Tunay na Mabuti at Hindi Mapagkunwari
Ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ay na ang mga hangarin ng ating puso ay maaaring mabago at ang ating mga layunin ay maaaring turuan at linangin.
Sa kasamaang-palad, may panahon sa buhay ko na naganyak ako ng mga titulo at awtoridad [o kapangyarihan]. Nagsimula talaga ito nang wala akong kamalay-malay. Habang naghahanda akong maglingkod sa full-time mission, ang kuya ko ang ginawang zone leader sa kanyang mission. Napakarami kong narinig na positibong bagay tungkol sa kanya kaya hindi ko mapigilang naisin na masabi rin ang mga ito tungkol sa akin. Inasam ko at marahil ay ipinagdasal ko rin na mapunta sa gayong katungkulan.
Mabuti na lang, nang maglingkod ako sa aking mission, may natutuhan akong magandang aral. Noong huling kumperensya ay naalala ko ang aral na iyon.
Noong Oktubre, sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf: “Sa edad kong ito, nagkaroon na ako ng pagkakataong makasalamuha ang ilan sa pinakamagagaling at pinakamatatalinong lalaki at babae sa daigdig. Noong bata pa ako, hangang-hanga ako sa mga taong nakapag-aral, marunong, matagumpay, at pinupuri ng mundo. Ngunit sa paglipas ng mga taon, natanto ko na mas hanga ako sa mababait at mapapalad na tao na tunay na mabuti at hindi mapagkunwari.”1
Ang idolo ko sa Aklat ni Mormon ay isang sakdal na halimbawa ng kahanga-hanga at mapalad na kaluluwa na tunay na mabuti at hindi mapagkunwari. Si Shiblon ay isa sa mga anak ni Nakababatang Alma. Mas kilala natin ang kanyang mga kapatid na si Helaman, na sumunod sa kanyang ama bilang tagapag-ingat ng mga talaan at propeta ng Diyos, at si Corianton, na medyo naging bantog bilang missionary na nangailangan ng kaunting payo mula sa kanyang ama. Para kay Helaman, sumulat si Alma ng 77 taludtod (tingnan sa Alma 36–37). Para kay Corianton, naglaan si Alma ng 91 taludtod (tingnan sa Alma 39–42). Para kay Shiblon, ang kanyang gitnang anak, sumulat si Alma ng 15 taludtod lamang (tingnan sa Alma 38). Ngunit ang kanyang mga salita sa 15 taludtod na iyon ay makapangyarihan at may aral.
“At ngayon, anak ko, ako ay nagtitiwalang magkakaroon ako ng labis na kagalakan sa iyo, dahil sa iyong katatagan at iyong katapatan sa Diyos; sapagkat nang magsimula kang umasa sa Panginoon mong Diyos sa iyong kabataan, maging sa ako’y umaasang magpapatuloy ka sa pagsunod sa kanyang mga kautusan; sapagkat pinagpala siya na makapagtitiis hanggang sa katapusan.
“Sinasabi ko sa iyo, anak ko, na ako ay nagkaroon na ng labis na kagalakan sa iyo, dahil sa iyong katapatan at iyong pagkamasigasig, at iyong tiyaga at iyong mahabang pagtitiis sa mga tao” (Alma 38:2–3).
Bukod sa pagkausap kay Shiblon, binanggit din ni Alma ang tungkol sa kanya kay Corianton. Sabi ni Alma: “Hindi mo ba napuna ang katatagan ng iyong kapatid, ang kanyang katapatan, at ang kanyang pagsusumigasig sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos? Masdan, siya ba ay hindi nagbigay ng magandang halimbawa sa iyo?” (Alma 39:1).2
Mukhang si Shiblon ay isang anak na gustong bigyang-kasiyahan ang kanyang ama at patuloy na gumawa ng tama dahil iyon ang tama sa halip na dahil sa papuri, katungkulan, kapangyarihan, mga parangal, o awtoridad. Alam siguro at iginalang ni Helaman ang bagay na ito tungkol sa kanyang kapatid, dahil si Shiblon ang pinagbilinan niya ng mga sagradong talaang natanggap niya mula sa kanyang ama. Siguradong pinagkatiwalaan ni Helaman si Shiblon dahil “siya’y isang makatarungang tao, at lumakad siya nang matwid sa harapan ng Diyos; at pinagsikapan niyang patuloy na gumawa ng mabuti, sinusunod ang mga kautusan ng Panginoon niyang Diyos” (Alma 63:2). Dahil mukhang likas iyon kay Shiblon, walang gaanong nakatala tungkol sa kanya mula nang makuha niya ang mga sagradong talaan hanggang sa ibigay niya ito sa anak ni Helaman na si Helaman (tingnan sa Alma 63:11).
Si Shiblon ay tunay na mabuti at hindi mapagkunwari. Siya ay isang taong nagsakripisyo ng kanyang oras, mga talento, at pagsisikap para matulungan at mapasigla ang iba dahil sa pagmamahal sa Diyos at sa kanyang kapwa-tao (tingnan sa Alma 48:17–19; 49:30). Lubos siyang nailarawan ng mga salita ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Ang mga dakilang babae at lalake ay laging mas sabik na maglingkod kaysa magkaroon ng kapangyarihan.”3
Sa isang daigdig kung saan ang papuri, katungkulan, kapangyarihan, mga parangal, at awtoridad ay hinahangad sa lahat ng panig, kinikilala ko ang mga kahanga-hanga at mapapalad na kaluluwa na tunay na mabuti at hindi mapagkunwari, ang mga taong nagaganyak ng pagmamahal sa Diyos at sa kanilang kapwa, ang mga dakilang babae at lalaki na “mas sabik na maglingkod kaysa magkaroon ng kapangyarihan.”
May ilan ngayon na nais tayong paniwalain na ang ating paghahanap ng kabuluhan ay mabibigyang-kasiyahan lamang sa pagtatamo ng katungkulan at kapangyarihan. Gayunpaman, mabuti na lamang at maraming hindi naimpluwensyahan ng ganitong pananaw. Nakasusumpong sila ng kabuluhan sa paghahangad na maging tunay na mabuti at hindi mapagkunwari. Nakita ko sila sa lahat ng katayuan sa buhay at sa maraming relihiyon. At nakita ko ang malalaking grupo nila na kasama ng mga tunay na nagbalik-loob na mga alagad ni Cristo.4
Iginagalang ko ang mga taong naglilingkod na hindi iniisip ang sarili bawat linggo sa mga ward at branch sa lahat ng panig ng mundo sa paggawa ng higit pa sa kanilang tungkulin. Ngunit dumarating at nawawala ang mga tungkulin. Mas hanga pa ako sa marami na kahit walang opisyal na tungkulin ay humahanap ng mga paraan para patuloy na mapaglingkuran at mapasigla ang iba. May isang lalaki na maagang dumarating sa simbahan para ayusin ang mga upuan at naiiwan pagkatapos para linisin ang chapel. Sinasadyang tabihan ng isang babae sa upuan ang isang babaeng bulag sa kanyang ward hindi lamang para mabati ito kundi para makanta rin niya nang malakas ang mga himno para marinig at makanta rin ito ng babaeng bulag. Kung titingnan ninyong mabuti ang inyong ward o branch, makakakita kayo ng mga halimbawang katulad nito. Palaging may mga miyembrong tila alam kung sino ang nangangailangan ng tulong at kung kailan mag-aalok nito.
Marahil ay natutuhan ko ang unang aral ko tungkol sa tunay na mabubuting Banal na hindi mapagkunwari noong missionary ako. Nalipat ako sa isang lugar na kasama ang isang elder na hindi ko kilala. Narinig ko na pinag-uusapan ng ibang mga missionary kung bakit hindi pa siya nabibigyan ng assignment na maging lider at kung paano siya nahirapan sa wikang Korean kahit matagal na siya roon sa bansa. Ngunit nang higit kong makilala ang elder na ito, nalaman ko na isa siya sa mga pinakamasunurin at tapat na missionary na nakilala ko. Nag-aaral siya kapag oras na para mag-aral; nagtatrabaho siya kapag oras na para magtrabaho. Umaalis siya ng apartment sa tamang oras at bumabalik sa tamang oras. Masipag siya sa pag-aaral ng Korean kahit na nahihirapan siya sa wikang iyon.
Nang matanto ko na ang mga punang narinig ko ay hindi totoo, nadama ko na mali ang paghusga sa missionary na ito na hindi siya matagumpay. Gusto kong sabihin sa buong mission ang natuklasan ko tungkol sa elder na ito. Sinabi ko sa aking mission president na gusto kong itama ang maling pagkaunawaang ito. Ang sagot niya ay, “Alam ng Ama sa Langit na ang binatang ito ay matagumpay, at alam ko rin naman.” Dagdag pa niya, “At ngayo’y alam mo na rin, kaya mahalaga bang malaman pa ito ng iba?” Naituro sa akin ng matalinong mission president na ito kung ano ang mahalaga sa paglilingkod, at iyon ay hindi ang papuri, katungkulan, kapangyarihan, parangal, o awtoridad. Malaking aral ito sa isang binatang missionary na masyadong nakatuon sa mga titulo.
Nasasaisip ang aral na ito, sinimulan kong balikan ang buhay ko at tiningnan kung gaano kadalas akong naimpluwensyahan ng mga lalaki at babae na noon ay walang anumang mataas na titulo o katungkulan. Isa sa mga kaluluwang katulad ni Shiblon ang guro ko sa seminary noong junior high school ako. Nagturo ng seminary ang butihing lalaking ito sa loob lamang ng dalawa o tatlong taon, ngunit binuksan niya ang puso ko sa paraang nakatulong para magkaroon ako ng patotoo. Hindi siya ang pinakasikat na guro sa paaralan, ngunit lagi siyang handa at matindi at walang-kupas ang impluwensya niya sa akin. Ang isa sa ilang pagkakataon na nakita ko ang lalaking ito pagkaraan ng 40 taon simula nang turuan niya ako ay nang puntahan niya ako sa libing ng aking ama. Tunay na ginawa niya ito hindi dahil sa naganyak siya ng titulo o kapangyarihan.
Iginagalang ko ang dedikadong gurong ito at ang maraming katulad niya na tunay na mabuti at hindi mapagkunwari. Iginagalang ko ang guro sa Sunday School na hindi lamang sa klase ng Sunday School nagtuturo sa kanyang mga estudyante tuwing Linggo kundi nagtuturo at nag-iimpluwensya rin sa mga estudyanteng ito sa pamamagitan ng pag-aanyaya sa kanila na sumama sa kanyang pamilya sa agahan. Iginagalang ko ang mga lider ng mga kabataan na dumadalo sa mga aktibidad sa palakasan at kultural na gawain ng young men at young women sa kanilang ward. Iginagalang ko ang lalaking nagsusulat ng maiikling liham ng panghihikayat sa mga kapitbahay at ang babaeng hindi lamang nagpapadala sa koreo ng mga Christmas card kundi inihahatid pa ito nang personal sa mga kapamilya at kaibigang kailangang bisitahin. Iginagalang ko ang lalaking laging ipinapasyal sa kotse ang isang kapitbahay noong nahihirapan na ito sa sakit na Alzheimer’s—na nagbigay sa kanya at sa kanyang asawa ng kailangang-kailangan nilang pahinga.
Ang mga bagay na ito ay hindi ginawa para sa papuri o mga parangal. Ang mga lalaki at babae ay hindi naganyak ng posibilidad na tumanggap ng mga titulo o awtoridad. Sila ay mga disipulo ni Cristo, na patuloy na gumagawa ng mabuti, at katulad ni Shiblon, sinisikap nilang bigyang-kasiyahan ang kanilang Ama sa Langit.
Nalulungkot ako kapag naririnig ko na huminto ang ilan sa paglilingkod o kahit sa pagsisimba dahil na-release sila sa isang tungkulin o hindi sila nabibigyan ng katungkulan o titulo. Sana balang-araw ay matutuhan nila ang aral na natutuhan ko noong missionary ako—na ang pinakamahalagang paglilingkod ay kadalasang Diyos lamang ang nakapapansin. Sa paghahangad natin ng sariling interes, nalimutan na ba natin ang mga interes ng Diyos?
Maaaring sabihin ng iba, “Pero napakalayo ko pa sa pagiging katulad ng mga binanggit mo.” Ang mabuting balita ng ebanghelyo ni Jesucristo ay na ang mga hangarin ng ating puso ay maaaring mabago at ang ating mga layunin ay maaaring turuan at linangin. Noong tayo ay nabinyagan sa tunay na kawan ng Diyos, sinimulan natin ang proseso ng pagiging bagong nilalang (tingnan sa II Mga Taga Corinto 5:17; Mosias 27:26). Tuwing pinaninibago natin ang ating tipan sa binyag sa pakikibahagi ng sakramento, napapalapit tayo nang isang hakbang sa ating tunay na mithiin.5 Kapag nakatagal tayo sa tipang iyon, magkakaroon tayo ng lakas na makidalamhati sa mga nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw (tingnan sa Mosias 18:9). Sa tipang iyon, matatagpuan natin ang biyaya na nagbibigay sa atin ng kakayahang maglingkod sa Diyos at masunod ang Kanyang mga utos, kabilang na ang mahalin ang Diyos nang buong puso at mahalin ang ating kapwa tulad sa ating sarili.6 Sa tipang iyon, tinutulungan tayo ng Diyos at ni Cristo na matulungan ang mga nangangailangan ng ating tulong (tingnan sa Mosias 4:16; tingnan din sa mga talata 11–15).
Ang tanging gusto ko sa buhay ay mabigyang-kasiyahan ang aking mga ama—kapwa dito sa mundo at sa langit—at maging higit na katulad ni Shiblon.7
Nagpapasalamat ako sa aking Ama sa Langit para sa mga kaluluwang katulad ni Shiblon na ang halimbawa ay nag-aalok sa akin—at sa ating lahat—ng pag-asa. Sa kanilang buhay, nakikita natin ang patotoo na may isang mapagmahal na Ama sa Langit at isang mapag-alaga at mahabaging Tagapagligtas. Idinaragdag ko ang aking patotoo sa kanilang patotoo na may kasamang pangako na sisikapin kong maging higit na katulad nila, sa pangalan ni Jesucristo, amen.