2015
Nagsasalita sa Akin si Sister Spafford
Oktubre 2015


Nagsasalita sa Akin si Sister Spafford

Sandy Howson, Ohio, USA

Naglalaro ako ng online restaurant game isang hatinggabi nang lumapit ang aking asawa at sinabing matutulog na siya.

“Susunod na ako,” sabi ko sa kanya.

“Maniniwala lang ako kapag narito ka na,” sabi niya.

Naglalaro ako ng isang game kung saan nagluto ako ng kunwa-kunwariang pagkain sa isang kunwa-kunwariang restawran para sa kunwa-kunwariang mga parukyano. Tumingin ako sa computer screen at sinabi kong, “Ang totoo, maluluto na ang pagkain ko sa loob ng 15 minuto.”

Habang naghihintay, dinampot ko ang Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society, na nakapatong lang sa mesa mula nang matanggap ko ito sa Relief Society. Sinimulan kong basahin ang pambungad. Sa pangatlong pahina nabasa ko ang sumusunod na pahayag ni Belle S. Spafford, ikasiyam na Relief Society general president.

“Naniniwala ako na makabubuti para sa karaniwang babae ngayon,” pagsulat niya, “na pahalagahan ang kanyang kapakanan, suriin ang mga gawaing kanyang kinasasangkutan, at pagkatapos ay kumilos upang gawing simple ang kanyang buhay, unahin ang mga bagay na pinakamahalaga, na nakatuong mabuti sa malalaking gantimpalang magtatagal, at iwasan ang mga aktibidad na hindi kapaki-pakinabang.” (2011, xiii)

Maliban sa mga banal na kasulatan, wala pa akong nabasa na lubos na umantig sa akin kaysa rito. Ang babaeng ito na namatay mahigit 30 taon na ang nakararaan ay nagsasalita sa akin. Ang sinabi niya ay malamang na mas mahalaga ngayon kaysa noong sabihin niya ito.

Agad kong nalaman na hindi na ako muling maglalaro ng online games kahit kailan. Pinatay ko ang computer, nahiga na ako, at sinabi ko sa asawa ko ang aking desisyon. Kinabukasan ni hindi ko binuksan ang computer. Sa halip, inalam ko kung ilang oras ang nasayang ko sa mga larong iyon araw-araw.

Iminultiply ko ang tatlong oras sa 365 (mga araw sa isang taon) at hinati iyon sa 24 (oras sa isang araw). Nagulat akong malaman na nagsayang ako ng 45.62 araw kada taon. Ang mahahalagang oras at panahong iyon ay naglaho na magpakailanman. Nagamit ko sana iyon sa pagbabasa ng aking mga banal na kasulatan, sa piling ng aking asawa at mga anak, sa paglilingkod sa iba, o sa pagganap sa aking mga tungkulin.

Madalas magsalita ang mga General Authority tungkol sa paksang ito sa pangkalahatang kumperensya. Pero hindi ko talaga naintindihan iyon, at akala ko’y hindi para sa akin iyon.

Nagpapasalamat ako na tinulungan ako ng Espiritu Santo na madama na ang mga General Authority—at si Belle S. Spafford—ay nagsasalita sa akin.