2010–2019
Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Young Adult
Abril 2015


15:45

Ang Pinakadakilang Henerasyon ng mga Young Adult

Kailangan namin ngayon ang pinakadakilang henerasyon ng mga young adult sa kasaysayan ng Simbahan. Kailangan namin ang buong puso’t kaluluwa ninyo.

Isa sa malalaking kasiyahan ko kapag naglalakbay ako sa buong mundo ang pagkakataon na makilala at mabati ang ating mga missionary. Ang mahuhusay na elder at sister na ito ay may sinag ng Liwanag ni Cristo, at lagi akong nagkakainspirasyon sa kanilang pagmamahal sa Panginoong Jesucristo at sa kanilang tapat na paglilingkod sa Kanya. Tuwing kakamayan ko sila at nadarama ko ang pambihira nilang espiritu at pananampalataya, sinasabi ko sa sarili ko, “Ang kahanga-hangang mga anak na lalaki at babae natin ay tunay na isang himala!”

Sa pangkalahatang pulong ng priesthood ng Oktubre 2002, hinamon ko ang mga bishop, magulang, at prospective missionary na “itaas ang pamantayan” para sa paglilingkod sa full-time mission.

Pagkatapos ay sinabi ko na “kailangan namin … ang pinadakilang henerasyon ng mga misyonero sa kasaysayan ng Simbahan. Kailangan namin ang mararapat, may kakayahan, espirituwal na masisiglang misyonero. …

“… Kailangan namin ang puso at kaluluwa ninyo. Kailangan namin ng mga misyonerong masisigla, nag-iisip, at alam kung paano makinig at tumugon sa mga bulong ng Banal na Espiritu.”1

Sa maraming paraan, ang mundo ngayon ay mas mapanghamon kaysa 13 taon na ang nakararaan. Mas maraming gumagambala sa ating mga kabataang lalaki at babae na magpapalihis ng tuon nila sa paghahanda para sa misyon at sa maligayang buhay sa hinaharap. Umunlad na ang teknolohiya, at halos bawat isa ay may access sa mga mga handheld device na maaaring bumihag sa pansin ng mag-anak ng Diyos kapwa para sa malaking kabutihan at sa malaking kasamaan.

Sa gabing ito ay magsasalita ako sa mga missionary na naglilingkod ngayon, sa mga magmimisyon, sa mga returned missionary, at sa lahat ng young adult na kalalakihan sa Simbahan. Dalangin ko na maunawaan at masinsinan ninyong pag-isipan ang mga sasabihin ko sa inyo habang kayo ay naglalakbay sa masasaya at mahihirap na taon sa inyong buhay.

Noong mga unang araw ng Simbahan, ininterbyu ng isang General Authority ang mga missionary bago sila nagpunta sa kanilang misyon. Sa mga panahong ito iniinterbyu kayo ng inyong mga bishop at stake president upang maglingkod bilang mga missionary, at karamihan sa inyo ay habambuhay na hindi iinterbyuhin ng isang General Authority. Pagpapakita lamang iyan ng katotohanan sa isang pandaigdigang simbahan na may mahigit 15 milyong miyembro. Alam ko na kaisa ko ang aking mga kapatid sa pagsasabi sa inyo na sana’y posibleng makilala namin kayong lahat nang personal at masabi namin sa inyo na mahal namin kayo at sinusuportahan.

Mabuti na lang at naglaan ng mga paraan ang Panginoon para masuportahan namin kayo. Halimbawa, isang miyembro ng Korum ng Labindalawa ang nagtatalaga ng bawat missionary sa kanyang mission. Kahit ginagawa ito nang walang tradisyonal na harapang interbyu, ang teknolohiya at paghahayag ay nagsasama upang makapaglaan ng karanasan na lubhang matalik at personal. Sasabihin ko sa inyo kung paano ito nangyayari.

Lumalabas ang inyong larawan sa computer screen, kasama ang mahahalagang impormasyong ibinigay ng inyong bishop at stake president. Paglitaw ng larawan ninyo, tinititigan namin ang inyong mga mata at nirerepaso ang inyong mga sagot sa mga tanong sa missionary recommendation. Sa maikling sandaling iyon, parang naroon kayo at sumasagot nang direkta sa amin.

Habang nakatingin kami sa inyong larawan, tiwala kami na nakapasa kayo sa lahat ng “itinaas na pamantayan” na kailangan ngayon upang maging tapat at tagumpay na missionary. Pagkatapos, sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu ng Panginoon at sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Thomas S. Monson, itinatalaga namin kayo sa isa sa 406 na mission ng Simbahan sa buong mundo.

Hindi, hindi ito katulad ng personal at harapang interbyu. Pero halos ganoon na rin iyon.

Ang videoconferencing ay isa pang paraan para matulungan kaming suportahan ang mga pinuno at miyembro ng Simbahan na malayo ang tirahan sa headquarters ng Simbahan.

Nasasaisip iyan, gusto ko kayong mga naghahanda sa mission, kayong nakabalik na, at kayong mga young adult na mag-ukol ng ilang minuto na kasama ako na para bang may personal video chat tayo ngayon mismo. Tingnan lamang ninyo ako nang ilang minuto na para bang kayo at ako lamang ang nasa silid, saanman kayo naroon ngayong gabi.

Ako naman, ipapalagay ko na nakatitig ako sa inyong mga mata at nakikinig na mabuti sa inyong mga sagot sa ilang tanong na sa paniwala ko ay maraming masasabi sa akin tungkol sa lalim na inyong patotoo at debosyon sa Diyos. Kung sasabihin ko sa ibang mga salita ang sinabi ko sa mga missionary 13 taon ang nakalipas, ang kailangan namin ngayon ay ang pinakadakilang henerasyon ng mga young adult sa kasaysayan ng Simbahan. Kailangan namin ang [inyong buong] puso at kaluluwa. Kailangan namin ng masigla, mapag-isip, at magiliw na mga young adult na marunong makinig at tumugon sa mga bulong ng Banal na Espiritu habang dumaranas kayo ng mga pagsubok at tukso araw-araw bilang kabataan at Banal sa mga Huling Araw sa panahong ito.

Sa madaling salita, panahon na para itaas ang pamantayan hindi lamang para sa mga missionary kundi para din sa mga returned missionary at sa inyong buong henerasyon. Para mangyari ito, pagnilayin lamang sa inyong puso ang mga sagot ninyo sa mga tanong na ito:

  1. Ikaw ba ay regular na nagsasaliksik sa mga banal na kasulatan?

  2. Ikaw ba ay lumuluhod sa panalangin para kausapin ang iyong Ama sa Langit bawat umaga at bawat gabi?

  3. Ikaw ba ay nag-aayuno at nagbibigay ng handog-ayuno bawat buwan—kahit ikaw ay isang mahirap at nagpupunyaging estudyante na hindi kayang magbigay ng malaki?

  4. Ikaw ba ay nag-iisip nang malalim tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo para sa iyo kapag hinihilingan kang maghanda, magbasbas, magpasa, o makibahagi ng sakramento?

  5. Ikaw ba ay dumadalo sa iyong mga miting at nagsisikap na panatilihing banal ang araw ng Sabbath?

  6. Ikaw ba ay matapat sa tahanan, paaralan, simbahan, at trabaho?

  7. Ikaw ba ay malinis sa isipan at sa espiritu? Ikaw ba ay umiiwas na manood ng pornograpiya o tumingin sa mga website, magasin, pelikula, o apps, pati na sa mga larawan sa Tinder o Snapchat, na mapapahiya ka kung makita ka ng iyong mga magulang, ng mga pinuno ng Simbahan, o ng Panginoon Mismo?

  8. Ikaw ba ay maingat gumamit ng iyong oras—na umiiwas sa di-angkop na teknolohiya at social media, pati na sa mga video game, na magpapamanhid sa iyong espirituwal na pakiramdam?

  9. Mayroon bang anuman sa buhay mo na kailangan mong baguhin at ayusin, simula ngayong gabi?

Salamat sa maikling personal na pagbisitang ito. Umaasa ako na sinagot mo nang tapat at maingat ang bawat isa sa mga tanong na ito. Kung may pagkukulang ka sa anuman sa mga simpleng alituntuning ito, hinihimok kita na lakas-loob na magsisi at iayong muli ang iyong buhay sa mga pamantayan ng ebanghelyo ng matwid na pagkadisipulo.

Ngayon, mga kapatid, maaari ba akong magbigay ng karagdagang payo na makakatulong sa inyo na itanim sa inyong puso’t kaluluwa ang inyong patotoo?

Ipinapaalala ko sa inyong mga returned missionary na dapat ay patuloy kayong maghanda para sa buhay at para sa isang pamilya. Ang “RM” ay hindi nangangahulugang “retired Mormon!” Bilang returned missionary, kayo ay “nararapat na maging sabik sa paggawa ng mabuting bagay, at gumawa ng maraming bagay sa [inyong] sariling kalooban, at isakatuparan ang maraming kabutihan.”2

Gamitin lamang ang mga kasanayang natutuhan ninyo sa inyong misyon para pagpalain ang buhay ng mga tao sa inyong paligid araw-araw. Huwag ibaling ang pagtutuon ninyo sa paglilingkod sa iba sa pagtutuon lamang sa pag-aaral, pagtatrabaho, o pakikihalubilo sa iba. Sa halip, balansehin ang inyong buhay sa mga espirituwal na karanasang nagpapaalala at naghahanda sa inyo para sa patuloy at araw-araw na paglilingkod sa iba.

Sa inyong misyon natutuhan ninyo ang kahalagahan ng pagbisita sa mga tao sa bahay nila. Umaasa ako na nauunawaan ninyong lahat na young adult, naglingkod man kayo sa full-time mission o hindi, na mahalagang kausapin ang mga taong nalulungkot, maysakit, o pinanghihinaan ng loob—hindi lamang dahil sa tungkulin kundi dahil din sa tunay na pagmamahal ninyo sa Ama sa Langit at sa Kanyang mga anak.

Kayong mga nasa high school at naghahandang magmisyon, hinihikayat ko kayong makilahok at magtapos sa seminary. Kayong mga young adult ay dapat mag-enrol sa institute of religion.3 Kung dumadalo kayo sa isang paaralan ng Simbahan, magsama ng isang klase sa religious education bawat semestre. Sa mahalagang panahong ito ng paghahanda para sa misyon, kasal na pangwalang-hanggan, at buhay bilang adult, kailangan ay patuloy kayong maghanap ng mga paraan para matuto at lumago at tumanggap ng inspirasyon at patnubay ng Espiritu Santo. Ang maingat at mapanalanging pag-aaral ng ebanghelyo sa pamamagitan ng mga klase sa seminary, institute, o religious education ay makakatulong sa inyo na makamit ang mithiing iyon.

Pumapasok man kayo sa isang paaralan ng Simbahan o hindi, nag-aaral man kayo sa kolehiyo o hindi, huwag ninyong isipin na masyado na kayong abala para pag-aralan ang ebanghelyo. Ang mga klase sa seminary, institute, o religion ay maglalaan ng balanse sa inyong buhay at magdaragdag sa inyong sekular na edukasyon sa pagbibigay sa inyo ng isa pang oportunidad na mag-ukol ng oras sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta at apostol. May apat na magagandang bagong kurso na hinihikayat ko ang bawat young adult na usisain at daluhan.4

At huwag kalimutan na ang mga klase at aktibidad na inaalok ng inyong lokal na institute o young single adult ward o stake ay magiging lugar din kung saan makakasama ninyo ang ibang mga binata’t dalaga at mapapasigla at mabibigyang-inspirasyon ang isa’t isa habang kayo’y natututo at espirituwal na lumalago at nakikihalubilo. Mga kapatid, kung isasantabi ninyo ang inyong cell phone at talagang titingin kayo nang kaunti sa paligid, baka makita pa ninyo ang inyong magiging asawa sa institute.

Na nagbunsod sa akin na magbigay ng isa pang payo na sigurado kong inaasahan ninyo: Kayong mga single adult ay kailangang magdeyt at magpakasal. Huwag na sana kayong magpaliban! Alam kong ang ilan sa inyo ay takot magpamilya. Gayunman, kung pakakasal kayo sa tamang tao sa tamang panahon at sa tamang lugar, hindi kayo kailangang matakot. Sa katunayan, maiiwasan ninyo ang maraming problemang nararanasan kung kayo ay “sabik sa paggawa” ng matwid na pakikipagdeyt, panliligaw, at pag-aasawa. Huwag siyang i-text! Gamitin ninyo ang boses ninyo para magpakilala sa matatapat na anak na babae ng Diyos na nasa buong paligid ninyo. Ang marinig ang tunay na boses ng isang tao ay makakasindak sa kanya—baka mapasagot pa siya ng oo.

Ngayon, mga kapatid, pinatototohanan ko sa inyo na matutulungan tayo ng Panginoong Jesucristo na ayusin ang anumang kailangang ayusin sa ating buhay sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Ngayong gabi, habang naghahanda tayong gunitain ang Linggo ng Pasko ng Pagkabuhay bukas, samahan sana ninyo ako sandali sa pag-alaala ng kaloob na Pagbabayad-sala ni Cristo. Tandaan na ang ating Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo ang nakakakilala at nagmamahal sa inyo nang lubos.

Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, inako ng Manunubos ang ating mga problema, pasakit, at kasalanan. Naparito ang Tagapagligtas ng sanlibutan upang unawain ang bawat isa sa atin sa pamamagitan ng pagdanas ng ating mga bigong pag-asa, hamon, at trahedya sa pamamagitan ng Kanyang paghihirap sa Getsemani at sa krus.5 Siya ay namatay bilang huling patunay ng pagmamahal sa atin at nalibing sa isang bagong libingan noong makasaysayang gabing iyon.

Sa Linggo ng umaga, nagbangon si Jesus mula sa kamatayan—na nangangako ng bagong buhay para sa bawat isa sa atin. Pagkatapos ay inutusan ng nagbangong Panginoon ang Kanyang mga disipulo na turuan ang lahat na manampalataya kay Cristo, magsisi sa kasalanan, magpabinyag, tanggapin ang kaloob na Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas. Mga kapatid, alam namin na ang ating Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nagpakita kay Propetang Joseph Smith at ipinanumbalik sa pamamagitan niya ang kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo ni Jesucristo.

Maging matatag, mga kapatid. Sundin ang mga utos ng Diyos. Nangako ang Panginoong Jesucristo na mapapasaatin ang lahat ng bagay na nais nating gawin sa kabutihan. Ang mga pinuno ng Simbahan ay umaasa sa inyo. Kailangan namin ang bawat isa sa inyong mga young adult na maghandang magpakasal, maglingkod, at mamuno sa mga araw na darating, na aking idinadalangin sa pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.