2010–2019
“Ang Aking Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo”
Abril 2017


NaN:NaN

“Ang Aking Kapayapaan ay Iniiwan Ko sa Inyo”

Ang Panginoon ay nangako ng kapayapaan sa Kanyang mga disipulo nang malapit na Niya silang iwan. Iyon din ang ipinangako Niya sa atin.

Mahal kong mga kapatid, nabiyayaan tayo ng Espiritu ng Diyos ngayong gabi. Ang musika at mga mensahe ay nagpatibay sa ating pananampalataya at nagpaibayo sa ating hangaring sundin ang mga sagradong tipan na ginawa natin sa ating mapagmahal na Ama sa Langit. Nadama natin na nag-ibayo ang ating pagmamahal sa Panginoong Jesucristo at pasasalamat para sa kagila-gilalas na kaloob ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Ang mensahe ko ngayong gabi ay simple. Nakadama tayo ng kapayapaan ngayong gabi. Gusto nating lahat na madama ang kapayapaang iyan sa ating kalooban, sa ating pamilya, at sa mga tao sa ating paligid. Ang Panginoon ay nangako ng kapayapaan sa Kanyang mga disipulo nang malapit na Niya silang iwan. Iyon din ang ipinangako Niya sa atin. Ngunit sinabi Niya na magbibigay Siya ng kapayapaan sa Kanyang paraan, hindi sa paraan ng mundo. Inilarawan niya ang Kanyang paraan sa paghahatid ng kapayapaan:

“Datapuwa’t ang Mangaaliw, sa makatuwid baga’y ang Espiritu Santo, na susuguin ng Ama sa aking pangalan, siya ang magtuturo sa inyo ng lahat ng mga bagay, at magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y aking sinabi.

“Ang kapayapaan ay iniiwan ko sa inyo; ang aking kapayapaan ay ibinibigay ko sa inyo: hindi gaya ng ibinibigay ng sanglibutan, ang ibinibigay ko sa inyo. Huwag magulumihanan ang inyong puso, ni matakot man” (Juan 14:26–27).

Kinailangan ng mga anak ni Mosias ang kaloob na kapayapaang iyon nang simulan nila ang kanilang misyon sa mga Lamanita. Nakadama ng higit pa sa kaunting pag-aalala dahil sa bigat ng kanilang gawain, nanalangin sila para muling makatiyak. At “sila ay dinalaw ng Panginoon ng kanyang Espiritu, at sinabi sa kanila: Maaliw. At naaliw sila” (Alma 17:10; tingnan din sa Alma 26:27).

Paminsan-minsan, maaari ninyong asamin ang kapayapaan kapag naharap kayo sa kawalang-katiyakan at tila napipintong mga hamon. Natutuhan ng mga anak ni Mosias ang aral na itinuro ng Panginoon kay Moroni. Isa itong gabay sa ating lahat: “Kung ang mga tao ay lalapit sa akin ay ipakikita ko sa kanila ang kanilang kahinaan. Ako ay nagbibigay ng kahinaan sa mga tao upang sila ay magpakumbaba; at ang aking biyaya ay sapat para sa lahat ng taong magpapakumbaba ng kanilang sarili sa aking harapan; sapagkat kung magpapakumbaba sila ng kanilang sarili sa aking harapan, at magkakaroon ng pananampalataya sa akin, sa gayon ay gagawin ko ang mahihinang bagay na maging malalakas sa kanila” (Eter 12:27).

Sinabi ni Moroni na nang kanyang “marinig ang mga salitang ito,” siya “ay naaliw” (Eter 12:29). Maaari iyang makaaliw sa ating lahat. Ang mga taong hindi nakikita ang kanilang mga kahinaan ay hindi umuunlad. Ang pagkabatid sa inyong kahinaan ay isang pagpapala, dahil pinananatili kayo nitong mapagkumbaba at ibinabaling kayo palagi sa Tagapagligtas. Hindi lamang kayo inaaliw ng Espiritu, kundi kumikilos din Siya para mabago ng Pagbabayad-sala ang inyong likas na pagkatao. Sa gayon ay nagiging malakas ang mahihinang bagay.

Kung minsa’y hahamunin ni Satanas ang inyong pananampalataya; nangyayari ito sa lahat ng disipulo ni Jesucristo. Ang inyong depensa laban sa mga pag-atakeng ito ay panatilihin ang Espiritu Santo bilang inyong gabay. Papayapain ng Espiritu ang inyong kaluluwa. Hihimukin Niya kayong sumulong nang may pananampalataya. At ibabalik Niya ang alaala ng mga panahon na nadama ninyo ang liwanag at pag-ibig ni Jesucristo.

Ang pag-alaala ay maaaring isa sa mga pinakamahalagang kaloob na maibibigay sa inyo ng Espiritu. Siya ang “magpapaalaala ng lahat na sa inyo’y [sinabi ng Panginoon]” (Juan 14:26). Maaari ninyong maalaala ang isang nasagot na dalangin, isang natanggap na ordenansa ng priesthood, isang pagpapatibay ng inyong patotoo, o isang sandali na nakita ninyo ang paggabay ng Diyos sa inyong buhay. Marahil balang-araw kapag kailangan ninyo ng lakas, maaaring ipaalaala sa inyo ng Espiritu ang nadama ninyo sa pulong na ito. Nawa’y mangyari ito.

Ang isang alaala na madalas ibalik ng Espiritu sa aking isipan ay ang isang sacrament meeting sa gabi na idinaos maraming taon na ang nakararaan sa isang metal na kubol sa Innsbruck, Austria. Nasa ilalim ng riles ng tren ang kubol na iyon. Mga labindalawang tao lang ang naroon, na nakaupo sa mga silyang kahoy. Karamihan sa kanila ay kababaihan, ang ilan ay bata at ang ilan ay matanda. Nakita kong lumuha sa pasasalamat ang ilan habang ipinapasa ang sakramento sa maliit na kongregasyong iyon. Nadama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas para sa mga Banal na iyon, at gayon din sila. Ngunit ang himala na malinaw kong naaalala ay ang liwanag na tila pumuno sa metal na kubol na iyon, na nagpadama ng kapayapaan. Gabi noon at walang mga bintana, subalit ang liwanag sa loob ng silid ay parang katanghaliang tapat.

Maningning at sagana ang liwanag ng Banal na Espiritu noong gabing iyon. At ang mga bintanang nagpapasok sa liwanag ay ang mapagkumbabang puso ng mga Banal na iyon, na humarap sa Panginoon upang ihingi ng tawad ang kanilang mga kasalanan at mangako na sa tuwina’y aalalahanin Siya. Hindi Siya mahirap alalahanin noon, at ang aking alaala sa sagradong karanasang iyon ay nagpadali para maalaala ko Siya at ang Kanyang Pagbabayad-sala sa sumunod na mga taon. Noong araw na iyon natupad ang pangako sa panalangin sa sakramento na mapapasaatin ang Espiritu kaya nadama ang liwanag at kapayapaan.

Tulad ninyo, noon ko pa pinasasalamatan ang maraming paraan ng pagdalaw sa akin ng Panginoon sa pamamagitan ng Mang-aaliw kapag kailangan ko ng kapayapaan. Subalit ang inaalala ng ating Ama sa Langit ay hindi lamang ang ating kapanatagan kundi higit pa rito ay ang ating pag-unlad. Ang “Mang-aaliw” ay isa lamang sa mga paglalarawan sa Espiritu Santo sa mga banal na kasulatan. Narito pa ang isa: “At ngayon, katotohanan, katotohanan, sinasabi ko sa iyo, magtiwala ka sa Espiritung yaon na nag-aakay sa paggawa ng mabuti” (D at T 11:12). Kadalasan, ang ipagagawa Niyang kabutihan sa inyo ay pagtulong sa iba na makatanggap ng aliw mula sa Diyos.

Sa Kanyang karunungan, pinagsama-sama kayo ng Panginoon sa mga organisasyon at klase sa Kanyang Simbahan. Ginawa Niya ito para maragdagan ang kakayahan ninyong gumawa ng kabutihan. Sa mga organisasyong ito, partikular ang mga utos sa inyo na paglingkuran ang iba para sa Kanya. Halimbawa, kung isa kang dalagita, maaari kang hilingan ng iyong bishop o Young Women leader na tulungan ang isang Laurel na naging kung minsa’y tinatawag nating “di-gaanong aktibo.” Maaari mo siyang makilala nang higit kaysa sa bishop o sa Young Women leader. Maaari mong malaman na namomroblema siya sa bahay o sa paaralan o baka sa dalawang ito. Maaaring hindi alam ng mga lider mo kung bakit sila nagkaroon ng inspirasyon na hilingan kang tulungan siya, ngunit alam ng Panginoon, at pinamamahalaan Niya ang gawaing ito sa pamamagitan ng inspirasyon ng Kanyang Espiritu.

Kailangan ang himala ng pagbabago kapwa sa iyong puso at sa puso ng dalagitang pinasasagip sa iyo—at kailangan diyan ang patnubay ng Espiritu Santo. Tutulutan ka ng Espiritu na tingnan ang di-gaanong aktibong Laurel na tulad ng pagtingin sa kanya ng Panginoon. Alam ng Panginoon ang nilalaman ng puso ninyong dalawa, at ang mga posibilidad na mababago ang mga puso. Madadalaw Niya kayong dalawa ng Kanyang Espiritu upang bigyan kayo ng inspirasyon na magpakumbaba, magpatawad, at magmahal.

Ang Espiritu ay makahihikayat ng mga salita, gawa, at tiyaga na kailangan para mapabalik mo ang isang tupa sa kawan. At maaantig Niya ang puso ng mga nasa Laurel class na mahalin at tanggapin ang nawawalang tupa para pagbalik niya, madama niya na nakauwi na siya.

Ang kakayahan ninyong gumawa ng kabutihan bilang isang grupo ng mga anak na babae ng Diyos ay nakasalalay, nang malaki, sa inyong pagkakaisa at pagmamahalan. Ito ay isa pang kaloob ng kapayapaan na nagmumula sa Espiritu Santo.

Naunawaan ito ni Alma. Kaya nga nakiusap siya sa kanyang mga tao “na hindi nararapat na magkaroon ng pakikipag-alitan sa isa’t isa, sa halip sila ay tumingin sa iisang layunin, na may iisang pananampalataya at iisang binyag, na ang kanilang mga puso ay magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).

Kailangan tayong magkaisa upang mapasaatin ang Espiritu sa ating klase at sa ating pamilya. Ngunit alam ninyo mula sa karanasan, katulad ko, na mahirap mapanatili ang mapagmahal na pagkakaisang iyon. Kailangan nating makasama ang Espiritu Santo para mamulat at makapagtimpi tayo.

Naaalala ko na minsa’y nagtatalon nang husto sa kama ang pito- o walong-taong-gulang na anak naming lalaki kaya naisip ko na baka bumagsak ang kama. Nag-init ako sa inis, at agad akong kumilos para ayusin ang bahay ko. Sinunggaban ko ang maliliit na balikat ng anak ko at iniangat siya hanggang sa magpantay ang aming mga mata.

Ipinaalam sa akin ng Espiritu ang sasabihin. Tila mahina ang tinig na iyon, ngunit tumimo iyon sa puso ko: “Dakila ang taong hawak-hawak mo.” Dahan-dahan ko siyang ibinaba sa kama at humingi ako ng tawad.

Ngayon ay dakila na ang lalaking ipinakita sa akin ng Espiritu Santo 40 taon na ang nakararaan. Lubos akong nagpapasalamat na sinagip ako ng Panginoon mula sa aking pagkainis sa pagsusugo ng Espiritu Santo para makita ko ang isang anak ng Diyos ayon sa pagtingin Niya rito.

Ang pagkakaisang hangad natin sa ating pamilya at sa Simbahan ay darating kapag tinulutan nating impluwensyahan ng Espiritu Santo ang ating paningin kapag tumingin tayo sa isa’t isa—at kahit kapag iniisip natin ang isa’t isa. Ang pagtingin ng Espiritu ay may dalisay na pag-ibig ni Cristo. Pakinggan ang mga salitang ginamit ni Mormon sa paglalarawan ng pag-ibig sa kapwa. Isipin ang mga panahon na nadama ninyo ito:

“Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay nagtitiis nang matagal, at mabait, at hindi naiinggit, at hindi palalo, hindi naghahangad para sa kanyang sarili, hindi kaagad nagagalit, hindi nag-iisip ng masama, at hindi nagagalak sa kasamaan kundi nagagalak sa katotohanan, binabata ang lahat ng bagay, naniniwala sa lahat ng bagay, umaasa sa lahat ng bagay, nagtitiis sa lahat ng bagay.

“Kaya nga, mga minamahal kong [kalalakihan at idaragdag ko ang kababaihan], kung wala kayong pag-ibig sa kapwa-tao, wala kayong kabuluhan, sapagkat ang pag-ibig sa kapwa-tao kailanman ay hindi nagkukulang. Kaya nga, manangan sa pag-ibig sa kapwa-tao, na pinakadakila sa lahat, sapagkat ang lahat ng bagay ay nagkukulang—

“Datapwat ang pag-ibig sa kapwa-tao ay dalisay na pag-ibig ni Cristo, at iyon ay nagtitiis magpakailanman; at sinumang matagpuang mayroon nito sa huling araw, ay makabubuti sa kanya.

“Kaya nga, mga minamahal kong kapatid, manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang kayo ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:45–48).

Ito ang mithiin ng inyong Ama sa Langit para sa inyo, na Kanyang natatanging mga anak na babae. Maaaring tila malayong makamtan ninyo ang mithiing ito, ngunit sa tingin Niya, hindi kayo gayon kalayo. Kaya dinadalaw Niya kayo ng Kanyang Espiritu upang kayo ay aliwin, hikayatin, at bigyang-inspirasyon na magpatuloy.

Iniiwan ko sa inyo ang aking tiyak na patotoo na kilala kayo ng Ama, mahal Niya kayo, at naririnig Niya ang inyong mga dalangin. Pinalalapit kayo ng Kanyang Pinakamamahal na Anak sa Kanya. At isinusugo Nila ang Espiritu Santo para tulungan kayo sa inyong mga pagsisikap na paglingkuran ang iba para sa Kanila.

Dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapapabanal at mapapadalisay ng patuloy na patnubay ng Espiritu Santo ang inyong espiritu. Madarama ninyo ang kapayapaan na ipinangakong iwan ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo. Kasabay ng kapayapaang iyan ang maningning na pag-asa at damdamin ng liwanag at pag-ibig ng Ama at ng Kanyang Pinakamamahal na Anak, na namumuno sa Kanyang kaharian sa lupa sa pamamagitan ng paghahayag sa Kanyang buhay na propeta. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.