2015
Hindi ko Alam Kung Bakit Ako Naroon
Oktubre 2015


Hindi ko Alam Kung Bakit Ako Naroon

Amber Cheney, Alabama, USA

illustration of two women hugging

Paglalarawan ni Kathleen Peterson

Katatapos lang namin magdasal ng nanay ko nang gabing iyon. Nagyakap kami at sinabi sa isa’t isa na, “Mahal kita.” Pagkatapos ay nagpunta ako sa kuwarto ko. Nang hawakan ko ang seradura, pumasok ang isang malakas na kutob sa isipan ko na mamamatay ang nanay ko kinabukasan.

Sinikap kong labanan ang bagay na iyon sa aking puso’t isipan. Walang dahilan para mangyari iyon sa nanay ko. Magiging maayos ang lahat sa kanya.

Nang nasa loob na ako ng kuwarto ko, lumuhod ako at nagdasal at sinabi ko sa Ama sa Langit na hindi maaaring magkatotoo ang naisip ko tungkol sa nanay ko. Hiniling ko sa Kanya na alisin iyon sa aking isipan, pero hindi iyon naalis. Bumalik ako sa kuwarto ng aking mga magulang at sinabi ko kay Inay na gusto ko ng isa pang yakap at halik bago ako matulog. Muli kaming nagsabihan ng, “Mahal kita,” at bumalik na ako sa kuwarto ko. Hindi ako nakatulog kaagad nang gabing iyon.

Paggising ko kinabukasan, kabado ako. Salamat na lang, naroon ang nanay ko, masaya at maayos ang kalagayan. Pero sa isip ko, binabagabag pa rin ako ng pakiramdam na may mangyayaring hindi maganda. Sa fast and testimony meeting nang araw na iyon, tumayo si Inay at nagbigay ng magandang patotoo.

Pagkatapos ng sacrament meeting nagturo siya sa kanyang klase sa Primary, at dumalo ako sa Sunday School. May isa na naman akong malinaw na nadama, sa pagkakataong ito na tumayo at umalis sa Sunday School. Ayaw kong makaagaw ng pansin, pero may humila sa akin sa upuan ko at lumabas ako. Ilang minuto pa, nakaupo na ako sa klase ni Inay sa Primary at pinakikinggan ko siyang magturo. Hindi ko alam kung bakit ako naroon, pero alam ko na kailangan kong maparoon.

Kinahapunan sa bahay ng aking kapatid, tinitigan ako ni Inay sa huling pagkakataon bago siya nawalan ng malay at namatay sa sakit na pulmonary embolism. Sa Kanyang mga kadahilanan at sa Kanyang awa, isinugo ng Ama sa Langit ang Espiritu Santo para ihanda ako. Ang mga pahiwatig na iyon ay nagbigay sa akin ng karagdagang oras sa piling ng nanay ko na hindi ko sana natamasa kung binalewala ko ang marahan at banayad na tinig.

Hindi ko gaanong dama ang pagmamahal ng aking Ama sa Langit hanggang sa pumanaw ang aking ina. Napakapalad natin na mayroon tayong Ama sa Langit na nagmamahal sa atin nang sapat upang bigyan tayo ng espesyal na kaloob na Espiritu Santo.