2015
Pamumuhay nang May Tunay na Layunin
Oktubre 2015


Pamumuhay nang May Tunay na Layunin

Mula sa isang pandaigdigang debosyonal para sa mga young adult, “Pamumuhay nang may Layunin: Ang Kahalagahan ng Tunay na Layunin,” na ibinigay sa Brigham Young University–ldaho noong Enero 11, 2015. Para sa buong mensahe, magpunta sa cesdevotionals.lds.org.

Ang ibig sabihin ng tunay na layunin ay paggawa ng tamang bagay sa tamang dahilan.

Gold stars

Larawang kuha ng Jupiterimages/Stockbyte/Thinkstock

Nalaman ko ang kahalagahan ng tunay na layunin noong seminary student pa ako. Sinabihan kami ng aming guro na basahin ang Aklat ni Mormon. Para masubaybayan ang progreso namin, gumawa siya ng tsart na may pangalan namin sa isang panig at pangalan ng mga aklat sa Aklat ni Mormon sa itaas. Tuwing makakabasa kami ng isang aklat, isang bituin ang inilalagay niya sa aming pangalan.

Noong una hindi ako masyadong nagbabasa, at hindi nagtagal nakita kong napag-iwanan na ako. Dahil sa kahihiyan at hilig kong makipagtagisan, sinimulan kong magbasa. Tuwing may bituin ako, maganda ng pakiramdam ko. At kapag mas marami ang bituin ko, mas gusto kong magbasa—sa pagitan ng mga klase, pagkatapos ng eskuwela, sa bawat libreng minuto.

Maganda sana kung masasabi ko sa inyo na dahil sa kasigasigan ko ako ang nanguna sa klase—pero hindi. At OK lang kung masasabi ko sa inyo na may nakuha akong mas maganda kaysa sa manguna—isang patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon. Pero hindi rin nangyari iyan. Wala pa rin akong patotoo noon. Mga bituin ang nakuha ko. Mga bituin ang nakuha ko dahil iyon ang dahilan ng pagbabasa ko. Sabi nga ni Moroni, iyon ang “tunay na layunin” ko.

Malinaw na inilarawan ni Moroni kung paano malalaman kung totoo ang Aklat ni Mormon: “At kapag inyong matanggap ang mga bagay na ito, ipinapayo ko sa inyo na itanong ninyo sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, sa pangalan ni Cristo, kung ang mga bagay na ito ay hindi totoo; at kung kayo ay magtatanong nang may matapat na puso, na may tunay na layunin, na may pananampalataya kay Cristo, kanyang ipaaalam ang katotohanan nito sa inyo, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo” (Moroni 10:4; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Ang mga Tamang Dahilan

Sa pagbabalik-tanaw, alam ko na naging makatarungan sa akin ang Panginoon. Bakit ko aasahang makita ang bagay na hindi ko naman hinahanap? Ang tunay na layunin ay paggawa ng tamang bagay sa tamang dahilan; binabasa ko ang tamang aklat sa maling dahilan.

Lumipas ang ilang taon bago ko binasa ang Aklat ni Mormon nang may tunay na layunin. Ngayon alam ko nang tinutupad ng Aklat ni Mormon ang banal na layunin nito na patotohanan ang buhay at misyon ni Jesucristo dahil binasa ko ito nang may tunay na layunin.

Ang aral na natutuhan ko tungkol sa tunay na layunin at sa Aklat ni Mormon ay angkop sa ating lahat sa lahat ng aspeto ng ating buhay. Kadalasan basta lang natin sinusundan ang mga huwaran at gawi na nabuo sa paglipas ng mga taon—kumikilos lang tayo nang hindi pinag-iisipang mabuti kung saan tayo dadalhin ng mga ikinikilos nating iyon. Ang pamumuhay nang may tunay na layunin ay nagdaragdag ng pokus at layunin sa ating buhay at makagagawa ng malaking kaibhan. Ang ibig sabihin ng pamumuhay nang may tunay na layunin ay unawain ang “dahilan”—ang motibo ng ating mga kilos. Sabi ni Socrates, “Ang buhay na hindi sinuri ay hindi sulit.”1 Kaya pag-isipang mabuti kung paano ninyo ginugugol ang inyong oras, at palaging itanong sa sarili ninyo, “Bakit?” Tutulungan kayo nitong makinita ang hinaharap. Mas makabubuting tumingin sa hinaharap at itanong sa sarili, “Bakit ko gagawin iyon?” kaysa lumingon at sabihing, “Ay, naku, bakit ko ginawa iyon?”

A man looking at a wall with different types of gears on it.

Paglalarawan ni Sergey Nivens/iStock/Thinkstock

Ano ang Nais ng Panginoon na Gawin Ninyo?

Noong binata pa ako, nagpasiya ako na huwag nang magmisyon. Matapos ang isang taon sa kolehiyo at isang taon sa army, nagkaroon ako ng magandang trabaho sa lokal na ospital bilang X-ray technician. Mukhang maayos naman ang takbo ng buhay ko, at parang hindi na kailangang magmisyon.

Isang araw inanyayahan ako ni Dr. James Pingree, isa sa mga surgeon sa ospital, sa tanghalian. Sa pag-uusap namin, natuklasan ni Dr. Pingree na wala akong planong magmisyon, at nagtanong siya kung bakit ayaw ko. Sinabi ko sa kanya na medyo matanda na ako at baka huli na ang lahat. Agad niyang sinabi sa akin na hindi magandang dahilan iyon at na nagmisyon siya pagkatapos niyang mag-aral ng medisina. At nagpatotoo siya tungkol sa kahalagahan ng kanyang misyon.

Matindi ang epekto sa akin ng kanyang patotoo. Dahil dito noon lang ako taimtim na nanalangin—nang may tunay na layunin. Marami akong naiisip na dahilan para hindi magmisyon: Mahiyain ako. May trabaho ako na gustung-gusto ko. Posible akong magkaroon ng scholarship na hindi ko na makukuha pagkatapos ng misyon. Higit sa lahat, may kasintahan ako na naghintay sa akin habang nasa army ako, at alam ko na hindi na siya maghihintay pa ng dalawang taon! Patuloy akong nagdasal para tumanggap ng patunay na makatwiran ang mga dahilan ko at tama ako.

Nakakalungkot na hindi ko agad natanggap ang sagot na oo o hindi gaya ng inasahan ko. At pumasok sa isip ko: “Ano ang nais ng Panginoon na gawin mo?” Kinailangan kong aminin na gusto Niya akong magmisyon, at kailangan kong magdesisyon sa puntong ito ng buhay ko. Gagawin ko ba ang gusto ko o gagawin ko ang kalooban ng Panginoon? Ito ang tanong na makabubuting lagi nating itanong sa ating sarili.

Salamat na lang at pinili kong magmisyon at naglingkod ako sa Mexico North Mission.

Mga Walang-Hanggang Bunga

Tatlumpu’t limang taon kalalunan, hinikayat ako ng anak ko na bisitahin namin ang Mexico at baka sakaling makita ko ang ilan sa mga naturuan ko. Umasa kaming makita ang ilan sa mga naturuan ko. Dumalo kami sa sacrament meeting sa maliit na bayang pinagsimulan ko ng mission ko, pero wala akong nakilala kahit isa. Pagkatapos ng miting, tinanong namin ang isa sa mga miyembro kung may kakilala siya sa listahan ng mga taong tinuruan ko maraming taon na ang nakaraan. Inisa-isa namin ang listahan pero wala pa ring nangyari hanggang sa umabot kami sa huling pangalan: Leonor Lopez de Enriquez.

“Kilala ko iyan,” sabi niya. “Nasa ibang ward ang pamilyang iyan, pero dito sila sa gusaling ito nagsisimba. Susunod na ang sacrament meeting nila.”

Hindi natagalan ang aming paghihintay dahil pumasok na si Leonor sa gusali. Kahit nasa mga 70 anyos na siya, nakilala ko siya kaagad, at nakilala niya ako. Lumuluhang nagyakapan kami.

“35 taon na naming idinadalangin na bumalik ka para mapasalamatan ka namin sa paghahatid ng ebanghelyo sa aming pamilya,” sabi niya.

Sa pagpasok sa gusali ng iba pang mga miyembro ng pamilya, nagyakapan kami habang lumuluha. Hindi nagtagal nalaman namin na ang bishop ng ward na ito ay isa sa mga anak ni Leonor, ang tagakumpas ay apong babae, ang piyanista ay apong lalaki, at mga apo rin ang maraming kabataan sa Aaronic Priesthood. Isa sa mga anak na babae ang ikinasal sa isang counselor sa stake presidency. Isa pang anak na babae ang ikinasal sa bishop ng kalapit na ward. Karamihan sa mga anak ni Leonor ay nagmisyon, at ngayon ay naglingkod din sa misyon ang mga apong lalaki.

Nalaman namin na mas mahusay na missionary si Leonor kaysa sa akin. Ngayon, pinasasalamatan ng mga anak niya ang walang-sawang pagtuturo niya sa kanila ng ebanghelyo. Itinuro niya sa kanila na maraming maliliit na desisyon, sa paglipas ng panahon, ang magbubunga ng sagana, matwid, at masayang buhay, at itinuro din nila ito sa iba. Kalaunan, mahigit 500 ang sumapi sa Simbahan dahil sa kahanga-hangang pamilyang ito.

At nagsimula ang lahat ng ito sa simpleng pag-uusap sa tanghalian. Madalas kong maisip na kung mas nakatuon si Dr. Pingree sa kanyang propesyon o iba pang libangan, baka hindi niya itinanong kahit kailan kung bakit wala ako sa misyon. Ngunit nakatuon siya sa iba at sa pagpapaunlad ng gawain ng Panginoon. Nagpunla siya ng binhi na umusbong at nagbunga at patuloy na dumami o nagsanga nang kabi-kabila (tingnan sa Marcos 4:20). Itinuro sa akin ng misyon ko ang walang-hanggang ibubunga ng isang pagpapasiyang sundin ang kalooban ng Panginoon.

Alalahanin ang Inyong Walang-Hanggang Layunin

Madalas kong iniisip ang mga nangyari sa buhay ko at nagtataka ako kung bakit napakahirap sa akin noon na magpasiyang magmisyon. Mahirap iyon dahil nagambala ako; kinaligtaan ko ang aking walang-hanggang layunin—ang tunay na layunin kung bakit tayo naririto.

Ang mga hangarin at kagustuhan ko ay hindi nakaayon sa kalooban ng Panginoon; dahil kung nakaayon ito, mas madali sanang magdesisyon. At bakit hindi ito nakaayon? Nagsisimba ako, at tumatanggap ng sakramento tuwing Linggo—ngunit hindi ako nagtuon sa kahulugan nito. Nagdarasal ako, para masabi lang na nakapagdasal ako. Binabasa ko ang banal na kasulatan, pero paminsan-minsan lang at walang tunay na layunin.

Hinihikayat ko kayong magkaroon ng tuon sa buhay—kahit hindi ninyo ito laging nagagawa noon. Huwag mawalan ng pag-asa dahil sa nagawa ninyo o hindi nagawa. Hayaan ninyong linisin ng Tagapagligtas ang inyong puso. Alalahanin ang sinabi Niya: “Kasindalas na sila ay magsisi at humingi ng kapatawaran, nang may tunay na layunin, sila ay pinatatawad” (Moroni 6:8; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Magsimula ngayon. Mamuhay nang may layunin, na nauunawaan kung bakit ninyo ginagawa ang ginagawa ninyo at saan hahantong ito. Kapag ginawa ninyo ang mga ito, matutuklasan ninyo na ang pinakamahalagang “dahilan” ng lahat ng ginagawa ninyo ay na mahal ninyo ang Panginoon at kinikilala ang Kanyang sakdal na pagmamahal sa inyo. Nawa’y magkaroon kayo ng malaking kagalakan sa paghahangad ninyo ng kaganapan at pag-unawa at paggawa sa Kanyang kalooban.

Tala

  1. Socrates sa Plato, Apology (2001), 55.