2015
Pagtuturo sa mga Kabataan Kung Paano Mamuno sa Paraan ng Tagapagligtas
Oktubre 2015


Pagtuturo sa mga Kabataan Kung Paano Mamuno sa Paraan ng Tagapagligtas

Ang ating mga kabataan ay hindi lamang mga lider sa hinaharap. Sila ay mga lider ngayon. Matutulungan natin silang mamunong katulad ng Tagapagligtas.

Youth preparing food for service project in Puerto Rico

Sa mga magulang at lider ng mga kabataan, si Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ay nagsalita tungkol sa sensitibong balanse na kailangan nating matagpuan: “Anyayahan ang mga kabataan na kumilos. Kailangan ay naroon kayo, ngunit hayaan silang kumilos. Gabayan sila nang hindi sila pinangungunahan.”1

Matutulungan ng mga magulang at lider ang mga kabataang lalaki at babae na matuto ng mga alituntuning maghahanda sa kanila na mamuno sa kabutihan at itayo ang kaharian ng Diyos sa lupa.

Noong 14 anyos ako, nakilala ko ang ilang kabataang babae na mahuhusay na lider. Noong panahong iyon, lumipat mula sa isang panig ng Estados Unidos ang pamilya ko at napabilang sa isang bagong ward. Hindi ko maalala kung sino ang nasa Mia Maid class presidency, pero natatandaan ko na talagang mabait sa akin ang mga kabataang babae. Taos-puso nilang tinanggap ang isang takot at maliit na bagong dalagitang gaya ng isang matagal-nang-nawawalang kaibigan at ipinadama nilang kabilang ako. Mula sa Delaware, kung saan ako lang ang dalagitang Mormon sa aming junior high school at kung saan ang kaisa-isa pang dalagitang Mormon na kilala ko ay nakatira sa isang lugar na isang oras ang biyahe mula sa bahay namin, naisip ko, “Ganito siguro sa langit!”

Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay ko, nagkaroon ako ng mga kaibigang ipinamumuhay ang mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, nag-anyaya sa akin na sumali sa mga aktibidad, at nagbahagi sa akin ng kanilang patotoo sa ebanghelyo. Ang halimbawa nila ng mapagmahal na kabaitan ay mas naglapit sa akin sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw noong panahong iyon kaysa sa nagawa ng anumang mensahe o lesson. Sa kanilang pagmamahal at liwanag na katulad ng kay Cristo, sila ang mensahe ng ebanghelyo ni Cristo, at sila ang umakay at gumabay sa akin tungo sa Kanyang kawan.

Bakit naging mahuhusay na lider ang mga bago kong kaibigan?

Ipinaliwanag ng isang binatang missionary ang pamumuno sa napakasimpleng paraan. Sabi niya: “Kailangan ay nasa tamang lugar tayo sa tamang panahon na ginagawa ang kalooban ng Panginoon at tinutulungan ang taong nangangailangan ng ating tulong. Iyan ang pagiging lider.”2 Dahil sa pagkatao nila at sa Liwanag ni Cristo na nagningning sa kanila, ang matatapat na kabataang lalaki at babae sa buong Simbahang ito ay may kakayahang mamuno sa paraan ng Tagapagligtas at “tulungan ang ibang tao na maging mga tunay na alagad ni … Jesucristo.”3

Bilang mga lider tayo ay namumuno, gumagabay, at pumapatnubay sa ating mga kabataang lalaki at babae. Ngunit ang mga class at quorum presidency ang responsable sa pamumuno at pamamahala sa gawain ng kanilang mga klase at korum, kabilang na ang pagpili ng mga aralin tuwing Linggo at pagpaplano ng mga aktibidad sa karaniwang araw. Ang mga lider ng klase at korum ay tinatawag at itinatalaga sa ilalim ng pamamahala ng mga mayhawak ng mga susi ng priesthood; sa gayon sila ay may awtoridad na mamuno at magpalakas sa iba pang mga kabataan. Tinutularan nila ang halimbawa ng Tagapagligtas at natututong maglingkod tulad ng paglilingkod Niya at magministeryo tulad ng ginawa Niya.

Mga Pagkakataon para Mamuno sa mga Kabataan

Ang pamumuno ay nagsisimula sa tahanan. “Ang pagganap ng ating tungkulin sa Diyos bilang mga magulang at lider ay nagsisimula sa pamumuno sa pamamagitan ng halimbawa—patuloy na masigasig na ipinamumuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo sa tahanan,” pagtuturo ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Kailangan nito ng determinasyon at sigasig araw-araw.”4 Itinuturo ng mga magulang ang doktrina ni Cristo. Tinutulungan nila ang mga kabataan na magtakda at magsakatuparan ng mga mithiin. Ang Pansariling Pag-unlad at Tungkulin sa Diyos ay tumutulong sa mga kabataan na mapalakas ang kanilang patotoo tungkol kay Jesucristo, maging handang gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, at gampanan ang kanilang mga banal na tungkulin at responsibilidad sa pamilya, sa tahanan, at sa Simbahan.

Sa simbahan, ang mga lider ng Aaronic Priesthood at Young Women ay matutulungan ang mga kabataang naglilingkod sa mga quorum at class presidency na maunawaan ang kanilang mga sagradong tungkulin at gampanang mabuti ang kanilang mga calling na pangalagaan at palakasin ang lahat ng miyembro ng korum at klase.

Bilang mga adult leader, inihahanda natin ang mga kabataan para mangasiwa sa mga miting ng korum at klase at mga aktibidad sa Mutual. Pinupulong natin ang mga kabataan sa mga presidency meeting habang nagpapasiya sila kung paano paglilingkuran ang mga nahihirapan, isasama ang lahat ng kabataan sa mga aralin tuwing Linggo, at magpaplano ng mga aktibidad, proyektong pangserbisyo, kamping, at youth conference.

Hinihikayat natin ang mga youth presidency na tulungan ang lahat ng miyembro ng korum at klase na makibahagi sa lahat ng aspeto ng gawain ng kaligtasan, kabilang na ang member missionary work, pagpapanatiling aktibo sa mga bagong miyembro, pagpapaaktibo sa mga di-gaanong aktibong miyembro, gawain sa templo at family history, at pagtuturo ng ebanghelyo.5 Tinutulungan ng mga youth presidency ang lahat ng kabataang lalaki at babae na madama ang kagalakan at ang pagpapala ng paglilingkod sa pangalan ng Tagapagligtas at pagpapakain sa Kanyang mga tupa.

Ang gawain ng lider ay hindi tungkol sa kakayahang gumawa ng perpektong handout o magbigay ng lektyur na puno ng katotohanan. Ang gawain ng lider ay tulungan ang mga kabataang lalaki at babae na matutuhan at maipamuhay ang mga alituntuning tutulong sa kanila na mamuno sa paraan ng Tagapagligtas. Narito ang apat sa mga alituntuning iyon.6

Espirituwal na Maghanda

Family members sitting in the living room or family room of their home.  They are reading the Church magazines.

Tulungan ang mga kabataan na maunawaan ang bisa ng kanilang sariling espirituwal na paghahanda. Turuan silang sumampalataya sa mga tipang ginagawa nila sa ordenansa ng sakramento. Ang kahandaan nilang taglayin sa kanilang sarili ang pangalan ni Cristo, alalahanin Siya, at sundin ang Kanyang mga kautusan ay nagpapamarapat sa kanila sa tuwina sa patnubay ng Espiritu Santo. Hindi sila nag-iisa sa kanilang paglilingkod kapag tumanggap, kumilala, at kumilos sila ayon sa mga panghihikayat ng Espiritu Santo.

Espirituwal silang naghahanda sa pamamagitan ng pagdarasal nang taimtim para mapatnubayan at pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan para sa mga sagot. Sinisikap nilang sundin ang mga kautusan upang mangusap ang Espiritu Santo sa kanilang puso’t isipan upang madama at malaman nila kung sino ang nangangailangan ng kanilang tulong at ano ang magagawa nila. Nadarama nila ang dalisay na pag-ibig ni Cristo para sa bawat miyembro ng klase o korum.

Ang espirituwal na paghahanda ay nagbibigay ng tiwala sa mga kabataan na sila ay mga kinatawan ng Panginoon at na sila ay nasa Kanyang paglilingkod (tingnan sa D at T 64:29).

Lumahok sa mga Council

Ituro sa mga kabataan ang pangunahing kaayusan at ang naghahayag na kapangyarihan ng mga council kapag nakilahok sila sa prosesong ito na itinatag ng langit na ginagamit sa pamamahala sa Simbahan ng Panginoon at sa pagpapala sa mga indibiduwal at pamilya.7 Ang mga bishopric youth committee at quorum at class presidency meeting ay mga council kung saan natututuhan ng mga kabataan ang kanilang mga tungkulin at tumatanggap sila ng mga responsibilidad na maglingkod sa iba.

Ang mga miyembro ng mga council ay:

  • Nagkakaisa at sinusunod ang tagubilin ng mga lider ng priesthood, na mayhawak ng mga susi ng priesthood.

  • Nagbabahagi ng kanilang mga iniisip at ideya na may diwa ng katuwiran, kabanalan, pananampalataya, kabutihan, pagtitiis, pag-ibig sa kapwa, at kabaitan na parang kapatid.

  • Nagtutulungan, ayon sa patnubay ng Espiritu Santo, sa pagpaplano ng gagawin nila para tulungan ang mga nangangailangan.

Maglingkod sa Iba

Ang mga kabataan ay namumuno sa paraan ng Tagapagligtas kapag naglingkod sila nang may pagmamahal at kabaitan. Itinuro ni Joseph Smith: “Wala nang ibang paraan para mailayo ang mga tao sa pagkakasala kundi hawakan sila sa kamay, at bantayan sila nang buong giliw. Kapag nagpapakita ng kaunting kabaitan at pagmamahal ang mga tao sa akin, Ah nangingibabaw ito sa aking isipan.”8

Itinuro ng Tagapagligtas ang kahalagahan at walang katumbas na halaga ng bawat kaluluwa (tingnan sa D at T 18:10–15). Tulungan ang ating mga kabataan na maunawaan ang maluwalhating katotohanan na inialay ni Jesucristo ang Kanyang buhay at binuksan ang daan para lahat ay makalapit sa Kanya. Bilang pasasalamat sa Kanyang ginawa, ang mga tunay na lingkod ng Panginoon ay tumutulong at naglilingkod nang may mapagmahal na kabaitan sa bawat kabataang lalaki at babae, na siyang dahilan kaya isinakripisyo ng Tagapagligtas ang lahat.

Ituro ang Ebanghelyo ni Jesucristo

Tulungan ang mga kabataang lalaki at babae na mahiwatigan ang mga pagkakataong ituro ang ebanghelyo at maunawaan na ang magiging pinakamahalaga nilang pagtuturo ay ang kanilang halimbawa. Kapag namuhay ang mga kabataan ayon sa mga salita ng mga propeta at sumunod sa mga pamantayan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, namumuno sila sa paraan ng Tagapagligtas. Sa katapatan ng kanilang mga salita at kilos, ipinapakita nila ang ibig sabihin ng pagiging tunay na disipulo ni Jesucristo. Sila ay tumatayo bilang Kanyang mga saksi nang walang pagkukunwari. Pagkatapos, kapag sila ay nagpatotoo, tumulong sa pagtuturo ng isang aralin sa araw ng Linggo, o nagbahagi ng mga katotohanan ng ebanghelyo sa kanilang mga kaibigan, mapupuspos sila ng Espiritu at ang kanilang mga salita ay magpapabago ng puso.

Mamuno sa Paraan ng Tagapagligtas

Ang mamuno sa paraan ng Tagapagligtas ay isang sagradong pribilehiyong mangangailangan ng lubos na kakayahan ng mga kabataan kapag naglingkod sila sa Panginoon sa tahanan, sa Simbahan, at sa komunidad. Ang mga kabataang lalaki at babae na namumuno sa paraan ng Tagapagligtas ay nagiging mensahe ng ebanghelyo ni Jesucristo, sagot sa dalangin ng isang tao, mga anghel na naglilingkod sa mga nangangailangan, at liwanag ni Cristo sa mundo.

Mga Tala

  1. David A. Bednar, “Youth and Family History,” lds.org/youth/family-history/leaders.

  2. Liham mula sa apo ni Carol F. McConkie, Mar. 13, 2015.

  3. Handbook 2: Administering the Church (2010), 3.1.

  4. Robert D. Hales, “Ang Ating Tungkulin sa Diyos: Ang Misyon ng mga Magulang at Lider para sa Bagong Henerasyon,” Liahona, Mayo 2010, 95.

  5. Tingnan sa Handbook 2, 5.

  6. Tingnan sa Handbook 2, 3.2.

  7. Tingnan sa Handbook 2, 4.1.

  8. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 462, 502.