Punuin ang Ating mga Tahanan ng Liwanag at Katotohanan
Alam ni Satanas na para mapaglabanan natin at ng ating mga pamilya ang impluwensya ng mundo, dapat ay mapuspos tayo ng liwanag at katotohanan ng ebanghelyo.
Napuspos ng Espiritu ang aking puso habang nakikinig ako sa mga pamilyang ito sa pagtuturo ng sagradong katotohanan: “Ang pamilya’y sa Diyos.”1 Ang nagbibigay-inspirasyong musika ay isa lamang sa maraming paraan na madarama natin ang mga bulong ng Espiritu, at napupuspos tayo ng liwanag at katotohanan.
Ang konsepto ng pagkapuspos ng liwanag at katotohanan ay naging lalong mahalaga sa akin dahil sa karanasan ko maraming taon na ang nakararaan. Dumalo ako sa isang miting kung saan itinuro ng mga miyembro ng Young Women general board ang tungkol sa paglikha ng espirituwal na matatag na mga pamilya at tahanan. Para maipakita ito, isang lider ng mga kabataang babae ang nagtaas ng dalawang lata ng soda. Sa isang kamay ay hawak niya ang isang latang walang laman at sa kabilang kamay ang isang latang hindi pa nabuksan at puno ng soda. Una ay pinisil niya ang latang walang laman; nalukot at nayupi ito dahil sa mahigpit na pagkakapisil. Sumunod, ay pinisil naman niya ang latang may laman. Maayos pa rin ito. Hindi ito nayupi o nalukot na tulad ng latang walang laman—dahil puno ito.
Inihalintulad namin ito sa ating sariling buhay at sa ating mga tahanan at pamilya. Kapag puspos ng Espiritu at ng katotohanan ng ebanghelyo, may kapangyarihan tayong labanan ang mga puwersa ng mundo na nakapaligid at nagtutulak sa atin. Gayunman, kung hindi puno ang ating espiritu, wala tayong tibay ng loob na labanan ang puwersa sa labas at maaaring malukot nang husto kapag itinulak na ng mga puwersa sa labas.
Alam ni Satanas na para mapaglabanan natin at ng ating mga pamilya ang impluwensya ng mundo, dapat ay mapuspos tayo ng liwanag at katotohanan ng ebanghelyo. Kaya ginagawa niya ang lahat ng makakaya niya para haluan, baluktutin, at wasakin ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ihiwalay tayo sa katotohanang iyan.
Marami sa atin ang nabinyagan at natanggap ang kaloob na Espiritu Santo, na ang tungkulin ay ihayag at ituro ang katotohanan ng lahat ng bagay.2 Kaakibat ng pribilehiyong iyan ang responsibilidad na hanapin ang katotohanan, ipamuhay ang katotohanang alam natin, at ibahagi at ipagtanggol ito.
Ang isang lugar na gustung-gusto nating mapuspos ng liwanag at katotohanan ay ang sarili nating tahanan. Ang mga salita sa inawit ng koro na narinig natin ay paalala sa atin na, “Diyos tayo‘y binigyan ng pamilya nang S’ya ay matularan.”3 Ang mga pamilya ang workshop ng Panginoon sa lupa upang tulungan tayong matutuhan at ipamuhay ang ebanghelyo. Napunta tayo sa ating pamilya na may sagradong tungkuling tumulong na espirituwal na palakasin ang isa’t isa.
Ang matatag na walang-hanggang mga pamilya at mga tahanang puspos ng Espiritu ay hindi basta-basta nangyayari. Kailangan dito ang malaking pagsisikap, kailangan ng panahon, at dapat gawin ng bawat miyembro ng pamilya ang kanyang tungkulin. Kakaiba ang bawat tahanan, ngunit ang bawat tahanan na mayroong kahit isang indibiduwal na naghahangad ng katotohanan ay makagagawa ng kaibhan.
Patuloy tayong pinapayuhan na dagdagan ang ating espirituwal na kaalaman sa pamamagitan ng panalangin at pag-aaral at pagninilay sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga buhay na propeta. Sa kanyang mensahe sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa pagtanggap ng patotoo ng liwanag at katotohanan, sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf:
“Ang Walang Hanggan at Pinakamakapangyarihang Diyos … ay mangungusap sa mga taong dumudulog sa Kanya nang may matapat na puso at tunay na layunin.
“Mangungusap Siya sa kanila sa mga panaginip, pangitain, isipan, at damdamin.”
Nagpatuloy si Pangulong Uchtdorf: “May malasakit ang Diyos sa inyo. Siya ay makikinig, at sasagutin Niya ang inyong mga personal na tanong. Ang mga sagot sa inyong mga panalangin ay darating sa Kanyang sariling paraan at sa Kanyang sariling panahon, at samakatwid, kailangan kayong matutong makinig sa Kanyang tinig.”4
Isang kuwento sa kasaysayan ng pamilya ang naglalarawan sa payong ito.
Ilang buwan na ang nakalipas nabasa ko ang patotoo ng kapatid ng aking kalolo-lolohan na si Sister Elizabeth Staheli Walker. Noong bata pa si Elizabeth nandayuhan siya sa Amerika mula sa Switzerland kasama ang kanyang pamilya.
Matapos ikasal si Elizabeth, siya at ang kanyang asawa at mga anak ay tumira malapit sa hangganan ng Nevada, kung saan sila ang namahala sa isang mail station. Ang kanilang tahanan ay lugar na tinitigilan ng mga manlalakbay. Buong maghapon at magdamag silang naghahanda para magluto at magsilbi ng pagkain sa mga manlalakbay. Mahirap, nakakapagod na trabaho, at kaunti lang ang kanilang pahinga. Ngunit ang ikinabahalang mabuti ni Elizabeth ay ang pag-uusap ng mga taong nakakasalamuha nila.
Sinabi ni Elizabeth na hanggang sa sandaling iyon ay hindi niya pinapansin ang katotohanan ng Aklat ni Mormon, na si Propetang Joseph Smith ay pinayagan ng Diyos na gawin ang ginawa niya, at ang kanyang mensahe ay ang plano ng buhay at kaligtasan. Ngunit ang buhay niya noon ay hindi ang uri ng buhay na magpapalakas sa gayong paniniwala.
Ang ilan sa mga manlalakbay na tumigil doon ay mga palabasa, edukado, matatalinong tao at ang palaging usapan sa mesa ay na si Joseph Smith ay isang “mandaraya” na nagsulat ng Aklat ni Mormon at pagkatapos ay ipinamahagi ito para magkapera. Sa kilos nila ay halatang lahat ay katawa-tawa sa kanila, nagsasabing “ang Mormonismo ay kahangalan at hindi totoo.”
Sa lahat ng usapang ito nadama ni Elizabeth na siya ay nag-iisa. Wala siyang makausap, walang panahon para magdasal man lang—bagamat nagdarasal siya habang nagtatrabaho siya. Takot na takot siyang magsalita sa mga taong kumukutya sa kanyang relihiyon. Sinabi niya na hindi niya alam kung totoo ang sinasabi nila, at nadama niyang hindi niya kayang ipagtanggol ang paniniwala niya kahit subukan niya.
Kalaunan, lumipat si Elizabeth at ang kanyang pamilya. Sinabi ni Elizabeth na mas marami na siyang oras para makapag-isip at hindi na masyadong nagagambala. Madalas siyang bumaba sa silong at manalangin sa Ama sa Langit tungkol sa bumabagabag sa kanya—ang mga kuwento ng tila matatalinong kalalakihang iyon tungkol sa ebanghelyo na kahangalan daw at di totoo at tungkol kay Joseph Smith at sa Aklat ni Mormon.
Isang gabi ay nanaginip si Elizabeth. Sabi niya: “Para akong nakatayo sa isang makitid na daanan ng bagon, na papunta sa paanan ng mababang burol, sa kalahatian ng burol nakita ko ang isang lalaking nakatingin sa ibaba at nagsasalita, o parang nagsasalita sa isang binatilyo na nakaluhod; at nakadungaw sa isang hukay o butas sa lupa. Nakaunat ang kanyang mga kamay at para siyang may inaabot mula sa hukay o butas. Nakita ko ang batong pantakip na parang inalis mula sa ibabaw ng hukay kung saan dumudukwang ang binatilyo. Maraming tao sa daan, pero parang walang sinumang interesado sa dalawang lalaki na nasa gilid ng burol. May isang bagay na kasama sa panaginip na iyon na ipinagtataka ko kaya agad akong nagising; … Hindi ko maikukuwento ang panaginip ko kahit kanino pero parang nasisiyahan ako na iyon ang Anghel na si Moroni na nagbibilin sa batang si Joseph noong kinuha niya ang mga lamina.”
Noong tagsibol ng 1893, nagpunta si Elizabeth sa Salt Lake City sa paglalaan ng templo. Inilarawan niya ang kanyang karanasan: “Sa loob ay nakita ko ang larawang nakita ko sa aking panaginip, para itong colored glass window. Nasisiyahan ako sa pakiramdam na kung makikita ko ang Burol ng Cumorah mismo, ganito rin ang hitsura nito. Kuntento na ako na ipinakita sa akin sa panaginip ang larawan ni Anghel Moroni na ibinibigay ang mga laminang ginto kay Joseph Smith.”
Makalipas ang maraming taon matapos ang panaginip na ito at ilang buwan bago siya namatay sa edad na halos 88 anyos, si Elizabeth ay nakatanggap ng napakalakas na impresyon. Sabi niya, “Malinaw na pumasok sa isip ko … na para bang may nagsabi sa akin na, … ‘Huwag mong ibaon sa lupa ang iyong patotoo.’”5
Makalipas ang ilang henerasyon, ang mga inapo ni Elizabeth ay patuloy na humuhugot ng lakas mula sa kanyang patotoo. Tulad ni Elizabeth, nabubuhay tayo sa mundong puno ng mga taong mapagduda at mapamintas na kumukutya at kumakalaban sa mga katotohanang mahalaga sa atin. Maaari tayong makarinig ng kuwentong nakalilito at magkakasalungat na mensahe. Tulad din ni Elizabeth, kailangan nating gawin ang lahat at kumapit nang mahigpit sa anumang liwanag at katotohanan na nasa atin ngayon, lalo na sa mahihirap na kalagayan. Ang mga sagot sa ating mga panalangin ay maaaring hindi dumating sa kagila-gilalas na paraan, ngunit dapat tayong maghanap ng tahimik na sandali para hanapin ang higit na liwanag at katotohanan. At kapag natanggap natin ito, responsibilidad nating ipamuhay ito, ibahagi ito, at ipagtanggol ito.
Iniiwan ko sa inyo ang aking patotoo na alam ko na kapag pinuno natin ang ating mga puso at tahanan ng liwanag at katotohanan ng Tagapagligtas, magkakaroon tayo ng tibay ng loob na makayanan ang bawat sitwasyon. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.
Paunawa: Noong Abril 4, 2015, si Sister Esplin ay ni-release bilang pangalawang tagapayo sa Primary general presidency at sinang-ayunan bilang unang tagapayo.