2010–2019
Makabalik at Makatanggap
Abril 2017


NaN:NaN

Makabalik at Makatanggap

Ang makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at makatanggap ng walang-hanggang mga pagpapala na nagmumula sa paggawa at pagtupad ng mga tipan ang pinakamahahalagang mithiing maitatakda natin.

Mga kapatid, tungkulin kong magsalita ngayon sa inyo at tungkulin ninyong makinig. Sana matapos muna akong magsalita bago kayo tumigil sa pakikinig. Gagawin ko ang lahat ng makakaya ko.

Sa paglipas ng mga taon, napuna ko na ang mga taong may pinakaraming nagagawa sa mundong ito ay ang mga taong may pangarap sa buhay, may mga mithiing nakatuon sa kanilang pangarap at mga plano kung paano makakamit ang mga ito. Kapag alam ninyo kung saan kayo patungo at paano ninyo inaasahang makarating doon, magkakaroon kayo ng kahulugan, layunin, at tagumpay sa buhay.

Ang ilan ay nahihirapang makita ang pagkakaiba ng mithiin at ng plano hanggang sa matutuhan nila na ang mithiin ay isang destinasyon o patutunguhan, samantalang ang plano ay ang ruta kung paano kayo makakarating doon. Halimbawa, maaari nating mithiing magmaneho papunta sa isang di-pamilyar na lugar, at tulad ng alam ng ilan sa inyo, mahal na kababaihan, madalas naming isiping mga lalaki na alam namin kung paano makarating doon—kaya madalas naming sabihing, “Alam ko—diyan lang yata iyon sa kabilang kanto.” Tiyak na nakangiti ang asawa ko. Malinaw ang mithiin, pero walang magandang plano para makarating sa destinasyon.

Ang pagtatakda ng mithiin ay pag-alam kung ano talaga ang gusto ninyong mangyari. At ang pagpaplano ay pag-iisip ng paraan para makamtan ang mithiing iyon. Ang susi sa kaligayahan ay nakasalalay sa pag-unawa kung anong mga destinasyon ang tunay na mahalaga—at pagkatapos ay pag-ukulan ng panahon, pagsisikap, at atensyon ang mga bagay na bumubuo ng isang tiyak na paraan para makarating doon.

Binigyan na tayo ng Diyos, ang ating Ama sa Langit, ng perpektong halimbawa ng pagtatakda at pagpaplano ng mithiin. Ang Kanyang mithiin ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng [kalalakihan at kababaihan],”1 at ang plano ng kaligtasan ang Kanyang paraan para makamtan ito.

Kabilang sa plano ng ating minamahal na Ama sa Langit ang pagbibigay ng mortal na buhay na ito upang lumago, umunlad, at matuto tayo para maging higit na katulad Niya. Sa pagkakaroon ng katawan ng ating walang-hanggang espiritu; sa pagsunod natin sa mga itinuro at kautusan ng Kanyang Anak, ang Panginoong Jesucristo; at sa pagbuo ng mga walang-hanggang pamilya ay natutupad, sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, ang mithiin ng Diyos na kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan para sa Kanyang mga anak sa piling Niya sa Kanyang kahariang selestiyal.

Kabilang sa pagtatakda ng mithiin ang pag-unawa na ang mga panandaliang mithiin ay epektibo lamang kung humahantong ang mga ito sa mga pangmatagalang mithiin na malinaw na nauunawaan. Naniniwala ako na ang mahalagang susi sa kaligayahan ay ang matuto kung paano magtakda ng sarili nating mga mithiin at plano ayon sa balangkas ng walang-hanggang plano ng ating Ama sa Langit. Kung magtutuon tayo sa landas ng kawalang-hanggan, tiyak na magiging karapat-dapat tayong makabalik sa Kanyang piling.

Makabubuting magkaroon ng mga mithiin at plano para sa ating propesyon, sa ating pag-aaral, maging sa paglalaro natin ng golf. Mahalaga ring magkaroon ng mga mithiin para sa ating pag-aasawa, sa ating pamilya, at sa ating mga council at katungkulan sa Simbahan; totoo ito lalo na para sa mga missionary. Ngunit dapat umakma ang ating pinakadakila at pinakamahahalagang mithiin sa walang-hanggang plano ng Ama sa Langit. Sinabi ni Jesus, “Ngunit hanapin muna ninyo ang kaharian ng Diyos at ang kanyang kabutihan, at ang lahat ng bagay na ito ay idaragdag sa inyo.”2

Sinasabi sa atin ng mga eksperto sa pagtatakda ng mithiin na kapag mas simple at mas tuwiran ang mithiin, magiging mas epektibo ito. Kapag ibinuod natin ang isang mithiin nang malinaw o sa isa o dalawang mabisa at simbolikong salita, ang mithiing iyan ay nagiging bahagi na ng buhay natin at halos gumagabay sa lahat ng iniisip at ginagawa natin. Naniniwala ako na may dalawang salita, sa kontekstong ito, na sumasagisag sa mga mithiin ng Diyos para sa atin at sa ating pinakamahahalagang mithiin para sa ating sarili. Ang mga salita ay makabalik at makatanggap.

Ang makabalik sa Kanyang kinaroroonan at makatanggap ng walang-hanggang mga pagpapala na nagmumula sa paggawa at pagtupad ng mga tipan ang pinakamahahalagang mithiing maitatakda natin.

Tayo ay makababalik at makatatanggap sa pamamagitan ng pagkakaroon ng “hindi matitinag na pananampalataya sa [Panginoong Jesucristo], na umaasa nang lubos sa” Kanyang mga gantimpala, na nagpapatuloy “sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng [kalalakihan at kababaihan]… , nagpapakabusog sa salita ni Cristo, at [n]agtitiis hanggang wakas.”3

Hindi tinanggap ni Lucifer ang plano ng ating Ama na nagtulot sa atin na makabalik sa Kanyang kinaroroonan at makatanggap ng Kanyang mga pagpapala. Katunayan, siya ay naghimagsik at lubos na nagsikap na baguhin ang plano ng ating Ama, sa hangaring agawin ang kaluwalhatian, karangalan, at kapangyarihan ng Diyos. Dahil dito, pinalayas siya kasama ang kanyang mga kampon mula sa kinaroroonan ng Diyos at “naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa [tinig ng Panginoon].”4

Dahil sa kanyang mga pasiya sa premortal na buhay, si Satanas ay hindi maaaring makabalik ni makatanggap. Ang tanging magagawa niya ay salungatin ang plano ng Ama sa paggamit ng lahat ng posibleng pang-aakit at panunukso para gawin tayong kaaba-abang katulad niya.5 Ang plano ni Satanas na isakatuparan ang kanyang napakasamang mithiin ay para sa lahat ng tao, henerasyon, kultura, at lipunan. Gumagamit siya ng malalakas na tinig—mga tinig na hangad na mangibabaw sa marahan at banayad na tinig ng Banal na Espiritu na maaaring magpakita sa atin ng “lahat ng bagay” na dapat nating gawin para makabalik at makatanggap.6

Mga tinig ito ng mga tao na binabalewala ang katotohanan ng ebanghelyo at gumagamit ng internet, social at print media, radyo, telebisyon, at pelikula para magpakita sa kaakit-akit na paraan ng imoralidad, karahasan, masamang pananalita, kalaswaan, at kahalayan para gambalain tayo mula sa ating mga mithiin at plano para sa kawalang-hanggan.

Maaari ding kasama sa mga tinig na ito ang mga taong may malasakit na nabulag ng mga pilosopiya ng tao at hangad na sirain ang pananampalataya at ilihis ang walang-hanggang tuon ng mga taong nagsisikap lamang na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at makatanggap ng “lahat na mayroon ang [ating] Ama.”7

Nalaman ko na para manatiling nakatuon sa pagbalik at pagtanggap ng ipinangakong mga pagpapala, kailangan kong itanong palagi sa sarili ko, “Kumusta na ako?”

Para itong personal at pribadong pag-interbyu sa sarili ninyo. At kung kakaiba iyan sa inyo, pag-isipan ninyo ito: sino sa mundong ito ang mas nakakakilala sa inyo kaysa sa sarili ninyo? Alam ninyo ang inyong mga iniisip; ginagawa; hangarin; at inyong mga pangarap, mithiin, at plano. At mas alam ninyo kaysa sinuman kung sumusulong kayo sa landas tungo sa pagbalik at pagtanggap.

Para magabayan ako sa pribado at personal na pagsusuring ito, gusto kong basahin at pagnilayan ang mga salita na sumusuri sa sarili nating buhay sa ikalimang kabanata ng Alma, kung saan nagtanong si Alma: “Kayo ba ay espirituwal na isinilang sa Diyos? Inyo bang tinanggap ang kanyang larawan sa inyong mga mukha? Inyo bang naranasan ang malaking pagbabagong ito sa inyong mga puso?”8 Ang mga tanong ni Alma ay paalaala kung ano ang dapat isama sa ating mga mithiin at plano upang makabalik at makatanggap.

Alalahanin ang paanyaya ng Tagapagligtas na “magsiparito sa akin, kayong lahat na nangapapagal at nangabibigatang lubha, at kayo’y aking papagpapahingahin.

“Pasanin ninyo ang aking pamatok, at magaral kayo sa akin; sapagka’t ako’y maamo at mapagpakumbabang puso: at masusumpungan ninyo ang kapahingahan ng inyong mga kaluluwa.”9

Kapag higit tayong nanampalataya na bibigyan tayo ng Panginoong Jesucristo ng kapahingahan sa ating kaluluwa sa pamamagitan ng pagpapatawad ng mga kasalanan, pagsagip sa mga di-perpektong relasyon, pagpapagaling sa mga espirituwal na sugat na pumipigil sa pag-unlad, at pagpapalakas at pagtulong sa atin na magtaglay ng mga katangian ni Cristo, mas pahahalagahan natin ang kadakilaan ng Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo.10

Sa mga darating na linggo, mag-ukol ng oras na repasuhin ang inyong mga mithiin sa buhay at mga plano, at tiyaking nakaayon ang mga ito sa dakilang plano ng ating Ama sa Langit para sa ating kaligayahan. Kung kailangan ninyong magsisi at magbago, isiping gawin ito ngayon. Mag-ukol ng oras na pag-isipan nang may panalangin kung anong mga pagbabago ang kailangan ninyong gawin para mapanatili ninyo ang inyong “matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos.”11

Kailangan nating panatilihing nakasentro sa doktrina at ebanghelyo ni Jesucristo ang ating mga mithiin at plano. Kung wala Siya, hindi posible ang walang-hanggang mithiin, at tiyak na mabibigo ang mga plano nating makamtan ang ating mga walang-hanggang mithiin.

dokumentong “Ang Buhay na Cristo”

Ang isang dagdag na tulong ay “Ang Buhay na Cristo: Ang Patotoo ng mga Apostol,”12 na inilahad sa Simbahan noong Enero 1, 2000. Maglagay ng kopya kung saan ninyo ito makikita, at mag-ukol ng oras na repasuhin ang bawat pahayag na nasa inspiradong patotoo na ito tungkol kay Cristo na ibinigay ng Kanyang mga natatanging saksi na lumagda rito.

“Ang Buhay na Cristo” at ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak

Hinihikayat ko kayong pag-aralan ito na kasabay ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Madalas kong banggitin ang pagpapahayag tungkol sa mag-anak, ngunit tandaan sana ninyong basahin ito sa konteksto ng nakapagliligtas na kapangyarihan ng buhay na Cristo. Kung hindi dahil sa buhay na Cristo, hindi matutupad ang pinakagusto nating mga mithiin. Gaya ng nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa mag-anak: “Ang plano ng kaligayahan ng Diyos ang nagpapahintulot sa mga ugnayan ng mag-anak na magpatuloy sa kabilang-buhay. Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa mga tao na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan.”13

Maaari lamang itong mangyari dahil ang buhay na Cristo ang nagbabayad-salang Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan.

Tungkol dito, maaari din ninyong saliksikin ang mga banal na kasulatan upang palawakin ang inyong pang-unawa sa mga partikular na katotohanang matatagpuan sa “Ang Buhay na Cristo.”

Ang pagbabasa ng “Ang Buhay na Cristo” nang may panalangin ay parang pagbabasa ng mga patotoo nina Mateo, Marcos, Lucas, Juan, at ng mga propeta sa Aklat ni Mormon. Palalakasin nito ang inyong pananampalataya sa Tagapagligtas at tutulungan kayong manatiling nakatuon sa Kanya habang sinusunod ninyo ang inyong mga plano na makamtan ang inyong mga walang-hanggang mithiin.

Sa kabila ng ating mga pagkakamali, pagkukulang, paglihis, at kasalanan, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay tinutulutan tayong magsisi, at maging handang makabalik at makatanggap ng walang-kapantay na mga pagpapalang ipinangako ng Diyos—na mabuhay magpasawalang-hanggan sa piling ng Ama at ng Anak sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal.14

Ngayon tulad ng alam ninyong lahat, lahat ay mamamatay; samakatwid, dapat nating gawing pangmatagalang mithiin at plano na kapag nagbalik tayo sa ating Ama sa Langit, matatanggap natin ang lahat ng plano Niya para sa bawat isa sa atin.15

Pinatototohanan ko na wala nang mas mataas na mithiin sa buhay na ito kaysa mabuhay nang walang hanggan sa piling ng ating mga Magulang sa Langit at ng ating pinakamamahal na Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo. Ngunit hindi lang atin ang mithiing iyan—ito rin ang Kanilang mithiin. Sakdal ang Kanilang pagmamahal sa atin, na mas makapangyarihan kaysa kaya nating unawain. Lubos, ganap, at walang hanggan ang Kanilang pagtulong sa atin. Tayo ang Kanilang gawain. Ang ating kaluwalhatian ay Kanilang kaluwalhatian. Higit sa anupaman, nais Nila tayong makauwi—makabalik at makatanggap ng walang-hanggang kaligayahan sa piling Nila.

Mahal kong mga kapatid, sa loob ng isang linggo, ipagdiriwang natin ang Linggo ng Palaspas—na gumugunita sa matagumpay na pagpasok ni Cristo sa Jerusalem. Sa loob ng dalawang linggo, ipagdiriwang natin ang Linggo ng Pagkabuhay—na gumugunita sa tagumpay ng Tagapagligtas sa kamatayan.

Habang nakatuon tayo sa Tagapagligtas sa dalawang espesyal na Linggong ito, alalahanin natin Siya at panibaguhin ang ating habambuhay na pangakong sundin ang Kanyang mga kautusan. Tingnan nating maigi ang ating sariling buhay, itakda ang sarili nating mga mithiin at iayon ang ating mga plano sa plano ng Diyos sa paraan na sa huli ay hahantong sa ating mahalagang pribilehiyo na makabalik at makatanggap—ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.