Ang Dakilang Plano ng Ating Ama
Dahil sa banal na plano ng Diyos, alam natin na ang pagsilang at kamatayan ay mahahalagang pangyayari lamang sa ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.
Sa simula ng training ko noon bilang doktor, nagkaroon ako ng pribilehiyong tulungan ang isang bata-bata pang ina na ipanganak ang kanyang panganay. Kalmado siya, nakapokus, at masaya. Nang mailuwal na ang sanggol, iniabot ko ito sa kanya. May luha ng kaligayahan na dumadaloy sa kanyang mukha, kinarga niya ang bagong silang na sanggol at sinuri ito mula ulo hanggang paa. Niyakap niya ito at minahal sa paraang tanging isang ina lamang ang makagagawa. Pribilehiyo kong makasama siya sa silid na iyon.
Ganyan ang simula ng buhay para sa bawat isa sa atin. Subalit sa pagsilang ba natin talaga ang simula? Ang tingin ng mundo sa pagsilang at kamatayan ay simula at katapusan. Ngunit dahil sa banal na plano ng Diyos, alam natin na ang pagsilang at kamatayan ay mahahalagang pangyayari lamang sa ating paglalakbay tungo sa buhay na walang hanggan sa piling ng ating Ama sa Langit.1 Mahahalagang bahagi ito ng plano ng ating Ama—mga sagradong sandali kung kailan ang mortalidad at kalangitan ay nagtatagpo. Ngayon, nang mapagnilayan ko ang natutuhan ko sa pagmamasid sa pagsilang at kamatayan sa mga taon ng pagiging doktor at paglilingkod ko sa Simbahan, nais kong patotohanan ang dakilang plano ng ating Ama.
“Bago tayo isinilang, nabuhay tayo sa piling ng Diyos, ang Ama ng ating mga espiritu. Lahat [tayo] na nasa mundo ay literal na magkakapatid” sa Kanyang pamilya,2 at bawat isa sa atin ay mahalaga sa Kanya. Nakapiling natin Siya nang napakatagal bago tayo isinilang sa mundo—na natututo, pumipili, at naghahanda.
Dahil mahal tayo ng Ama sa Langit, nais Niyang mapasaatin ang pinakadakilang kaloob na maibibigay Niya, ang kaloob na buhay na walang hanggan.3 Hindi Niya basta maibibigay sa atin ang kaloob na ito; kailangan natin itong tanggapin sa pamamagitan ng pagpili sa Kanya at sa Kanyang mga paraan. Kinailangan nating lisanin ang Kanyang piling at simulan ang napakaganda at puno ng hamon na paglalakbay ng pananampalataya, paglago, at pagbabago. Ang paglalakbay na inihanda ng Ama para sa atin ay tinatawag na plano ng kaligtasan o plano ng kaligayahan.4
Sa isang malaking kapulungan sa langit bago tayo isinilang, ipinaalam sa atin ng ating Ama ang Kanyang plano.5 Nang maunawaan natin ito, napakasaya natin kaya naghiyawan tayo sa galak, at “[n]agsiawit na magkakasama ang mga bituin[g] pang-umaga.”6
Ang planong iyon ay nakasalig sa tatlong dakilang doktrina: mga doktrina ng kawalang-hanggan.7
Ang unang doktrina ay ang Paglikha ng daigdig, ang paggaganapan ng ating mortal na paglalakbay.8
Ang pangalawang doktrina ay ang Pagkahulog ng una nating mga magulang sa lupa, sina Eva at Adan. Dahil sa Pagkahulog, ilang kagila-gilalas na bagay ang ibinigay sa atin. Naisilang tayo at nakatanggap ng pisikal na katawan.9 Pasasalamatan ko ang aking ina magpakailanman sa pagluluwal sa aming magkakapatid sa mundo at pagtuturo sa amin tungkol sa Diyos.
Binigyan din tayo ng Diyos ng moral na kalayaan—ang kakayahan at pribilehiyong pumili at kumilos para sa ating sarili.10 Para matulungan tayong pumili ng tama, binigyan tayo ng Ama sa Langit ng mga kautusan. Bawat araw, sa pagsunod natin sa Kanyang mga utos, ipinapakita natin sa Diyos na mahal natin Siya, at pinagpapala Niya ang ating buhay.11
Batid na hindi natin palaging pipiliin ang tama—o sa madaling salita, magkakasala tayo—binigyan tayo ng Ama ng pangatlong doktrina: ang Tagapagligtas na si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Sa pamamagitan ng Kanyang pagdurusa, tinubos tayo ni Cristo kapwa mula sa pisikal na kamatayan at sa kasalanan.12 Itinuro Niya, “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”13
Namuhay nang perpekto si Jesucristo, na laging sinusunod ang mga kautusan ng Kanyang Ama. “Binagtas Niya ang mga daan sa Palestina,” na itinuturo ang mga katotohanan ng walang hanggan, “nanggagamot ng maysakit, nagbibigay ng paningin sa bulag, at nagpapabangon ng patay.”14 Siya ay “naglilibot na gumagawa ng mabuti”15 at “nakiusap Siya sa lahat na sumunod sa Kanyang halimbawa.”16
Sa huling bahagi ng Kanyang buhay sa lupa, lumuhod Siya at nagdasal, na nagsasabing:
“Ama, kung ibig mo, ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma’y huwag mangyari ang aking kalooban, kundi ang iyo. …
“At nang siya’y nanglulumo ay nanalangin siya ng lalong maningas; at ang kaniyang pawis ay naging gaya ng malalaking patak ng dugo na nagsisitulo sa lupa.”17
Tinulungan tayo ni Cristo na mas maunawaan ang tindi ng Kanyang pagdurusa nang sabihin Niya kay Propetang Joseph Smith:
“Masdan, ako, ang Diyos, ay pinagdusahan ang mga bagay na ito para sa lahat, upang hindi sila magdusa kung sila ay magsisisi;
“Subalit kung hindi sila magsisisi sila ay kinakailangang magdusa na katulad ko;
“Kung aling pagdurusa ay dahilan upang ang aking sarili, maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu.”18
Doon sa Halamanan ng Getsemani, sinimulan Niyang pagbayaran ang ating mga kasalanan at karamdaman, ang ating mga pasakit at kapansanan.19 Dahil ginawa Niya ito, hindi tayo kailanman mag-iisa sa mga kapansanang iyon kung pipiliin nating sumunod sa Kanya. “Dinakip Siya at tinuligsa batay sa mga maling paratang, pinarusahan upang mabigyang-kasiyahan ang mga mandurumog, at hinatulan ng kamatayan sa krus ng Kalbaryo.” Sa krus “inialay Niya ang Kanyang buhay para sa kasalanan ng lahat ng sangkatauhan [sa] dakilang kaloob para sa lahat ng mabubuhay sa ibabaw ng mundo.”20
Sinabi Niya:
“Masdan, ako si Jesucristo, na siyang pinatotohanan ng mga propeta na paparito sa daigdig.
“At masdan, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan.”21
Pagkatapos, sa unang araw ng linggo,22 nagbangon Siya mula sa libingan na may perpektong nabuhay na mag-uling katawan, upang hindi na muling mamatay. At dahil ginawa Niya iyon, gagawin din natin iyon.
Nagpapatotoo ako na si Cristo ay totoong nagbangon mula sa libingan. Ngunit para makabangon mula sa libingang iyon, kinailangan muna Siyang mamatay. At ganoon din dapat tayo.
Ang isa pa sa malalaking pagpapala sa buhay ko ay ang madama na malapit ang langit noong mga sandali na nakaupo ako sa tabi ng kama ng mga tao sa pagpanaw nila. Isang madaling araw ilang taon na ang nakalipas, pumasok ako sa silid sa ospital ng isang matapat na biyudang Banal sa mga Huling Araw na may kanser. Nakaupo sa tabi niya ang dalawa sa kanyang mga anak na babae. Paglapit ko sa tabi ng kama niya, agad kong natuklasan na hindi na siya nahihirapan, dahil kamamatay lang niya.
Sa sandaling iyon ng kamatayan, puno ng kapayapaan ang silid. Matamis na kalungkutan ang nadama ng kanyang mga anak, ngunit puspos ng pananampalataya ang kanilang puso. Alam nila na hindi nawala ang nanay nila kundi nakauwi na.23 Kahit sa mga sandali ng ating matinding pighati, sa mga sandali na tumitigil ang oras at tila hindi patas ang buhay, makasusumpong tayo ng kapanatagan sa ating Tagapagligtas dahil Siya man ay nagdusa.24 Isang pribilehiyo para sa akin na naroon ako sa silid na iyon.
Kapag namatay tayo, lilisanin ng ating espiritu ang ating katawan, at pupunta tayo sa sumunod na yugto ng ating paglalakbay, sa daigdig ng mga espiritu. Ito ay lugar ng pagkatuto, pagsisisi, pagpapatawad, at pagbabago25 kung saan hihintayin natin ang Pagkabuhay na Mag-uli.26
Pagdating ng dakilang araw, lahat ng naisilang ay muling magbabangon mula sa libingan. Ang ating espiritu at katawan ay muling magsasama sa kanilang perpektong anyo. Lahat ay mabubuhay na mag-uli, “kapwa matanda at bata, … kapwa lalaki at babae, kapwa masama at mabuti,” at “bawat bagay ay manunumbalik sa kanyang ganap na kabuuan.”27
Pagkatapos ng Pagkabuhay na Mag-uli mapapasaatin ang sukdulang pagpapala na mahatulan ng ating Tagapagligtas, na nagsabing:
“Hihikayatin ko ang lahat ng tao sa akin, upang sila ay mahatulan alinsunod sa kanilang mga gawa.
“At ito ay mangyayari, na sinuman ang magsisisi at mabibinyagan sa aking pangalan ay mapupuspos; at kung siya ay magtitiis hanggang wakas, masdan, siya ay pawawalan ko ng sala sa harapan ng aking Ama sa araw na yaon kung kailan ako tatayo upang hatulan ang sanlibutan.”28
Pagkatapos, sa pamamagitan ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala, lahat ng pipili na sumunod sa Kanya sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap sa Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas,29 ay matutuklasan na ang katapusan ng kanilang paglalakbay ay ang makamtan “ang kanilang banal na tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”30 Babalik sila sa kinaroroonan ng kanilang Ama upang makapiling Siya magpakailanman. Nawa’y piliin natin ang tama.
Marami pang nangyayari sa ating buhay bukod pa sa nangyayari sa pagitan ng pagsilang at kamatayan. Inaanyayahan ko kayong lumapit at sumunod kay Cristo.31
Inaanyayahan ko ang lahat ng miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na, bawat araw, “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan, … [na] sa pamamagitan ng pagbubuhos ng dugo ni Cristo, … kayo [ay] maging banal, na walang bahid-dungis.”32
Inaanyayahan ko ang mga hindi pa miyembro ng Simbahang ito na pumarito at basahin ang Aklat ni Mormon at pakinggan ang mga missionary. Halina’t manampalataya at magsisi sa inyong mga kasalanan. Halina’t magpabinyag at tanggapin ang Espiritu Santo. Halina’t mabuhay nang maligaya at puno ng mga bagay ukol kay Cristo. Kapag lumapit kayo sa Kanya at sumunod sa Kanyang mga kautusan, ipinapangako ko na makasusumpong kayo ng kapayapaan at layunin sa madalas ay napakagulong buhay na ito sa mundo at ng “buhay na walang hanggan sa daigdig na darating.”33
Para sa mga nakaalam na sa mga katotohanang ito at sa anumang kadahilanan ay napalayo, inaanyayahan ko kayong magbalik. Magbalik na ngayon. Mahal kayo ng ating Ama at ng Tagapagligtas. Pinatototohanan ko na si Cristo ay may kapangyarihang sagutin ang inyong mga tanong, pagalingin ang inyong mga pasakit at dalamhati, at patawarin ang inyong mga kasalanan. Alam ko na ito ay totoo. Alam ko na lahat ng bagay na ito ay totoo. Si Cristo ay buhay! Ito ang Kanyang Simbahan. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.