Tanglaw Ko ang Diyos
Ang kakayahan nating manatiling matatag at tapat at sumusunod sa Tagapagligtas sa kabila ng malalaking pagbabago sa buhay ay lubos na napapalakas ng matwid na mga pamilya at ng pagkakaisang nakasentro kay Cristo sa ating mga ward at branch.
Sa panahong ito ng Pasko ng Pagkabuhay pinagninilayan at ikinagagalak natin ang pagtubos na inilaan ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo.1
Ang laganap na kaguluhan sa buong daigdig dahil sa kasamaan ng mundo ay nakapanghihina ng loob. Sa makabagong komunikasyon ang epekto ng kasamaan, di-pagkakapantay-pantay, at kawalang-katarungan ay nagpapadama sa marami na sadyang hindi patas ang buhay. Mabibigat man ang mga pagsubok na ito, hindi ito dapat makahadlang sa ating kagalakan at pasasalamat sa banal na pamamagitan ni Cristo para sa atin. Ang Tagapagligtas ay talagang “nakamtan ang tagumpay [laban] sa kamatayan.” Sa awa at habag inako Niya ang ating kasamaan at mga paglabag, sa gayo’y natubos tayo at natugunan ang hinihingi ng katarungan para sa lahat ng magsisisi at maniniwala sa Kanyang pangalan.2
Ang kahalagahan ng kanyang dakila at nagbabayad-salang sakripisyo ay higit pa sa kayang unawain ng tao. Ang pagpapakitang ito ng biyaya ay naglalaan ng kapayapaang hindi maarok ng pang-unawa.3
Kung gayon, paano natin haharapin ang malulupit na katotohanang nakapalibot sa atin?
Mahilig sa sunflowers ang asawa kong si Mary. Tuwang-tuwa siya kapag tumutubo ito sa tabing-daan, sa mga lugar na medyo di-inaasahan. May di-sementadong daan patungo sa bahay na tinirhan ng mga lolo’t lola ko. Kapag binabagtas namin ang daang iyon, madalas ibulalas ni Mary, “Palagay mo ba makikita natin ngayon ang magagandang sunflower na iyon?” Nagulat kami na dumami ang mga sunflower na iyon sa lupang dinaanan ng mga makinang pang-araro at pantanggal ng niyebe at nasiksikan ng mga bagay na maituturing na hindi tutubuan ng mga ligaw na bulaklak.
Ang isa sa kakaibang mga katangian ng bagong sibol na ligaw na mga sunflower, bukod pa sa pagtubo sa lupang hindi magandang taniman, ay kung paano sinusundan ng bagong sibol na bulaklak ang sikat ng araw. Dahil dito, tumatanggap ito ng enerhiyang nagbibigay-buhay bago ito mamukadkad at maging napakagandang dilaw na bulaklak.
Tulad ng bagong sibol na sunflower, kapag sinunod natin ang Tagapagligtas ng mundo, ang Anak ng Diyos, umuunlad tayo at nagiging kalugud-lugod sa kabila ng maraming nakapanghihilakbot na sitwasyon sa paligid natin. Talagang Siya ang ating tanglaw at buhay.
Sa talinghaga ng trigo at mga agingay, ipinahayag ng Tagapagligtas sa Kanyang mga disipulo na yaong mga nagpapatisod at gumagawa ng kasamaan ay titipunin sa labas ng Kanyang kaharian.4 Ngunit patungkol sa matatapat, sinabi Niya, “Kung magkagayo’y mangagliliwanag ang mga matuwid na katulad ng araw sa kaharian ng kanilang Ama.”5 Bilang mga indibiduwal, mga disipulo ni Cristo, na nabubuhay sa mundong puno ng pagtatalo na literal na nagkakagulo, maaari tayong mabuhay at lumago kung matibay ang ugat ng ating pagmamahal sa Tagapagligtas at mapakumbaba nating sinusunod ang Kanyang mga turo.
Ang kakayahan nating manatiling matatag at tapat at sumusunod sa Tagapagligtas sa kabila ng malalaking pagbabago sa buhay ay lubos na napapalakas ng matwid na mga pamilya at ng pagkakaisang nakasentro kay Cristo sa ating mga ward at branch.6
Ang Tamang Oras sa Tahanan
Ang papel ng pamilya sa plano ng Diyos ay “paligayahin tayo, tulungan tayong malaman ang mga tamang alituntunin sa isang mapagmahal na kapaligiran, at ihanda tayo para sa buhay na walang hanggan.”7 Ang magagandang espirituwal na tradisyon sa tahanan ay kailangang ikintal sa puso ng ating mga anak.
Ang aking tito na si Vaughn Roberts Kimball ay isang mahusay na estudyante, may pangarap na maging manunulat, at isang BYU football quarterback. Noong Disyembre 8, 1941, isang araw matapos ang pag-atake sa Pearl Harbor, pumasok siya sa U.S. Navy. Nang atasan siyang mag-recruit sa Albany, New York, nagsumite siya ng maikling artikulo sa Reader’s Digest. Binayaran siya ng magasin ng $200 at inilathala ang kanyang artikulo, na may pamagat na “The Right Time at Home” [Ang Tamang Oras sa Tahanan] sa isyu ng Mayo 1944.
Sa kanyang kontribusyon sa Reader’s Digest, kung saan ginampanan niya ang papel ng maglalayag, mababasa ito:
“Ang Tamang Oras sa Tahanan:
“Isang gabi sa Abany, New York, tinanong ko ang isang maglalayag kung anong oras na. Naglabas siya ng isang malaking relo at sumagot, ‘Alas-7:20 na.’ Alam kong mali ang oras na iyon. ‘Huminto ba ang relo mo?’ tanong ko.
“‘Hindi,’ sabi niya, ‘Mountain Standard Time pa rin ang gamit ko. Taga-southern Utah ako. Nang pumasok ako sa Navy, ibinigay sa akin ni Itay ang relong ito. Makakatulong daw ito sa akin na maalala ang pamilya.
“‘ Kapag alas-5 n.u. sa relo ako alam kong nasa labas na si Itay para gatasan ang mga baka. At sa gabi kapag alas-7:30 sa relo ko alam kong nakapalibot na ang buong pamilya sa mesang puno ng pagkain, at nagpapasalamat si Itay sa Diyos sa anumang nakahain at hinihiling sa Diyos na pangalagaan ako …, ’ pagtatapos niya. ‘Madali kong malalaman kung anong oras na sa kinaroroonan ko. Ang gusto kong malaman ay kung anong oras na sa Utah.’”8
Di-nagtagal matapos isumite ang artikulo, nadestinong magserbisyo si Vaughn sa isang barko sa Pacific Ocean. Noong Mayo 11, 1945, habang nagseserbisyo sa barkong USS Bunker Hill malapit sa Okinawa, binomba ng dalawang suicide plane ang barko.9 Halos 400 marino ang namatay, kabilang na ang aking tito Vaughn.
Ipinaabot ni Pangulong Spencer W. Kimball ang kanyang tapat na pakikiramay sa ama ni Vaughn, at binanggit ang kabaitan ni Vaughn at pagtiyak ng Panginoon na “yaong namatay sa akin ay hindi matitikman ang kamatayan, sapagkat ito ay magiging matamis para sa kanila.”10 Magiliw na sinabi ng ama ni Vaughn na kahit nalibing si Vaughn sa kailaliman ng dagat, aakayin si Vaughn ng kamay ng Diyos patungo sa kanyang tahanan sa langit.11
Dalawampu’t walong taon kalaunan, binanggit ni Pangulong Spencer W. Kimball si Vaughn sa pangkalahatang kumperensya. Sabi niya: “Kilalang-kilala ko ang pamilyang ito. … Nakasama ko na [silang] lumuhod sa taimtim na panalangin. … Ang disiplina sa tahanan ay nagdulot ng walang-hanggang pagpapala sa malaking pamilyang ito.” Hinamon ni Pangulong Kimball ang bawat pamilya “na lumuhod … at ipagdasal ang kanilang mga anak dalawang beses bawat araw.”12
Mga kapatid, kung tayo ay tapat na magdaraos ng panalangin ng pamilya, pag-aaral ng mga banal na kasulatan, ng family home evening, mga basbas ng priesthood, at igagalang natin ang araw ng Sabbath, malalaman ng ating mga anak kung anong oras na sa tahanan. Magiging handa sila para sa isang walang-hanggang tahanan sa langit, anuman ang mangyari sa kanila sa mundong ito na puno ng pagsubok. Napakahalaga na alam ng ating mga anak na minamahal at ligtas sila sa tahanan.
Ang mga mag -asawa ay magkasama na may pantay na pananagutan.13 Magkaiba ngunit magkatugma ang kanilang mga responsibilidad. Maaaring magsilang ng mga anak ang babae, na nagpapala sa buong pamilya. Maaaring tumanggap ng priesthood ang lalaki, na nagpapala sa buong pamilya. Ngunit sa family council, ang mga mag-asawa, na may pantay na pananagutan, ang gumagawa ng mahahalagang desisyon. Sila ang nagpapasiya kung paano tuturuan at didisiplinahin ang mga anak, paano gugugulin ang pera, saan sila titira, at maraming iba pang desisyon sa pamilya. Magkasama nila itong ginagawa matapos humingi ng patnubay sa Panginoon. Ang mithiin ay maging walang-hanggang pamilya.
Ang Liwanag ni Cristo ang nagtatanim ng likas na kawalang-hanggan ng pamilya sa puso ng lahat ng anak ng Diyos. Isa sa paborito kong mga manunulat, na hindi natin miyembro, ang nagsabi ng ganito: “Napakaraming bagay sa buhay na walang kabuluhan, [ngunit] … ang pamilya ang tunay, ang talagang mahalaga, ang walang hanggan; ang bagay na dapat bantayan at pangalagaan at tapat na panigan.”14
Tinutulungan Tayo ng Simbahan na Magtuon sa Tagapagligtas bilang Nagkakaisang Pamilya
Maliban sa pamilya, mahalaga rin ang papel ng Simbahan. “Ang Simbahan ay naglalaan ng organisasyon at paraan upang maituro ang ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng anak ng Diyos. Nagbibigay ito ng awtoridad ng priesthood na mangasiwa sa mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan sa lahat ng karapat-dapat at handang tanggapin ang mga ito.”15
Laganap sa mundo ang pagtatalo at kasamaan at labis na pagbibigay-diin sa magkakaibang kultura at di-pagkapantay-pantay. Sa Simbahan, maliban sa mga unit na inorganisa ayon sa wika, ang mga ward at branch natin ay inorganisa ayon sa sakop na lugar. Hindi tayo hinahati ayon sa uri o katayuan.16 Nagagalak tayo sa katotohanan na lahat ng lahi at kultura ay pinagsama-sama sa isang matwid na kongregasyon. Ang pamilya natin sa ward ay mahalaga sa ating pag-unlad, kaligayahan, at personal na pagsisikap na maging mas katulad ni Cristo.
Ang mga kultura kadalasan ay hinahati ang mga tao at kung minsan ay pinagmumulan ng karahasan at diskriminasyon.17 Sa Aklat ni Mormon ang ilan sa pinaka-nakababalisang pananalita ay ginamit para ilarawan ang mga tradisyon ng masasamang ama na humantong sa karahasan, digmaan, kasamaan, kasalanan, at maging sa pagkawasak ng mga tao at bansa.18
Wala nang mas magandang panimula sa mga banal na kasulatan kaysa sa 4 Nephi pagdating sa paglalarawan ng kultura ng Simbahan na mahalaga sa ating lahat. Sa talata 2 mababasa ito, “Ang mga tao ay nagbalik-loob na lahat sa Panginoon, sa ibabaw ng buong lupain, kapwa ang mga Nephita at Lamanita, at hindi nagkaroon ng mga alitan at pagtatalu-talo sa kanila, at bawat tao ay makatarungan ang pakikitungo sa isa’t isa.” Sa talata 16 mababasa natin, “At tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos.” Ang katotohanan na walang pagtatalu-talo ay dahil sa “pag-ibig sa Diyos na nananahan sa mga puso ng tao.”19 Ito ang kulturang hinahangad natin.
Ang mga pinahahalagahan ng kultura at paniniwala ay mahalagang bahagi ng ating tunay na pagkatao. Ang mga tradisyon ng sakripisyo, pasasalamat, pananampalataya, at kabutihan ay kailangang itangi at pangalagaan. Kailangang pahalagahan at protektahan ng mga pamilya ang mga tradisyong nagpapalakas ng pananampalataya.20
Isa sa pinakamahahalagang tampok ng anumang kultura ay ang wika nito. Sa San Francisco, California, kung saan ako nanirahan, may pitong unit na hindi katutubo ang wika. Ang ating doktrina hinggil sa wika ay inilarawan sa bahagi 90, talata 11 ng Doktrina at mga Tipan: “Sapagkat mangyayari sa araw na yaon, na ang bawat tao ay maririnig ang kabuuan ng ebanghelyo sa kanyang sariling wika, at sa kanyang sariling salita.”
Kapag nagdarasal ang mga anak ng Diyos sa Kanya sa sarili nilang wika, iyan ang wika ng kanilang puso. Malinaw na ang wika ng puso ay mahalaga sa lahat ng tao.
Ang kuya Joseph ko ay isang doktor at nagpraktis nang maraming taon sa San Francisco Bay area. Isang matandang Samoan na miyembro ng Simbahan, na bagong pasyente, ang pumunta sa kanyang opisina. Nanghihina na siya sa napakatinding sakit. Nasuri na may sakit siya sa bato, at agad siyang nilapatan ng lunas. Ayon sa tapat na miyembrong ito ang orihinal niyang plano ay malaman lang kung ano ang kanyang sakit para maipagdasal niya sa wikang Samoan sa kanyang Ama sa Langit ang kanyang sakit.
Mahalagang maunawaan ng mga miyembro ang ebanghelyo sa wika ng kanilang puso nang sa gayo’y makapagdasal sila at makakilos alinsunod sa mga alituntunin ng ebanghelyo.21
Kahit iba-iba ang mga wika at magaganda at nagpapasigla ang mga tradisyong pangkultura, kailangang mabuklod ang ating mga puso sa pagkakaisa at pagmamahal.22 Binigyang-diin ng Panginoon: “Pahalagahan ng bawat tao ang kanyang kapatid gaya ng kanyang sarili. … Maging isa; at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”23 Kahit pinahahalagahan natin ang angkop na pagkakaiba-iba ng mga kultura, ang ating mithiin ay magkaisa sa kultura, mga kaugalian, at mga tradisyon ng ebanghelyo ni Jesucristo sa lahat ng aspeto.
Mas Matatag Ngayon ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw
Alam namin na may mga tanong at alalahanin ang ilang miyembro sa paghahangad nilang palakasin ang kanilang pananampalataya at patotoo. Dapat nating ingatang huwag pintasan o husgahan ang mga taong may gayong mga alalahanin—malaki man o maliit. Kasabay nito, yaong mga may alalahanin ay dapat gawin ang lahat ng makakaya nila upang mapalakas ang sarili nilang pananampalataya at patotoo. Matiyaga at mapagpakumbabang pag-aaral, pagninilay, pagdarasal, pamumuhay ng mga alituntunin ng ebanghelyo, at pagsangguni sa angkop na mga lider ang pinakamainam na mga paraan para malutas ang mga tanong o alalahanin.
Iginigiit ng ilan na mas maraming miyembrong umaalis sa Simbahan ngayon at mas maraming nag-aalinlangan at nawawalan ng pananalig kaysa noon. Hindi totoo iyan. Mas matatag ngayon ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Ang bilang ng mga miyembrong nagpapaalis ng kanilang pangalan sa mga talaan ng Simbahan ay napakaliit na noon pa man at di-hamak na mas kaunti nitong nakaraang mga taon kaysa noon.24 Ang pagtaas ng bilang sa ilang aspeto, tulad ng na-endow na mga miyembro na may current temple recommend, mga nasa hustong edad na nagbabayad ng buong ikapu, at mga naglilingkod sa misyon, ay lumaki nang husto. Inuulit ko, mas matatag ngayon ang Simbahan kaysa rati. Ngunit, “tandaan na ang kahalagahan ng mga kaluluwa ay dakila sa paningin ng Diyos.”25 Tumutulong tayo sa lahat.
Kung ang mga kahila-hilakbot na katotohanang kinakaharap ninyo sa panahong ito ay tila madilim at mabigat at halos hindi ninyo makayanan, tandaan na sa matinding pagdurusa sa espirituwal na kadiliman ng Getsemani at sa mahirap-unawaing dusa at pasakit ng Kalbaryo, naisagawa ng Tagapagligtas ang Pagbabayad-sala, na lumulutas sa pinakamatitinding pasaning mararanasan sa buhay na ito. Ginawa niya ito para sa inyo, at ginawa Niya ito para sa akin. Ginawa niya iyon dahil mahal Niya tayo at dahil sinusunod at mahal Niya ang Kanyang Ama. Maliligtas tayo mula sa kamatayan—maging mula sa kailaliman ng dagat.
Ang mga proteksyon natin sa buhay na ito at magpasawalang-hanggan ay magmumula sa kabutihan ng bawat tao at ng pamilya, sa mga ordenansa ng Simbahan, at sa pagsunod sa Tagapagligtas. Ito ang ating kanlungan mula sa unos. Para sa mga tao na ang pakiramdam ay nag-iisa sila, makakakilos kayo nang matatag sa kabutihan batid na ang Pagbabayad-sala ay pangangalagaan at pagpapalain kayo nang higit sa kakayahan ninyong lubos na makaunawa.
Dapat nating alalahanin ang Tagapagligtas, tuparin ang ating mga tipan, at sundin ang Anak ng Diyos tulad ng pagsunod ng bagong sibol na sunflower sa sikat ng araw. Ang pagsunod sa Kanyang liwanag at halimbawa ay maghahatid sa atin ng kagalakan, kaligayahan, at kapayapaan. Tulad ng pahayag sa Awit 27 at sa isang paboritong himnong, “Tanglaw ko ang Diyos at kaligtasan.”26
Sa linggong ito ng Pagkabuhay, bilang isa sa mga Apostol ng Tagapagligtas, taimtim kong pinatototohanan ang Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo. Alam kong Siya ay buhay. Kilala ko ang Kanyang tinig. Pinatototohanan ko ang Kanyang kabanalan at ang katotohanan ng Pagbabayad-sala sa pangalan ni Jesucristo, amen.