Ang Pamilya ay sa Diyos
Kabilang at kailangan tayo sa pamilya ng Diyos.
May mas maganda at malalim pa ba kaysa sa dalisay at simpleng mga katotohanan ng ebanghelyo na itinuro sa isang awitin sa Primary? At alam ninyong lahat na mga batang Primary na narito ngayong gabi ang tatalakayin ko. Natutuhan ninyo ito sa inyong Primary program noong isang taon.
Sa mga titik ng “Pamilya’y sa D’yos”1—na kinanta kanina sa miting na ito—ipinapaalala sa atin ang dalisay na doktrina. Nalaman natin na hindi lamang ang pamilya’y sa Diyos kundi bahagi rin ng pamilya ng Diyos ang bawat isa sa atin.
Itinuturo ng unang linya ng awitin: “Anak ako ng ating D’yos Ama. Ikaw! At ang ibang mga anak N’ya.” Mula sa pagpapahayag sa mag-anak, nalaman natin na, “Sa buhay bago pa ang buhay sa mundo, kilala at sinamba ng mga espiritung anak na lalaki at anak na babae ang Diyos bilang kanilang Amang Walang Hanggan.” Sa buhay na iyon, nalaman natin ang ating walang-hanggang pagkakakilanlan bilang babae. Nalaman natin na bawat isa sa atin ay “minamahal na … anak na babae … ng mga magulang na nasa langit.”2
Hindi binago ng ating paglalakbay sa buhay sa lupa ang mga katotohanang iyon. Kabilang at kailangan tayo sa pamilya ng Diyos. Magkakaiba ang mga pamilya sa lupa. At bagama’t ginagawa natin ang lahat para bumuo ng matatag na tradisyonal na pamilya, ang pagiging miyembro ng pamilya ng Diyos ay hindi batay sa anumang uri ng status o kalagayan sa buhay—may asawa man o wala, may anak o wala, mayaman o mahirap, kilala man o hindi sa lipunan, o kahit na ang status na ipino-post natin sa social media.
Tayo ay kabilang. “[Tayo] ay mga anak na babae ng [ating] Ama sa Langit, na nagmamahal sa [atin], at mahal [natin] Siya.”3
Ang pangalawang linya ng awitin ay nagpapaliwanag sa una. “Tayong lahat dito’y ipinadala, nang matuto sa pamilya.”
Bago tayo isinilang, nalaman natin na kailangan tayong mabuhay bilang mortal. “Tinanggap [natin] ang plano [ng Ama sa Langit] na naglaan sa Kanyang mga anak na magkaroon ng pisikal na katawan at magtamo ng karanasan sa mundo upang umunlad tungo sa kaganapan at sa huli ay makamtan ang [ating] banal na tadhana bilang tagapagmana ng buhay na walang hanggan.”4
Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott na “itinuro sa atin sa premortal na daigdig na ang ating layunin sa pagparito ay para mapatunayan, masubukan, at magtiis.”5 Ang mga pagsubok na iyan ay dinaranas ng mga tao sa iba’t ibang paraan. Hindi ako nakaranas ng diborsyo, ng sakit at pagkaligalig ng isang inabandona, o ng responsibilidad ng inang mag-isang nagtataguyod ng pamilya. Hindi ko naranasang mamatayan ng anak, hindi magkaanak, o hindi pa ako naakit sa kapwa ko babae. Hindi ko naranasang maabuso o magkaroon ng paulit-ulit na sakit o adiksyon. Hindi ito ang mga pagsubok na ibinigay sa akin.
Kaya ngayon iniisip ng ilan sa inyo, “Sister Stephens, kung ganoon, hindi mo kami nauunawaan!” At ang sagot ko ay maaaring tama kayo. Hindi ko lubusang nauunawaan ang mga hamon ninyo sa buhay. Ngunit dahil sa aking sariling mga pagsubok—mga bagay na nagtulak sa aking manalangin—nakilala ko nang ganap ang Taong nakauunawa—Siya “na bihasa sa karamdaman,”6 na dumanas ng lahat at nauunawaan ang lahat. Maliban diyan, naranasan ko ang lahat ng pagsubok na nabanggit ko sa naging karanasan ng aking anak, ina, lola, kapatid, tiya, at kaibigan.
Ang ating oportunidad bilang pinagtipanang anak na babae ng Diyos ay hindi lang ang matuto mula sa sarili nating mga pagsubok sa buhay; ito ay upang magkaisa tayo nang may pagdamay at habag habang tinutulungan natin ang iba pang miyembro ng pamilya ng Diyos sa kanilang mga paghihirap, gaya nang ipinangako nating gawin.
Kapag ginagawa natin ito, nauunawaan din natin at nagtitiwala tayo na alam ng Tagapagligtas ang paraan at magagabayan tayo sa anumang dusa at kalungkutang darating sa atin. Siya ang tunay na pag-ibig, at ang Kanyang pagmamahal “ay nagtitiis magpakailanman”7—sa pamamagitan natin kapag sinusunod natin Siya.
Bilang mga anak na babae ng Diyos at disipulo ni Jesucristo, tayo ay “makakakilos … ayon sa habag na itinanim ng Diyos” sa mga puso natin.”8 Ang ating impluwensya ay hindi limitado sa mga miyembro ng sarili nating pamilya.
Kamakailan ay nagkaroon ako ng pagkakataong makausap si Sister Yazzie ng Chinle Arizona Stake sa kanyang kubol. Nang patuluyin niya ako sa kanyang tahanan, napansin ko agad ang iba’t ibang nakakuwadrong retrato ng pamilya at mga missonary sa mga dingding at mesa. Kaya itinanong ko, “Sister Yazzie, gaano na karami ang apo mo?”
Nagulat siya sa tanong ko, kaya nagkibit-balikat siya. Nagtaka ako sa reaksyon niya, kaya tiningnan ko ang kanyang anak, si Sister Yellowhair, na nagsabing, “Hindi Niya alam kung gaano na karami ang mga apo niya. Hindi namin binibilang. Ang tawag sa kanya ng lahat ng bata ay Lola—Lola siya ng lahat.”
Ang pagmamahal at impluwensya ni Sister Yazzie ay hindi lamang nakatuon sa kanyang pamilya. Alam niya kung paano palawakin ang kanyang impluwensya habang patuloy siyang gumagawa ng mabuti, tumutulong, nag-aaruga at nagtatanggol sa pamilya ng Diyos. Nauunawaan niya na “sa tuwing palalakasin ng isang babae ang pananampalataya ng isang bata, siya ay nag-aambag sa kalakasan ng isang pamilya—ngayon at sa hinaharap.”9
Ipinaliliwanag pa ng ikatlong linya ng awitin ang layunin ng ating buhay sa mundo: “D’yos tayo’ y binigyan ng pamilya nang S’ya ay matularan.” Itinuro ng Tagapagligtas, “Maging isa, at kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin.”10 Itinuturo ng paghahayag sa mag-anak na bilang minamahal na mga anak ng mga magulang sa langit, tayo ay may banal na katangian, walang hanggang pagkakakilanlan, at layunin. Nais ng Diyos na magkaisa tayo. Nais ng Diyos na tayo ay maging isa—mga anak na babae ng tipan na nagkakaisa bagama’t magkakaiba ang buhay,11 na hangad na malaman ang lahat ng kailangan para makabalik sa Kanyang piling, ibinuklod sa Kanya bilang bahagi ng Kanyang walang hanggang pamilya.
“Ang mga banal na ordenansa at tipan na makukuha sa mga banal na templo ang nagbibigay ng pagkakataon sa [atin] na makabalik sa kinaroroonan ng Diyos at upang ang mga mag-anak ay magkasama-sama sa walang hanggan.”12 Ang mga ordenansang tinatanggap natin at ginagawa natin sa binyag at sa banal na templo ay nag-uugnay sa pamilya ng Diyos sa magkabilang panig ng tabing—inuugnay tayo sa ating Ama sa pamamagitan ng Tagapagligtas, na nanalanging, “Upang silang lahat ay maging isa; na gaya mo, Ama, sa akin, at ako’y sa iyo, upang sila rin ay maging isa sa atin.”13
Kung iuukol natin ang ating panahon sa buhay na ito sa pag-aaral at pagsunod sa mga turo ng Tagapagligtas, tayo ay higit na matutulad sa Kanya. Mauunawaan natin na Siya ang tanging paraan—ang tanging daan—na makakayanan natin ang mga hamon sa buhay, mapapagaling, at makakabalik sa ating tahanan sa langit.
Ang huling linya ng awitin ay bumalik sa simula ng kanta: “Ang pag-ibig N’ya’y taos, dahil pamilya’y sa D’yos.” Ang plano ng Ama para sa Kanyang mga anak ay plano ng pagmamahal. Ito ay planong ibuklod ang Kanyang mga anak—Kanyang pamilya—sa Kanya. Itinuro ni Elder Russell M. Nelson: “Ang Ama sa Langit ay may dalawang hangarin para sa Kanyang mga anak … : ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan, ‘na ang ibig sabihin ay muling makabalik at mabuhay sa Kanyang piling.’”14 Ang mga hangaring iyon ay makakamtan lamang kapag ibinahagi rin natin ang pagmamahal ng Ama sa Langit sa Kanyang pamilya sa pamamagitan ng pagtulong at pagbabahagi ng Kanyang plano sa iba.
Dalawampung taon na ang nakalipas, ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawang Apostol ay nagbigay sa buong mundo ng pahayag tungkol sa pamilya. Mula noon, ay tumindi ang pagtuligsa sa pamilya.
Kung nais nating magtagumpay sa ating mga banal na responsibilidad bilang mga anak ng Diyos, dapat nating maunawaan ang walang hanggang kahalagahan ng responsibilidad ng bawat isa sa atin na ituro ang mga katotohanan tungkol sa plano ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang pamilya. Ipinaliwanag ni Pangulong Howard W. Hunter:
“Talagang kailangang magkaisa ang kababaihan ng Simbahan sa paninindigan kasama ng mga Kapatid sa pagpigil sa kasamaan na nakapalibot sa atin at sa pagsusulong ng gawain ng ating Tagapagligtas. …
“… Kaya’t hinihiling namin sa inyo na maglingkod taglay ang malakas ninyong impluwensya sa kabutihan sa pagpapatatag ng ating mga pamilya, simbahan, at komunidad.”15
Mga kapatid, tayo ay kabilang. Tayo ay minamahal. Tayo ay kailangan. Tayo ay may banal na layunin, gawain, lugar, at tungkulin sa Simbahan at kaharian ng Diyos at sa Kanyang walang-hanggang pamilya. Nadarama ba ninyo sa inyong puso na mahal kayo ng Ama sa Langit at nais Niyang makasama kayo at ang inyong mga mahal sa buhay? Tulad ng “ang Ama sa Langit at ang Kanyang Anak na si Jesucristo ay perpekto …, ang Kanilang inaasam para sa atin ay perpekto rin.”16 Ang plano Nila para sa atin ay perpekto, at ang Kanilang mga pangako ay tiyak na matutupad. Pinatototohanan ko ito nang may lubos na pasasalamat sa pangalan ni Jesucristo, amen.