2015
Sapat Ba ang Ginagawa Ko?
Oktubre 2015


Paglilingkod sa Simbahan

Sapat Ba ang Ginagawa Ko?

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Ang isang aral tungkol sa nawawalang tupa ay nakatulong para maunawaan ko kung paano ko gagampanang mabuti ang aking tungkulin.

Composite photo of a lamb on a cliff.  There is a tree growing out of the side of the rocky cliff.

Pinaghalong paglalarawan nina Mike Boyland/iStock/Thinkstock at Oleksiy Fedorov/Hemera/Thinkstock

Sa edad na 23, tinawag ako bilang Relief Society president sa aming married student ward. Naaalala ko ang nadama kong mga kakulangan, na may kahalong matinding hangarin na gawin ang lahat ng makakaya ko. Sabik at tuwang-tuwa akong maglingkod pero pinagdudahan ko ang kakayahan kong maging mabuting lider.

Pagkaraan ng ilang buwan bilang Relief Society president, nadama ko na hindi sapat ang ginagawa ko. Gusto kong makaugnay sa kababaihan at maging sensitibo sa kanilang mga pangangailangan, ngunit nadama ko na nagkukulang ako.

Kinausap ko ang bishop ko at sinabi ko ang mga problema ko. Ipinaliwanag ko na hindi ko matulungan ang lahat ng kababaihang gusto kong tulungan. Ipinaliwanag ko kung gaano ko kagustong hatiin sa lima ang katawan ko para magawa ang trabaho sa paraan na inakala kong nararapat. Sinikap kong tawanan ang mga problema ko, pero napuno kaagad ng luha ang aking mga mata sa kawalan ng pag-asa. Ngumiti siya at ibinigay ang ilan sa pinakamahuhusay na payong natanggap ko mula sa isang lider.

“Pamilyar ka ba sa kuwento ng pastol na nang mawala ang isa sa kanyang kawan ay iniwan ‘ang siyam na pu’t siyam’ para hanapin ito?” tanong niya (tingnan sa Lucas 15:4–7). Tumango ako.

“Tila may napakalaking karunungan sa talinghagang iyon,” pagpapatuloy niya. “Alam ng pastol na magiging maayos ang lahat sa siyamnapu’t siyam kung iiwanan niya ang mga ito para hanapin ang isang nawawalang tupa.”

At ibinigay ng bishop ko ang payong ito:

“Alam mo, ang siyamnapu’t siyam ay may magandang paraan ng pag-aalaga sa isa’t isa habang wala ka. Pasisiglahin nila at susuportahan nang husto ang isa’t isa. Iminumungkahi ko na magtuon ka sa mga tao na tila naliligaw. Magiging maayos ang iba pa.”

Nakadama ako ng malakas na patotoo na ang sinabi niya sa akin ay totoo at na hindi ko kailangang problemahin nang sabay-sabay ang buong kawan. Ang layunin ko ay hanapin ang mga nawawala at anyayahan silang magbalik sa kawan. Sa gayong paraan, maisasakatuparan ang mga layunin ng Ama sa Langit, at maaari akong maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay.

Nang sundin ko ang payo ng bishop, mas naunawaan ko kung paano ako pinaglilingkod ng Panginoon sa Kanyang kaharian. Tumanggap din ako ng espirituwal na katuparan na nagpalakas sa akin sa aking tungkulin dahil naglilingkod ako ayon sa utos ng Tagapagligtas. Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, nabigyan ako ng bishop ko ng dakilang kaloob na pag-unawa at pananaw.

Pinatototohanan ko na kapag nanalangin tayo at naghangad ng inspirasyon mula sa ating mga lider ng priesthood, magkakaroon sila ng inspirasyong ipakita sa atin kung paano mamuno sa mabuting paraan.