Lumiliwanag nang Lumiliwanag Hanggang sa Ganap na Araw
Maging sa pinakamahihirap at pinakamadidilim na sandali, may liwanag at kabutihan sa buong paligid natin.
Nagbahagi si Pablo ng isang magandang mensahe ng pag-asa sa mga taga-Corinto:
“Sa magkabikabila ay nangagigipit kami, gayon ma’y hindi nangaghihinagpis; nangatitilihan, gayon ma’y hindi nangawawalan ng pag-asa.
“Pinag-uusig, gayon ma’y hindi pinababayaan; inilulugmok, gayon ma’y hindi nangasisira.”1
Ano ang pinagmulan ng pag-asa ni Pablo? Pakinggan ang kanyang sagot: “Yamang ang Dios, ang nagsabi, Magniningning ang ilaw sa kadiliman, na siyang nagningning sa aming mga puso, upang magbigay ng liwanag ng pagkakilala sa kaluwalhatian ng Dios sa mukha ni Jesucristo.”2
Maging sa pinakamahihirap at pinakamadidilim na sandali, may liwanag at kabutihan sa buong paligid natin. Noong Oktubre, nagpaalala sa atin si Pangulong Dieter F. Uchtdorf, “Napalilibutan tayo ng napakaraming kaalaman at katotohanan at dahil diyan iniisip ko kung talaga bang pinasasalamatan natin ang mga bagay na mayroon tayo.”3
Gayunman, mas gusto ng kaaway na magtuon tayo sa “abu-abo ng kadiliman … na bumubulag sa mga mata, … nagpapatigas sa mga puso … [at] umaakay … palayo.”4
Gayon pa man, dahil lubos na nauunawaan ng Panginoon ang mga hamon sa ating panahon, nangako Siya, “Yaong sa Diyos ay liwanag; at siya na tumatanggap ng liwanag, at nagpapatuloy sa Diyos, ay tumatanggap ng marami pang liwanag; at ang liwanag na yaon ay lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw.”5
Tayo ay mga anak ng Diyos. Nilikha tayo upang tumanggap ng liwanag, magpatuloy sa Diyos, at tumanggap ng marami pang liwanag. Sa simula pa lamang, sinunod natin ang liwanag; sinunod natin ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang plano. Ang paghahanap ng liwanag ay nasa ating espirituwal na DNA.
Narinig kong itinuro nang napakahusay ang walang-hanggang katotohanang ito sa isang di-inaasahang lugar. Habang nagtatrabaho ako sa isang malaking bangko, naimbita akong dumalo sa isang executive program sa University of Michigan. Sa oras ng program, itinuro ni Propesor Kim Cameron ang konsepto ng mabuting pamumuno at ang heliotropic na epekto nito. Ipinaliwanag niya: “Ito ay tumutukoy sa tendensiya ng lahat ng may-buhay na lumapit sa positibong enerhiya [ang liwanag] at lumayo sa negatibong enerhiya [ang kadiliman]. Mula sa single-cell organism hanggang sa kumplikadong human system, lahat ng may-buhay ay may likas na inklinasyon na lumapit sa positibo at lumayo sa negatibo.”6
Batay sa kanyang maraming pagsasaliksik, nagtuon din siya sa tatlong mahahalagang ugali na kailangan sa matagumpay na pagtatrabaho: pagkahabag, pagpapatawad, at pasasalamat.7 Lubos na makatuturan na kapag bumaling ang mga tao sa positibo (liwanag), ang mga katangiang lubos na naipakita ng Ilaw ng Sanlibutan na si Jesucristo ay naroroon!
Mga kapatid, mapanatag na may liwanag na nariyan para sa atin. Magmumungkahi ako ng tatlong lugar kung saan tayo laging makasusumpong ng liwanag:
1. Ang Liwanag ng Simbahan
Ang Simbahan ay isang parola ng liwanag sa mundong patuloy na nagdidilim. Napakagandang panahon nito upang maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw! Ang Simbahan ay mas matatag kaysa noon8 at literal na mas tumatatag bawat araw habang may mga bagong miyembrong sumasapi sa atin, nabubuo ang mga bagong kongregasyon, tumatawag ng mga bagong missionary, at nabubuksan ang mga bagong teritoryo sa ebanghelyo. Nakikita natin ang matagal-tagal nang hindi aktibo sa Simbahan na bumabalik bunga ng araw-araw na mga himalang dulot ng pagsagip na nakinita noon ni Pangulong Thomas S. Monson.
Kinausap ko kamakailan ang mga kabataan sa Paraguay, Uruguay, Chile, at Argentina sa kanilang mga For the Strength of Youth conference. Gumugol ang libu-libong kabataang lalaki at babae ng isang buong linggo sa pagpapalakas ng kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas at saka sila nagsiuwi sa kanilang pamilya at mga kaibigan, na nagpapalaganap ng liwanag at pagmamahal ni Cristo.
Talagang laging may mga mamimintas sa Simbahan. Ganito na sa simula pa lang at magpapatuloy ito hanggang wakas. Ngunit hindi natin maaaring hayaang pahinain ng gayong pamimintas ang pagiging sensitibo natin sa liwanag na nariyan para sa atin. Ang pagkilala sa liwanag at paghahanap dito ay magpapagindapat sa atin para sa mas marami pang liwanag.
Sa isang mundong nagdidilim, ang liwanag ng Simbahan ay liliwanag nang liliwanag hanggang sa ganap na araw.
2. Ang Liwanag ng Ebanghelyo
Ang liwanag ng ebanghelyo ang landas na “lumiliwanag nang lumiliwanag hanggang sa ganap na araw,”9 at pinakamaningning ang liwanag nito sa ating pamilya at sa mga templo sa buong mundo.
Nakasaad sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo: “Sa pamamagitan ng liwanag ng ebanghelyo, malulutas ng mga pamilya ang mga di-pagkakaunawaan, pagtatalo, at mga hamon. Ang mga pamilyang nahati dahil sa di-pagkakasundo ay mapagkakaisa sa pamamagitan ng pagsisisi, pagpapatawad, at pananampalataya sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.”10 Ngayon higit kailanman, ang ating pamilya ay kailangang pagmulan ng malaking liwanag sa lahat ng nasa paligid atin. Nadaragdagan ang liwanag ng mga pamilya habang nag-iibayo ang kanilang pagmamahal at kabaitan. Kapag nagtatag tayo ng mga pamilyang may “pananampalataya, … pagsisisi, pagpapatawad, paggalang, pagmamahalan, [at] awa,”11 lalo nating mamahalin ang Tagapagligtas at ang isa’t isa. Mas titibay ang pamilya, at ang liwanag na nasa bawat isa sa atin ay mas magniningning.
Mababasa natin sa Bible Dictionary na “ang tahanan lamang ang maihahalintulad sa templo sa kasagraduhan.”12 Ngayon ay mayroon na tayong 155 templong gumagana at marami pa ang itatayo. Dumarami ang mga pamilyang ibinubuklod para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Nagsusumite ang mga miyembro ng mas maraming pangalan ng kanilang mga ninuno sa templo para maisagawa ang nakapagliligtas na mga ordenansa para sa kanila. Tunay na nadarama natin ang malaking kagalakan at pagdiriwang sa magkabilang panig ng tabing!
Sa mundong patuloy na nagdidilim, ang liwanag ng ebanghelyo ay liliwanag nang liliwanag hanggang sa ganap na araw.
3. Ang Liwanag ni Cristo
Hindi ninyo maaaring banggitin ang liwanag sa sanlibutan nang hindi binabanggit ang Ilaw ng Sanlibutan na si Jesucristo. Ang katibayan na may mapagmahal na Ama sa Langit ay na lahat ng isinisilang sa buhay na ito ay nabiyayaan ng Liwanag ni Cristo para tulungan silang makauwi [pabalik sa Ama sa Langit]. Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang Espiritu ni Cristo ay laging nariyan. … Ang Liwanag ni Cristo ay pandaigdigan tulad ng sikat ng araw mismo. Saanman naroon ang tao, naroon ang Espiritu ni Cristo.”13 Ang Liwanag ni Cristo ay “nag-aanyaya at nang-aakit na patuloy na gumawa ng mabuti”14 at inihahanda ang lahat ng naghahangad ng kabutihan at katotohanan na matanggap ang Espiritu Santo.
Itinuro ng Tagapagligtas na Siya ang liwanag na “nagbibigay-liwanag sa inyong mga mata,” “nagpapabilis ng inyong mga pang-unawa,” at “nagbibigay ng buhay sa lahat ng bagay.”15 Ang Liwanag ni Cristo ay tutulungan tayong makita ang ibang tao ayon sa pagtingin ng Tagapagligtas. Magiging mas mapagmahal at maunawain tayo sa mga paghihirap ng iba. Tutulungan tayo nitong maging mas mapagpasensya sa mga taong hindi natin katulad sumamba o maglingkod. Tutulungan tayo nitong mas lubos na maunawaan ang dakilang plano ng kaligayahan at makita kung paano tayo nagiging bahaging lahat sa dakila at mapagmahal na planong iyan. Nagbibigay ito ng buhay, kahulugan, at layunin sa lahat ng ginagawa natin. Ngayon, sa lahat ng kaligayahang darating sa atin habang mas lubos nating nauunawaan ang Liwanag ni Cristo, hindi nito mapapantayan ang kagalakang nadarama natin kapag nakikita natin na nagkakaroon ng epekto ang Liwanag ni Cristo sa iba: sa pamilya, mga kaibigan, at kahit sa mga hindi natin kilala.
Nadama ko ang kagalakang iyan nang mabalitaan ko ang mga pagsisikap ng isang grupo ng matatapang na bumbero na nagsikap na iligtas ang nasusunog na stake center sa Southern California noong Hulyo 2015. Nang maglagabgab ang apoy, tinawagan ng battalion commander ang isang kaibigan niyang LDS para tanungin kung saan nakatago ang sagradong relics at mga sacrament cup para maisalba nila ang mga ito. Tiniyak sa kanya ng kaibigan niya na walang sagradong relics at na ang totoo ay napakadaling palitan ang mga sacrament cup. Ngunit nadama ng commander na may dapat pa siyang gawin, kaya pinabalik niya ang mga bumbero sa nasusunog na gusali para kunin ang lahat ng painting ni Cristo sa mga dingding upang maisalba ang mga ito. Inilagay pa nga nila ang isa nito sa trak ng bumbero sa pag-asang mabantayan nito ang mga bumbero. Talagang naantig ako sa kabaitan, kabutihan, at pagiging sensitibo ng commander sa Liwanag sa isang mapanganib at mahirap na sandali.
Sa mundong patuloy na nagdidilim, ang Liwanag ni Cristo ay liliwanag nang liliwanag hanggang sa ganap na araw!
Inuulit ko ang sinabi ni Pablo: “Ating isakbat ang mga sandata ng kaliwanagan.”16 Pinatototohanan ko si Cristo. Siya ang Ilaw ng Sanlibutan. Nawa’y mapalakas tayo ng liwanag na nariyan para sa atin sa pamamagitan ng higit na pakikibahagi sa simbahan at higit na pamumuhay ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo sa ating pamilya. Nawa’y palagi nating makita ang Liwanag ni Cristo sa iba at matulungan natin silang makita ito sa kanilang sarili. Kapag natanggap natin ang liwanag na iyon, bibiyayaan tayo ng mas maraming liwanag, maging hanggang sa ganap na araw na muli nating makikita “ang Ama ng mga liwanag,”17 ang ating Ama sa Langit. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Ilaw ng Sanlibutan, maging si Jesucristo, amen.