Mga Pundasyon ng Pananampalataya
Ang pakiusap ko ay gumawa tayo ng mga sakripisyo at magkaroon ng pagpapakumbabang kailangan upang mapatatag ang mga pundasyon ng ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.
Napakaganda ng pangkalahatang kumperensyang ito. Talagang napalakas tayo. Kung mayroon mang pangunahing layon ang pangkalahatang kumperensya, iyon ay patatagin ang pananampalataya sa Diyos Ama at sa ating Tagapagligtas, ang Panginoong Jesucristo.
Ang mensahe ko ay tungkol sa mga pundasyon ng pananampalatayang iyon.
Ang mga personal na pundasyon, tulad ng maraming makabuluhang adhikain, ay karaniwang dahan-dahang naitatatag—paisa-isang patong, paisa-isang karanasan, paisa-isang hamon, paisa-isang hadlang, at paisa-isang tagumpay. Ang pinakamahalagang pisikal na karanasan ay ang unang paghakbang ng isang sanggol. Napakaganda nitong masdan. Ang nakakatuwang hitsura ng mukha—na pinaghalong determinasyon, galak, pagkagulat, at tagumpay—ay talagang pambihira.
Sa pamilya namin, may isang pangyayari na katulad nito na kakaiba sa lahat. Noong apat na taong gulang ang bunso naming anak na lalaki, pumasok siya sa bahay at masayang ibinalita sa pamilya nang buong pagmamalaki: “Kaya ko nang gawin ang lahat ngayon. Kaya ko nang magtali, kaya ko nang magpaandar, at kaya ko nang mag-zipper.” Nauunawaan namin na sinasabi niyang kaya na niyang itali ang sintas ng sapatos niya, kaya na niyang paandarin ang kanyang Big Wheel na traysikel, at kaya na niyang i-zipper ang kanyang coat. Tumawa kaming lahat ngunit natanto namin na para sa kanya ay napakalaki na ng nagawa niya. Akala niya’y talagang malaking tao na siya.
Ang pisikal, mental, at espirituwal na pag-unlad ay maraming pagkakatulad. Ang pisikal na pag-unlad ay madaling makita. Nagsisimula tayo sa paghakbang ng sanggol at umuunlad bawat araw, bawat taon, lumalaki at nahuhubog para maabot ang ating pinakahustong pisikal na pangangatawan. Magkakaiba ang pag-unlad ng bawat tao.
Kapag nanonood tayo ng pagtatanghal ng magaling na atleta o musikero, madalas nating sabihin na ang taong iyon ay puno ng talento, na karaniwang totoo. Ngunit ang pagtatanghal ay batay sa mga taon ng paghahanda at pagpapraktis. Ang isang kilalang manunulat na si Malcolm Gladwell, ay tinawag itong batas ng 10,000 oras. Nalaman ng mga researcher na ang ganito katagal na pagpapraktis ay kinakailangan sa atletiks, musikal na pagtatanghal, kahusayan sa akademiya, kahusayan sa trabaho, medikal o legal na pagkabihasa, at iba pa. Sinasabi ng isa sa mga bihasa sa pananaliksik na ito na “ang sampung libong oras ng pagpapraktis ay kailangan para makamit ang antas ng pagkadalubhasa na may kaugnayan sa pagiging isa sa pinakamagagaling sa mundo—sa anumang bagay.”1
Kinikilala ng karamihan na para makamit ang pinakamahusay na magagawa ng kanilang katawan at isipan, ang ganoong paghahanda at praktis ay kailangan.
Sa kasamaang-palad, sa daigdig na lalong nagiging sekular, hindi na masyadong pinapansin ang espirituwal na pag-unlad na kailangan para maging higit na tulad ni Cristo at maitatag ang mga pundasyon na humahantong sa matatag na pananampalataya. Madalas tayong nakatuon sa mga sandali ng espirituwal na pag-unawa. Ito ay mahahalagang pagkakataon kung kailan ay nalalaman nating pinatotohanan ng Espiritu Santo ang espesyal na espirituwal na mga ideya sa ating puso at isipan. Nagagalak tayo sa mga pangyayaring ito; hindi dapat mawala ang mga ito sa anumang paraan. Ngunit para sa matatag na pananampalataya at para palaging makasama ang Espiritu, walang makakapalit sa tuluy-tuloy na pagsunod ng mga indibidwal na maihahalintulad sa pag-unlad ng katawan at kaisipan. Umuunlad tayo mula sa mga karanasang ito, na kung minsan ay maikukumpara sa unang paghakbang ng sanggol. Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng banal na pangako sa sagradong mga sacrament meeting, pag-aaral ng banal na kasulatan, panalangin, at paglilingkod kapag tinawag. Sa isang papugay sa obituwaryo para sa ama ng 13 anak, nakasaad doon na ang kanyang “katapatan sa araw-araw na panalangin at pag-aaral ng banal na kasulatan ay nakaimpluwensya nang malaki sa kanyang mga anak, kaya nagkaroon sila ng di-natitinag na pundasyon ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo.”2
Ang isang karanasan ko noong 15 anyos ako ay naging isang pundasyon para sa akin. Buong giting na sinikap na matapat kong ina na tulungan akong maitatag ang mga pundasyon ng pananampalataya sa aking buhay. Dumalo ako sa sacrament meeting, Primary, pagkatapos ay sa Young Men at seminary. Binasa ko ang Aklat ni Mormon at palagi akong nagdarasal nang mag-isa. Noong panahong iyon ay isang mahalagang pangyayari ang naganap sa aming pamilya nang pinag-iisipan ng mahal kong kuya ang potensyal na matawag sa mission. Ang kahanga-hanga kong ama, na di-gaanong aktibong miyembro ng Simbahan, ay gustong ipagpatuloy ng kuya ko ang kanyang pag-aaral at huwag nang magmisyon. Naging dahilan ito ng pagtatalo.
Sa kakaibang pakikipag-usap sa kuya ko, na limang taon ang tanda sa akin at nangunguna sa talakayan, nagpasiya kami na ang desisyon niya kung magmimisyon nga ba siya ay nakadepende sa tatlong bagay: (1) Banal ba si Jesucristo? (2) Totoo ba ang Aklat ni Mormon? (3) Si Joseph Smith ba ang propeta ng Pagpapanumbalik?
Sa taimtim kong pagdarasal nang gabing iyon, pinagtibay sa akin ng Espiritu ang katotohanan ng tatlong tanong na ito. Naunawaan ko rin na halos bawat desisyong gagawin ko sa buong buhay ko ay ibabatay sa mga sagot sa tatlong tanong na iyon. Partikular na naisip ko na kailangan ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Sa paglingon sa nakaraan, natanto ko na, higit sa lahat, dahil sa nanay ko, ang mga pundasyon ay naroon para matanggap ko ang espirituwal na pagpapatibay nang gabing iyon. Ang kuya ko, na mayroon nang patotoo, ay nagdesisyong magmisyon at nakuha sa huli ang suporta ng aming ama.
Ang espirituwal na patnubay ay natatanggap kapag kinakailangan, sa takdang oras ng Panginoon at ayon sa Kanyang kalooban.3 Ang Aklat ni Mormon: Isa Pang Tipan ni Jesucristo, ay isang napakagandang halimbawa. Tiningnan ko kamakailan ang unang edisyon ng Aklat ni Mormon. Natapos ni Joseph Smith ang pagsasalin noong siya ay 23 taong gulang. May kaunti tayong nalalaman tungkol sa proseso at sa mga kasangkapang ginamit niya sa pagsasaling iyon. Sa unang paglilimbag noong 1830, isinama ni Joseph ang isang maikling paunang salita at sa simple at malinaw na paraan ay sinabing isinalin ito “sa kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”4 Paano naman ang mga tulong sa pagsasalin—ang Urim at Tummim, ang mga bato ng tagakita? Kailangan ba ang mga iyon, o tulad iyon ng mga gulong na pansanay sa bisikleta hanggang sa maipakita ni Joseph ang pananampalatayang kailangan para tumanggap ng mas direktang paghahayag?5
Kung paanong ang pag-uulit at patuloy na pagsisikap ay kailangan upang magkaroon ng kakayahan ang katawan at isipan, gayundin sa mga espirituwal na bagay. Tandaan na tinanggap ni Propetang Joseph ang tanging bisitang si Moroni, nang apat na beses na dala ang pare-parehong mensahe bilang paghahanda sa pagtanggap ng mga lamina. Naniniwala ako na ang partisipasyon linggu-linggo sa mga sacrament meeting ay may espirituwal na implikasyon na hindi natin lubusang nauunawaan. Ang regular na pagninilay sa mga banal na kasulatan—sa halip na paminsan-minsan lang na pagbabasa nito—ay kayang palitan ang mababaw na pagkaunawa ng napakaganda at nakapagpapabagong-buhay na pag-iibayo ng ating pananampalataya.
Ang pananampalataya ay alituntunin ng kapangyarihan. Hayaang ilarawan ko: Noong bata pa akong missionary, isang magaling na mission president6 ang nagturo sa akin sa napakagandang paraan ng kuwento na nasa Lucas 8 tungkol sa babaing inaagasan ng dugo sa loob ng 12 taon at inubos ang lahat ng kanyang kabuhayan sa mga doktor na hindi makapagpagaling sa kanya. Hanggang sa ngayon ay isa ito sa mga paborito kong talata.
Maaalala ninyo na nanalig siya na kung mahihipo lamang niya ang laylayan ng damit ng Tagapagligtas, siya ay gagaling. Nang magawa niya iyon, agad siyang gumaling. Ang Tagapagligtas, na naglalakad kasama ang Kanyang mga disipulo, ay nagsabing, “Sino ang humipo sa akin?”
Sumagot si Pedro na lahat sila, na sama-samang naglalakad, ay nasasanggi sa Kanya.
“At … sinabi ni Jesus, … May humipo sa akin, sapagka’t naramdaman ko na may umalis na bisa sa akin.”
Ang salitang-ugat para sa bisa ay madaling maisasalin bilang “kapangyarihan.” Sa Spanish at Portuguese, isinasalin ito bilang “kapangyarihan.” Ngunit gayunman, hindi siya nakita ng Tagapagligtas; hindi Siya nakatuon sa kanyang pangangailangan. Ngunit gayon na lang ang pananampalataya niya kaya ang paghipo sa laylayan ng damit ay gumamit ng kapangyarihang magpagaling ng Anak ng Diyos.
At sinabi ng Tagapagligtas sa kanya, “Anak, pinagaling ka ng iyong pananampalataya; yumaon kang payapa.”7
Pinag-isipan ko ang kuwentong ito simula noong ako ay maging isang adult. Natanto ko na ang ating personal na mga dalangin at pagsamo sa mapagmahal na Ama sa Langit sa pangalan ni Jesucristo ay makapagdudulot ng mga pagpapala sa ating buhay nang lampas sa kakayahan nating makaunawa. Ang mga pundasyon ng pananampalataya, ang uri ng pananampalataya na ipinakita ng babaing ito, ang dapat pakamithiin ng ating puso.
Gayunman, ang mga unang pundasyon ng pananampalataya, kahit pa may espirituwal na pagpapatibay, ay hindi nangangahulugang hindi tayo mahaharap sa mga hamon ng buhay. Ang pagbabagong-loob sa ebanghelyo ay hindi nangangahulugan na malulutas ang lahat ng problema.
Ang mga naunang kasaysayan ng Simbahan at nakatalang mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay naglalaman ng mga halimbawa ng pagtatatag ng mga pundasyon ng pananampalataya at pagharap sa mga hindi inaasahang mga pagbabago at hamon na hinaharap ng lahat.
Ang pagkumpleto ng Templo ng Kirtland ay isang pundasyon para sa buong Simbahan. Kasama ito ng mga espirituwal na pagbuhos, mga paghahayag ng doktrina, at panunumbalik ng mahahalagang susi para sa patuloy na pagtatatag ng Simbahan. Tulad ng sinaunang mga Apostol sa araw ng Pentecostes, nakaranas ang maraming miyembro ng kagila-gilalas na mga espirituwal na karanasan na may kaugnayan sa paglalaan ng Templo ng Kirtland.8 Ngunit, tulad sa ating sariling buhay, hindi ito nangangahulugan na hindi sila mahaharap sa mga hamon o paghihirap sa pagsulong. Hindi alam ng mga miyembrong ito na mahaharap sila sa krisis sa pananalapi ng Estados Unidos—ang panic of 1837—na susubok mismo sa kanilang kaluluwa.9
Isang halimbawa ng mga hamon na nauugnay sa krisis na ito sa pananalapi ay naranasan ni Elder Parley P. Pratt, isa sa mga dakilang lider ng Pagpapanumbalik. Siya ay orihinal na miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol. Sa unang bahagi ng 1837, ang mahal niyang asawang si Thankful, ay namatay habang ipinanganganak ang kanilang panganay na anak. Sina Parley at Thankful ay halos 10 taon nang kasal, at nanlumo siya sa pagkamatay ni Thankful.
Makalipas ang ilang buwan, natagpuan ni Elder Pratt ang kanyang sarili sa isa sa mga pinakamahirap na panahon na naranasan ng Simbahan. Sa gitna ng krisis sa bansa, ang mga lokal na isyu sa ekonomiya—pati na ang pagbili ng lupa sa murang halaga para maipagbili ito kalaunan sa malaking halaga at mga paghihirap ng institusyon sa pananalapi na itinatag ni Joseph Smith at ng iba pang mga miyembro ng Simbahan—ay lumikha ng di-pagkakasundo at pagtatalo sa Kirtland. Ang mga lider ng Simbahan ay hindi palaging matalino sa paggawa ng mga temporal na desisyon sa kanilang buhay. Nalugi nang malaki si Parley at pansamantala ay nakaalitan si Propetang Joseph.10 Sumulat siya ng matinding pambabatikos kay Joseph at nagsalita laban sa kanya sa pulpito. Kasabay nito, sinabi ni Parley na patuloy siyang naniniwala sa Aklat ni Mormon at sa Doktrina at mga Tipan.11
Nawala kay Elder Pratt ang kanyang asawa, kanyang lupain, at kanyang tahanan. Si Parley ay umalis patungong Missouri nang hindi sinasabi kay Joseph. Habang nasa daan, hindi inaasahang nakatagpo niya ang kapwa niya mga Apostol na sina Thomas B. Marsh at David Patten na pabalik sa Kirtland. Nadama nila ang malaking pangangailangan na maibalik ang pagkakasundo sa Korum at hinikayat si Parley na bumalik na kasama nila. Natanto niya na walang higit na nawalan kundi si Joseph Smith at ang pamilya nito.
Hinanap ni Parley ang Propeta, tumangis, at ikinumpisal ang nagawa niyang pagkakamali. Sa mga buwan matapos mamatay ang kanyang asawang si Thankful, si Parley ay “nalulukuban ng madilim na ulap” at nadaig ng mga takot at pagkabigo.12 Dahil alam ni Joseph kung paano makibaka sa oposisyon at tukso, “tahasang pinatawad” niya si Parley, ipinagdasal at binasbasan ito.13 Si Parley at ang iba pa na nanatiling tapat ay nakinabang sa mga hamon na dumating noon sa Kirtland. Nadagdagan ang kanilang karunungan at naging mas magigiting at matuwid. Ang karanasang ito ay naging bahagi ng mga pundasyon ng kanilang pananampalataya.
Ang kahirapan ay hindi dapat ituring na hindi pagkalugod ng Panginoon o pagbawi ng Kanyang mga pagpapala. Ang pagsalungat sa lahat ng bagay ay bahagi ng apoy na nagpapadalisay upang ihanda tayo para sa walang hanggang tadhanang selestiyal.14 Noong si Propetang Joseph ay nakapiit sa Liberty Jail, ang mga salita ng Panginoon sa kanya ay naglalarawan ng lahat ng uri ng hamon—kabilang na ang mga pagdurusa, mga maling paratang—at nagtatapos sa:
“Kung ang pinakapanga ng impiyerno ay ibubuka nang malaki ang bibig sa iyo, alamin mo, aking anak, na ang lahat ng bagay na ito ay magbibigay sa iyo ng karanasan, at para sa iyong ikabubuti.
“Ang Anak ng Tao ay nagpakababa-baba sa kanilang lahat. Ikaw ba’y nakahihigit sa kanya?”15
Ang Panginoon, sa tagubiling ito kay Joseph Smith, ay nilinaw din na batid na ang kanyang mga araw at hindi iyon mababawasan. Nagwakas ang Panginoon, “Huwag katakutan ang nagagawa ng tao, sapagkat ang Diyos ay kasama mo magpakailanman at walang katapusan.”16
Kung gayon, ano ang mga biyaya ng pananampalataya? Ano ang nagagawa ng pananampalataya? Halos walang katapusan ang listahan:
Ang ating mga kasalanan ay mapapatawad dahil sa pananampalataya kay Cristo.17
Kasindami ng may pananampalataya ang may pakikipag-ugnayan sa Banal na Espiritu.18
Ang kaligtasan ay dumarating sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ni Cristo.19
Tumatanggap tayo ng lakas batay sa ating pananampalataya kay Cristo.20
Walang makapapasok sa kinaroroonan ng Panginoon maliban sa mga taong nahugasan ang kanilang kasuotan sa dugo ni Cristo dahil sa kanilang pananampalataya.21
Ang ating mga dalangin ay sinasagot ayon sa pananampalataya.22
Kung walang pananampalataya sa mga anak ng tao, ang Diyos ay hindi makagagawa ng himala sa kanila.23
Sa huli, ang ating pananampalataya kay Jesucristo ang pundasyong kailangan para sa ating walang hanggang kaligtasan at kadakilaan. Gaya ng itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak, “Tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan … , na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak.”24
Nagpapasalamat ako sa pagpapatatag ng mga pundasyon ng pananampalataya na nagmula sa kumperensyang ito. Ang pakiusap ko ay gumawa tayo ng mga sakripisyo at magkaroon ng pagpapakumbabang kailangan upang mapatatag ang mga pundasyon ng ating pananampalataya sa Panginoong Jesucristo. Ibinibigay ko ang aking tiyak na patotoo sa Kanya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.