Paghahanap ng Tulong
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Hatinggabi na, pero alam ni Tate na oras iyon para makipag-usap.
“Aking Ama, dalangi’y gabaya’t bantayan ako” (Children’s Songbook, 19).
Nanatiling gising si Tate kahit madilim, papikit-pikit para hindi mapaluha. Humingi siya ng tulong sa panalangin, pero tila may makapal at maitim na ulap na nakaharang sa kanya, kaya hindi niya madama ang Espiritu.
“Paano kung hindi ko malimutan ang napakapangit na palabas na iyon sa TV?” pag-aalala niya.
Ilang araw na ang nakalipas, natapos niya nang maaga ang homework niya at binuksan niya ang TV. Ngunit hindi niya inasahang makakita ng ganoon sa screen. Lubhang nagulat si Tate kaya’t nalimutan niyang patayin kaagad ang telebisyon na dapat sana niyang ginawa.
Nagkataon lang iyon. Hindi niya ginustong makapanood ng ganoong eksena, at hindi niya ito malimutan ngayon. Kung minsan bigla na lang itong pumapasok sa isip niya habang nasa paaralan, sa hapag-kainan—kahit sa simbahan. Sa ganoong mga pagkakataon, natuwa siya na hindi nababasa nina Inay at Itay ang nasa isip niya. Itinuro na ng mga magulang ni Tate sa kanya na huwag titingin sa mga larawan ng mga taong nakahubad. Alam niya na inaasahan din nila na iiwasan niya ang mararahas na palabas sa TV, pelikula at video game.
“Alam ko na ngayon kung bakit,” bulong ni Tate sa sarili.
Nagbangon si Tate mula sa pagkakahiga at muling lumuhod. Ano ang maaari niyang gawin?
“Ama sa Langit,” bulong ni Tate. “Tulungan po Ninyo akong hindi na isipin pa ang nakita ko.” Pinahid niya ang mga luha sa kanyang mga mata at nakinig. Bumilis ang tibok ng kanyang puso. Akala niya may ipinararamdam sa kanya ang Espiritu Santo, pero hindi iyon ang sagot na gusto niya.
Kailangan niyang sabihin sa kanyang mga magulang.
“Bakit?” pagtataka ni Tate. Mararamdaman niya na para siyang batang pupunta sa silid ng kanyang mga magulang sa hatinggabi. At para sabihin sa kanila? Nakadama siya ng hiya at muling sumama ang pakiramdam niya.
Pagkatapos ay malinaw na pumasok ang isang bagay sa kanyang isipan: nais ng Ama sa Langit na maging masaya siya. Gusto ng Ama sa Langit na madama niyang muli ang Espiritu, isipin ang mabubuting bagay, at maging tapat sa kanyang pamilya. Gusto Niya, lalo na, na maging karapat-dapat na maytaglay ng Aaronic Priesthood si Tate kapag nag-12 anyos siya pagkaraan ng ilang buwan. Natanto ni Tate na kung palagi niyang iisipin ang nakita niya at patuloy itong ililihim, mananatili siyang malungkot tungkol dito.
Alam ni Tate na kailangan niya ng tulong—at kasasabi lamang sa kanya ng Espiritu Santo kung saan ito matatagpuan.
Tiningnan ni Tate ang nagliliwanag na mga numero sa digital clock sa tabi ng kanyang kama. Halos ala-1:00 na ng madaling-araw. Tumayo siya at naglakad sa madilim na pasilyo papunta sa silid ng kanyang mga magulang. Kinakabahang napalunok, kumatok siya sa kanilang pinto.
“Inay? Itay?”
“Tate, ikaw ba ’yan?” ang inaantok na tinig ni Inay.
“May problema ba?” tanong ni Itay.
“Opo,” sabi ni Tate. “Puwede po ba tayong mag-usap? At puwede po kaya akong magpabasbas?”
Sinindihan ng kanyang ama ang ilawan sa tabi ng higaan at pinapasok si Tate. Sa unang pagkakataon sa loob ng ilang araw, nakadama si Tate ng sigla, pag-asa, at liwanag.