Ang Musika ng Ebanghelyo
Ang musika ng ebanghelyo ay masayang espirituwal na damdaming nagmumula sa Espiritu Santo. Binabago nito ang puso.
Ilang taon na ang nakakaraan nakinig ako sa isang interbyu sa radyo ng isang bata pang doktor na nagtrabaho sa isang ospital sa Navajo Nation. Ikinuwento niya ang karanasan niya isang gabi nang pumasok sa emergency room ang isang matandang lalaking Native American na may mahabang buhok na nakatirintas. Kinuha ng batang doktor ang kanyang clipboard, nilapitan ang lalaki, at sinabi, “Ano po ang maitutulong ko?” Nakatingin lang sa kawalan ang matandang lalaki at hindi umimik. Ang doktor, na medyo nayamot, ay muling nagtanong. “Hindi ko kayo matutulungan kung hindi ninyo ako kakausapin,” sabi niya. “Sabihin po ninyo sa akin kung bakit kayo naparito sa ospital.”
Sa gayo’y tiningnan siya ng matandang lalaki at sinabing, “Marunong ka bang magsayaw?” Habang pinag-iisipan ng batang doktor ang kakaibang tanong na iyon, naisip niya na marahil ay isang albularyo ang pasyente niya na nanggagamot ng maysakit, ayon sa sinaunang mga kaugalian ng tribo, sa pamamagitan ng kanta at sayaw sa halip na magreseta ng gamot.
“Hindi po,” sabi ng doktor, “hindi ako marunong sumayaw. Marunong po ba kayong sumayaw?” Tumango ang matandang lalaki. Pagkatapos ay itinanong ng doktor, “Matuturuan ba ninyo akong sumayaw?”
Ang sagot ng matanda ay nagpaisip sa akin sa loob ng maraming taon. “Matuturuan kitang sumayaw,” sabi nito, “pero kailangan mong marinig ang musika.”
Kung minsan sa ating tahanan, matagumpay nating naituturo ang mga step ng sayaw ngunit hindi tayo gaanong matagumpay sa pagtulong sa ating mga kapamilya na marinig ang musika. At tulad ng alam ng matandang albularyo, mahirap sumayaw nang walang musika. Asiwa at hindi masayang sumayaw nang walang musika—at nakakahiya pa. Nasubukan na ba ninyo ito?
Sa bahagi 8 ng Doktrina at mga Tipan, itinuro ng Panginoon kina Joseph Smith at Oliver Cowdery, “Oo, masdan, sasabihin ko sa iyo sa iyong isipan at sa iyong puso, sa pamamagitan ng Espiritu Santo, na pasasaiyo at mananahanan sa iyong puso” (talata 2). Natututuhan natin ang mga step ng sayaw gamit ang ating isipan, ngunit naririnig natin ang musika gamit ang ating puso. Ang mga step ng sayaw ng ebanghelyo ang mga bagay na ginagawa natin; ang musika ng ebanghelyo ang espirituwal na kagalakang nagmumula sa Espiritu Santo. Binabago nito ang puso at ito ang pinagmumulan ng lahat ng matwid na hangarin. Ang mga step ng sayaw ay nangangailangan ng disiplina, ngunit ang galak sa pagsasayaw ay mararanasan lamang kapag narinig natin ang musika.
May mga nangungutya sa mga miyembro ng Simbahan dahil sa mga bagay na ginagawa natin. Nauunawaan natin iyan. Yaong mga madalas sumayaw ay mukhang kakatwa o nakakahiya o, ayon sa mga banal na kasulatan, “[kakaiba]” (I Ni Pedro 2:9) sa mga hindi makarinig sa musika. Naihinto na ba ninyo ang inyong sasakyan sa isang stoplight sa tabi ng isa pang kotse kung saan nagsasayaw at kumakanta nang napakalakas ang drayber—ngunit hindi ninyo marinig ang tugtog dahil nakasara ang bintana ninyo? Hindi ba medyo kakaiba siya? Kung matututuhan ng ating mga anak ang mga step ng sayaw nang hindi sila natututong makinig at makiramdam sa magandang musika ng ebanghelyo, sila kalaunan ay hindi na magiging komportable sa pagsasayaw at titigil o, halos kasinsama nito, mapipilitang magpatuloy dahil sa mga ibang nagsasayaw sa paligid nila.
Ang hamon sa ating lahat na naghahangad na ituro ang ebanghelyo ay ipaunawa ito nang higit pa sa pagtuturo ng mga step ng sayaw. Ang kaligayahan ng ating mga anak ay depende sa kakayahan nilang marinig at magustuhan ang magandang musika ng ebanghelyo. Paano natin ito gagawin?
Una, kailangan nating mamuhay ayon sa ebanghelyo para madama ang mga panghihikayat ng Espiritu Santo. Noong unang panahon, bago nagkaroon ng mga computer, nahahanap namin ang aming paboritong istasyon sa radyo sa maingat na pag-iikot ng pihitan ng radyo hanggang sa tumapat ito sa frequency ng istasyon. Kapag malapit na kami sa numero, ingay lang ang naririnig namin. Ngunit kapag natapat na kami sa mismong istasyon, malinaw na naririnig ang paborito naming musika. Sa ating buhay, kailangan tayong tumapat sa tamang frequency para marinig ang musika ng Espiritu.
Kapag tinanggap natin ang kaloob na Espiritu Santo pagkatapos ng binyag, napupuspos tayo ng makalangit na musikang lakip ng pagbabalik-loob. Nagbago ang ating puso, at tayo ay “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti” (Mosias 5:2). Ngunit hindi paroroon ang Espiritu kapag may kasamaan o kapalaluan o inggit. Kung mawala ang magiliw na impluwensyang iyan sa ating buhay, ang saganang himig ng ebanghelyo ay mabilis na mawawala at tuluyan nang hindi maririnig. Nakaaantig ang tanong ni Alma: “Kung inyo nang nadama ang umawit ng awit ng mapagtubos na pag-ibig, itinatanong ko, nadarama ba ninyo ang gayon ngayon?” (Alma 5:26).
Mga magulang, kung ang ating buhay ay hindi nakaayon sa musika ng ebanghelyo, kailangan nating iayon ito. Tulad ng itinuro sa atin ni Pangulong Thomas S. Monson noong Oktubre, kailangan nating panatagin ang landas ng ating mga paa (tingnan sa “Papanatagin Mo ang Landas ng Iyong mga Paa,” Liahona, Nob. 2014, 86–88). Alam natin kung paano gawin ito. Kailangan nating tumahak sa landas ding iyon na nilakaran natin nang una nating marinig ang makalangit na himig ng musika ng ebanghelyo. Sumasampalataya tayo kay Cristo, nagsisi, at nakikibahagi ng sakramento; higit nating nadarama ang impluwensya ng Espiritu Santo; at nagsisimulang muli ang musika ng ebanghelyo sa ating buhay.
Pangalawa, kapag narinig natin mismo ang musika, kailangan nating gawin ang lahat para patugtugin ito sa ating tahanan. Hindi ito isang bagay na maipipilit o mapupuwersa. “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote”—o ng pagiging ama o ina o ng pinakamalaki o pinakamalakas na boses—“tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, … ng hindi pakunwaring pag-ibig; [at] ng kabaitan” (D at T 121:41–42).
Bakit humahantong ang mga katangiang ito sa pagkakaroon ng mas matinding kapangyarihan at impluwensya sa tahanan? Dahil ito ang mga katangiang nag-aanyaya sa Espiritu Santo. Ang mga katangiang ito ang nagtutuon ng ating puso sa musika ng ebanghelyo. Kapag tinaglay natin ang mga ito, mas natural at masayang maisasayaw ng lahat ng mananayaw sa pamilya ang mga step ng sayaw, nang hindi na sila binabantaan o tinatakot o pinipilit.
Kapag maliliit pa ang ating mga anak, mapapatulog natin sila sa awit ng hindi pakunwaring pag-ibig, at kapag nagmatigas sila at ayaw nilang matulog sa gabi, baka kailangan natin silang patulugin sa awit ng mahabang pagtitiis. Kapag sila ay mga tinedyer na, maaari nating alisin ang mga pagtatalo at pagbabanta at, sa halip, gamitin ang magandang musika ng panghihikayat—at marahil ay kantahin ang pangalawang taludtod ng awit ng mahabang pagtitiis. Maaaring magkaisa ang mga magulang na ipakita ang magkaparehang mga katangian ng kahinahunan at kaamuan. Maaanyayahan natin ang ating mga anak na sumabay sa pagkanta natin habang nagpapakita tayo ng kabaitan sa isang kapitbahay na nangangailangan.
Hindi ito darating kaagad. Tulad ng alam ng lahat ng mahusay na musikero, kailangan ng masigasig na praktis para makapagtanghal ng magandang musika. Kung ang mga pagsisikap nating kumanta nang maayos sa umpisa ay tila disintonado at wala sa tono, alalahanin na ang pagkadisintonado ay hindi maitatama ng pamimintas. Ang pagtatalu-talo sa tahanan ay parang kadiliman sa isang silid. Walang gaanong buting idudulot ang pagalitan ang kadiliman. Kailangan nating pawiin ang kadiliman sa pagpapasok ng liwanag.
Kaya’t kung masyadong malakas at dominante ang mga bass sa inyong tahanan, o kung medyo matinis o wala sa tono ang mga kuwerdas, o kung wala sa tono o hindi mapigilan ang pabigla-biglang mga piccolo na iyon, magpasensya. Kung hindi ninyo naririnig ang musika ng ebanghelyo sa inyong tahanan, alalahanin sana ang tatlong salitang ito: patuloy na magsanay. Sa tulong ng Diyos, darating ang araw na mapupuno ng di-masambit na kagalakan ng musika ng ebanghelyo ang inyong tahanan.
Kahit mamuhay tayo nang matwid, hindi malulutas ng musika ang lahat ng ating problema. Nariyan pa rin ang mga panahon ng kaginhawahan at kahirapan, ng pagkakaisa at di-pagkakasundo sa ating buhay. Ganyan talaga ang buhay sa lupa.
Ngunit kapag nagdagdag tayo ng musika sa mga step ng sayaw, ang kung minsa’y kumplikadong ritmo ng pagsasama ng mag-asawa at pamilya ay humahantong sa pagkakasundo. Kahit ang ating mga hamon ay magdagdag ng magagandang tono at malalambing na himig sa ating buhay. Ang mga doktrina ng priesthood ay magsisimulang magpadalisay sa ating kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit. Makakasama natin ang Espiritu Santo sa tuwina, at ang ating setro—na malinaw na tumutukoy sa kapangyarihan at impluwensya—ay magiging di-nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan. At ang ating pamamahala ay magiging walang-hanggang pamamahala. At kahit hindi natin pilitin ay dadaloy ito sa atin magpakailanman at walang katapusan (tingnan sa D at T 121:45–46).
Nawa’y mangyari ito sa ating buhay at sa bawat tahanan natin ang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.