Pagdarasal Ko Papunta sa Rotuma
John K. Muaror, New South Wales, Australia
(Ang awtor ay pumanaw na.)
“Umalis na ang Westerland kahapon,” sabi ng hipag ko nang salubungin niya kami sa Nadi International Airport sa Fiji.
Nalungkot ako at nadismaya sa balita. Ang MV Westerland ang barkong sasakyan sana namin papunta sa kuya ko sa Rotuma Island. Ang Rotuma ay halos 375 milya (600 km) hilagang-kanluran ng Viti Levu, ang pinakamalaking pulo sa Fiji. Kung hindi ka makakasakay sa barko, malamang na ilang araw o linggo ka pang maghihintay sa susunod na biyahe.
Isang taon bago iyon nagpunta ako sa Rotuma para tulungan ang kuya ko na ayusin ang bahay ng lola namin, at iniwan ko siya dahil hindi kami nagkasundo sa trabaho. Ngayo’y gusto ko siyang makaharap at sabihin sa kanya kung gaano kalaki ang pagsisisi ko.
Isang linggo bago kami lumipad ng asawa kong si Akata patungong Fiji mula sa Australia, sinabi sa akin ng pamangkin ko na patungo ang Westerland sa Rotuma isang araw bago kami nakatakdang dumating. Agad akong tumawag sa opisina ng barko at nakiusap sa kanila na ipagpaliban ang biyahe nang dalawang araw.
“Hindi pupuwede gustuhin man namin,” sagot nila. “Nakapaghanda na ang Rotuma Island Council para sa isang piging sa pagsalubong, at kailangang umalis ang barko ayon sa iskedyul.”
May bigla akong naisip, at nagpasiya akong mag-ayuno at manalangin.
“Mahal kong Ama sa Langit,” pagdarasal ko, “gustung-gusto ko pong makasakay sa barkong iyon papuntang Rotuma. Naniniwala ako na hindi nila puwedeng ipagpaliban ang pag-alis ng barko nang isa o dalawang araw, pero may kapangyarihan Kayong gawin ito. Maaari po bang tanggalan Ninyo ng kahit isang turnilyo ang barko para maantala ang biyahe at makasakay ako? Kailangan ko pong magpunta sa Rotuma at makipagbati sa kapatid ko.”
Nang marinig namin ang nakalulungkot na balita, pumunta kami sa daungan sa kabilang panig ng pulo. Gayunman, nalaman namin doon na nagloko ang makina ng barko at hindi pa nakakaalis. Sinagot ng Ama sa Langit ang panalangin ko! Lumabas na, ang buong makina—hindi lamang isang turnilyo—ang kailangang tanggalin para makumpuni ang malakas na pagtagas ng langis.
Nang sa wakas ay nakaalis na ang barko pagkaraan ng isang linggo, nakasakay na ako. Pagdating ko sa Rotuma, niyakap ko ang aking kapatid at humingi ako ng tawad, at ipinanumbalik namin ang aming dating samahan. Talagang naging araw ng pagdiriwang iyon.
Pasasalamatan ko magpakailanman ang napakagandang espirituwal na karanasang ito at ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Pinatunayan nito na nangyayari pa rin ang mga himala ngayon, na ang ating Ama sa Langit ay buhay at sumasagot sa taimtim nating mga panalangin, na ang pagdarasal at pag-aayuno ay nagtutulong, at na ang ebanghelyo ay totoo—maging sa isang maliit na nayon sa maliit na pulo ng Rotuma.