Ang Paghahanap Ko sa Katotohanan
Ang awtor ay naninirahan sa California, USA.
Noon pa man ay itinuro na sa akin na walang Diyos, pero nagpasiya akong alamin ito sa sarili ko.
Dahil lumaki ako sa isang bayan sa Asia na puno ng kumpetisyon at walang relihiyon, noon pa man ay hangad ko nang maging matagumpay, ngunit wala akong mga walang-hanggang alituntunin o katotohanang gagabay sa akin. Sa aking bansa, ang ibig sabihin ng “matagumpay” ay mayaman at makapangyarihan.
Noon pa man ay itinuro na sa akin ng mga magulang ko na walang Diyos. Para sa kanila, ang relihiyon o Diyos ay walang-katuturan at para lamang sa mahihinang tao. Matagal kong itinuring ang sarili ko na atheist. Itinuro nila sa akin na hindi ako dapat magtiwala kahit kanino maliban sa sarili ko. Kaya sa murang edad ginamit ko na ang matatayog na ambisyon ko para maganyak akong mag-aral at magtrabaho nang husto.
Mataas ang inaasahan ng mga magulang ko sa akin. Gusto nilang laging mataas ang mga marka ko sa eskuwela. Nalungkot akong makita sa mukha nila ang pagkasiphayo o marinig na nagtatalo sila kapag mababa ang marka ko. Bukod pa sa karaniwang gawain ko sa paaralan, kailangan ko ring gumawa ng iba pang homework kapag Sabado’t Linggo para laging A ang marka ko.
Kahit nakamit ko na ang itinakda kong mga mithiin, nadama ko pa rin na may iba pang naghihintay sa buhay ko. Sa kaibuturan ng puso ko, alam kong tiyak na marami pang mangyayari.
Isang araw nagpasiya akong alamin sa sarili ko kung talagang mayroong Diyos. Kung Siya ay umiiral, gusto kong malaman kung ano ang gusto Niya para sa akin o kung ang relihiyon ay isang bagay na walang-katuturan na kathang-isip lang ng mga tao. Hindi ako natakot na matanggap ang alinman sa dalawang sagot na ito. Gusto ko lang malaman ang katotohanan.
Noong panahon ding iyon, naging malapit na kaibigan ko ang isa sa mga ka-team ko sa basketball na si Taylor. Isang umaga tinanong ko siya kung puwede akong makisabay papasok sa eskuwela. Pumayag siya, pero kailangan kong gumising na mas maaga nang isang oras para sumama sa kanya sa seminary. Atubili akong pumayag, na hindi alam kung ano iyon. Nasiyahan ako sa seminary, bagama’t dahil iyon sa nadama ko kaysa sa natutuhan ko.
Hindi nagtagal pagkatapos niyon, pinasama ako ni Taylor sa kanya na magsimba. Noong una akala ko nakakainip at kakatwa ang magsimba, pero kalaunan ay nadama ko ang magiliw at payapang damdamin sa serbisyo.
Gayunman, hindi ako nahikayat na may kinalaman sa Diyos ang magandang pakiramdam. Paano ko nalaman na hindi ito nagmula sa sarili ko? Paano ko nalaman na hindi ko pinilit ang sarili ko na maramdaman iyon?
Matapos ang maraming pagtatalo ng kalooban, nagpunta ako sa nanay ni Taylor para makahanap ng sagot. Sinabi niya sa akin na matatanggap ko ang mga sagot sa akin sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan at pagdarasal tungkol sa mga sagot na hinahanap ko. Nagdasal ako nang walang natatanggap na anumang sagot at sinikap kong sundin ang mga patakaran at utos na natututuhan ko. Maraming beses akong nabigo. Inasahan kong magpakita ang Diyos sa isang kagila-gilalas at pambihirang paraan o sa isang medyo mahimalang pangyayari para patunayan na mayroong Diyos. Gusto ko talagang magkaroon kaagad ng isang matibay na patotoo. Ang totoo, nang lalo akong magdasal, lalo akong nakadama ng higit na kaliwanagan sa buhay ko. Nang lalo kong sinunod ang mga kautusan, lalo akong sumaya. Nang lalo kong binasa ang mga banal na kasulatan, lalo akong tumanggap ng paghahayag. Unti-unti, nadagdagan ang aking patotoo, na gaya ng pagsikat ng araw sa umaga.
Inabot ng dalawang taon bago ako nagdesisyong magpabinyag para maging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kahit ipinamuhay ko ang maraming mabubuting pamantayan ng kagandahang-asal at alituntunin noong araw, masasabi ko ngayon na natagpuan ko na ang walang-hanggan at lubos na katotohanan: ang Diyos ay buhay. Si Jesus ang Cristo, ang ating Tagapagligtas at Manunubos. Bukas ang kalangitan. May propeta ngayon ang Diyos sa lupa. Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay tunay. Talagang pinatatawad ng Diyos ang lahat ng nagsisising makasalanan. Maaaring hindi ako kasintalino o kasindunong ng ibang tao, ngunit ang taglay kong kaalaman ay walang katumbas ang halaga.