Oo, Kaya at Mapagtatagumpayan Natin!
Kailangan nating manangan nang mas mahigpit sa ating patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa gayo’y magtatagumpay tayo sa araw-araw na pakikidigma laban sa kasamaan.
Mahal na mga kapatid, napakumbaba ako sa pribilehiyong magsalita sa inyo, na mga maytaglay ng priesthood ng Diyos sa buong Simbahan ngayon.
Minsa’y sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson:
“Ang mundo kung minsan ay isang nakakatakot na lugar upang tirhan. Ang kagandahang-asal ng lipunan ay tila gumuguho sa napakabilis na paraan. Walang sinuman—bata o matanda o nasa gitna—ang hindi malalantad sa gayong mga bagay na posibleng sumira sa ating kalooban at wasakin tayo. …
“… Ngunit hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa. … Nakikipagdigmaan tayo sa kasalanan. … Ito ay digmaang kaya at mapagtatagumpayan natin. Ang ating Ama sa Langit ay nagbigay ng mga kagamitang kailangan natin para magawa ito.”1
Lahat tayo, bata at matanda, ay nahaharap sa araw-araw na pakikidigmang binanggit ni Pangulong Monson. Sinisikap ng kaaway at ng kanyang mga anghel na lituhin tayo. Layon nilang hikayatin tayo na lumihis sa mga tipang ginawa natin sa Panginoon, kaya nawawala ang tuon natin sa ating walang-hanggang pamana. Alam na alam nila ang plano ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak, sapagkat naroo’t kasama natin sila sa malaking Kapulungan sa Langit nang ilahad ang lahat ng ito. Sinisikap nilang samantalahin ang ating mga kahinaan at kakulangan, nililinlang tayo sa “abu-abo ng kadiliman …, na bumubulag sa mga mata, at nagpapatigas sa mga puso ng mga anak ng tao, na umaakay sa kanila palayo patungo sa maluluwang na lansangan, kaya sila nasasawi at naliligaw.”2
Sa kabila ng oposisyong kinakaharap natin, tulad ng itinuro ni Pangulong Monson, ito ay isang digmaang kaya at mapagtatagumpayan natin. Tiwala ang Panginoon sa ating kakayahan at determinasyong gawin ito.
Napakaraming halimbawa sa mga banal na kasulatan tungkol sa mga taong nagtagumpay sa kanilang mga pakikidigma kahit sa gitna ng napakasasamang sitwasyon. Isa sa mga halimbawang ito si Kapitan Moroni sa Aklat ni Mormon. Ang kahanga-hangang binatang ito ay nagkaroon ng tapang na ipagtanggol ang katotohanan sa panahong maraming alitan at digmaan na nagbantang magwasak sa buong bansang Nephita. Bagama’t napakatalino niya sa pagganap sa kanyang mga responsibilidad, nanatiling mapagpakumbaba si Moroni. Dahil dito at sa iba pang mga katangian niya, naging pambihirang kasangkapan siya sa mga kamay ng Diyos sa panahong iyon. Ipinaliwanag sa aklat ni Alma na kung lahat ng tao ay kagaya ni Moroni, “ang yaon ding kapangyarihan ng impiyerno ay mayayanig magpakailanman; [at] ang diyablo ay hindi magkakaroon ng kapangyarihan sa mga puso ng mga anak ng tao.”3 Lahat ng katangian ni Moroni ay nagmula sa kanyang malaking pananampalataya sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo4 at sa kanyang matibay na determinasyong sundin ang tinig ng Diyos at ng Kanyang mga propeta.5
Sa matalinghagang salita, kailangan nating baguhing lahat ang ating sarili na maging katulad ni Kapitan Moroni sa panahong ito upang magtagumpay sa mga digmaan laban sa kasamaan. May kilala akong isang napakatapat na deacon na binago ang kanyang sarili upang maging katulad ni Kapitan Moroni sa panahong ito. Yayamang hinangad niyang sundin ang payo ng kanyang mga magulang at lider ng Simbahan, sinubok ang kanyang pananampalataya at determinasyon araw-araw, kahit bata pa siya. Sinabi niya sa akin isang araw na nagulat siya sa isang napakahirap at nakababalisang sitwasyon—tumitingin ang mga kaibigan niya sa mga pornograpikong larawan sa kanilang cell phone. Sa sandaling iyon mismo, nagpasiya ang binatilyong ito kung ano ang pinakamahalaga—ang kanyang popularidad o ang kanyang kabutihan. Sa sumunod na ilang sandali, buong tapang niyang sinabi sa kanyang mga kaibigan na hindi tama ang ginagawa nila. Bukod pa roon, sinabi niya na dapat nilang itigil ang ginagawa nila o aalipinin sila nito. Kinutya ng karamihan sa kanyang mga kaklase ang kanyang payo, na sinasabing bahagi iyon ng buhay at walang masama roon. Gayunman, nakinig ang isa sa kanila sa payo ng binatilyong iyon at nagpasiyang itigil ang ginagawa niya.
Ang halimbawa ng deacon na ito ay nagkaroon ng magandang impluwensya kahit sa isa man lang sa kanyang mga kaklase. Walang pagsalang kinutya at inusig silang magkaibigan dahil sa desisyong iyon. Sa kabilang banda, sinunod nila ang payo ni Alma sa kanyang mga tao nang sabihin nito, “Lumabas kayo mula sa masasama, at humiwalay, at huwag hipuin ang kanilang maruruming bagay.”6
Ang polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan ay naglalaman ng sumusunod na payo, na inaprubahan ng Unang Panguluhan para sa mga kabataan ng Simbahan: “Kayo ang may pananagutan sa mga pagpiling ginagawa ninyo. Ang Diyos ay nagmamalasakit sa inyo at tutulungan kayong gumawa ng mabubuting pagpili, kahit ginagamit ng inyong pamilya at mga kaibigan ang kanilang karapatang pumili sa hindi tamang paraan. Magkaroon ng matatag na paninindigan sa pagsunod sa kalooban o kagustuhan ng Diyos, kahit kailanganin ninyong gawin ito nang mag-isa. Sa paggawa nito, nagpapakita kayo ng halimbawang tutularan ng iba.”7
Ang pakikidigma ng kabutihan laban sa kasamaan ay magpapatuloy habang nabubuhay tayo dahil layunin ng kaaway na gawing kaaba-abang katulad niya ang lahat ng tao. Tatangkain ni Satanas at ng kanyang mga anghel na lituhin ang ating isipan at kontrolin tayo sa pamamagitan ng panunukso sa atin na magkasala. Kung magagawa nila ito, wawasakin nila ang lahat ng mabuti. Magkagayunman, mahalagang maunawaan na magkakaroon lamang sila ng kapangyarihan sa atin kung tutulutan natin ito.
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman din ng ilang halimbawa ng mga taong nagbigay-pahintulot sa kaaway at humantong sa pagkalito at maging sa pagkawasak, tulad nina Nehor, Korihor, at Serem. Kailangang maging alisto tayo sa panganib na ito. Huwag nating hayaang lituhin tayo ng popular na mga mensaheng madaling tinanggap ng mundo at salungat sa doktrina at mga tunay na alituntunin ng ebanghelyo ni Jesucristo. Walang ibang kinakatawan ang marami sa mga makamundong mensaheng ito maliban sa pagtatangka ng ating lipunan na pangatwiranan ang kasalanan. Kailangan nating alalahanin na, sa huli, lahat ay tatayo sa harapan ni Cristo upang mahatulan sa ating mga gawa, mabuti man ang mga iyon o masama.8 Kapag naharap tayo sa mga makamundong mensaheng ito, kailangan natin ng matinding katapangan at matibay na kaalaman tungkol sa plano ng ating Ama sa Langit para mapili ang tama.
Lahat tayo ay makatatanggap ng lakas na piliin ang tama kung sasamo tayo sa Panginoon at lubos na magtitiwala at sasampalataya sa Kanya. Ngunit, ayon sa turo sa mga banal na kasulatan, kailangan tayong magkaroon ng “matapat na puso” at “tunay na layunin.” Sa gayon ang Panginoon, sa Kanyang walang-hanggang awa, “ay ipaaalam ang katotohanan sa [atin], sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo. At sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, malalaman [natin] ang katotohanan ng lahat ng bagay.”9
Ang kaalamang ito na natamo sa pamamagitan ng Espiritu Santo ay walang iba kundi ang ating patotoo, na nagpapalakas sa ating pananampalataya at determinasyong sundin ang mga turo ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa mga huling araw na ito, anumang popular na mensahe ang marinig natin mula sa mundo. Ang ating patotoo ay kailangang maging pananggalang natin laban sa nag-aapoy na mga sibat ng kaaway sa mga pagtatangka niyang salakayin tayo.10 Gagabayan tayo nito nang ligtas sa kadiliman at kalituhang umiiral sa daigdig ngayon.11
Nalaman ko ang alituntuning ito noong missionary ako. Naglingkod kami ng kompanyon ko sa isang napakaliit at malayong branch ng Simbahan. Sinikap naming makausap ang bawat tao sa lungsod. Tinanggap nila kami nang maayos, ngunit gusto nilang makipagdebate tungkol sa mga banal na kasulatan at humingi ng matibay na katibayan tungkol sa katotohanang itinuturo namin.
Naaalala ko na tuwing tatangkain naming magkompanyon na patunayan ang isang bagay sa mga tao, lumilisan sa amin ang Espiritu ng Diyos at nakadarama kami ng kahungkagan at kalituhan. Nadama namin na dapat naming mas iayon ang aming patotoo sa mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuturo namin. Mula noon, naaalala ko na kapag nagpapatotoo kami nang buong puso, napupuspos ng tahimik at nagpapatibay na kapangyarihan mula sa Espiritu Santo ang silid, at walang puwang para malito o makipagtalo. Nalaman ko na walang masamang puwersang may kakayahang lituhin, linlangin, o sirain ang kapangyarihan ng taos-pusong patotoo ng isang tunay na disipulo ni Jesucristo.
Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas Mismo, hangad ng kaaway na ligligin tayong parang trigo, para mawalan tayo ng kakayahang impluwensyahan sa kabutihan ang mundo.12
Mahal kong mga kapatid, dahil sa malaking kalituhan at pag-aalinlangang lumalaganap sa iba’t ibang dako ng mundo ngayon, kailangan nating manangan nang mas mahigpit sa ating patotoo sa ebanghelyo ni Jesucristo. Sa gayo’y lalong mag-iibayo ang ating kakayahang ipagtanggol ang katotohanan at katarungan. Magtatagumpay tayo sa araw-araw na pakikidigma laban sa kasamaan, at, sa halip na mahulog sa mga digmaan ng buhay, hihikayatin natin ang iba na ipamuhay ang mga pamatayan ng Panginoon.
Inaanyayahan ko ang lahat na makasumpong ng kaligtasan sa mga turo sa mga banal na kasulatan. Iniayon ni Kapitan Moroni ang kanyang pananampalataya sa Diyos at patotoo sa katotohanan sa kaalaman at karunungang matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Sa ganitong paraan, nagtiwala siya na tatanggap siya ng mga pagpapala ng Panginoon at magtatamo ng maraming tagumpay, na siya ngang nangyari.
Inaanyayahan ko ang lahat na makasumpong ng kaligtasan sa matatalinong salita ng ating mga propeta sa kasalukuyan. Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Tayong mga inorden sa priesthood ng Diyos ay makagagawa ng kaibhan. Kapag pinananatili natin ang ating kadalisayan at iginalang ang ating priesthood, nagiging mabuting halimbawa tayo na tutularan ng iba … [at tayo ay] makatutulong na pagliwanagin ang mundong lalo pang dumidilim.”13
Inaanyayahan ko ang lahat na magtiwala sa lakas at kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, magkakaroon tayo ng tapang na mapagtagumpayan ang lahat ng digmaan sa ating panahon, maging sa gitna ng ating mga paghihirap, hamon, at tukso. Magtiwala tayo sa Kanyang pagmamahal at kapangyarihang iligtas tayo. Sinabi ni Cristo Mismo:
“Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.”14
“Ako ang ilaw ng sanglibutan: ang sumusunod sa akin ay hindi lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng kabuhayan.”15
“Ang mga bagay na ito ay sinalita ko sa inyo, upang kayo’y magkaroon sa akin ng kapayapaan. Sa sanglibutan ay mayroon kayong kapighatian: nguni’t laksan ninyo ang loob; aking dinaig ang sanglibutan.”16
Pinatototohanan ko ang mga katotohanang ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.