Isang Tawag sa Telepono na Tamang-Tama ang Dating
Ang awtor ay naninirahan sa Taichung,Taiwan.
Lumaki ako na hindi naniniwalang may Diyos. Napakagulo ng buhay ko, at sa mga panahong napakatindi ng lungkot ko ay gusto ko nang wakasan ang buhay ko. Noon kumatok ang mga missionary sa pintuan ko. Ang ebanghelyo ang mismong kailangan ko; hinila ako nito na parang batubalani.
Hindi natapos ang mga pagsubok ko nang sumapi ako sa Simbahan, pero mas nalabanan ko na ang impluwensya ng kaaway. Sa unang pagkakataon, nadama ko ang tunay na kaligayahan.
Gayunman, hindi nawala kaagad ang depresyon ko. Minsan ay ginusto kong sumukong muli. Sa sandaling iyon, tumawag si Sister Ting, ang asawa ng bishop. Sinabi niya sa akin na nadama niyang kailangan niya akong tawagan. Kinumusta niya ako. Sinabi ko sa kanya ang lahat ng nangyayari sa akin. Para sa akin, isa siyang anghel na isinugo ng Diyos.
Pinatatag ako ng pangyayaring iyon. Lumakas ang pananampalataya ko. Nadama ko na parang kaya kong daigin ang kamatayan. Nadama kong iniligtas ako, tulad ng sinabi sa Alma 36:2–3:
“Sila ay nasa pagkaalipin, at walang makapagpapalaya sa kanila maliban sa … Diyos. …
“… Sino man ang magbibigay ng kanyang tiwala sa Diyos ay tutulungan sa kanilang mga pagsubok, at kanilang mga suliranin, at kanilang mga paghihirap, at dadakilain sa huling araw.”
May mga pagsubok pa rin ako, pero hindi na ako muling padadaig kaagad. Pinatatag ako ng Diyos sa lahat ng pagsubok at problema ko. Iniligtas niya ako mula sa espirituwal na bilangguan at pagkaalipin, maging sa kamatayan. Siya ang aking Tagapagligtas.