Gaano Ba Ito Kahalaga?
Kelly Laing, Washington, USA
Habang naglilibot ako sakay ng USS West Virginia, dumating ang isang panawagan para sa isang opisyal na nagsasalita ng Portuges na magpunta sa Brazilian Navy para sa tatlong-linggong pakikipagpalit. Ako lamang sa hukbong submarino ang nagsasalita ng Portuges.
Ang una kong naisip ay huwag pumunta. Katatapos ko lang ng tatlong-buwang pagpapatrol at sabik na akong makita ang aking pamilya, pero hindi mawala sa isipan ko ang pakikipagpalit na iyon. Nanalangin ako sa Ama sa Langit, at tumanggap ako ng matibay na sagot na dapat akong pumunta, at tinanggap ko ang asaynment.
Maraming naging balakid sa pagsasaayos niyon. Minsan nga ay parang gusto ko nang sumuko. Naisip ko, “Gaano ba ito kahalaga?” Gayunpaman, hinikayat ako ng Espiritu Santo na magpatuloy.
Sa wakas, makalipas ang ilang pagkaantala, dumating ako sa isang barkong Brazilian. Nang ihatid ako sa silid-kainan ng mga opisyal, sumisigaw ang kapitan ng barko at nakaturo sa isang batang opisyal. Nakita ako ng kapitan, tumigil, at sinabi sa pautal-utal na Ingles, “Ah, dumating na ang kaibigan kong Amerikano. Welcome. Maaari ba kitang alukin ng maiinom?”
Sumagot ako sa wikang Portuges na gusto ko ng isang sikat na Brazilian soft drink na hindi ko na natikman mula noong magmisyon ako. Sinabi niya sa akin na nasa barko ang lahat ng klase ng alak, pero sinabi kong hindi ako umiinom ng alak.
Kalaunan ay may kumatok sa cabin ko. Nang buksan ko ang pinto, naroon at nakatayo ang batang opisyal na nasa silid-kainan kanina
“Amerikano ka,” sabi niya. “Hindi ka umiinom ng alak. Nagsasalita ka ng Portuges. Mormon ka kaya?”
“Oo,” sagot ko.
Niyakap niya ako at napaiyak.
Ang opisyal na ito, si Lt. Mendes, ay halos kabibinyag pa lang at bagong graduate sa Brazilian Naval Academy. Sa barko, agad niyang nalaman na inaasahan ng kapitan na makikibahagi siya sa kasayahan ng mga opisyal kapag dumadaong sila. Sa halip, nagboboluntaryo palagi si Lt. Mendes para sa “in-port duty” at kung hindi naman ay tumatakas sa mga port-of-call activity. Nainis na ang kapitan dito. Pagpasok ko sa silid-kainan, sinisigawan niya si Lt. Mendes dahil ayaw nitong makisama.
“Lalabas ka kasama ng mga opisyal sa susunod nating pagdaong,” pag-utos niya sa tinyente. “Ipapakita mo sa bisitang Amerikanong opisyal kung paano magsaya. Aasahan niya iyan sa atin.”
Sa loob ng ilang buwan, ipinagdasal ni Lt. Mendes na maunawaan at tanggapin ng kanyang kapitan ang kanyang mga prinsipyo. Sa pagdating ko, halos tungkol sa ebanghelyo ang paksa ng usapan sa silid-kainan. Tinalakay namin sa iba pang mga opisyal si Joseph Smith, ang Panunumbalik, ang Word of Wisdom, at ang batas ng kalinisang-puri. Hindi nagtagal ay nagbago ang saloobin nila kay Lt. Mendes. Inalis ng mga opisyal ang lantarang nakadispley na pornograpiya, at sa kasunod na daungan ay masaya kaming nagsabay-sabay sa pagkain sa isang restawran sa halip na magpunta sa club.
Bago matapos ang tatlong linggo kong pananatili sa barko, at matapos ang maraming pakikipagtalakayan sa kapitan at mga opisyal tungkol sa aming mga paniniwala, lumambot ang puso ng kalalakihan. “Nauunawaan ko na,” sabi ng kapitan kay Lt. Mendes bago ako umalis, at idinagdag na hindi na niya ito uutusang labagin ang kanyang mga prinsipyo.
Hinding-hindi ko malilimutan ang karanasang ito. Nalaman namin ni Lt. Mendes na kilala ng ating Ama sa Langit ang bawat isa sa atin, mahal Niya tayo, at nagmamalasakit Siya sa ating personal na buhay.