Magkasama Tayong Aangat
Bilang kababaihan at kalalakihang tumutupad sa mga tipan, kailangan nating pasiglahin at tulungan ang isa’t isa na maging mga taong nais ng Panginoon na kahinatnan natin.
Bukod sa nagbibigay-inspirasyong mga mensahe, musika, at dalangin na laging umaantig sa ating puso sa pangkalahatang kumperensya, maraming nagsabi sa aking kababaihan na ang pinakagusto nila ay ang mapanood ang Unang Panguluhan at Korum ng Labindalawa habang paalis sila sa podium na ito kasama ang kani-kanilang asawa. At hindi nga ba’t tayo nasisiyahang lahat na marinig ang magiliw na pahayag ng pagmamahal ng mga Kapatid para sa kanila?
Patungkol sa asawa niyang si Donna, sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer, “Dahil sa katungkulang hawak ko, sagradong obligasyon ko na sabihin ang totoo: Siya ay perpekto.”1
“Siya ang nagbibigay-sigla sa buhay ko,”2 sabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf tungkol sa kanyang asawang si Harriet.
Sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring patungkol sa kanyang asawang si Kathleen, “Siya [ang] tao na palaging nagpapadama sa aking gustong kong pagbutihin ang lahat ng ginagawa ko hanggang sa abot ng aking makakaya.”3
At sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson, patungkol sa kanyang mahal na si Frances, “Siya ang tangi kong pag-ibig, ang taong pinagkakatiwalaan ko, at pinakamatalik kong kaibigan. Ang sabihing nangungulila ako sa kanya kailanman ay hindi mailalarawan ng tunay kong damdamin.”4
Gusto ko ring ipahayag ang pagmamahal ko sa pinakamamahal kong kabiyak na si Craig. Siya ay isang mahalagang kaloob sa akin! Patungkol sa asawa ko, ipinangako sa isang natatangi at sagradong mga kataga sa patriarchal blessing ko na ang buhay ko at ng aking mga anak ay “iingatan niyang mabuti.” Malinaw sa akin na si Craig ang katuparan ng pangakong iyon. Mula sa mga salita ni Mark Twain, sinasabi ko na “hindi masaya ang buhay kung wala [si Craig].”5 Mahal ko siya, nang buong puso ko’t kaluluwa!
Mga Banal na Tungkulin at Responsibilidad
Ngayon nais kong parangalan ang mga asawa, ama, kapatid, anak na lalaki, at tiyo na alam kung sino sila at ginagawa ang lahat para gampanan ang kanilang papel na bigay ng Diyos ayon sa nakasaad sa pagpapahayag tungkol sa pamilya, pati na ang matwid na pamumuno at pagtustos at pagprotekta sa kanilang pamilya. Dapat ninyong malaman na masakit mang aminin, ang mga paksang pagiging ama, pagiging ina, at kasal ay nakababahala sa marami. Alam ko na pakiramdam ng ilang miyembro ng Simbahan ay hindi magiging uliran ang kanilang tahanan kailanman. Marami ang nasasaktan dahil sa kapabayaan, pang-aabuso, mga adiksyon, at mga maling tradisyon at kultura. Hindi ko binabalewala ang mga kilos ng kalalakihan o kababaihan na sadya o di-sinasadyang nagdulot ng sakit, kalungkutan, at kawalan ng pag-asa sa kanilang tahanan. Pero ngayon iba ang tinatalakay ko.
Naniniwala ako na ang asawang lalaki ay kaakit-akit sa kanyang kabiyak kapag siya ay naglilingkod sa tungkuling bigay sa kanya ng Diyos bilang karapat-dapat na maytaglay ng priesthood—lalo na sa tahanan. Gustung-gusto ko at naniniwala ako sa mga salitang ito ni Pangulong Packer sa karapat-dapat na mga asawang lalaki at ama: “Taglay ninyo ang kapangyarihan ng priesthood mula mismo sa Panginoon para protektahan ang inyong tahanan. May mga panahon na lahat ng tumatayong kalasag sa pagitan ng inyong pamilya at ng kasamaan ng kaaway ang siyang magiging kapangyarihang iyon.”6
Mga Espirituwal na Lider at Guro sa Tahanan
Sa simula ng taong ito dumalo ako sa burol ng isang pambihirang karaniwang tao—ang Tito Don ng asawa ko. Isa sa mga anak ni Tito Don ang nagbahagi ng karanasan niya noong bata pa siya, matapos bilhin ng kanyang mga magulang ang unang bahay nila. Dahil may limang maliliit na anak na pakakainin at dadamitan, hindi sapat ang pera para makapagbakod. Sa pag-iisip na mabuti sa isa sa kanyang mga banal na tungkulin bilang tagapagtanggol ng kanyang pamilya, nagbaon si Tito Don ng ilang maliliit na istaka sa lupa, kumuha ng pisi, at itinali ito sa bawat istaka sa paligid ng bakuran. Pagkatapos ay pinalapit niya ang kanyang mga anak. Ipinakita niya sa kanila ang mga istaka at pisi at ipinaliwanag na kung mananatili sila sa loob ng pansamantalang bakod na iyon, magiging ligtas sila.
Isang araw hindi makapaniwala ang mga visiting teacher habang palapit sa bahay nila at makita ang limang maliliit na bata na masunuring nakatayo sa tabi ng pisi, may panghihinayang na nakatingin sa isang bolang tumalbog sa labas ng bakod at napunta sa kalye. Tumakbo ang isang maliit na bata para tawagin ang kanilang tatay, na tumakbo, bilang tugon, at kinuha ang bola.
Kalaunan sa burol, umiiyak na sinabi ng panganay na anak na lalaki na umaasa siya na sa buhay na ito ay maging katulad siya ng kanyang mahal na ama.
Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Ah, mga asawa at ama sa Israel, marami kayong magagawa para sa kaligtasan at kadakilaan ng inyong pamilya! …
Tandaan ang sagrado ninyong tungkulin bilang ama sa Israel—ang pinakamahalaga ninyong tungkulin sa panahong ito at sa kawalang-hanggan—isang tungkulin kung saan hindi kayo mare-release kailanman.”
“Dapat kayong tumulong sa paglikha ng isang tahanan kung saan maaaring manahan ang Espiritu ng Panginoon.”7
Angkop na angkop ang mga salitang iyon ng propeta ngayon.
Napakahirap siguro sa mga pinagtipanang kalalakihan na mabuhay sa isang mundo na hindi lamang minamaliit ang kanilang mga banal na tungkulin at responsibilidad kundi naghahatid din ng maling mensahe tungkol sa kahulugan ng maging “tunay na lalaki.” Ang isang maling mensahe ay “Tungkol itong lahat sa akin.” Nasa kabilang dulo ng timbangan ang nakahihiya at nangungutyang mensahe na hindi na kailangan ang mga asawang lalaki at ama. Nakikiusap ako na huwag ninyong pakinggan ang mga kasinungalingan ni Satanas! Tinalikuran na niya ang sagradong pribilehiyo na maging asawa o ama. Dahil naiinggit siya sa mga taong may sagradong papel na hindi niya kailanman magagampanan, hangad niyang gawin “ang lahat ng tao … [na] kaaba-abang katulad ng kanyang sarili”!8
Pagpapasigla at Pagtulong sa Ating Magkatuwang na mga Tungkulin
Mga kapatid, kailangan natin ang isa’t isa! Bilang kababaihan at kalalakihang tumutupad sa mga tipan, kailangan nating pasiglahin at tulungan ang isa’t isa na maging mga taong nais ng Panginoon na kahinatnan natin. At kailangan tayong magtulungan na pasiglahin ang lumalaking henerasyon at tulungan silang maabot ang kanilang banal na potensyal bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan. Magagawa natin ang ginagawa ni Elder Robert D. Hales at ng kanyang asawang si Maria at sundin ang kawikaang “Buhatin mo ako at bubuhatin kita, at magkasama tayong aangat.”9
Alam natin mula sa banal na kasulatan na “hindi mabuti na ang lalake ay nag-iisa.” Kaya nga ang ating Ama sa Langit ay gumawa ng “katulong niya.”10 Ang ibig sabihin ng katagang katulong ay “katuwang na akma, karapat-dapat, o nauukol sa kanya.”11 Halimbawa, ang dalawang kamay natin ay magkatulad ngunit hindi parehong-pareho. Sa katunayan, magkabaligtad ang mga ito, ngunit nagkakatulong ito at angkop sa isa’t isa. Sa pagtutulungan, mas malakas sila.12
Sa isang kabanata tungkol sa mga pamilya, ganito ang nakasaad sa hanbuk ng Simbahan: “Ang likas na katangian ng mga lalaki at babaeng espiritu ay kinukumpleto nila ang isa’t isa.”13 Pansinin na hindi sinasabi roon na “nagpapagalingan sila,” kundi “kinukumpleto nila ang isa’t isa”! Narito tayo para tumulong, magpasigla, at magalak sa isa’t isa habang sinisikap nating magpakabuti. Matalinong itinuro ni Sister Barbara B. Smith, “Mas liligaya tayo kapag nagalak tayo sa mga tagumpay ng iba at hindi lamang sa ating sariling tagumpay.”14 Kapag hinangad nating “makumpleto” ang isa’t isa sa halip na “magpagalingan,” mas madaling matuwa sa tagumpay ng isa’t isa!
Noong bata pa akong ina ng ilang maliliit na anak, pagkatapos ng maghapong pagpapalit ng diaper, paghuhugas ng pinggan, at pagdidisiplina, wala nang ibang mas marubdob na umaawit ng kanta sa Primary na “Natutuwa ako sa pag-uwi ni Itay.”15 Inaamin ko na hindi ako laging masaya pagpasok ni Craig sa pintuan mula sa maghapong pagtatrabaho. Lagi niya kaming sinasalubong ng yakap at halik at ginagawang masasayang oras sa piling ni tatay ang maraming araw ng hirap at kaguluhan. Sana’y hindi ako naging gaanong abala sa mahabang listahan ng mga gagawin pa at mas nakapagtuon ako nang may talino, kagaya niya, sa mga bagay na pinakamahalaga. Mas maraming beses sana akong tumigil at ninamnam ang sagradong oras sa pamilya at mas napasalamatan ko sana siya dahil napagpala niya ang aming buhay!
Tayo nang Mag-usap nang Marahan
Hindi pa katagalan, isang matapat na babae sa Simbahan ang nagbahagi sa akin ng matinding alalahanin na matagal na niyang ipinagdarasal. Nag-aalala siya sa ilang kababaihan sa kanyang ward. Sinabi niya sa akin kung gaano siya nasasaktan kapag walang galang silang magsalita sa kanilang asawa at tungkol sa kanilang asawa kung minsan, kahit sa harap ng kanilang mga anak. Pagkatapos ikinuwento niya sa akin kung paanong noong dalagita pa siya ay taimtim niyang hinangad at ipinagdasal na makatagpo ng isang karapat-dapat na maytaglay ng priesthood at makasal dito at makabuo ng isang masayang tahanan sa piling nito. Lumaki siya sa isang tahanan na ang kanyang ina ang “nagdidikta” at sunud-sunuran ang kanyang ama sa mga hiling ng kanyang ina para mapanatili ang kapayapaan sa tahanan. Nadama niya na may mas mainam na paraan. Hindi niya ito nakita sa tahanang kinalakhan niya, ngunit sa taimtim na pagdarasal para sa patnubay, pinagpala siya ng Panginoon na malaman kung paano lumikha ng isang tahanan sa piling ng kanyang asawa kung saan ang Espiritu ay magiliw na tatanggapin. Nakapunta na ako sa tahanang iyon at mapapatotohanan ko na banal ang lugar na iyon!
Mga kapatid, gaano kadalas ba tayo sadyang “nag-uusap nang marahan [sa isa’t isa]”?16
Maaari nating subukan ang ating sarili gamit ang ilang tanong. Sa kaunting pag-aakma, maiaangkop ang mga tanong na ito sa karamihan sa atin, may-asawa man tayo o wala, anuman ang sitwasyon sa ating tahanan.
-
Kailan ko huling pinuri nang taos-puso ang asawa ko, nag-iisa man kami o kaharap ang mga anak namin?
-
Kailan ako huling nagpasalamat, nagpahayag ng pagmamahal, o taimtim na nagsumamo sa panalangin para sa kanya?
-
Kailan ko huling pinigil ang aking sarili sa pagsasabi ng isang bagay na alam kong makakasakit?
-
Kailan ako huling humingi ng paumanhin at mapagpakumbabang humingi ng tawad—nang hindi sinasabing “pero kung ginawa mo lang” o “pero kung hindi mo lang ginawa”?
-
Kailan ko huling piniling maging masaya sa halip na igiit na “tama” ako?
Ngayon, kung napangiwi o nabagabag kayo sa alinman sa mga tanong na ito, alalahanin na itinuro ni Elder David A. Bednar na “ang nababagabag na budhi sa ating espiritu ay katumbas ng sakit na nadarama ng ating katawan—isang babala ng panganib at proteksyon mula sa karagdagang pinsala.”17
Inaanyayahan ko ang lahat na dinggin ang taos-pusong pakiusap ni Elder Jeffrey R. Holland: “Mga kapatid, sa matagal at walang-hanggang mithiin nating maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas, nawa’y sikapin nating maging ‘sakdal’ na kalalakihan at kababaihan kahit man lang sa paraang ito ngayon—sa pamamagitan ng hindi paggamit ng masakit na salita, o sa mas positibong paraan, sa pagsasalita gamit ang bagong wika, ang wika ng mga anghel.”18
Habang naghahanda ako para sa pagkakataong ito ngayon, tinuruan ako ng Espiritu, at nangako akong mas madalas na magsalita nang may kabaitan sa aking mahal na kabiyak at tungkol sa kanya, na iangat ang kalalakihan sa aking pamilya at magpasalamat sa mga paraan ng pagganap nila sa kanilang mga banal na tungkuling magkakatugma. At nangako akong sundin ang kawikaang “Buhatin mo ako at bubuhatin kita, at magkasama tayong aangat.”
Sasamahan ba ninyo ako sa paghingi ng tulong ng Espiritu Santo na turuan tayo kung paano natin mas maiaangat ang bawat isa sa ating magkakatugmang tungkulin bilang mga pinagtipanang anak ng ating mapagmahal na mga magulang sa langit?
Alam ko na sa pamamagitan ng nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at ng ating pananampalataya sa Kanya, magagawa natin ito. Dalangin ko na magtiwala tayo na tutulungan Niya tayong tulungan ang isa’t isa na mamuhay nang maligaya at walang hanggan habang sama-sama tayong umaangat, sa pangalan ni Jesucristo, amen.