Ang Kagandahan ng Kabanalan
Ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang lahat ng kailangan upang tayo ay maging banal tulad Niya na banal.
Habang naghahanda ako para sa pulong na ito, naisip ko ang matatapat na kababaihang nakilala ko mula sa malalapit at malalayong lugar. Para sa akin, pinakamainam silang nailarawan sa isang awit ng pasasalamat ni Haring David: “Inyong ibigay sa Panginoon ang kaluwalhatiang marapat sa kaniyang pangalan: mangagdala kayo ng handog, at magsiparoon kayo sa harap niya: inyong sambahin ang Panginoon sa ganda ng kabanalan.”1
Nakikita ko ang kagandahan ng kabanalan sa kababaihan na may pusong nakatuon sa lahat ng mabuti, na gustong maging higit na katulad ng Tagapagligtas. Iniaalay nila ang kanilang buong kaluluwa, puso, kakayahan, isipan, at lakas sa Panginoon sa paraan ng pamumuhay nila araw-araw.2 Ang kabanalan ay nasa pagsisikap at pagpupunyaging sundin ang mga kautusan at igalang ang mga tipang nagawa natin sa Diyos. Ang kabanalan ay ang pagpili ng mga bagay na hindi maglalayo sa atin sa paggabay ng Espritu Santo.3 Ang kabanalan ay pag-alis ng ating likas na pag-uugali at maging “banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon”.4 “Ang bawat sandali ng [ating buhay] ay dapat na kabanalan sa Panginoon.”5
Iniutos ng Diyos ng langit sa mga anak ni Israel, “Sapagka’t ako ang Panginoon ninyong Dios: magpakabanal nga kayo at kayo’y maging mga banal; sapagka’t ako’y banal: ni huwag kayong magpakahawa.”6
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson: “Ang ating Ama sa Langit ay isang Diyos na mataas ang inaasahan sa atin. … Hangad Niyang pabanalin tayo upang tayo’y ‘[makatigil] sa isang selestiyal na kaluwalhatian’ (D at T 88:22) at ‘[makatahan] sa kanyang harapan’ (Moises 6:57).”7 Ipinaliwanag sa Lectures on Faith, “Walang nilalang na magtatamasa ng kanyang kaluwalhatian nang hindi taglay ang kanyang kasakdalan at kabanalan.”8 Kilala tayo ng Ating Ama sa Langit. Mahal Niya tayo, at ibinigay sa atin ang lahat ng kailangan upang tayo ay maging banal na katulad Niya.
Tayo ay mga anak na babae ng Ama sa Langit, at bawat isa sa atin ay may banal na pamana ng kabanalan. Ipinahayag ng Ating Ama sa Langit, “Masdan, ako ang Diyos; Taong Banal ang aking pangalan.”9 Sa premortal na daigdig, minahal at sinamba natin ang ating Ama. Ninais nating maging katulad Niya. Dahil sa perpektong pagmamahal ng isang ama, ibinigay Niya ang Kanyang Pinakamamahal na Anak na si Jesucristo upang maging ating Tagapagligtas at Manunubos. Siya ang Anak ng Tao ng Kabanalan.10 Ang Kanyang “pangalan ay Banal,”11 “ang Banal ng Israel.”12
Ang ating pag-asang maging banal ay nakasentro kay Cristo, sa Kanyang awa at Kanyang biyaya. Sa pagsampalataya kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala, maaari tayong maging malinis, walang bahid-dungis, kapag pinagkaitan natin ang ating sarili ng lahat ng kasamaan13 at taos-puso tayong nagsisi. Binibinyagan tayo sa tubig para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ang ating mga kaluluwa ay pinababanal kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo nang may bukas na puso. Linggu-linggo, tumatanggap tayo ng ordenansa ng sakramento. Sa pagsisisi, na may taos na hangaring magpakabuti, nakikipagtipan tayo na handa tayong taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo, alalahanin Siya, at sundin ang Kanyang mga utos nang sa tuwina ay makasama natin ang Kanyang Espiritu. Kalaunan, kapag nagsikap tayong makaisa ang Ama, Anak, at Espiritu Santo, makakabahagi tayo sa Kanilang kabanalan.14
Ang Kabanalan ay Pagtupad ng Ating mga Tipan
Alam natin na maraming pagsubok, tukso, at paghihirap na maaaring maglayo sa atin sa lahat ng marangal at kapuri-puri sa harapan ng Diyos. Ngunit ang ating mga karanasan sa mundo ay binibigyan tayo ng pagkakataong piliin ang kabanalan. Kadalasan, ang mga sakripisyong ginagawa natin sa pagtupad ng mga tipan ang nagpapabanal sa atin.
Nakakita ako ng kabanalan sa mukha n Evangeline, isang 13-taong-gulang na dalagita sa Ghana. Ang isa sa mga paraan ng pagtupad niya ng mga tipan ay ang pagganap sa tungkulin niya bilang Beehive class president. Mapagkumbaba niyang inilahad na pumupunta siya sa bahay ng kanyang mga kaibigang dalagita, na di-gaanong aktibo, upang makiusap sa kanilang mga magulang na payagan silang magsimba. Sinasabi sa kanya ng mga magulang na mahirap nilang payagan ang kanilang mga anak dahil kailangan silang tumulong sa mga gawaing-bahay tuwing Linggo. Kaya nagpupunta at tumutulong si Evangeline sa mga gawaing-bahay, at dahil doon ay madalas payagang magsimba ang kanyang mga kaibigan.
Kung tutuparin natin ang mga tipan na kaugnay nito, babaguhin tayo ng mga sagradong ordenansa ng priesthood, pababanalin tayo, at ihahanda tayo na pumasok sa kinaroroonan ng Panginoon.15 Pinapasan natin ang pasanin ng isa’t isa; pinalalakas natin ang isa’t isa. Patuloy tayong patatawarin sa ating mga kasalanan kapag nagbigay tayo ng espirituwal at temporal na ginhawa sa mahirap, gutom, hubad, at maysakit.16 Patuloy tayong hindi madurungisan ng sanlibutan kapag iginalang natin ang araw ng Sabbath at marapat tayong tumanggap ng sakramento sa banal na araw ng Panginoon.17
Pinagpapala natin ang ating pamilya at ginagawang banal ang ating tahanan. Pinipigil natin ang silakbo ng ating damdamin upang mapuspos tayo ng dalisay at walang-hanggang pagmamahal.18 Tumutulong tayo sa iba nang may kabaitan, habag, at tumatayo bilang mga saksi ng Diyos. Tayo ay nagiging mga tao ng Sion, na may isang puso at isang isipan, dalisay na mga tao na sama-samang nananahan sa pagkakaisa at kabutihan.19 “Sapagkat ang Sion ay kinakailangang maragdagan sa kagandahan, at sa kabanalan.”20
Mga kapatid, magpunta sa templo. Kung nais nating maging banal na mga tao na handang tumanggap sa Tagapagligtas sa Kanyang pagparito, kailangan tayong magbangon at magsuot ng ating magagarang damit.21 Sa lakas at karangalan, tatalikdan natin ang mga gawi ng sanlibutan at tutuparin ang ating mga tipan upang tayo ay “[mabihisan] ng kadalisayan, oo, maging ng bata ng kabutihan.”22
Ang Kabanalan ay ang Mapasaatin ang Espiritu Santo Bilang Gabay
Ang kabanalan ay isang kaloob ng Espiritu. Tinatanggap natin ang kaloob na ito kapag pinili nating gawin ang mga bagay na magpapaibayo sa nagpapabanal na kapangyarihan ng Espiritu Santo sa ating buhay.
Nang patuluyin ni Marta si Jesucristo sa kanyang tahanan, ninais niyang paglingkuran ang Panginoon sa abot ng kanyang makakaya. Ang kanyang kapatid na si Maria ay piniling maupo “sa mga paanan [ni Jesus]” at makinig sa Kanyang salita. Nang mahirapan si Marta sa pagsisilbi nang walang tulong, dumaing siya, “Panginoon, wala bagang anoman sa iyo, na pabayaan ako ng aking kapatid na babae na maglingkod na magisa?”
Gustung-gusto ko ang napakamahinahong pagsaway na ito na maiisip ko. May sakdal na pagmamahal at habag, ipinayo ng Tagapagligtas:
“Marta, Marta, naliligalig ka at nababagabag tungkol sa maraming bagay:
“Datapuwat isang bagay ang kinakailangan: sapagkat pinili ni Maria ang magaling na bahagi, na hindi aalisin sa kaniya.”23
Mga kapatid, kung nais nating maging banal, kailangan tayong matutong maupo sa paanan ng Banal ng Israel at magbigay ng oras sa kabanalan. Isinasantabi ba natin ang telepono, ang walang-katapusang listahan ng mga gagawin, ang mga alalahanin ng mundo? Ang pagdarasal, pag-aaral, at pagsunod sa salita ng Diyos ay nag-aanyaya ng Kanyang nakalilinis at nakagagaling na pagmamahal sa ating kaluluwa. Pag-ukulan natin ng panahon ang pagpapakabanal, upang mapuspos tayo ng Kanyang sagrado at nagpapabanal na Espiritu. Sa paggabay ng Espiritu Santo, magiging handa tayo na tanggapin ang Tagapagligtas sa kagandahan ng kabanalan.24
Ang Kabanalan ay Pagiging Banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo
Ayon sa inspiradong mga salita ni Haring Benjamin, ang mga nagiging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay ang masunurin, maamo, mapagkumbaba, matiisin, at puspos ng pagmamahal tulad ng Tagapagligtas.25 Ipinropesiya niya na si Jesucristo, “ang Panginoong Makapangyarihan na naghahari, kung sino noon, at ngayon, mula sa lahat ng kawalang-hanggan, hanggang sa kawalang-hanggan, ay bababa mula sa langit sa mga anak ng tao, at mananahan sa isang katawang-lupa.” Naparito Siya upang pagalingin ang maysakit, pilay, bingi, at bulag at buhayin ang mga patay. Ngunit sa kabila niyon Siya ay nagdusa “nang higit sa matitiis ng tao, maliban na yaon ay sa kamatayan.”26 At bagama’t dumarating ang kaligtasan sa pamamagitan lamang Niya, Siya ay kinutya, hinagupit, at ipinako sa krus. Ngunit ang Anak ng Diyos ay nagbangon mula sa libingan, upang madaig nating lahat ang kamatayan. Siya ang hahatol sa sanlibutan sa kabutihan. Siya ang tutubos sa ating lahat. Siya ang Banal ng Israel. Si Jesucristo ang kagandahan ng kabanalan.
Nang marinig ng mga tao ni Haring Benjamin ang kanyang sinabi, bumagsak sila sa lupa, napakatindi ng kanilang pagpapakumbaba at pagpipitagan sa biyaya at kaluwalhatian ng ating Diyos. Natanto nila ang kanilang makamundong kalagayan. Nakikita ba natin na lubos tayong umaasa sa biyaya at awa ni Cristo na ating Panginoon? Kinikilala ba natin na bawat mabuting kaloob, temporal at espirituwal, ay napapasaatin sa pamamagitan ni Cristo? Naaalala ba natin na ayon sa walang-hanggang plano ng Ama, napapasaatin ang kapayapaan sa buhay na ito at ang mga kaluwalhatian ng kawalang-hanggan sa pamamagitan lamang ng Kanyang banal na Anak?
Nawa’y makiisa tayo sa mga tao ni Haring Benjamin na sumigaw nang malakas sa iisang tinig, “O maawa, at gamitin ang nagbabayad-salang dugo ni Cristo upang kami ay makatanggap ng kapatawaran ng aming mga kasalanan, at ang aming mga puso ay maging dalisay; sapagkat kami ay naniniwala kay Jesucristo, na Anak ng Diyos, na siyang lumikha ng langit at lupa, at lahat ng bagay.”27
Pinatototohanan ko na kung lalapit tayo sa Banal ng Israel, mapapasaatin ang Kanyang Espiritu, upang tayo ay mapuspos ng galak at mapatawad sa ating mga kasalanan at matahimik ang ating budhi.
Binigyan ng Ama sa Langit ang bawat isa sa atin ng kakayahang maging banal. Nawa’y gawin natin ang lahat upang matupad ang ating mga tipan at magabayan tayo ng Espiritu Santo. Sa pagsampalataya kay Jesucristo, tayo ay nagiging mga banal sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, upang tumanggap tayo ng kawalang-kamatayan at magkaroon ng buhay na walang hanggan at maibigay natin sa Diyos Ama ang kaluwalhatiang nararapat sa Kanyang pangalan. Nawa’y laging maging sagradong handog ang ating buhay, upang makatayo tayo sa harapan ng Panginoon sa kagandahan ng kabanalan. Sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.