Ang Plano ng Kaligtasan: Isang Sagradong Yaman ng Kaalaman na Gagabay sa Atin
Ang susi sa tagumpay natin sa premortal na buhay ay ang pagsuporta natin sa plano ng Ama. Ito rin ang susi sa tagumpay natin sa mortal na buhay.
Madalas kong isipin ang kawalang-pag-asa ng mga anak ng Diyos na nagpagala-gala sa madilim at mapanglaw na mundo, hindi nalalaman kung sino sila, saan sila nanggaling, bakit sila narito sa lupa, o saan sila pupunta pagkatapos ng buhay nila sa lupa.
Hindi natin kailangang magpagala-gala. Inihayag na ng Diyos ang mga walang-hanggang katotohanan para sagutin ang mga tanong na ito. Matatagpuan natin ang mga ito sa Kanyang dakilang plano para sa Kanyang mga anak. Sa mga banal na kasulatan ang planong ito ay kilala bilang “plano ng pagtubos,”1 “plano ng kaligayahan,”2 at “plano ng kaligtasan.”3
Sa pag-unawa at pagsunod sa plano ng Diyos, iniiwasan nating malihis ng landas pabalik sa ating Ama sa Langit.4 Sa gayon lamang natin matatamo ang uri ng Kanyang pamumuhay, na “buhay na walang hanggan, … [ang] pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos.”5
Ang kaloob na buhay na walang hanggan ay sulit sa anumang pagsisikap na pag-aralan, matutuhan, at ipamuhay ang plano ng kaligtasan. Ang buong sangkatauhan ay mabubuhay na mag-uli at bibiyayaan ng imortalidad. Ngunit ang pagkakamit ng buhay na walang hanggan—ang uri ng pamumuhay ng Diyos6—ay karapat-dapat sa pamumuhay natin ng plano ng kaligtasan nang buong puso, pag-iisip, kakayahan, at lakas.
Pag-unawa sa Plano ng Kaligtasan
May hatid na kapangyarihan ang kaalaman tungkol sa plano! Ang plano ng kaligtasan ay isa sa pinakamalalaking kayamanan ng kaalaman na ibinigay sa sangkatauhan dahil ipinaliliwanag nito ang walang-hanggang layunin ng buhay. Kung wala ito, talagang nagpapagala-gala tayo sa dilim. Kaya nga ang huwaran ng Diyos ay magbigay ng mga kautusan sa Kanyang mga anak “matapos maipaalam sa kanila ang plano ng pagtubos.”7
Ang hangarin ko ay tulungan ang bawat isa sa atin na samantalahin ang kayamanang ito ng kaalaman—upang mas maunawaan ang plano ng kaligtasan at ipamuhay ang pagkaunawang iyan sa araw-araw.
Kalayaan
Dahil mahalaga ang kalayaan sa planong ito, magsimula tayo rito. Binigyan tayo ng ating Ama ng kakayahang kumilos o tumangging kumilos8 ayon sa mga walang-hanggang katotohanan—mga katotohanang nagtutulot sa Diyos na maging Diyos at ang langit na maging langit.9 Kung gagamitin natin ang ating kalayaan para tanggapin at ipamuhay ang mga katotohanang ito, tatanggap tayo ng walang-hanggang kagalakan. Sa kabilang banda, kung ginagamit natin ang ating kalayaan para sumuway, para tanggihan ang mga batas ng Diyos, nagdurusa tayo at nalulungkot.10
Ang kalayaan ay isang alituntuning may kinalaman sa tatlong bahagi ng plano ng kaligtasan: premortal na buhay, mortal na buhay, at kabilang-buhay.
Premortal na Buhay
Tulad ng nakasaad sa “Ang Mag-anak, Isang Pagpapahayag sa Mundo,” bawat isa sa atin “ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang sa langit” na may “katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos.”11 Sa kapulungan sa langit bago tayo isinilang, ipinaliwanag sa atin ng Ama sa Langit ang Kanyang plano ng pagtubos.12 Ang plano ay batay sa doktrina, batas, at mga alituntuning umiiral na noon pa man.13 Nalaman natin na kung tatanggapin at susundin natin ang plano, kailangan ay handa tayong lisanin ang kinaroroonan ng ating Ama at masubukan upang ipakita kung pipiliin nating mamuhay ayon sa Kanyang mga batas at kautusan.14 Nagalak tayo sa pagkakataong ito15 at mapagpasalamat na sumang-ayon sa plano dahil nagbigay ito sa atin ng paraan na maging katulad ng ating Ama sa Langit at magtamo ng buhay na walang hanggan.
Ngunit mayroon ding panganib sa plano: kung pinili natin sa mortalidad na hindi mamuhay ayon sa mga walang-hanggang batas ng Diyos, matatanggap natin ang isang bagay na mas mababa sa buhay na walang hanggan.16 Alam ng Ama na magkakamali at magkakasala tayo habang natututo tayo sa mga karanasan natin sa mortalidad, kaya naglaan Siya ng Tagapagligtas para tubusin mula sa kasalanan ang lahat ng nagsisisi at pagalingin ang mga espirituwal at emosyonal na sugat ng mga masunurin.17
Si Jesucristo ang pinakamamahal na Anak ng Ama, hinirang at inorden sa simula pa lamang.18 Sinuportahan Niya ang plano ng Ama at nagmungkahing maging ating Tagapagligtas, sinasabing: “Narito ako, isugo ako.”19 Sa gayon, si Jesus ay hinirang ng Ama na maging Tagapagligtas na mabubuhay nang walang anumang bahid ng kasalanan sa mortalidad, magbabayad-sala para sa ating mga kasalanan at dalamhati, at mabubuhay na mag-uli upang kalagin ang mga gapos ng kamatayan.
Si Lucifer, na kilala bilang si Satanas, ay naroon din sa premortal na buhay.20 Dahil sa kanyang mga makasariling dahilan siya ay tumanggi sa plano, naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, at naghimagsik laban sa Ama.21 Bunga nito, si Satanas at ang mga sumunod sa kanya ay hindi magkakaroon ng katawan kailanman. Nawala sa kanila ang pagkakataong makibahagi sa plano ng Ama at nawala ang kanilang banal na tadhana.22 Ngayon ay patuloy silang naghihimagsik laban sa Diyos at naghahangad na ibaling ang puso’t isipan ng sangkatauhan laban sa Kanya.23
Ang mundong ito ay ipinlano at nilikha para sa mga tumanggap ng plano ng Ama.24 Dito ay nagtamo tayo ng katawang nilikha sa larawan at wangis ng Diyos. Dito ay sinusubukan at pinatutunayan tayo. Dito ay nagtatamo tayo ng mga karanasang kinakailangan para magmana ng buhay na walang hanggan.25
Mortal na Buhay
Nilikha ng Diyos sina Adan at Eva at ikinasal sila bilang mag-asawa, at inilagay sa Halamanan ng Eden, at inutusan silang magkaroon ng mga anak.26 Gamit ang kanilang kalayaan, magkasamang bumaba sina Adan at Eva mula sa kinaroroonan ng Diyos at naging mortal na nilalang.27 Ito ang tumupad sa plano ng Ama para maging posibleng magkaroon sila ng mga anak, na hindi nila magagawa sa Halamanan ng Eden.28 Ayon sa walang-hanggang batas, ang banal na kapangyarihang magkaanak ay kailangang gamitin sa loob ng hangganang itinakda ng ating Ama sa Langit. Ang paggawa nito ay nagbibigay ng pagkakataong magalak nang walang hanggan. Ang anumang paggamit ng sagradong kapangyarihang ito sa labas ng mga hangganang itinakda ng Diyos ay magbubunga ng kalungkutan sa huli.29
Si Satanas, na naghahangad na lahat ay “maging kaaba-abang katulad ng kanyang sarili,”30 ay nagtatangkang ilayo tayo sa mga pagkakataong hatid ng plano ng Ama. Bakit tinutulutan ng Ama sa Langit na tuksuhin tayo ni Satanas? Dahil alam Niya na ang oposisyon ay kailangan para sa ating paglago at pagsubok sa mortalidad.31 Ang oposisyon ay nagbibigay sa atin ng walang-katumbas na pagkakataong bumaling sa Diyos at umasa sa Kanya. Dahil ang mabuti at masama ay laging nasa ating harapan, malinaw nating maipapahayag ang mga hangarin ng ating puso sa pagtanggap sa isa at pagtanggi sa isa pa.32 Ang oposisyon ay matatagpuan sa mga tukso ni Satanas ngunit gayundin sa sarili nating kahinaan, mga mortal na karupukan na likas sa kalagayan ng tao.33
Upang tulungan tayong pumili nang matalino, inihayag ng Diyos ang Kanyang plano ng pagtubos at nagbigay ng mga kautusan,34 ng Liwanag ni Cristo,35 at ng patnubay ng Espiritu Santo.36 Subalit sa kabila ng lahat ng kaloob na ito, bawat isa sa atin sa makasalanang mundong ito ay nagkakasala, kaya nga lahat tayo ay hindi makakapasok sa kinaroroonan ng Diyos sa ating sariling kakayahan.37 Kaya nga ang Kanyang maawaing plano ay naglalaan ng isang Tagapagligtas.
Si Jesucristo ay pumarito sa lupa bilang Bugtong na Anak ng Diyos at ganap na isinakatuparan ang Kanyang nakatalagang misyon sa pagsunod sa kalooban ng Ama sa lahat ng bagay.38 Ayon sa maawaing plano ng Ama, ang mga epekto ng Pagkahulog ay nagapi ng Pagkabuhay na Mag-uli ng Tagapagligtas,39 ang mga bunga ng kasalanan ay madaraig, at ang kahinaan ay magagawang kalakasan, kung sasandig tayo sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.40
Maaari lamang tayong maging karapat-dapat sa buhay na walang hanggan sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan. Ito ay nangangailangan ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag, pagtanggap ng kaloob na Espiritu Santo, at pagtitiis hanggang wakas sa pagsunod sa halimbawa ng Tagapagligtas.41 Talagang kailangan nating matanggap ang lahat ng mahalagang ordenansa ng priesthood at magtiis hanggang wakas sa pagtupad sa kaugnay na mga tipan.
Kabilang-Buhay
Pagkatapos nating mamatay, haharap tayo sa Tagapagligtas balang-araw upang hatulan.42 Dahil ang Diyos ay maawain, ang mga sumasampalataya kay Cristo na nagsisisi ay patatawarin at magmamana ng lahat ng mayroon ang Ama, kabilang na ang buhay na walang hanggan.43 Dahil ang Diyos ay makatarungan, bawat taong hindi nagsisisi ay hindi tatanggap ng kaloob na buhay na walang hanggan.44 Bawat tao ay gagantimpalaan alinsunod sa kanyang pananampalataya, pagsisisi, mga iniisip, mga hangarin, at mga gawa.45
Pamumuhay ayon sa Plano ng Kaligtasan Araw-araw
Kapag naunawaan natin ang buong layunin ng plano at nakita ang ating sarili rito, nagtatamo tayo ng isang bagay na napakahalaga, at kailangang-kailangan: ang walang-hanggang pananaw. Walang-hanggang pananaw ang tumutulong sa ating mga desisyon at gawain sa araw-araw. Pinatatatag nito ang ating isipan at kaluluwa. Kapag napapaligiran tayo ng mga mapanghikayat at maling opinyon na may epekto sa kawalang-hanggan, tayo ay matatag at di-natitinag.
Tulad ng itinuro ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kapag hindi natin naunawaan ang plano ng kaligtasan, pati na ang ating premortal na buhay at ang paghuhukom at pagkabuhay na mag-uli, ang pagsisikap na maunawaan ang mismong kabuluhan ng buhay na ito ay matutulad sa pagkakita lamang sa ikalawang yugto ng isang tatlong-yugtong dula.”46 Kailangan nating maunawaan ang unang yugto (premortal na buhay) para malaman kung paano gumawa ng pinakamabubuting pasiya sa ikalawang yugto (mortal na buhay), na siyang magpapasiya kung ano ang kahahantungan natin sa ikatlong yugto (kabilang-buhay).
Sa madaling salita, ang pag-unawa sa plano ng kaligtasan, lakip ang taimtim na panalangin, ay binabago ang ating pananaw sa buhay, sa lahat ng nakapaligid sa atin, at sa ating sarili. Ang pag-unawa sa plano ay nagpapalinaw ng ating espirituwal na pananaw at nagtutulot sa atin na tingnan ang mga bagay kung ano talaga ang mga ito.47 Tulad ng pagbibigay-kakayahan ng Urim at Tummim kay Propetang Joseph Smith na tumanggap ng paghahayag at patnubay,48 ipinapakita rin sa atin ng kaalaman tungkol sa plano kung paano “makakilos sa doktrina at alituntunin na nauukol sa hinaharap, alinsunod sa moral na kalayaan” na ibinigay sa atin ng Panginoon.49 Sa gayon, lalakas ang ating pananampalataya, at malalaman natin kung paano tatahakin ang landas ng ating buhay at magpapasiya nang naaayon sa walang-hanggang katotohanan.
Narito ang ilang halimbawa na lalong mahalaga sa ating panahon.
Ang Layunin ng Kasal sa Plano ng Diyos
Ang kasal at pamilya ay patuloy na inaatake dahil alam ni Satanas na mahalaga ang mga ito sa pagtatamo ng buhay na walang hanggan—kasinghalaga ng Paglikha, Pagkahulog, at Pagbabayad-sala at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo.50 Dahil nabigong wasakin ang alinman sa mga pundasyong iyon ng plano, hinangad ni Satanas na wasakin ang ating pag-unawa at kaugalian sa pagpapakasal at pagpapamilya.
Sa pagbatay natin sa plano ng Ama sa Langit, ang layunin ng kasal ay malinaw sa atin. Ang utos na lisanin ang ama at ina, pumisan sa isa’t isa matapos makasal,51 at magpakarami at kalatan ang lupa52 ay pinapangyari ang Kanyang plano. Sa pag-aasawa nadadala natin ang Kanyang mga espiritung anak dito sa mundo at nagiging katuwang Niya tayo sa pagtulong sa Kanyang mga anak na makibahagi sa Kanyang plano.53
Ang plano ng Ama ay naglalaan sa atin ng paraan para magtamo ng buhay na walang hanggan, ang buhay na natamo ng ating mga magulang sa langit. Sa plano, “ang babae ay di maaaring walang lalake, [ni] ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon.”54 Kabilang sa pinakadiwa ng buhay na walang hanggan ang walang-hanggang kasal ng lalaki at babae, na mahalagang bahagi ng pagiging katulad ng ating mga magulang sa langit.55
Kasal sa Pagitan ng Isang Lalaki at Isang Babae.
Sa pagpapakasal kinukumpleto natin ang isa’t isa, na magagawa lamang ng lalaki at babae na may natatangi at mahalagang pagkakaiba. Sa buhay natin sa mundo bilang mag-asawa, magkasama tayong lumalago, na mas napapalapit sa Tagapagligtas habang tayo ay sumusunod, nagsasakripisyo upang magawa ang kalooban ng Diyos, at magkasamang nagtatayo ng Kanyang kaharian. Batid na ang walang-hanggang kasal ay isang utos ng Diyos at na naghahanda Siya ng paraan para maisakatuparan ng Kanyang mga anak ang lahat ng iniuutos Niya,56 alam natin na ang ating pagsasama bilang mag-asawa ay magtatagumpay kapag nagkaisa tayo sa pagtupad sa mga tipang nagawa natin.
Sa pamamagitan ng mga ordenansa ng priesthood at pagpiling sundin ang kaugnay na mga tipan, natatanggap natin ang kapangyarihan ng kabanalan habang hinaharap natin ang mga hamon ng mortalidad.57 Ang mga ordenansa sa templo ay pinagkakalooban tayo ng kapangyarihan mula sa langit at ng kakayahang makabalik sa piling ng ating Ama sa Langit.58 Ang ordenansa ng pagbubuklod ay binibigyan ng kakayahan ang mag-asawa na sabay na lumago sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos at maging kaisa ng Panginoon.59 Anumang ihalili sa ganitong uri ng kasal ay hindi isasakatuparan ang Kanyang sagradong layunin para sa atin o para sa susunod na mga henerasyon ng Kanyang mga anak.60
Mga Pagkaakit at Pagnanasa
Bawat isa sa atin ay isinilang sa makasalanang mundong ito na may kahinaan o hamon na likas sa kalagayan ng tao.61 Ang pag-unawa sa plano ng Diyos ay nagbibigay-kakayahan sa atin na ituring ang lahat ng kahinaan ng tao—kabilang na ang mga pagkaakit at pagnanasang hindi tugma sa Kanyang plano—na pansamantala lamang.62 Batid na nabuhay tayo bago ang buhay na ito bilang pinakamamahal na mga anak na lalaki at babae ng mga magulang sa langit, maibabatay natin ang ating pagkatao sa ating banal na pinagmulan. Ang ating katayuan bilang anak na lalaki o babae ng Diyos—hindi ang mga kahinaan o hilig natin—ang tunay na pinagmulan ng ating pagkatao.63
Sa pananaw na ito, mas nagagawa nating maghintay nang may pagpapakumbaba at pagtitiis sa Panginoon,64 nagtitiwala na sa ating pagsampalataya, pagsunod, at pagtitiis hanggang wakas, ang ating mga pagpapasiya at pagnanasa ay mapapadalisay, ang ating katawan ay mapapabanal, at tayo ay tunay na magiging mga anak na lalaki at babae ni Cristo, na naging ganap sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Ang walang-hanggang pananaw sa plano ay nagbibigay ng kapanatagan na para sa matatapat, tiyak na darating ang araw na “papahirin [ng Diyos] ang bawa’t luha; … [hindi na magkakaroon] ng hirap pa man: [sapagka’t] ang mga bagay nang una ay naparam na.”65 Ang “ganap na kaliwanagan ng pag-asa”66 ay magpapatatag sa ating puso’t isipan at magbibigay sa atin ng kakayahang maghintay nang may pagtitiis at katapatan sa Panginoon.
Mga Pangako sa mga Nagtitiis nang Tapat
Dapat tandaan ng mga nag-iisip kung ang kanilang kasalukuyang sitwasyon o kalagayan ay humahadlang sa pagtatamo nila ng buhay na walang hanggan na “walang sinumang nakatadhanang tumanggap ng mas kakaunti kaysa lahat ng mayroon ang Ama para sa Kanyang mga anak.”67
Walang pagpapalang ipagkakait sa matatapat. Ipinahayag ni Pangulong Lorenzo Snow: “Walang sinumang Banal sa mga Huling Araw na mamamatay pagkatapos mamuhay nang tapat ang mawawalan ng anumang bagay dahil sa nabigo silang gawin ang ilang bagay samantalang hindi naman siya nabigyan ng pagkakataon para magawa iyon. Sa madaling salita, kung ang isang binata o isang dalaga ay hindi nagkaroon ng pagkakataong makapag-asawa, at namuhay sila nang tapat hanggang sa oras ng kanilang kamatayan, mapapasakanila ang lahat ng mga pagpapala, kadakilaan at kaluwalhatian na matatanggap ng sinumang lalaki o babae na nagkaroon ng ganitong pagkakataon at pinagbuti ito. Ito ay tiyak at positibong mangyayari.”68
Mga Pangako para sa Lahat ng Nakakaalam ng Plano at Ipinamumuhay Ito Araw-araw
Bawat isa sa atin ay buong-pusong sinuportahan ang plano ng Ama sa premortal na buhay. Alam natin na mahal Niya tayo, at namangha tayo sa Kanyang lubos na pagbibigay ng pagkakataong ito na manahin natin ang lahat ng mayroon Siya, kabilang na ang buhay na walang hanggan. Ang susi sa tagumpay natin sa premortal na buhay ay ang ating pagsuporta sa plano ng Ama. Ito rin ang susi sa tagumpay natin sa mortal na buhay na ito.
Kaya inaanyayahan ko kayo na sama-sama tayong manindigang muli sa pagsuporta sa plano ng Ama. Ginagawa natin ito nang may pagmamahal sa lahat, dahil ang plano mismo ay pagpapakita ng pagmamahal ng Diyos.
Kapag ipinamuhay natin araw-araw ang ating kaalaman sa plano ng Ama, magiging mas makahulugan ang ating buhay. Mahaharap natin ang ating mga pagsubok nang may higit na pananampalataya. Susulong tayo nang may tiyak, maningning, at matibay na pag-asa ng buhay na walang hanggan.