2010–2019
Mga Babaeng Nakatitiyak
Abril 2017


NaN:NaN

Mga Babaeng Nakatitiyak

Ang mga babaeng nakatitiyak ay nakatuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo at umaasa sa pangako ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Mahal kong mga kapatid, mahal na mahal namin kayo at salamat sa inyong magiliw at masiglang pagtugon sa paanyaya ng Unang Panguluhan at sa ginawang #IWasAStranger. Patuloy sana kayong manalangin, makinig sa mga bulong ng Espiritu, at kumilos ayon sa mga pahiwatig nito sa inyo.

Naglalakbay man ako rito o sa buong daigdig, karaniwa’y may nagtatanong sa akin ng, “Natatandaan mo ba ako?” Dahil hindi ako perpekto, aaminin ko na madalas akong makalimot ng mga pangalan. Gayunman, naaalala ko ang napakatunay na pagmamahal na ipinadama sa akin ng Ama sa Langit habang kausap ko ang pinakamamahal Niyang mga anak.

Kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataong bisitahin ang ilang minamahal na kababaihang nasa bilangguan. Nang taos-puso kaming magpaalam, nagsumamo ang isang magiliw na babae, “Sister Burton, huwag sana ninyo kaming kalilimutan.” Sana’y madama niya iyon at ng iba pang gusto silang maalala habang nagbabahagi ako ng ilang ideya sa inyo.

Mga Babaeng Nakatitiyak Noong Panahon ng Tagapagligtas: Nakatuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo

Naipamalas ng matatapat na kababaihan natin sa lahat ng panahon ang tapat na huwaran ng pagkadisipulo na atin ding pinagsisikapan. “Kasama sa Bagong Tipan ang mga kuwento tungkol sa [ilang] kababaihan, na pinangalanan at hindi pinangalanan, na nanampalataya kay Jesucristo [at sa Kanyang Pagbabayad-sala], natutuhan at ipinamuhay nila ang Kanyang mga itinuro, at pinatotohanan ang Kanyang ministeryo, mga himala, at karingalan. Ang mga babaeng ito ay naging mga huwarang disipulo at mahahalagang saksi sa gawain ng kaligtasan.”1

Mga Babaeng Nakatitiyak

Isipin ang mga kuwentong ito sa aklat ni Lucas. Una, noong ministeryo ng Tagapagligtas:

“At nangyari … na [si Jesus ay] naglalakad sa mga bayan at mga nayon, na ipinangangaral at dinadala ang mabubuting balita ng kaharian ng Dios, at kasama niya ang labingdalawa,

“At ang ilang babae, … si Maria, na tinatawag na Magdalena, … at si Juana … , at si Susana, at iba pang marami na ipinaglilingkod sa [kanya].”2

Pagkatapos, kasunod ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli:

“[At] iba sa mga babaing … nagsiparoong maaga sa libingan,

“… Nang hindi mangasumpungan ang kaniyang bangkay, ay nangagbalik sila, na nangagsabing sila … [ay] nakakita ng isang pangitain ng mga anghel, na nangagsabing siya’y buhay.”3

Maraming beses ko nang nabasa ang mga pahayag na ito. Ngunit kamakailan lamang ako nagbigay ng sapat na atensiyon sa mga katangian ng kababaihang binanggit doon. Isaalang-alang ang mga katumbas na kahulugang ito sa isang kahulugan ng salitang “certain” na may kaugnayan sa matatapat na “certain women” o ilang babae na “kumbinsido,” “positibo,” “may tiwala sa sarili,” “matibay,” “determinado,” “tiyak,” at “maaasahan.”4

Habang pinag-iisipan ko ang napakagandang mga paglalarawang iyon, naalala ko ang dalawa roon sa ilang babae sa Bagong Tipan na nagbigay ng positibo, may tiwala sa sarili, matibay, at tiyak na patotoo tungkol sa Tagapagligtas. Bagama’t sila, tulad natin, ay di-perpektong mga babae, nagbibigay-inspirasyon ang kanilang patotoo.

Naaalala ba ninyo ang di-pinangalanang babae sa tabi ng balon na inanyayahan ang iba na sumama at tingnan kung ano ang natutuhan niya tungkol sa Tagapagligtas? Ibinigay niya ang kanyang tiyak na patotoo sa isang tanong: “Mangyayari kayang ito ang Cristo?”5 Mapilit ang kanyang patotoo at paanyaya kaya “marami … ang sa kanya’y [naniwala].”6

Nagpatotoo si Marta tungkol sa Tagapagligtas

Kasunod ng pagkamatay ng kapatid niyang si Lazaro, madamdaming ipinahayag ni Marta, ang pinakamamahal na disipulo at kaibigan ng Panginoon, “Panginoon, kung ikaw sana’y narito, disin ang kapatid ko ay hindi namatay.” Isipin ang kanyang katiyakan nang magpatuloy siya, “At ngayon nama’y nalalaman ko na, [na] anomang hingin mo sa Dios, ay ipagkakaloob sa iyo ng Dios.” Sinabi pa niya, “Sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang naparirito sa sanglibutan.”7

Nalaman natin sa kababaihang ito na ang mga babaeng nakatitiyak ay mga disipulong nakatuon sa Tagapagligtas na si Jesucristo at umaasa sa pangako ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Mga Babaeng Nakatitiyak na Tumutupad sa Tipan sa Panahon ng Panunumbalik: Handang Magsakripisyo

Noong unang panahon, nagsakripisyo ang mga babaeng nakatitiyak nang patotohanan at ipamuhay nila ang mga turo ni Jesus. Ginawa rin ito ng mga babaeng nakatitiyak noong mga unang araw ng Panunumbalik. Kabilang si Drusilla Hendricks at ang kanyang pamilya sa mga nagdusa, bilang mga bagong binyag, sa pag-uusig sa mga Banal sa Clay County, Missouri. Tuluyang naparalisa ang kanyang asawa sa Digmaan sa Crooked River. Mag-isa niya itong inalagaan habang itinataguyod ang kanyang pamilya.

“Sa isang napakasaklap na pagkakataon, nang wala nang makain ang pamilya, naalala niya na isang tinig ang nagsabi sa kanya, ‘Maghintay, sapagkat maglalaan ang Panginoon.’”

Nang pagboluntaryuhin ang kanyang anak sa Mormon Battalion, tumutol si Drusilla noong una at taimtim na nanalangin sa Ama sa Langit hanggang sa “parang may isang tinig na nagsabi sa kanya na, ‘Ayaw mo ba sa pinakamataas na kaluwalhatian?’ Mangyari pa sumagot siya ng, ‘Gusto po,’ at nagpatuloy ang tinig, ‘Sa palagay mo paano mo ito matatamo kung hindi ka magsasakripisyo nang malaki?’”8

Nalaman natin sa mga babaeng nakatitiyak na ito na sa pagkadisipulong tumutupad ng mga tipan, kailangan tayong maging handang magsakripisyo.

Ilang Kababaihang Nakatitiyak Ngayon: Pag-alaala at Paghahandang Ipagdiwang ang Kanyang Pagbabalik

Nabanggit ko ang mga babaeng nakatitiyak sa panahon ng Tagapagligtas at sa mga unang araw ng Panunumbalik ng ebanghelyo, ngunit paano naman ang mga halimbawa ng pagkadisipulo at mga patotoo ng mga babaeng nakatitiyak sa ating panahon?

Si Sister Burton kasama ang kababaihang miyembro sa Asia

Sa bago kong tungkulin sa Asia, muli akong nagkainspirasyon sa maraming babaeng nakatitiyak na nakilala ko. Talagang humanga ako sa mga unang miyembro sa India, Malaysia, at Indonesia na nagsisikap na ipamuhay ang kultura ng ebanghelyo sa kanilang sariling tahanan, na kung minsan ay malaki ang sakripisyo dahil ang pamumuhay ng ebanghelyo ay sumasalungat kadalasan sa pamilya at mga kultura ng bansa. Ang mga babaeng nakatitiyak na matatagal nang miyembro ng Simbahan na nakilala ko sa Hong Kong at Taiwan ay patuloy na pinagpapala ang buhay ng kanilang pamilya, mga miyembro ng Simbahan, at komunidad sa pananatiling nakatuon sa Tagapagligtas at kahandaang magsakripisyo para matupad ang mga tipan. Matatagpuan ang ganitong mga babaeng nakatitiyak sa buong Simbahan.

Si Sister Burton kasama ang kababaihang miyembro sa Asia

Isang babaeng nakatitiyak na napagpala ang buhay ko nang ilang dekada sa nakalipas na 15 taon ang nakibaka sa nakapanghihina, mahirap, at tumitinding sakit na tinatawag na inclusion body myositis. Bagama’t nakatali sa kanyang wheelchair, sinisikap niyang magpasalamat at magpatuloy sa kanyang “Can Can List”: isang listahan ng mga bagay na kaya niyang gawin, tulad ng kaya kong huminga, lumunok, manalangin, at madama ang pagmamahal ng aking Tagapagligtas. Halos araw-araw ay ibinabahagi niya sa pamilya at mga kaibigan ang kanyang tiyak na patotoo na nakatuon kay Cristo.

Narinig ko kamakailan ang kuwento ni Jenny. Isa siyang returned missionary na nagdiborsyo ang mga magulang habang nasa misyon siya. Ikinuwento niya kung paano “[siya] mamatay-matay sa takot” sa ideyang pauwi na siya.” Ngunit sa pagtatapos ng kanyang misyon sa Italy, nang bumisita siya sa mission home pauwi sa Estados Unidos, magiliw siyang pinaglingkuran ng isang babaeng nakatitiyak, ang asawa ng mission president, sa pagsusuklay ng kanyang buhok.

Ilang taon pagkaraan, isa pang babaeng nakatitiyak, si Terry—isang stake Relief Society president at disipulo ni Jesucristo—ang naging pagpapala sa buhay ni Jenny nang tawagin siyang ward Relief Society president. Noong panahong iyon, sumusulat si Jenny ng thesis para sa kanyang doctoral degree. Hindi lamang nagsilbing guro kay Jenny si Terry bilang lider, kundi sinamahan din siya nito nang 10 oras sa ospital nang matanggap ni Jenny ang nakababahalang resulta na may leukemia siya. Bumisita si Terry sa ospital at inihatid si Jenny sa mga appointment nito. Pagtatapat ni Jenny, “Ilang beses yata akong nagsuka sa kotse niya.”

Sa kabila ng sakit niya, buong tapang na patuloy na naglingkod si Jenny bilang ward Relief Society president. Kahit sa matindi niyang paghihirap, tumawag siya sa telepono at nagpadala ng mga text at email mula sa kanyang higaan, at inanyayahan niya ang kababaihan na bisitahin siya. Nagpadala siya ng mga card at sulat sa mga tao, at minahal ang kanyang mga kapatid mula sa malayo. Nang hingan siya ng ward ng retrato ng kanyang presidency para sa kanilang ward history, ito ang nakuha nila. Dahil si Jenny mismo ay isang babaeng nakatitiyak, hinikayat niya ang lahat na tumulong na dalhin ang pasanin ng iba, pati na ang sa kanya.

Ang Ward Relief Society presidency na may suot na mga sumbrero

Bilang isang babaeng nakatitiyak, nagpatotoo si Jenny: “Narito tayo hindi lamang para iligtas ang iba kundi maging ang ating sarili. At ang kaligtasang iyan ay nagmumula sa pakikipagtulungan kay Jesucristo, mula sa pag-unawa sa Kanyang biyaya at Pagbabayad-sala at pagmamahal para sa kababaihan ng Simbahan. Nangyayari iyan sa pamamagitan ng mga bagay na kasingsimple ng pagsusuklay ng buhok ng iba; pagpapadala ng liham na may inspirado, malinaw, at naghahayag na mensahe ng pag-asa at biyaya, o pagtutulot sa kababaihan na paglingkuran tayo.”9

Mga kapatid, kapag tayo ay nagambala, nag-alinlangan, nadismaya, nagkasala, nalungkot, o nahirapan ang ating kaluluwa, nawa’y tanggapin natin ang paanyaya ng Panginoon na uminom ng Kanyang tubig na buhay, tulad ng ginawa ng nakatitiyak na babae sa tabi ng balon, na inanyayahan ang iba na gawin iyon kapag nagbahagi tayo ng ating sariling tiyak na patotoo na: “Mangyayari kayang ito ang Cristo?”

Kapag tila hindi patas ang buhay, tulad ng akala ni Marta nang mamatay ang kapatid niyang lalaki—kapag nagdadalamhati tayo dahil tayo ay nalulungkot, hindi magkaanak, namatayan ng mahal sa buhay, nawalan ng mga pagkakataong makapag-asawa at magkapamilya, nawasak ang tahanan, nanghina sa depresyon, may sakit sa katawan o isipan, may nakakainis na problema, nabalisa, may adiksyon, gipit sa pera, o maraming iba pang mga problema—alalahanin sana natin si Marta at ipahayag ang gayunding tiyak na patotoo: “Ngunit alam ko … [at] sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios.”

Mga babae sa paanan ng krus

Nawa’y maalaala natin ang maraming babaeng nakatitiyak na tumangging talikuran ang ating mahal na Tagapagligtas noong matindi ang Kanyang pagdurusa sa krus subalit makalipas ang ilang oras ay nagkaroon ng pribilehiyo na makasama ng nakatitiyak na mga saksi sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli. Manatili tayong malapit sa Kanya sa panalangin at sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan. Lumapit tayo sa Kanya sa paghahanda at pakikibahagi sa mga sagradong simbolo ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo sa ordenansa ng sakramento linggu-linggo at pagtupad ng mga tipan sa paglilingkod sa iba sa oras ng kanilang pangangailangan. Sa gayon marahil makakasama tayo ng mga babaeng nakatitiyak, na mga disipulo ni Jesucristo, na magdiriwang ng Kanyang maluwalhating pagbalik kapag pumarito Siyang muli.

Ang Tagapagligtas sa Ikalawang Pagparito

Mga kapatid, pinatototohanan ko ang mapagmahal na mga Magulang sa Langit, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at ang Kanyang walang-katapusang Pagbabayad-sala para sa atin. Alam ko na si Propetang Joseph Smith ay itinalaga noon pa man bilang propeta ng Panunumbalik. Alam ko na ang Aklat ni Mormon ay totoo at isinalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Nabiyayaan tayo ng isang buhay na propeta sa ating panahon, si Pangulong Thomas S. Monson. Sa mga katotohanang ito ay nakatitiyak ako! Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Paalala: Noong Abril 1, 2017, si Sister Burton ay ini-release bilang Relief Society General President.