Mga Banal na Kasulatan
Doktrina at mga Tipan 4


Bahagi 4

Paghahayag na ibinigay sa pamamagitan ni Joseph Smith, ang Propeta, sa kanyang amang si Joseph Smith, Sen., sa Harmony, Pennsylvania, Pebrero 1829.

1–4, Inililigtas ng magiting na paglilingkod ang mga mangangaral ng Panginoon; 5–6, Ginagawa silang karapat-dapat sa ministeryo ng mga katangiang katulad ng sa Diyos; 7, Kinakailangang hangarin ang mga bagay na patungkol sa Diyos.

1 Ngayon, dinggin, isang kagila-gilalas na gawain ang malapit nang maganap sa mga anak ng tao.

2 Anupa’t O kayo na humahayo sa paglilingkod sa Diyos, tiyaking pinaglilingkuran ninyo siya nang inyong buong puso, kakayahan, pag-iisip at lakas, upang kayo ay makatayong walang sala sa harapan ng Diyos sa huling araw.

3 Anupa’t kung kayo ay may mga naising maglingkod sa Diyos, tinatawag kayo sa gawain;

4 Sapagkat dinggin, ang bukid ay puti na at handa nang anihin; at makinig, siya na ikinakampay ang kanyang karit nang buo niyang lakas, siya rin ay nag-iimbak nang hindi siya masawi, kundi nagdadala ng kaligtasan sa kanyang kaluluwa;

5 At pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang nagpapamarapat sa kanya sa gawain.

6 Alalahanin ang pananampalataya, karangalan, kaalaman, kahinahunan, tiyaga, magiliw na kabaitan, kabanalan, pag-ibig sa kapwa-tao, pagpapakumbaba, pagsusumigasig.

7 Humingi, at kayo ay makatatanggap; kumatok, at kayo ay pagbubuksan. Amen.