Paghulagpos mula sa Bitag ng Pornograpiya
Lahat tayo ay kailangang matutong tumugon nang angkop sa media na may seksuwal na nilalaman.
Isang dekada na ang nakalilipas nagsalita ako sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pornograpiya. Nagdagdag ako sa mga mensahe ng ibang mga lider laban sa nakapipinsalang mga epekto ng pornograpiya sa espirituwalidad. Nagbabala ako na napakaraming matanda at batang lalaki ang nasasaktan sa tinawag kong “literaturang nagtataguyod o humihikayat ng imoral o di angkop na relasyong seksuwal.”1 Ang paggamit ng pornograpiya sa anumang uri nito ay masama—pinamamanhid nito ang ating espirituwal na pandamdam, pinahihina ang kakayahang gamitin ang kapangyarihan ng priesthood, at sinisira ang mahahalagang ugnayan.
Ngayon, mahigit 10 taon kalaunan, nagpapasalamat ako na marami, na nakikinig at sumusunod sa mga babala ng propeta, ang nakaiwas at nanatiling malinis at walang bahid-dungis sa mga batik ng pornograpiya. Nagpapasalamat din ako na maraming sumunod sa paanyaya ng propeta na iwaksi ang pornograpiya, paghilumin ang nawasak na mga puso at ugnayan, at patuloy na tumahak sa landas ng pagkadisipulo. Subalit mas nag-aalala ako kaysa rati na ang iba sa atin ay patuloy na naaakit sa pornograpiya, lalo na ang ating mga kabataang lalaki at maging ang dumaraming mga kabataang babae.
Ang isang pangunahing dahilan kaya lumalaki ang problema sa pornograpiya ay na sa mundo ngayon, ang mga salita at imahe na may seksuwal na nilalaman at impluwensya ay nasa buong paligid: matatagpuan ito sa mga pelikula, palabas sa TV, social media, text message, phone apps, patalastas, aklat, musika, at araw-araw na pag-uusap. Dahil dito, di-maiiwasan na lahat tayo ay malantad sa mahahalay na mensahe sa tuwina.
I. Mga Antas ng Pagkasangkot
Upang tulungan tayong harapin ang tumitinding kasamaang ito, gusto kong tukuyin ang iba’t ibang antas ng pagkasangkot sa pornograpiya at magmungkahi ng mga dapat nating itugon sa bawat isa sa mga ito.
Sa nakaraang mga pagkakataon at sitwasyon, ang payo namin tungkol sa pornograpiya ay nakatuon lang sa pagtulong sa mga tao na maiwasang malantad sa una o kaya’y makahulagpos mula sa adiksyon. Bagama’t mahalaga pa rin ang mga pagsisikap na iyon, ang mga karanasan noon at sitwasyon ngayon ay nagpakita na kailangan ang payo tungkol sa mga antas ng paggamit ng pornograpiya sa pagitan ng magkasalungat na reaksyong pag-iwas at adiksyon. Makakatulong na magtuon sa apat na iba’t ibang antas ng pagkasangkot sa pornograpiya: (1) di-sadyang pagkalantad, (2) paminsan-minsang paggamit, (3) matindihang paggamit, at (4) walang kontrol na paggamit (adiksyon).
-
Di-sadyang Pagkalantad. Naniniwala ako na lahat ay nalantad na nang hindi sinasadya sa pornograpiya. Hindi ito kasalanan kapag umiwas tayo at hindi na natin itinuloy ito. Para itong pagkakamali, na kailangang itama sa halip na pagsisihan.2
-
Paminsan-minsang Paggamit. Ang paggamit na ito ng pornograpiya ay maaaring paminsan-minsan o madalas pa, ngunit laging sinasadya, at iyan ang masama.
Ang pornograpiya ay pumupukaw at nagpapasidhi sa maalab na damdaming seksuwal. Ibinigay sa atin ng Lumikha ang ganitong mga pakiramdam para sa Kanyang matalinong layunin, ngunit nagbigay rin Siya ng mga utos na naglilimita sa pagpapahayag nito sa ikinasal na lalaki at babae. Binabalewala ng pornograpiya ang angkop na pagpapahayag ng damdaming seksuwal at hinihikayat na ipahayag ito nang walang basbas ng kasal. Ang mga gumagamit ng pornograpiya ay nakikipaglaro sa mga puwersang napakalakas para makalikha ng buhay o wasakin ito. Huwag ninyong subukan ito!
Ang panganib ng anumang sadyang paggamit ng pornograpiya, nagkataon man o madalang, ay na humahantong ito sa mas madalas na pagkalantad, hanggang sa hindi na mawaglit pa sa isipan ang damdamin at pagnanasang seksuwal. Natuklasan ng mga siyentipiko na ang mga seksuwal na imahe ay bumubuo ng mga kemikal sa utak na nagbibigay-kasiyahan sa damdaming seksuwal, at nagpapahumaling sa seksuwalidad.3 Ang anumang uri o antas ng imoral na pagnanasang seksuwal ay nagpapadama ng kahihiyan, na sa paglipas ng panahon ay maaaring maging bahagi na ng pagkatao.
-
Matindihang Paggamit. Ang paulit-ulit na sadyang paggamit ng pornograpiya ay maaaring makagawian na, “isang gawi na palaging ginagawa hanggang sa hindi na ito mapigilan.”4 Sa paulit-ulit na paggamit, nararamdaman ng isang tao na kailangan niya ng iba pang bagay na pupukaw sa reaksyong iyon para masiyahan siya.
-
Walang Kontrol na Paggamit (Adiksyon). Ang gawi ng isang tao ay masasabing isang adiksyon kapag “nakaasa” na siya rito (isang katagang medikal na nauugnay sa paggamit ng droga, alak, pagkagumon sa sugal, atbp.) na humahantong sa “di-mapaglabanang simbuyo” na “nangingibabaw sa halos lahat ng iba pang bagay sa buhay.”5
II. Ang Kahalagahan ng Pag-unawa sa Lahat ng Antas na Ito
Kapag naunawaan na natin ang iba’t ibang antas na ito, nauunawaan din natin na hindi lahat ng sadyang gumagamit ng pornograpiya ay lulong na rito. Sa katunayan, karamihan ng kabataang lalaki at babae na may problema sa pornograpiya ay hindi lulong. Napakahalagang malaman ang pagkakaibang iyan—hindi lamang para sa mga magulang, mag-asawa, at lider na gustong tumulong kundi maging sa mga taong may ganitong problema. Heto ang dahilan.
Una, kapag mas malalim ang antas ng pagkasangkot ng isang tao—mula sa di-sadyang pagkalantad, hanggang sa paminsan-minsan o paulit-ulit na sadyang paggamit, hanggang sa matindihang paggamit, hanggang sa di-mapigilang paggamit (pagkalulong)—mas mahirap makahulagpos. Kung ang gawi ay inakala kaagad na adiksyon, maaaring isipin ng gumagamit nito na nawalan na siya ng kalayaan at kakayahang daigin ang problema. Maaaring pahinain nito ang determinasyong makahulagpos at magsisi. Sa kabilang banda, ang mas malinaw na pag-unawa sa lalim ng problema—na baka hindi naman ito talamak o matindi na gaya ng ipinangangamba—ay magbibigay ng pag-asa at dagdag na kakayahang magamit ang kalayaang tigilan ito at magsisi.
Ikalawa, tulad ng anumang makasalanang gawi, ang sadyang paggamit ng pornograpiya ay nagtataboy sa Espiritu Santo. Ang ilang tao na nakaranas nito ay mahihikayat na magsisi. Gayunman, ang iba ay maaaring mahiya at gustuhing itago ang kanilang kasalanan sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Maaari din silang makaramdam ng kahihiyan, na posibleng humantong sa pagkasuklam sa sarili. Kung mangyari ito, baka paniwalaan na ng mga gumagamit ng pornograpiya ang isa sa malalaking kasinungalingan ni Satanas: na dahil sa nagawa o patuloy na ginagawa nila ay masama na silang tao, na hindi karapat-dapat sa biyaya ng Tagapagligtas at walang kakayahang magsisi. Hindi iyan totoo. Hindi pa huli ang lahat para mapagpala ng Tagapagligtas at ng Kanyang Pagbabayad-sala.
Sa huli, mahalaga na huwag ituring na adiksyon ang matindi o paulit-ulit na paggamit ng pornograpiya dahil hindi ito tumpak na paglalarawan ng mga sitwasyon o ng ganap na katangian ng hinihinging pagsisisi at paghulagpos. Ang higit na pag-unawa sa kasalukuyang katayuan ng isang tao sa prosesong ito ay magdudulot ng higit na pag-unawa kung ano ang kailangang gawin para makahulagpos dito.
III. Pag-iwas sa Pornograpiya
Ngayon ay pag-isipan natin kung paano makakaiwas at makakahulagpos ang mga tao sa bitag ng pornograpiya. Makakatulong ito hindi lamang sa mga nahihirapang malabanan ang paggamit ng pornograpiya kundi maging sa mga magulang at lider na tumutulong sa kanila. Higit na magtatagumpay ang mga tao kapwa sa pag-iwas at paghulagpos mula sa pornograpiya kapag tinalakay nila ang mga paksang ito sa mga magulang at lider.6
Saanmang antas ang pagkasangkot ninyo sa sadyang pagtingin sa pornograpiya, humahantong ito sa landas tungo sa paghulagpos, kadalisayan, at pagsisisi at nangangailangan ng pagsunod sa mga pangunahing alituntunin: pagpapakumbaba, pagkadisipulo, katatagan sa personal na planong magbago, pananagutan at suporta, at pagtitiis nang may pananampalataya.
A. Pagpapakumbaba
Upang tunay na madaig ang pornograpiya at kaugnay na mga gawi, kailangang magpakumbaba ang isang tao (tingnan sa Eter 12:27). Ang magtiwala sa Panginoon nang may pagpapakumbaba ay humihikayat sa isang tao na tanggapin ang ilang katotohanan, na, kapag lubos na naunawaan, ay nagbibigay ng lakas at pumapawi ng kahihiyan. Kabilang sa ilan sa mga katotohanang ito ang:
-
Bawat isa sa atin ay pinakamamahal na anak ng ating mapagmahal na Ama sa Langit.
-
Mahal at personal na kilala ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang bawat isa sa atin.
-
Ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas ay para sa lahat ng anak ng Diyos.
-
Sa pamamagitan ng biyaya ni Jesucristo, lahat ay maaaring mapatawad at tumanggap ng kakayahang magbago.
-
Bawat isa sa atin ay may walang katumbas na kalayaan, kaya makakaasa tayo sa kapangyarihan at lakas ng Pagbabayad-sala.
-
Ang mga taong may problema sa pornograpiya ay magkakaroon ng pag-asa sa katotohanan na napagtagumpayan ng iba ang problemang ito.
-
Ang pornograpiya ay masama, ngunit hindi ibig sabihin ay masama na rin ang taong nasasangkot dito.
-
Sinumang tao ay makakaiwas sa bitag ng pornograpiya at lubusang makakahulagpos, ngunit posible lamang ito sa pamamagitan ng pag-asa sa kapangyarihan ng Pagbabayad-Sala.
-
Ang tunay na pagsisisi mula sa pornograpiya ay hindi lamang pagtigil sa paggamit nito. Kailangan sa gayong pagsisisi ang pagbabago ng puso sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo.
Ang pagtanggap sa mga katotohanang ito ay espirituwal na naghahanda sa isang tao na gawin ito, na siyang magbibigay ng pagkakataon na matanggap ang tulong ng Panginoon upang magawa ang mga pagbabagong kailangan para makapagsisi at makahulagpos.
B. Pagkadisipulo
Ang pagkilos ayon sa mga katotohanang ito ay nangangailangan din na muling mamuhay bilang disipulo ng Panginoong Jesucristo at gawin ang mga bagay na nagpapadalisay at nagpapalakas sa kanila upang mapaglabanan ang darating na mga tukso. Ibig sabihin ay pagiging tapat sa paggawa ng mga espirituwal na bagay: araw-araw na makabuluhang panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pagdalo sa mga miting ng simbahan, paglilingkod, pag-aayuno, at (kapag inaprubahan ng bishop) pagtanggap ng sakramento at pagsamba sa templo.
C. Katatagan sa Personal na Plano
Ang mapagpakumbabang mga disipulo ni Jesucristo ay magkakaroon ng matalas na pakiramdam upang matukoy ang masisidhing damdamin, mga sitwasyon sa lipunan, at kapaligiran na nag-uudyok sa tuksong gumamit ng pornograpiya. Matapos suriin ang mga pang-uudyok na ito, gagawa sila ng personal na plano sa pag-iwas na tutulong sa kanila:
-
Kilalanin ang mga pang-uudyok at pagnanasa kapag nadama ang mga ito.
-
Umisip ng mga tiyak na gagawin para matulungan silang lumayo sa tukso.
-
Ibaling ang isip at lakas sa Panginoon.
-
Isa-isahin ang mga tiyak na gagawin araw-araw upang mapatibay ang kanilang personal na pangakong mamuhay nang matwid.
Sa pagpaplano para sa sarili, dapat gamitin ng mga tao ang magagandang sangguniang inilaan ng Simbahan. Halimbawa, ang website ng Simbahan na overcomingpornography.org ay may nilalaman na makakatulong sa mga tao gayundin sa mga miyembro ng pamilya at lider ng priesthood na sumusuporta sa kanila. Bukod pa rito, ang Addiction Recovery Program ng Simbahan ay inilalaan sa lahat ng miyembro na nahihirapan sa anumang adiksyon, at makakatulong din sa kanilang mga kapamilya.
D. Pananagutan at Suporta
Ang mapagpakumbabang mga alagad ni Jesucristo na kinikilala na kailangan nila ang Tagapagligtas ay hihingin din ang tulong ng kanilang bishop, na tinawag ng Panginoon bilang kanilang priesthood leader at mayhawak ng kailangang mga susi upang tulungan silang magsisi. Sa pahintulot ng mga taong sangkot at kung magkakaroon ng inspirasyon ang bishop, maaari din siyang tumawag ng isang taong makakasama at makakatulong sa kanila. Anuman ang sitwasyon, naaangkop ang payong ito mula kay Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008):
“Sumamo kayo sa Panginoon nang buong kaluluwa ninyo na alisin Niya sa inyo ang pagkalulong na umaalipin sa inyo. At nawa’y magkaroon kayo ng lakas ng loob na hangarin ang mapagmahal na gabay ng inyong bishop at, kung kailangan, ang payo ng mapagmalasakit na mga propesyonal.”7
Depende sa bigat ng problema, maaaring kailanganin ng mga tao ng suporta ng isang mapagkakatiwalaan at maalam na tao o isang professional counselor na makakausap nila anumang oras upang mapalakas sa mga sandali ng kahinaan at maaari silang panagutin sa kanilang plano.
E. Pagtitiis nang may Pananampalataya
Ang mga taong nagsisi at mapalad na nadaig ang pagnanasang gumamit ng pornograpiya ay kailangan pa ring mag-ingat, dahil hahangarin pa rin ng kaaway na samantalahin ang kanilang kahinaan bilang tao. Ang di-sadyang pagkalantad ay maaari pa ring mangyari sa kabila ng lahat ng pagsisikap na iwasan ito. Sa buong buhay nila, kailangang matuto ang mga tao na kontrolin ang kanilang damdaming seksuwal na bigay ng Diyos at sikaping manatiling malinis.
IV. Habag para sa Lahat
Narito naman ang maikling payo kung paano natin pakikitunguhan ang mga taong nabitag ng pornograpiya. Kailangan nating lahat ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Kailangan ng mga may problema sa pornograpiya ang ating habag at pagmamahal habang sinusunod nila ang mga alituntunin at hakbang sa paghulagpos dito. Huwag sana ninyo silang husgahan. Hindi sila masama o wala nang pag-asa. Sila ay mga anak na lalaki at babae ng ating Ama sa Langit. Sa pamamagitan ng wasto at lubos na pagsisisi, sila ay maaaring maging malinis, dalisay, at karapat-dapat sa bawat tipan at pagpapala ng templo na ipinangako ng Diyos.
Pagdating sa edad na maaari nang mag-asawa, hinihikayat ko ang mga kabataang babae at lalaki na maingat na pumili ng makakasama sa kawalang-hanggan na malinis at dalisay sa harapan ng Panginoon at karapat-dapat na pumasok sa templo. Ang mga taong lubos na nagsisi dulot ng pornograpiya ay karapat-dapat sa mga pagpapalang ito.
V. Katapusan
Sa buong buhay natin, lahat tayo ay makakakita ng mga materyal na may seksuwal na nilalaman. Sa patnubay ng ating mapagmahal na Tagapagligtas, pati na ng katiyakan mula sa mga tipan sa sakramento na mapasaatin nawa sa tuwina ang Kanyang Espiritu upang makasama natin (tingnan sa D at T 20:77), lagi tayong makakatugon nang wasto. Pinatototohanan ko na ito ang dapat nating gawin upang matamasa ang mga pagpapala Niya na ating sinasamba. Kapag ginawa natin ito, lubos nating matatanggap ang kapayapaan ng Tagapagligtas at mananatili tayo sa landas tungo sa ating walang-hanggang tadhana ng kadakilaan.