2015
Mga Tanong at mga Sagot
Oktubre 2015


Mga Tanong at mga Sagot

“Nang magkasakit si Inay, nag-ayuno at nanalangin kami para sa kanya, pero namatay pa rin siya. Paano ako mapapayapa?”

Malungkot na panahon ito sa buhay mo. Normal lang na gusto mo ng katiyakan at mga sagot sa marami mong tanong: “Bakit hindi siya nabuhay? Makikita ko ba siyang muli? Paano ako mabubuhay nang wala siya?”

Ang ebanghelyo ni Jesucristo ay nagbibigay kapwa ng kapanatagan at mga sagot. Nangako ang Panginoon, “Mapapalad ang nangahahapis; sapagka’t sila’y aaliwin” (3 Nephi 12:4). Hangarin ang Espiritu Santo, sapagkat Siya ang Mang-aaliw.

Iniisip mo kung dininig ang iyong mga dalangin. Pumanatag ka: Laging dinirinig ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin. Ang mga banal na kasulatan at mga buhay na propeta ay nangangako sa atin na iyan ay totoo. Ang sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith ay angkop din sa iyo: “Ang iyong mga panalangin at ang mga panalangin ng iyong mga kapatid ay nakarating sa aking mga tainga” (D at T 90:1). Ngunit dapat nating tandaan na sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga dalangin nang may walang-hanggang pananaw (tingnan sa Isaias 55:8–9). Iyan ang dahilan kaya natin sinusunod ang halimbawa ng Tagapagligtas na humiling ng mga pagpapala ngunit taos-puso ring hilingin na mangyari ang kalooban ng Ama (tingnan sa Lucas 22:42).

Kahit mahirap, ang pagsubok na ito ay maaaring maging panahon ng paglago para sa iyo. Maaari kang matutong manampalataya sa kalooban ng Diyos, kahit nangangahulugan ito na hindi gumaling ang nanay mo. Siyempre gusto mo siyang mabuhay. Ngunit ang pagsubok sa buhay na ito ay magtiwala sa Diyos sa lahat ng pagkakataon—lalo na kapag mahirap. Kung may tiwala ka sa Kanya, “lahat ng bagay ay magkakalakip na gagawa para sa inyong ikabubuti” (D at T 90:24).

Ang Kamatayan ay Bahagi ng Plano

Ayon sa plano ng ating Ama sa Langit para sa ating kaligayahan, ang pagbalik natin sa Kanyang piling ay batay sa kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, na tutulong sa atin na magbago mula sa mortal na kalagayang ito tungo sa kawalang-kamatayan. Kailangan mo lang tanggapin ang katotohanan na ang kamatayan ay bahagi ng plano at maniwala na balang-araw ay makakapiling mong muli ang iyong yumaong ina. Dapat mong malaman na ang iyong ina ay nasa daigdig ng mga espiritu at naghihintay sa iyo.

David M., edad 18, Western Kasai, Democratic Republic of Congo

Siya ay Nasa Daigdig ng mga Espiritu

Natuklasang may kanser ang nanay ko dalawang taon na ang nakararaan. Ayaw ko siyang makitang nahihirapan, at sana lang ay may magagawa ako. At bagama’t gumaling ang nanay ko, mahirap na karanasan iyon. Ang nanay mo ay nasa isang lugar kung saan hindi na siya masasaktan o magdurusa. Mahirap na hindi mo na siya nakikita, pero hindi ka nag-iisa kailanman. Lagi ka niyang mamahalin, at laging nariyan ang ating Ama sa Langit para pasiglahin ka kapag malungkot ka. Hindi ka pababayaan kailanman. Pinagdusahan ni Jesucristo ang mga pasakit ng mundo; alam Niya ang pakiramdam mo at ang pinagdaraanan mo. Gawin ang ginawa ko sa oras ng pagsubok: lumapit sa Kanya at pagagaanin Niya ang inyong mga pasanin.

Shiloh W., edad 18, Chihuahua, Mexico

Muling Magkakasama-sama ang Iyong Pamilya

Namatay ang aking ina noong 12 anyos pa lang ako. Hindi pa ako miyembro ng Simbahan noon. Nang magkasakit ang nanay ko, ipinagdasal kong gumaling siya. Malaki ang pananampalataya ko, at nagtiwala ako sa Diyos sa pag-asang manunumbalik ang kanyang kalusugan. Nakakalungkot na hindi siya gumaling. Nagtaka ako kung bakit kinailangan niyang mamatay nang napakabata pa at iwan ako noong tinedyer pa lang ako. Nagalit ako at dumating sa puntong nag-alinlangan ako kung totoong may Diyos. Ngayong miyembro na ako ng Simbahan, nauunawaan ko na ang plano ng kaligtasan. Alam ko na hinihintay niya ako at na muling magkakasama-sama ang aming pamilya.

Inaê L., edad 19, Minas Gerais, Brazil

Tinuturuan Tayo ng mga Pagsubok

Namatay si Inay tatlong taon na ang nakararaan. Lalago ang kaugnayan mo sa iyong Ama sa Langit at Tagapagligtas kung aasa ka sa Kanila sa oras ng iyong pangangailangan. Makikita mo na ang pagsubok na ito, kahit masakit, ay maaari ding maging pagpapala. Manalangin sa iyong Ama sa Langit para sa kapayapaan at katiyakan. Magtiwala sa plano ng Panginoon para sa iyo. Tanggapin na alam ng Ama sa Langit kung saan tayo pupunta at ano ang kailangan natin para makarating doon. Mahal ka ng Panginoon at gusto Niyang magalak ka. Ang ating mga pagsubok ay may layon na turuan tayo at higit na palakasin.

Meghan B., edad 18, Ontario, Canada

Makikita Mo Siyang Muli

Namatay ang ina ng nanay ko noong 17 anyos si Inay. Ang pamilya ay nag-ayuno at nanalangin para sa kanya sa loob ng ilang linggo bago siya pumanaw. Binigyan din siya ng basbas ng priesthood. Ang pangunahing bagay na nagdulot ng kapayapaan kay Inay ay ang pagkaalam na makikita niyang muli ang kanyang ina sa kabilang buhay. Mithiin ni Inay na mamuhay nang karapat-dapat sa pagpapalang iyon. Malungkot ako dahil hindi ko na siya makikita sa buhay na ito kailanman, pero inaasam ko ang sandali na magkikita kami sa huli.

Cari R., edad 15, Utah, USA