Mensahe sa Visiting Teaching
Mga Banal na Katangian ni Jesucristo: Puspos ng Pag-ibig sa Kapwa-Tao at Pagmamahal
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa mga banal na katangian ng Tagapagligtas ang iyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan mo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Ang pakahulugan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan ng pag-ibig sa kapwa-tao ay “ang pinakadakila, pinakamarangal, pinakamasidhing uri ng pag[mamahal]” (“Pag-ibig sa Kapwa-Tao”). Ito ang dalisay na pag-ibig ni Jesucristo. Habang nakikilala natin si Jesucristo at sinisikap nating maging katulad Niya, madarama natin ang Kanyang dalisay na pag-ibig sa ating buhay at mahihikayat tayong mahalin at paglingkuran ang iba tulad ng gagawin Niya. “Ang pag-ibig sa kapwa ay pagpapasensya sa isang taong bumigo sa atin,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson. “Ito ay paglaban sa bugso ng damdamin na madaling masaktan. Ito ay pagtanggap sa mga kahinaan at pagkukulang. Ito ay pagtanggap sa mga tao kung sino sila talaga. Ito ay pagtingin nang higit pa sa mga panlabas na anyo sa mga katangiang hindi kumukupas sa paglipas ng panahon. Ito ay pagtanggi sa bugso ng damdamin na husgahan ang iba.”1
Sa Aklat ni Mormon, nalaman natin ang dakilang katotohanan na tayo ay “manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, nang [tayo] ay mapuspos ng ganitong pag-ibig, na kanyang ipinagkaloob sa lahat na tunay na mga tagasunod ng kanyang Anak, si Jesucristo; upang [tayo] ay maging mga anak [na lalaki at babae] ng Diyos; na kung siya ay magpapakita, tayo ay magiging katulad niya, sapagkat makikita natin siya bilang siya; upang tayo ay magkaroon ng ganitong pag-asa; upang tayo ay mapadalisay maging katulad niya na dalisay” (Moroni 7:48).
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Juan 13:34–35; I Mga Taga Corinto 13:1–13; 1 Nephi 11:21–23; Eter 12:33–34
Mula sa Ating Kasaysayan
“Isang babae na kamakailan lamang nabalo ang nagpasalamat sa mga visiting teacher na nakidalamhati sa kanya at umalo sa kanya. Isinulat niya: ‘Kailangang-kailangan ko noon ng isang taong makakausap; isang taong makikinig sa akin. … At nakinig sila. Inalo nila ako. Umiyak silang kasama ko. At niyakap nila ako … [at] tinulungan akong makabangon mula sa matinding kalungkutan at depresyon sa mga unang buwang iyon ng pangungulila.’
“Ipinahayag ng isa pang babae ang kanyang nadarama nang tumanggap siya ng taos-pusong pagtulong mula sa isang visiting teacher: ‘Alam kong mahalaga ako sa kanya, hindi dahil isa lang ako sa mga nakalistang bibisitahin niya. Alam ko na nagmamalasakit siya sa akin.’”2
Gaya ng kababaihang ito, maraming Banal sa mga Huling Araw sa lahat ng dako ng mundo ang makapagpapatunay sa katotohanan ng pahayag na ito ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Nakapapanatag na malaman na kahit saan pa magpunta [ang isang pamilya], naghihintay sa kanila ang Simbahan na kanilang pamilya. Mula sa araw ng kanilang pagdating, ang lalaki ay mapapabilang sa isang korum ng priesthood at ang babae ay mapapabilang sa Relief Society.”3