat patahimikin. Dagdag pa rito, hindi natin dapat asahan na dahil ang ilan sa ating mga pananaw ay nagmumula sa mga alituntuning pangrelihiyon ay agad tatanggapin o uunahin ang mga ito. Ngunit malinaw din na ang gayong mga pananaw at pinahahalagahan ay nararapat pag-aralan ayon sa mga pakinabang nito.
Ang pundasyon ng moralidad ng ating doktrina ay maaaring maging magandang halimbawa sa mundo at puwersang magdudulot ng pagkakaisa kapwa ng moralidad at pananampalataya kay Jesucristo. Kailangan nating protektahan ang ating mga pamilya at manguna kasama ang lahat ng taong may mabuting layon sa paggawa ng lahat ng magagawa natin upang maingatan ang liwanag, pag-asa, at moralidad sa ating komunidad.
Kung kapwa natin ipamumuhay at ipapahayag ang mga alituntuning ito, masusunod natin si Jesucristo, na siyang tunay na Ilaw ng Sanglibutan. Maaari tayong maging puwersa sa kabutihan sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo. Inaasam natin ang magandang araw na iyon na “aawit ang malalayang puso kapag muling nagliwanag ang buong mundo.”31 Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.