2010–2019
Ang Priesthood—Isang Sagradong Kaloob
Abril 2015


13:15

Ang Priesthood—Isang Sagradong Kaloob

Bawat isa sa atin ay pinagkatiwalaan ng isa sa mga pinakamahalagang kaloob na iginawad sa sangkatauhan.

Isa sa mga alaalang napakalinaw pa sa aking isipan ay ang pagdalo sa priesthood meeting bilang bagong orden na deacon at pagkanta sa pambungad na himnong, [Halina,] mga anak ng Diyos, [na mayhawak ng] pagkasaserdote.”1 Ngayong gabi, sa lahat ng nakatipon dito sa Conference Center at, katunayan, sa buong mundo, inuulit ko ang diwa ng espesyal na himnong iyon at sinasabi ko sa inyo: [Halina,] mga anak ng Diyos, [na mayhawak ng] pagkasaserdote, isipin natin ang ating mga katungkulan; pagnilayan natin ang ating mga responsibilidad; gawin natin ang ating tungkulin; at sundin natin si Jesucristo na ating Panginoon. Kahit magkakaiba ang ating edad, kaugalian, o nasyonalidad, tayo’y nagkakaisa sa ating mga tungkulin sa priesthood.

Sa bawat isa sa atin, ang pagpapanumbalik ng Aaronic Priesthood kina Oliver Cowdery at Joseph Smith ni Juan Bautista ay napakahalaga. Gayundin, ang pagpapanumbalik ng Melchizedek Priesthood kina Joseph at Oliver nina Pedro, Santiago at Juan ay isang natatanging kaganapan.

Pag-isipan nating mabuti ang mga katungkulan, responsibilidad, at tungkuling kaakibat ng priesthood na taglay natin.

Dama ko ang malaking responsibilidad nang tawagin akong secretary ng aking deacons quorum. Tapat kong inihanda ang mga talaang iningatan ko, sapagkat nais kong gawin ang lahat ng alam ko sa pagganap sa tungkuling iyan. Natuwa ako sa aking nagawa. Ang gawin ang lahat, sa abot ng makakaya ko, ay naging mithiin ko sa anumang katungkulang hinawakan ko.

Sana bawat kabataang naorden sa Aaronic Priesthood ay mabigyan ng espirituwal na kaalaman tungkol sa kasagraduhan ng kanyang inorden na tungkulin, gayundin ng mga pagkakataong gampanan ang tungkuling iyan. Nagkaroon ako ng gayong pagkakataon noong deacon ako nang atasan ako ng bishopric na dalhan ng sakramento ang isang may karamdaman na nakatira mga isang milya ang layo mula sa chapel namin. Noong espesyal na Linggo ng umagang iyon, nang kumatok ako sa pinto ni Brother Wright at marinig ko ang mahina niyang boses na nagsabing, “Pasok,” pinasok ko hindi lamang ang kanyang abang tahanan kundi maging ang isang silid na puspos ng Espiritu ng Panginoon. Lumapit ako sa tabi ng kama ni Brother Wright at maingat na inilagay ang isang pirasong tinapay sa kanyang mga labi. Pagkatapos ay hinawakan ko ang kopita ng tubig, para mainom niya. Nang lumisan ako, nakita ko ang mga luha sa kanyang mga mata nang sabihin niyang, “Pagpalain ka ng Diyos, anak.” At pinagpala nga ako ng Diyos—ng pagpapahalaga sa sagradong mga sagisag ng sakramento at sa priesthood na taglay ko.

Hinding-hindi malilimutan ng sinumang deacon, teacher, o priest mula sa ward namin ang mga pagbisita namin sa Clarkston, Utah, sa puntod ni Martin Harris, na isa sa Tatlong Saksi sa Aklat ni Mormon. Nang paligiran namin ang mataas na haliging granito na tanda sa kanyang puntod, at basahin sa amin ng isa sa mga lider ng korum ang nakaaantig na mga salita mula sa “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” na matatagpuan sa simula ng Aklat ni Mormon, nakadama kami ng pagmamahal sa sagradong talaang iyon at sa mga katotohanang naroon.

Noong mga taong iyon ang aming layunin ay maging katulad ng mga anak ni Mosias. Sinabi tungkol sa kanila:

“Sila ay naging malakas sa kaalaman ng katotohanan; sapagkat sila’y mga lalaking may malinaw na pang-unawa at sinaliksik nila nang masigasig ang mga banal na kasulatan upang malaman nila ang salita ng Diyos.

“Subalit hindi lamang ito; itinuon nila ang kanilang sarili sa maraming panalangin, at pag-aayuno; kaya nga taglay nila ang diwa ng propesiya, at ang diwa ng paghahayag, at kapag sila ay nagturo, sila ay nagtuturo nang may kapangyarihan at karapatan ng Diyos.”2

Wala akong maisip na mas karapat-dapat na mithiin ng isang kabataang lalaki kaysa mailarawan siya na katulad ng magigiting at matwid na mga anak ni Mosias.

Nang malapit na ang ika-18 kaarawan ko at handa nang pumasok sa paglilingkod sa militar na hinihingi sa mga kabataang lalaki noong World War II, inirekomenda akong tumanggap ng Melchizedek Priesthood, ngunit kinailangan ko munang tawagan sa telepono ang aking stake president na si Paul C. Child para interbyuhin niya. Mahal niya at naunawaan ang mga banal na kasulatan, at hangad niya na dapat mahalin at unawain din ng lahat ang mga ito. Dahil narinig ko na sa ilang kaibigan ko ang medyo detalyado at mabusising pag-iinterbyu niya, hinangad kong huwag gaanong malantad ang kaalaman ko tungkol sa mga banal na kasulatan; kaya, nang tawagan ko siya iminungkahi kong magkita kami sa susunod na Linggo na alam kong isang oras na lang ay sacrament meeting na nila.

Ang sagot niya: “Naku, Brother Monson, hindi sapat ang oras na iyan para mabasa nating mabuti ang mga banal na kasulatan.” Pagkatapos ay iminungkahi niyang magkita kami tatlong oras bago magsimula ang kanilang sacrament meeting, at pinagbilinan niya akong dalhin ang sarili kong mga banal na kasulatan na may mga marka at reperensya.

Pagdating ko sa bahay niya noong Linggo, magiliw niya akong sinalubong, at nagsimula na ang interbyu. Sabi ni President Child, “Brother Monson, taglay mo ang Aaronic Priesthood. Naglingkod na ba sa iyo ang mga anghel?” Sumagot ako na hindi pa. Nang itanong niya kung alam ko na may karapatan akong tumanggap niyon, muli akong sumagot na hindi ko alam.

Sinabi niya, “Brother Monson, sabihin mo nga sa akin nang walang kopya ang ika-13 bahagi ng Doktrina at mga Tipan.”

Nagsimula ako, “‘Sa inyo na aking kapwa tagapaglingkod, sa pangalan ng Mesiyas aking iginagawad ang Pagkasaserdoteng Aaron, na may hawak ng mga susi ng paglilingkod ng mga anghel …’”

“Hanggang diyan na lang,” pag-utos ni President Child. Pagkatapos, sa mahinahon at mabait na tinig, ipinayo niya, “Brother Monson, huwag na huwag mong kalimutan na bilang mayhawak ng Aaronic Priesthood may karapatan ka sa paglilingkod ng mga anghel.”

Para tuloy may isang anghel sa silid noong araw na iyon. Hindi ko nalimutan kailanman ang interbyung iyon. Nadarama ko pa rin ang diwa ng sagradong kaganapang iyon nang magkasama naming basahin ang mga responsibilidad, tungkulin, at pagpapala ng Aaronic Priesthood at Melchizedek Priesthood—mga pagpapalang dumarating hindi lamang sa atin kundi maging sa ating pamilya at sa iba na pribilehiyo nating paglingkuran.

Inorden akong isang elder, at sa araw ng paglisan ko para sa pumasok sa navy, sumama ang isang miyembro ng aming ward bishopric sa aking pamilya at mga kaibigan sa istasyon ng tren para magpaalam. Bago umalis ang tren, inilagay niya sa kamay ko ang isang maliit na aklat na pinamagatang Missionary Handbook. Natawa ako at sinabi ko na hindi ako papunta sa misyon.

Sagot niya, “Dalhin mo na rin. Baka makatulong.”

Nakatulong nga iyon. Kinailangan ko ng matigas at parihabang bagay na ilalagay sa ilalim ng seabag ko para manatiling maayos at di-gaanong malukot ang mga damit ko. Ang Missionary Handbook talaga ang kailangan ko, at malaki ang naging silbi niyon sa seabag ko sa loob ng 12 linggo.

Noong gabi bago kami nagbakasyon para sa Pasko, naisip namin ang aming pamilya. Tahimik sa kuwartel, ngunit ang katahimikan ay binasag ng kaibigan ko sa katabing tulugan—isang Mormon, si Leland Merrill—na nagsimulang dumaing sa sakit. Tinanong ko siya kung bakit, at sinabi niya na talagang masama ang pakiramdam niya. Ayaw niyang magpunta sa pagamutan ng himpilan, dahil alam niya na kapag ginawa niya iyon ay hindi siya makakauwi kinabukasan.

Tila lumalala ang kalagayan niya sa paglipas ng mga oras. Sa huli, batid na elder ako, hiniling niyang bigyan ko siya ng basbas ng priesthood.

Hindi pa ako nakapagbigay ng basbas, hindi pa ako nakatanggap ng basbas, at hindi pa ako nakasaksi ng pagbibigay ng basbas. Habang tahimik akong nanalangin na tulungan kami, naalala ko ang Missionary Handbook sa ilalim ng seabag ko. Agad kong inalisan ng laman ang bag ko at dinala ko ang aklat sa malamlam na ilaw. Doon ko nabasa kung paano magbasbas ng maysakit. Habang nakamasid ang maraming marinong mausisa, nagpatuloy akong magbasbas. Bago ko naibalik ang lahat ng gamit sa bag ko, tulog nang parang bata si Leland Merrill. Nagising siya kinabukasan ng umaga na maayos na ang pakiramdam. Napakalaki ng pasasalamat na nadama ng bawat isa sa amin sa kapangyarihan ng priesthood.

Ang mga taon ay nagbigay sa akin ng mas maraming pagkakataong magbigay ng basbas sa mga nangangailangan na hindi ko na mabilang. Bawat pagkakataon ay lubos kong ipinagpasalamat na ipinagkatiwala sa akin ng Diyos ang sagradong kaloob na ito. Iginagalang ko ang priesthood. Paulit-ulit ko nang nasaksihan ang kapangyarihan nito. Nakita ko na ang lakas nito. Namangha na ako sa mga himalang nagawa nito.

Mga kapatid, bawat isa sa atin ay pinagkatiwalaan ng isa sa pinakamahahalagang kaloob na iginawad sa sangkatauhan. Kapag iginalang natin ang ating priesthood at namuhay tayo sa paraan na karapat-dapat tayo sa lahat ng panahon, ang mga pagpapala ng priesthood ay dadaloy sa pamamagitan natin. Gustung-gusto ko ang mga salita sa Doktrina at mga Tipan bahagi 121, talata 45, na nagsasabi sa atin ng kailangan nating gawin upang maging karapat-dapat: “Punuin … ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.”

Bilang mga maytaglay ng priesthood ng Diyos, ginagawa natin ang gawain ng Panginoong Jesucristo. Tinugon natin ang Kanyang pagtawag; tayo ay nasa Kanyang gawain. Kilalanin natin Siya. Sundan natin ang Kanyang mga yapak. Ipamuhay natin ang Kanyang mga tuntunin. Sa gayon, magiging handa tayo sa anumang paglilingkod na ipagagawa Niya sa atin. Ito ang Kanyang gawain. Ito ang Kanyang Simbahan. Tunay ngang Siya ang ating kapitan, ang Hari ng Kaluwalhatian, maging ang Anak ng Diyos. Pinatototohanan ko na Siya ay buhay at pinatototohanan ko ito sa Kanyang banal na pangalan, ang pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. “Mga Anak ng Diyos,” Mga Himno, blg. 200.

  2. Alma 17:2–3.