Si Joseph na Tagakita
Nililinaw sa tala ng kasaysayan kung paano tinupad ni Joseph Smith ang kanyang tungkulin bilang tagakita at isinalin ang Aklat ni Mormon.
Noong Abril 6, 1830, ang araw na inorganisa ni Joseph Smith ang Simbahan ni Cristo (na kalaunan ay tatawaging Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw),1 ipinahayag niya ang mga salita ng isang paghahayag sa mga nakatipon. “Masdan,” pagpapahayag ng tinig ng Diyos, “may talaang iingatan sa inyo; at sa mga ito ikaw [si Joseph Smith] ay tatawaging tagakita” (D at T 21:1).
Ang kitang-kitang tanda ng tungkulin ni Joseph Smith bilang tagakita sa bagong tatag na Simbahan ay ang Aklat ni Mormon, na paulit-ulit niyang ipinaliwanag na isinalin “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”2 Marami sa mga pinakamalapit kay Joseph sa taon bago naorganisa ang Simbahan ang nakasaksi sa proseso ng paglabas ng Aklat ni Mormon at nakaunawa sa kahulugan ng salitang tagakita.
Ang Kahulugan ng Tagakita
Ano ang kahulugan ng tagakita sa batang propeta at sa kanyang mga kaedad? Si Joseph ay lumaki sa isang pamilyang nagbabasa ng Biblia, na paulit-ulit na bumabanggit sa mga tagakita. Sa I Samuel, halimbawa, ipinaliwanag ng sumulat: “Nang una sa Israel, pagka ang isang lalake ay mag-uusisa sa Dios, ay ganito ang sinasabi, Halika, at tayo’y pumaroon sa tagakita: sapagka’t yaon ngang tinatawag na Propeta ngayon ay tinatawag nang una na Tagakita” (I Samuel 9:9).
Binanggit din sa Biblia ang mga taong tumatanggap ng espirituwal na pagpapakita sa pamamagitan ng pisikal na mga bagay tulad ng mga tungkod,3 ahas na tanso sa isang tikin (na naging laganap na simbolo ng mga doktor),4 epod (isang bahagi ng kasuotan ng saserdote na kinabibilangan ng dalawang mahahalagang bato),5 at Urim at Tummim.6
Ang “makakita” at “mga tagakita” ay bahagi ng kultura ng Amerika at ng pamilya kung saan lumaki si Joseph Smith. Lubhang naimpluwensyahan ng mga salita sa Biblia at ng magkahalong kulturang Anglo-European na dala ng mga nandayuhan sa North America, naniwala ang ilang tao noong mga unang taon ng ika-19 na siglo na posible sa matatalinong tao na “makakita,” o tumanggap ng mga espirituwal na pagpapakita, sa pamamagitan ng mga materyal na bagay tulad ng mga bato ng tagakita.7
Tinanggap ng batang si Joseph Smith ang gayong pamilyar na tradisyonal na mga paraan sa kanyang panahon, kabilang na ang ideya ng paggamit ng mga bato ng tagakita para makita ang nawawala o nakatagong mga bagay. Dahil ipinakita sa kuwento sa Biblia na gumagamit ng pisikal na mga bagay ang Diyos para ituon ang pananampalataya ng mga tao o espirituwal na makipag-ugnayan noong mga unang panahon, ipinalagay ni Joseph at ng iba na gayon din ang nangyayari sa kanilang panahon. Hinikayat ng mga magulang ni Joseph na sina Joseph Smith Sr. at Lucy Mack Smith ang kanilang pamilya na sundin ang kulturang ito at gumamit ng pisikal na mga bagay sa ganitong paraan, at ang mga mamamayan ng Palmyra at Manchester, New York, kung saan nanirahan ang mga Smith, ay hinanap si Joseph para mahanap ang mga bagay na nawawala bago siya nagpunta sa Pennsylvania noong mga huling buwan ng 1827.8
Para sa mga hindi nakaunawa kung paano ipinamuhay ng mga tao sa lugar ni Joseph ang kanilang relihiyon noong ika-19 na siglo, maaaring hindi pamilyar ang mga bato ng tagakita, at matagal nang pinagtatalunan ng mga iskolar ang panahong ito ng kanyang buhay. Bunga ng Enlightenment o Age of Reason, isang panahon na nagbigay-diin sa siyensya at sa mapagmasid na mundo tungkol sa mga bagay na espirituwal, marami sa panahon ni Joseph ang nakadama na ang paggamit ng pisikal na mga bagay tulad ng mga bato o tungkod ay mapamahiin o di-angkop sa mga layuning pangrelihiyon.
Kalaunan, tulad ng pambihirang kuwento ni Joseph, binigyang-diin niya ang kanyang mga pangitain at iba pang mga espirituwal na karanasan.9 Sa kabilang banda, ilan sa kanyang dating mga kasamahan ang nagtuon sa maaga niyang paggamit ng mga bato ng tagakita sa pagsisikap na sirain ang kanyang reputasyon sa isang mundong patuloy na tumatanggi sa gayong mga kaugalian. Sa mga pagsisikap nilang ituro ang ebanghelyo, nagpasiya si Joseph at ang iba pang naunang mga miyembro na huwag magtuon ng pansin sa impluwensya ng tradisyonal na kultura sa pagtuturo nila sa mga tao, dahil maraming magiging mga convert ang dumaranas ng pagbabago sa kung paano nila naunawaan ang relihiyon sa Age of Reason. Gayunman, sa naging tanggap na mga paghahayag, patuloy na itinuro ni Joseph na ang mga bato ng tagakita at iba pang mga gamit ng isang tagakita, gayundin ang kakayahang tumulong sa kanila, ay mahalaga at sagradong mga kaloob ng Diyos.10
Mga Kasangkapang Ginamit sa Pagsasalin ng Aklat ni Mormon
Nasa mga kuwento rin ng kasaysayan ang mga bato ng tagakita na naglalarawan kay Joseph Smith at sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Ang opisyal na kasaysayan ni Joseph, na sinimulan noong 1838, ay naglalarawan sa pagbisita ng isang anghel, na tinukoy na si Moroni, na nagsabi sa kanya tungkol sa mga laminang ginto na nakabaon sa isang kalapit na burol. Ikinuwento ni Joseph na habang kausap niya ang anghel, isang “pangitain [ang] nabuksan” nang napakalinaw sa kanyang isipan kaya “natukoy [niya] ang pook” nang makita niya ito mismo kalaunan (Joseph Smith—Kasaysayan 1:42).
Sa kasaysayang sinimulang isulat ni Joseph noong 1838, binalaan siya ni Moroni “na susubukin akong tuksuhin ni Satanas (sa kadahilanang ang mag-anak ng aking ama ay maralita), na kunin ang mga lamina upang magpayaman.” Ipinagbawal ito ng anghel, pagsasalaysay ni Joseph, na sinasabi na kung siya ay “maudyukan ng ano pa mang layunin” maliban sa itayo ang kaharian ng Diyos, “di [niya] makukuha ang mga yaon” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:46). Sa kanyang naunang kasaysayan noong 1832, ipinaliwanag ni Joseph, “aking … hinangad ang mga Lamina para magpayaman at hindi ko sinunod ang utos na dapat kong ituon ang aking mata sa Kaluwalhatian ng Diyos.”11 Dahil dito, pinabalik siya sa burol taun-taon sa loob ng apat na taon hanggang sa maging handa siyang tanggapin ang mga lamina (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:53–54).
Isinalaysay ni Joseph na nang matamo niya sa wakas ang mga lamina mula kay Moroni noong 1827, tumanggap din siya ng dalawang bato na gagamitin sa pagsasalin sa mga ito. Nag-iwan siya at ang malalapit niyang kakilala ng mga kuwento tungkol sa mga batong ito, na inilalarawan na puti o malinaw ang mga ito, na nakabaon sa mga balantok na pilak o gilid ng mga modernong salamin sa mata, at nakakabit sa isang malaking baluti sa dibdib.12 Ayon sa pagkalarawan, tila malaki ang gamit na ito ng tagakita. Sinabi ng ina ni Joseph Smith na inalis niya ang mga bato mula sa baluti sa dibdib para madaling gamitin ang mga ito.13
Tinatawag sa teksto ng Aklat ni Mormon ang mga batong ito na “mga kasangkapan sa pagsasalin” at ipinaliwanag na ang mga ito “ay inihanda mula pa sa simula at ipinasa-pasa sa bawat sali’t salinlahi, para sa layuning maipaliwanag ang mga wika,” na “iningatan at pinangalagaan ng mga kamay ng Panginoon” (Mosias 28:14‒15, 20).
Ikinuwento rin sa aklat kung paano ibinigay ng Panginoon ang “dalawang bato” sa kapatid ni Jared, na may pangako na makakatulong ito sa darating na mga henerasyon na muling matanggap ang kanyang mga salita. “Isulat mo ang mga bagay na ito at tatakan ang mga ito,” pag-uutos sa kanya ng Panginoon, “at ipahahayag ko ang mga ito sa aking sariling takdang panahon sa mga anak ng tao.” Ang mga batong ito, paliwanag ng Panginoon, “ay liliwanagin sa mga mata ng tao ang mga bagay na ito na iyong isusulat” (Eter 3:24, 27).
Nang matapos si Joseph Smith sa pagdidikta ng kanyang pagsasalin ng Aklat ni Mormon sa mga eskriba noong kalagitnaan ng 1829, lalo pang nilinaw ang kahulugan ng tagakita sa teksto. Ang Aklat ni Mormon ay naglalaman ng isang propesiya na iniukol kay Jose ng Egipto na nagpapahayag na isa sa kanyang mga inapo—malinaw na si Joseph Smith—ang magiging “piling tagakita” na magdadala sa iba pang mga inapo “sa kaalaman ng mga tipan” na ginawa ng Diyos sa kanilang mga ninuno (2 Nephi 3:6, 7).
Sa isa pang kuwento sa Aklat ni Mormon, ibinigay ni Nakababatang Alma ang mga kasangkapan sa pagsasalin sa kanyang anak na si Helaman. “Pangalagaan mo ang mga kasangkapang ito [sa] pagsasalin,” ang payo ni Alma sa kanya, na tinutukoy ang dalawang bato sa mga balantok na pilak. Ngunit binanggit din ni Alma ang isang propesiya na mukhang tumutukoy sa iisang bato: “At sinabi ng Panginoon: ihahanda ko sa aking lingkod na si Gaselim, ang isang bato, na kikinang sa kadiliman tungo sa liwanag” (Alma 37:21, 23).
Kapansin-pansin, bagaman ibinigay sa konteksto ng “mga kasangkapan sa pagsasalin” (maramihan), na ang propesiyang ito ay tungkol sa pagbibigay sa isang magiging lingkod ng “isang bato” (isahan), “na kikinang sa kadiliman tungo sa liwanag.”14 Pinaniwalaan ng naunang mga Banal sa mga Huling Araw na ang ipinropesiyang lingkod na ito ay si Joseph Smith.15
Katunayan, ipinapakita ng kasaysayan na bukod pa sa dalawang bato ng tagakita na kilala bilang “mga kasangkapan sa pagsasalin,” gumamit si Joseph Smith ng isa pang bato ng tagakita sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon, at madalas niya itong ilagay sa isang sumbrero para hindi kuminang. Ayon sa mga kaedad ni Joseph, ginawa niya ito para mas makita niya ang mga salita sa bato.16
Pagsapit ng 1833, sinimulang gamitin ni Joseph Smith at ng kanyang mga kasamahan ang kataga sa Biblia na “Urim at Tummim” upang tukuyin ang anumang batong gamit sa pagtanggap ng mga banal na paghahayag, kabilang na ang mga kasangkapan sa pagsasalin ng mga Nephita at ang iisang bato ng tagakita.17 Ang di-gaanong tumpak na terminolohiyang ito ay nagpahirap sa mga pagtatangkang tuklasin ang eksaktong paraang ginamit ni Joseph Smith sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon. Bukod pa sa paggamit ng mga kasangkapan sa pagsasalin, ayon kay Martin Harris, ginamit din ni Joseph ang isa sa kanyang mga bato ng tagakita para mas madaling isalin ang Aklat ni Mormon. Pinagtitibay ng iba pang mga tao ang paggamit ni Joseph ng paiba-ibang kasangkapan sa pagsasalin.18
Matapos Ilathala ang Aklat ni Mormon
Kasunod ng paglalathala ng Aklat ni Mormon noong Marso 1830, sinimulan ni Joseph Smith at ng kanyang mga clerk ang tinatawag ngayon na Pagsasalin ni Joseph Smith ng Biblia, ang pagwawasto ng isang propeta sa King James Version.19 Ayon sa salaysay ni Joseph, ang paggamit ng mga kasangkapan sa pagsasalin ng mga Nephita para sa proyektong ito sa pagsasalin ay hindi magandang opsiyon dahil wala na ang mga ito sa kanya.
Ipinaliwanag sa kasaysayan ni Joseph na “sa karunungan ng Diyos, yaon ay nanatiling ligtas sa aking mga kamay, hanggang sa matapos ko ang mga kinakailangan na iniatang sa aking mga kamay. Alinsunod sa napagkasunduan, nang hingin ng sugo ang mga iyon ay ibinigay ko yaon sa kanya; at ang mga yaon ay nasa kanyang pag-iingat magpahanggang sa araw na ito” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:60).
Ipinaliwanag ni Pangulong Brigham Young (1801–77) na, “Ibinalik ni Joseph ang U[rim at] T[ummim] sa mga lamina nang matapos na siyang magsalin.”20
Si Joseph ay may iba pang mga bato ng tagakita, ngunit sa mga salita ni Elder Orson Pratt (1811–81), miyembro ng Korum ng Labindalawang Apostol at kalaunan ay naging Church Historian, lumalim din sa panahong ito ang espirituwal na pang-unawa ni Joseph. Sa isang pulong noong Hunyo 28, 1874, na dinaluhan ni Pangulong Brigham Young at ng iba pang mga General Authority, ikinuwento ni Elder Pratt sa mga nakikinig sa kanya na “naroon siya sa maraming pagkakataon” habang si Joseph Smith ay “nagsasalin ng Bagong Tipan.” Nang makita niya na walang ginagamit si Joseph na mga kasangkapan sa pagsasalin, inisip niya kung bakit “hindi [niya] ginamit ang Urim at Tummim, tulad noong isalin niya ang Aklat ni Mormon.”
Habang minamasdan ni Elder Pratt ang pagsasalin ng Propeta, “tumingala si Joseph, na para bang nabasa nito ang nasa isip niya, at ipinaliwanag na binigyan siya ng Panginoon ng Urim at Tummim noong wala pa siyang karanasan sa Diwa ng inspirasyon. Ngunit ngayon ay maalam na siya kaya naunawaan na niya ang Diwang iyon, at hindi niya kinailangan ang tulong ng kasangkapang iyon.”21
Sinabi ni Brigham Young sa isang grupo ng mga tagapakinig ang kanyang mga ideya tungkol sa pagtanggap ng isang bato ng tagakita. “Hindi ko alam kung hinangad kong magkaroon niyon,” pagmumuni niya.22 Ipinahayag ng sinabi ni Brigham ang pagkaunawa niya na ang mga bato ng tagakita ay hindi kailangan para maging tagakita.
Noong Oktubre 25, 1831, dumalo si Joseph Smith sa isang kumperensya sa Orange, Ohio. Sa oras ng kumperensya, sinabi ng kapatid niyang si Hyrum na “naisip niya na pinakamainam na si Joseph mismo ang magparating ng impormasyon tungkol sa paglabas ng Aklat ni Mormon sa mga Elder na naroon upang malaman iyon mismo ng lahat.” Ayon sa katitikan ng pulong, sinabi ni Joseph “na ito ay hindi nilayon upang ipaalam sa mundo ang lahat ng detalye ng paglabas ng Aklat ni Mormon” at “na hindi angkop na isalaysay niya ang mga bagay na ito.”23 Dahil maalam na sa kanyang tungkulin bilang tagakita, at naniniwala na ang mga bato ng tagakita ay hindi kailangan sa paghahayag, marahil ay nag-alala siya na baka masyadong matuon ang pansin ng mga tao sa kung paano lumabas ang aklat at hindi sa aklat mismo.
Ang pinakamahalagang punto ni Joseph Smith tungkol sa pagsasalin ng Aklat ni Mormon ay na ginawa niya ito “sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.”24 Ang aklat mismo, pagtuturo niya sa mga lider ng Simbahan, “ang pinakatumpak sa anumang Aklat sa mundo at ang saligang bato ng ating relihiyon,” at sa pagsunod sa mga tuntunin nito, ang mga mambabasa ay “mas mapapalapit sa [D]iyos … kaysa [sa] alin mang aklat.”25