Bakit Mahalaga ang Kasal at Pamilya—sa Lahat ng Dako ng Mundo
Pamilya ang sentro ng buhay at susi sa walang-hanggang kaligayahan.
Noong nakaraang Nobyembre, nagkaroon ako ng pribilehiyong maanyayahan—kasama nina Pangulong Henry B. Eyring at Bishop Gérald Caussé—na dumalo sa isang kumperensya tungkol sa kasal at pamilya sa Vatican sa Rome, Italy. Naroon ang mga kinatawan ng 14 na iba’t ibang relihiyon at anim sa pitong kontinente, na pawang inimbitahang magpahayag ng kanilang paniniwala tungkol sa nangyayari sa pamilya sa mundo ngayon.
Binuksan ni Pope Francis ang unang sesyon ng pulong sa pahayag na ito: “Nabubuhay tayo ngayon sa isang kulturang pansamantala ang mga bagay-bagay, kung saan parami nang parami ang mga taong umaayaw sa kasal bilang pagpapakita ng katapatan. Ang pagbabagong ito sa pag-uugali at moralidad ay madalas pangatwiranang pagpapahayag ng kalayaan, ngunit ang totoo ay nagdudulot ito ng espirituwal at pisikal na pagkawasak sa napakaraming tao, lalo na sa mga pinakadukha at pinakamahina. … Sila palagi ang higit na nagdurusa sa krisis na ito.”1
Sa pagtukoy sa lumalaking henerasyon, sinabi niya na mahalagang “huwag patangay sa maling ideya [mentalidad] na pansamantala lamang ang mga bagay-bagay, sa halip ay maging magigiting na may tapang na hanapin ang tunay at walang-hanggang pagmamahal, na naninindigan laban sa mga bagay na naging karaniwan na”; kailangang gawin ito.2
Sinundan ito ng tatlong araw na paglalahad at pakikipagtalakayan sa mga pinuno ng relihiyon ukol sa paksa ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Nang pakinggan ko ang napakaraming pinuno ng mga relihiyon sa iba’t ibang dako ng mundo, narinig ko silang lubos na sumasang-ayon sa isa’t isa at nagpapahayag ng suporta sa mga paniniwala ng isa’t isa tungkol sa kasagraduhan ng kasal at kahalagahan ng mga pamilya bilang pangunahing yunit ng lipunan. Nadama ko ang pagkakatulad at pagkakaisa ng kanilang mga mithiin, interes, at pananaw.
Maraming nakakita at nagpahayag ng pagkakaisang ito, at ginawa nila iyon sa iba’t ibang paraan. Ang isa sa mga paborito ko ay nang banggitin ng isang Muslim scholar na taga-Iran ang dalawang talata mula sa ating sariling pagpapahayag tungkol sa pamilya.
Sa kumperensya, napuna ko na kapag nagkakaisa ang iba’t ibang pananampalataya at sekta at relihiyon tungkol sa kasal at pamilya, nagkakaisa rin sila tungkol sa mga pinahahalagahan at katapatan at debosyon na likas sa mga yunit ng pamilya. Kapansin-pansin para sa akin kung paano naging mas mahalaga ang kasal at mga prayoridad na nakasentro sa pamilya kaysa anumang pagkakaiba-iba sa pulitika, ekonomiya, o relihiyon. Pagdating sa pagmamahal sa asawa at mga inaasam, pag-aalala, at pangarap para sa mga anak, pare-pareho tayong lahat.
Kagila-gilalas na dumalo sa mga pulong kasama ang mga kinatawan mula sa iba’t ibang lugar habang inilalahad nila ang kanilang damdamin tungkol sa kahalagahan ng kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Bawat mensahe nila ay sinundan ng mga patotoo mula sa ibang mga pinuno ng relihiyon. Nagbigay si Pangulong Henry B. Eyring ng huling patotoo sa kumperensya. Malakas ang patotoong binitiwan niya tungkol sa kagandahan ng isang kasal na puno ng katapatan at sa paniniwala natin sa ipinangakong pagpapala ng mga walang-hanggang pamilya.
Ang patotoo ni Pangulong Eyring ay angkop na pagtatapos sa tatlong espesyal na araw na iyon.
Ngayon, maitatanong ninyo, “Kung nadama ng karamihan ang pagkakatulad na iyon sa prayoridad at mga paniniwala tungkol sa pamilya, kung lahat ng pananampalataya at relihiyong iyon ay nagkasundo talaga kung ano dapat ang kasal, at kung nagkasundo silang lahat tungkol sa pagpapahalagang dapat ibigay sa mga tahanan at ugnayan ng pamilya, ano ang ipinagkaiba natin? Paano namumukod at naiiba ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa ibang relihiyon sa mundo?”
Narito ang sagot: kahit magandang tingnan at maramdaman na marami tayong pagkakatulad sa iba pang relihiyon sa mundo tungkol sa ating pamilya, tayo lamang ang may walang-hanggang pananaw tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo.
Ang hatid ng ipinanumbalik na ebanghelyo sa talakayan tungkol sa kasal at pamilya ay napakalaki at napakahalaga at dapat bigyang-diin: ginagawa nating pangwalang-hanggan ang paksang ito! Lalo pa nating pinag-iibayo ang katapatan at kasagraduhan ng kasal dahil pinaniniwalaan at nauunawaan natin na ang mga pamilya ay babalik sa pinagmulan nito bago pa nilikha ang mundo at na maaari silang sumulong sa kawalang-hanggan.
Ang doktrinang ito ay itinuro nang napakasimple, nakaaantig, at napakaganda sa teksto ni Ruth Gardner para sa awit sa Primary na “Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan.” Tumigil sandali at isipin ang mga batang Primary sa buong mundo na kinakanta ang mga salitang ito sa kanilang katutubong wika, nang napakalakas, nang buong sigasig, na pinag-iibayo ng matinding pagmamahal sa pamilya:
Mag-anak ay Magsasamang Walang Hanggan
Sa plano ng Ama.
Nais kong kapiling ang mag-anak namin,
Paraan nito’y bigay ng Diyos.3
Ang buong teolohiya ng ating ipinanumbalik na ebanghelyo ay nakasentro sa mga pamilya at sa bago at walang-hanggang tipan ng kasal. Sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, naniniwala tayo sa buhay bago pa tayo isinilang kung saan tayo nabuhay na lahat bilang literal na mga espiritung anak ng ating Diyos Ama sa Langit. Tayo ay naniniwala na noon, at hanggang ngayon, tayo ay mga miyembro ng Kanyang pamilya.
Naniniwala tayo na ang kasal at mga ugnayan ng pamilya ay maaaring magpatuloy sa kabilang buhay—na ang mga kasal na isinagawa ng mga yaong may wastong awtoridad sa Kanyang mga templo ay patuloy na magkakaroon ng bisa sa daigdig na darating. Hindi natin sinasabi sa mga seremonya natin sa kasal ang “hanggang sa tayo’y paghiwalayin ng kamatayan” sa halip ay sinasabi nating, “para sa panahon at sa buong kawalang-hanggan.”
Naniniwala rin tayo na ang matibay na mga tradisyonal na pamilya ay hindi lamang mga pangunahing yunit ng isang matatag na lipunan, isang matatag na ekonomiya, at isang matatag na kultura ng mga alituntunin o pamantayang moral—kundi mga pangunahing yunit din sila ng kawalang-hanggan at ng kaharian at pamahalaan ng Diyos.
Naniniwala tayo na ang organisasyon at pamahalaan ng langit ay isasalig sa mga pamilya at kamag-anak.
Dahil naniniwala tayo na ang kasal at pamilya ay walang hanggan, nais natin, bilang isang simbahan, na mamuno at makabahagi sa mga pagsisikap sa iba’t ibang dako ng mundo para patatagin ang mga ito. Alam natin na hindi lamang yaong mga aktibong nagsisimba ang naniniwala sa mga alituntuning moral at mga prayoridad ng kasal na pangwalang-hanggan at matatag na ugnayan ng pamilya. Napatunayan ng maraming tao na ang katapatan sa asawa at pagkakaroon ng pamilya ang pinakamabuti, pinakamatipid, at pinakamasayang paraan ng pamumuhay.
Wala pang nakakaisip ng mas magandang paraan para palakihin ang susunod na henerasyon kaysa sa isang tahanan ng kasal na mga magulang na may mga anak.
Bakit dapat maging mahalaga ang kasal at pamilya—sa lahat ng dako? Makikita sa mga pampublikong opinyon na kasal pa rin ang uliran at inaasam ng karamihan anuman ang edad nila—kahit sa henerasyong isinilang sa pagitan ng 1980’s at 2000’s, kung saan marami tayong naririnig tungkol sa mga taong piniling huwag mag-asawa, manatiling malaya, at magsama nang hindi kasal sa halip na magpakasal. Ang totoo’y halos lahat ng tao sa buong mundo ay nais pa ring magkaanak at bumuo ng matatatag na pamilya.
Sa sandaling tayo’y mag-asawa at magkaanak, nagiging mas malinaw ang tunay na pagkakatulad ng buong sangkatauhan. Bilang “mga taong may pamilya”—saanman tayo nakatira o anuman ang ating relihiyon—pareho ang ating mga paghihirap, pakikitungo, at ating mga inaasam, pag-aalala, at pangarap para sa ating mga anak.
Tulad ng sinabi ng kolumnista ng New York Times na si David Brooks: “Hindi umiigi ang buhay ng mga tao kapag binigyan sila ng lubos na kalayaang gawin ang gusto nila. Umiigi ang buhay nila kapag puno sila ng mga obligasyon at responsibilidad na higit pa sa personal nilang pinili—mga obligasyon sa pamilya, sa Diyos, sa trabaho at sa bayan.”4
Ang isang problema ay na karamihan sa media at libangan sa buong mundo ay hindi naaayon sa mga prayoridad at pinahahalagahan ng karamihan. Anuman ang mga dahilan, karamihan sa napapanood at naririnig natin sa telebisyon, sine, musika, at Internet ay nagpapakita ng karaniwang sitwasyon kung saan ang kakaunti ay nagmumukhang nakararami. Ang imoralidad at kawalan ng moralidad, mula sa matinding karahasan hanggang sa pakikipagseks para lang masiyahan, ay inilalarawang normal at maaaring maging dahilan para madama nating may moralidad na parang tayo ay nahuhuli sa uso o makaluma. Sa mundong ito na naiimpluwensyahan ng media at Internet, mas mahirap magpalaki ng responsableng mga anak at panatilihing buo ang pagsasama ng mga mag-asawa at pamilya.
Gayunman, sa kabila ng iminumungkahi ng iba’t ibang uri ng media at libangan at sa kabila ng kitang-kitang kawalan ng interes ng ilan sa kasal at pamilya, naniniwala pa rin ang karamihan ng mga tao na ang kasal ay nararapat lamang sa pagitan ng isang lalaki at isang babae. Naniniwala sila sa katapatan sa asawa, at sa mga sumpaan sa kasal na “sa karamdaman at kalusugan” at “hanggang sa tayo’y paghiwalayin ng kamatayan.”
Kailangan nating ipaalala sa ating sarili paminsan-minsan, tulad noong maalala ko iyon sa Rome, ang nakapapayapa at nakapapanatag na katotohanan na kasal at pamilya pa rin ang mithiin at uliran ng karamihan at na hindi tayo nag-iisa sa mga paniniwalang iyon. Mas mahirap balansehin ang trabaho, pamilya, at personal na mga pangangailangan sa ating panahon kaysa rati. Bilang isang simbahan, nais nating tumulong hangga’t kaya natin upang makabuo ng matibay na pagsasama ng mag-asawa at pamilya at masuportahan ito.
Iyan ang dahilan kaya aktibo ang Simbahan sa pakikibahagi at pamumuno sa iba’t ibang koalisyon at pagsisikap ng iba’t ibang relihiyon na patatagin ang pamilya. Iyan ang dahilan kaya tayo nagbabahagi ng mga pinahahalagahan ng ating pamilya sa media at sa social media. Iyan ang dahilan kaya tayo nagbabahagi ng mga genealogical at family record ng ating mga kamag-anak sa lahat ng bansa.
Nais nating iparinig ang ating tinig laban sa lahat ng mali at alternatibong uri ng pamumuhay na nagtatangkang pumalit sa organisasyon ng pamilya na itinatag mismo ng Diyos. Nais din nating iparinig ang ating tinig sa pagsuporta sa kagalakan at tagumpay na hatid ng tradisyonal na pamilya. Kailangan nating patuloy na iparinig ang tinig na iyan sa buong mundo na nagpapahayag kung bakit napakahalaga ng kasal at pamilya, bakit talagang mahalaga ang kasal at pamilya, at bakit mananatiling mahalaga ang mga ito.
Mga kapatid, ang ipinanumbalik na ebanghelyo ay nakasentro sa kasal at pamilya. Sa kasal at pamilya rin tayo maaaring makipagkaisa nang lubusan sa iba pang mga relihiyon. Sa kasal at pamilya natin matatagpuan ang ating pinakamalaking pagkakatulad sa iba sa mundo. Sa kasal at pamilya may pinakamalaking pagkakataon ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw na maging liwanag sa tuktok ng burol.
Magtatapos ako sa pagbibigay ng patotoo (at lubos ang karapatan kong sabihin ito dahil siyamnapung taon na ako sa mundong ito) na habang tumatanda ako, mas natatanto ko na ang pamilya ang sentro ng buhay at susi sa walang-hanggang kaligayahan.
Salamat sa aking asawa, mga anak, mga apo at apo-sa-tuhod, at lahat ng pinsan at pamilya ng asawa ko at kamag-anak na nagpapayaman sa buhay ko at, oo, maging magpasawalang-hanggan. Iniiwan ko ang aking pinakamalakas at pinakasagradong patotoo tungkol sa walang-hanggang katotohanang ito sa pangalan ni Jesucristo, amen.