2010–2019
Kamangha-mangha pa rin ba Ito sa Inyo?
Abril 2015


10:13

Kamangha-mangha pa rin ba Ito sa Inyo?

Ang manggilalas sa pagiging kamangha-mangha ng ebanghelyo ay tanda ng pananampalataya. Ito ay ang makita ang tulong ng Panginoon sa ating buhay at sa lahat ng nakapaligid sa atin.

Isang napakasayang karanasan para sa aming mag-asawa ang palakihin ang aming limang anak sa napakagandang lungsod ng Paris. Sa mga panahong iyon gusto naming mabigyan sila ng pambihirang oportunidad na matuklasan ang kamangha-manghang mga bagay ng mundong ito. Tuwing tag-init, bumibiyahe nang malayo ang aming pamilya para puntahan ang pinakabantog na mga monumento, makasaysayang lugar, at mga kamangha-manghang tanawin sa Europa. Sa huli, matapos ang 22 taon sa Paris, naghahanda na kaming lumipat. Naaalala ko pa nang sabihin sa akin ng mga anak ko na, “Dad, nakakahiya talaga! Ang tagal-tagal na po nating nakatira dito pero hindi pa natin napuntahan ang Eiffel Tower!”

Napakaraming kamangha-manghang lugar sa mundong ito. Gayunpaman, kung minsan, kapag lagi nating nakikita ang mga ito, binabalewala natin. Nakatingin tayo, ngunit hindi natin talagang tinitingnan; nakikinig tayo, ngunit hindi natin talagang pinapakinggan.

Noong Kanyang ministeryo sa lupa, sinabi ni Jesus sa Kanyang mga disipulo:

“Mapapalad ang mga matang nangakakakita ng mga bagay na inyong nangakikita:

“Sapagka’t sinasabi ko sa inyo, na maraming propeta at mga hari ang nangaghahangad na mangakakita ng mga bagay na inyong nangakikita, at hindi nila nangakita; at mangarinig ang mga bagay na inyong nangaririnig. at hindi nila nangarinig.”1

Madalas kong iniisip kung ano kaya ang pakiramdam ng mabuhay sa panahon ng ating Tagapagligtas. Naiisip ba ninyo na nakaupo kayo sa Kanyang paanan? dinarama ang Kanyang pagyakap? sinasaksihan ang pagmiministeryo Niya sa iba? Ngunit sa kabila nito marami pa rin sa nakakita sa Kanya ang hindi natanto—hindi “nakita”—na ang mismong Anak ng Diyos ay kahalubilo nila.

Tayo man ay may pribilehiyong mabuhay sa isang pambihirang panahon. Nakita ng mga propeta noon ang gawain ng Pagpapanumbalik bilang “kagila-gilalas na gawain … , oo, isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain,”2 Hindi nangyari sa mga naunang dispensasyon ang pagtawag ng napakaraming missionary, napakaraming bansang nabuksan para sa mensahe ng ebanghelyo, at napakaraming templong itinayo sa buong mundo.

Para sa atin, bilang mga Banal sa mga Huling Araw, may mga nagaganap ding kamangha-mangha sa buhay ng bawat isa sa atin. Kabilang dito ang ating sariling pagbabalik-loob, ang mga nasagot na panalangin, at ang magiliw na pagpapala ng Diyos sa atin sa araw-araw.

Ang manggilalas sa pagiging kamangha-mangha ng ebanghelyo ay tanda ng pananampalataya. Ito ay ang makita ang tulong ng Panginoon sa ating buhay at sa lahat ng nakapaligid sa atin. Ang ating panggigilalas ay nagdudulot din ng espirituwal na lakas. Binibigyan tayo nito ng lakas na manatiling matatag sa ating pananampalataya at makibahagi sa gawain ng kaligtasan.

Ngunit maging maingat tayo. Ang kakayahan nating mamangha ay madaling mawala. Sa paglipas ng panahon, ang mga bagay na gaya ng kaswal na pagsunod sa utos, kawalang-interes, o maging ang kapaguran ay maaaring madama at hindi na natin mapansin ang mga di pangkaraniwang tanda at himala ng ebanghelyo.

Inilarawan sa Aklat ni Mormon ang isang panahon, na katulad na katulad ng panahon natin, na nangyari bago dumating ang Mesiyas sa lupain ng Amerika. Biglang lumitaw sa kalangitan ang mga palatandaan ng Kanyang pagsilang. Lubos na nanggilalas ang mga tao kaya nagpakumbaba sila, at halos lahat ay nagsipagbalik-loob. Gayunman, pagkaraan lamang ng apat na taon, “ang mga tao ay nagsimulang malimutan yaong mga palatandaan at kababalaghang kanilang narinig, at nagsimulang unti-unting hindi na nanggigilalas sa isang palatandaan o isang kababalaghan mula sa langit, … at nagsimulang hindi paniwalaan ang lahat ng narinig nila at nakita.”3

Mga kapatid, kamangha-mangha pa rin ba sa inyo ang ebanghelyo? Kayo ba’y nakakakita pa, nakakarinig, nakadarama, at namamangha? O humina na ang inyong mga espirituwal na pandama? Anuman ang inyong mga sitwasyon, inaanyayahan ko kayong gawin ang tatlong bagay.

Una, huwag magsawa sa pagtuklas o muling pagtuklas sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Sinabi ng manunulat na si Marcel Proust, “Ang tunay na paglalayag para tumuklas ay hindi matatagpuan sa paghahanap ng bagong tanawin, kundi sa pagkakaroon ng bagong pananaw.”4 Naaalala ba ninyo ang unang pagkakataon na nabasa ninyo ang isang talata ng banal na kasulatan at nadama na parang ang Panginoon ang nagsasalita sa inyo mismo? Naaalala pa ba ninyo ang unang pagkakataon na napuspos kayo ng magiliw na impluwensya ng Espiritu Santo, marahil bago pa ninyo natanto na iyon ang Espiritu Santo? Hindi ba’t sagrado at espesyal na mga sandali ito?

Dapat tayong magutom at mauhaw araw-araw sa espirituwal na kaalaman. Ang personal na paggawa nito ay nakasalig sa pag-aaral, pagninilay-nilay, at panalangin. Kung minsan ay matutukso tayo na isiping, “hindi ko kailangang pag-aralan ang mga banal na kasulatan ngayon; nabasa ko nang lahat ito noon” o “hindi ko kailangang magpunta sa simbahan ngayon; wala namang bago roon.”

Ngunit ang ebanghelyo ay bukal ng kaalaman na hindi kailanman matutuyo. Laging may bago kang matututuhan at madarama bawat Linggo, sa bawat miting, at sa bawat talata ng banal na kasulatan. May pananampalataya tayong umaasa sa pangako na kung tayo ay “mag[si]sihanap … [tayo’y] makasusumpong.”5

Pangalawa, isalig ang inyong pananampalataya sa malinaw at mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo. Ang ating pagkamangha ay dapat nakabatay sa mga pangunahing alituntunin ng ating pananampalataya, sa kadalisayan ng ating mga tipan at ordenansa, at sa ating pinakasimpleng pagsamba.

Isang sister missionary ang nagkuwento tungkol sa tatlong lalaking nakilala niya sa isang district conference sa Africa. Mula sila sa isang liblib na nayon sa malayong palumpungan kung saan hindi pa naoorganisa ang Simbahan pero mayroon nang 15 matatapat na miyembro at halos 20 investigator. Sa loob ng mahigit dalawang linggo ang mga lalaking ito ay naglakad nang nakayapak, naglakbay nang mahigit 300 milya (480 km) sa mapuputik na daang dulot ng tag-ulan, para makadalo ng kumperensya at dalhin ang mga ikapu ng mga miyembro ng kanilang grupo. Nagplano silang mamalagi nang buong linggo para makatanggap ng sakramento sa susunod na Linggo at umaasa na sa pag-uwi nila ay may dala-dala na silang mga kahong puno ng Aklat ni Mormon na masusunong nila para ibigay sa kanilang mga kanayon.

Nagpatotoo ang misionary kung paano siya naantig nang lubos sa kahanga-hangang katangian at taos-pusong pagsasakripisyo ng mga kapatid na ito para magkaroon ng mga bagay na para sa kanya ay walang hirap niyang makukuha.

Naisip niya: “Kung magising ako isang Linggo ng umaga sa Arizona at natuklasang ayaw umandar ng kotse ko, maglalakad ba ako papunta sa simbahan na ilang kanto lang ang layo sa bahay namin? O hindi na lang ako aalis ng bahay dahil malayo ang simbahan at umuulan?”6 Ito ay magagandang tanong na dapat pag-isipan nating lahat.

Sa huli, inaanyayahan ko kayo na hanapin at pahalagahan ang pagsama ng Espiritu Santo. Karamihan sa mga kamangha-manghang bagay ng ebanghelyo ay hindi nahihiwatigan ng ating mga pandamdam. Ito ang mga bagay na “hindi nakita ng mata, ni narinig ng tainga, … mga bagay na inihanda ng Dios sa kanila na nangagsisiibig sa kaniya.”7

Kapag nasa atin ang Espiritu, ang ating mga espirituwal na pandamdam ay mas sensitibo at ang ating alaala ay napupukaw kaya hindi natin malilimutan ang mga himala at tanda na ating nasaksihan. Iyan ang dahilan kung bakit, nang malaman ng mga disipulong Nephita ni Jesus na paalis na Siya, taimtin silang nanalangin “para roon sa kanilang higit na ninanais; at ninais nila na ang Espiritu Santo ay ipagkaloob sa kanila.”8

Kahit nakita na ng kanilang sariling mga mata ang Tagapagligtas at nahipo na ng kanilang sariling mga kamay ang Kanyang mga sugat, alam nila na ang kanilang patotoo ay manghihina kung hindi palaging pag-iibayuhin ng kapangyarihan ng Espiritu ng Diyos. Mga kapatid, huwag kayong gumawa ng anumang bagay na maaaring ikawala ng mahalaga at kagila-gilalas na kaloob na ito—ang pagsama ng Espiritu Santo. Hangarin ito sa pamamagitan ng taimtim na panalangin at matwid na pamumuhay.

Pinatototohanan ko na ang gawaing ito na ating ginagawa ay “isang kagila-gilalas at kamangha-manghang gawain.” Sa pagsunod natin kay Jesucristo, sumasaksi sa atin ang Diyos, “sa pamamagitan ng mga tanda at mga kababalaghan, at ng saganang kapangyarihan, at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, ayon sa kaniyang sariling kalooban.”9 Sa espesyal na araw na ito, pinatototohanan ko na ang kamangha-mangha at kagila-gilalas na bagay ng ebanghelyo ay nakasalig sa pinakadakila sa lahat ng kaloob ng Diyos—ang Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Ito ay perpektong regalo ng pagmamahal ng Ama at ng Anak, na nagkakaisa sa layunin, na ibinigay sa bawat isa sa atin. Kasama ninyo “ako ay na[ma]mangha sa pag-ibig ni Jesus. … O, kahanga-hanga para sa akin!”10

Nawa’y laging mapasaatin ang mga matang nakakakita, mga taingang nakakarinig, at mga pusong nakakadama ng pagkamangha sa kagila-gilalas na ebanghelyong ito ang aking dalangin sa pangalan ni Jesucristo, amen.