Ang Sabbath ay Kaluguran
Paano ninyo matitiyak na ang asal at kilos ninyo sa araw ng Sabbath ay maghahatid ng saya at galak?
Mahal kong mga kapatid, ang dalawang araw ng kumperensya ay naging kasiya-siya. Pinasigla tayo ng nakakapukaw na musika at ng magagandang panalangin. Ang ating mga espiritu ay pinagtibay ng mga mensahe ng liwanag at katotohanan. Sa Linggo ng Pagkabuhay na ito, tayo ay sama-sama at taos-pusong nagpapasalamat muli sa Diyos para sa propeta!
Ang tanong para sa bawat isa sa atin ay: dahil sa mga narinig at naramdaman ko sa kumperensyang ito, paano ako magbabago? Anuman ang inyong maging sagot, inaanyayahan ko rin kayo na suriin ang inyong mga saloobin, at ikinikilos sa araw ng Sabbath.
Nakasiya sa akin ang mga salita ni Isaias, na tinawag ang Sabbath na “kaluguran.”1 Ngunit itinatanong ko rin sa aking sarili kung totoo nga bang kaluguran ang Sabbath para sa inyo at para sa akin?
Una akong nakahanap ng kaluguran sa Sabbath maraming taon na ang nakalipas nang, bilang isang abalang siruhano, nalaman ko na ang Sabbath ay naging araw para sa personal na paggaling. Sa katapusan ng bawat linggo, humahapdi ang aking mga kamay dahil sa paulit-ulit na pagkuskos dito gamit ang sabon, tubig, at matigas na brush. Kailangan ko ring mapahinga mula sa napakaraming gawaing dulot ng mahirap na propesyon. Lubos na pahinga ang bigay ng araw ng Linggo.
Ano ang ibig sabihin ng Tagapagligtas noong sabihin Niya na “ginawa ang sabbath ng dahil sa tao, at di ang tao ng dahil sa sabbath”?2 Naniniwala ako na nais Niyang maunawaan natin na ang Sabbath ay handog Niya sa atin, na nagbibigay ng tunay na pahinga mula sa hirap ng pang-araw-araw na buhay at pagkakataon para sa panibagong lakas na espirituwal at pisikal. Ibinigay ng Diyos sa atin ang natatanging araw na ito, hindi para sa paglilibang o pagtatrabaho kundi para magpahinga mula sa tungkulin, at magkaroon ng kapahingahan ang katawan at espiritu.
Sa Hebreo, ang ibig sabihin ng salitang Sabbath ay “pahinga.” Ang layunin ng Sabbath ay sinimulan noong Paglikha ng daigdig, nang pagkatapos ng anim na araw ng paggawa, ang Panginoon ay nagpahinga mula sa paglikha.3 Noong Kanyang ipahayag ang Sampung Utos kay Moises, iniutos ng Diyos na ating “alalahanin ang araw ng sabbath upang ipangilin.”4 Pagkatapos, ang Sabbath ay ipinangilin bilang pag-alaala sa pagpapalaya sa Israel mula sa pagkaalipin sa Egipto.5 Marahil ang pinakaimportante, ang Sabbath ay ibinigay bilang walang-hanggang tipan, isang patuloy na paalala na mapapabanal ng Panginoon ang Kanyang mga tao.6
Maliban diyan, ngayon ay nakikibahagi tayo ng sakramento sa araw ng Sabbath bilang pag-alaala sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo.7 Muli, tayo ay nakikipagtipan na handa tayong taglayin ang Kanyang banal na pangalan.8
Ipinakilala ng Tagapagligtas ang Kanyang Sarili bilang Panginoon ng Sabbath.9 Ito ay Kanyang araw! Paulit-ulit Niyang hiniling sa atin na ipangilin ang Sabbath10 o gawing banal ang araw ng Sabbath.11 Tayo ay nakipagtipan na gawin ito.
Paano ba natin ginagawang banal ang araw ng Sabbath? Noong ako ay bata pa, pinag-aralan ko ang listahan na ginawa ng ibang tao tungkol sa bagay na dapat gawin at hindi dapat gawin sa araw ng Sabbath. Kalaunan ko lang natutuhan mula sa mga banal na kasulatan na ang aking kilos at pag-uugali sa Sabbath ay dapat na maging tanda sa pagitan ko at ng aking Ama sa Langit.12 Dahil sa pagkaunawang iyon, hindi ko na kailangan ng mga listahan ng mga dapat at mga hindi dapat gawin. Kapag kailangan kong magpasiya kung ang isang aktibidad ay angkop o hindi sa araw ng Sabbath, tinatanong ko lang ang aking sarili, “Anong tanda ang nais kong ibigay sa Diyos?” Sa tanong na iyon naging napakalinaw sa akin ang mga dapat piliin sa araw ng Sabbath.
Kahit na ang doktrina ukol sa araw ng Sabbath ay nagsimula noong unang panahon, ito ay ipananumbalik sa mga huling araw na ito bilang bahagi ng bagong tipan na may pangako. Pakinggan ang kapangyarihan ng banal na utos na ito:
“At upang lalo pa ninyong mapag-ingatan ang inyong sariling walang bahid-dungis mula sa sanlibutan, kayo ay magtungo sa pa[na]langinan at ihandog ang inyong sakramento sa aking banal na araw;
“Sapagkat katotohanang ito ay araw na itinakda sa inyo upang magpahinga mula sa inyong mga gawain, at iukol ang inyong mga pananalangin sa Kataas-taasan. …
“At sa araw na ito … ihanda ang inyong pagkain nang may katapatan ng puso upang ang inyong pag-aayuno ay maging ganap, … upang ang inyong kagalakan ay malubos …
“At yayamang ginagawa [ninyo] ang mga bagay na ito nang may pasasalamat, nang may maligayang mga puso at mukha … ang kabuuan ng mundo ay sa inyo.”13
Isipin ang saklaw ng pahayag na iyan! Ang kabuuan ng mundo ay ipinangako sa kanila na nagpapanatiling banal sa araw ng Sabbath.14 Hindi nakapagtataka na tinawag ni Isaias ang Sabbath na “kaluguran.”
Paano ninyo matitiyak na ang asal at kilos ninyo sa araw ng Sabbath ay maghahatid ng saya at galak? Bukod sa inyong pagpunta sa simbahan, sa pakikibahagi sa sakramento, at sa pagiging masipag sa kani-kanyang tungkuling maglingkod, ano pa ang ibang gawain na makakatulong para magawang kaluguran ang Sabbath para sa inyo? Ano ang tanda na ibibigay ninyo sa Panginoon para maipakita ang pagmamahal ninyo sa Kanya?
Ang Sabbath ay nagbibigay ng magandang pagkakataon para patibayin ang ugnayan ng pamilya. Walang alinlangang nais ng Diyos na ang bawat isa sa atin, bilang Kanyang mga anak, ay makabalik sa Kanya bilang mga Banal na tumanggap ng endowment, na ibinuklod sa mga templo bilang mga pamilya, sa ating mga ninuno, at sa ating mga inapo.15
Ginagawa nating kaluguran ang Sabbath kung tayo ay nagtuturo ng ebanghelyo sa ating mga anak. Ang ating responsibilidad bilang mga magulang ay malinaw. Sinabi ng Panginoon, “Yayamang ang mga magulang ay may mga anak sa Sion, … na hindi nagtuturo sa kanila na maunawaan ang doktrina ng pagsisisi, pananampalataya kay Cristo ang Anak ng buhay na Diyos, at ng pagbibinyag at ang kaloob na Espiritu Santo sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay, pagsapit ng walong taong gulang, ang kasalanan ay nasa ulo ng mga magulang.”16
Ilang taon na ang nakalipas binigyang-diin ng Unang Panguluhan ang kahalagahan ng pag-uukol ng sapat na panahon sa pamilya. Isinulat nila:
“Nananawagan kami sa mga magulang na mag-ukol ng kanilang pinakamatinding pagsisikap sa pagtuturo at pagpapalaki ng kanilang mga anak sa mga alituntunin ng ebanghelyo na magpapanatili sa kanila sa Simbahan. Ang tahanan ang batayan ng matwid na buhay, at wala nang ibang kaparaanan na makakapalit sa lugar nito o makakaganap sa mahalagang tungkulin nito sa pagpapatupad ng responsibilidad na ibinigay ng Diyos.
“Aming ipinapayo sa mga magulang at mga anak na gawing pinakamataas na priyoridad ang panalangin ng pamilya, family home evening, pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo, at makabuluhan na mga gawaing pampamilya. Kahit na karapat-dapat at naaangkop ang ibang pangangailangan o gawain, ang mga ito ay hindi dapat payagang pumalit sa banal na tungkulin na tanging mga magulang at mga pamilya lamang ang sapat na makakagawa.”17
Nang pagnilayan ko ang payong ito, halos hilingin ko na sana ay isa akong batang ama muli. Ngayon, ang mga magulang ay mayroong magagandang mapagkukunang materyal na magagamit para matulungan silang gawing mas makabuluhan ang oras sa pamilya, tuwing Sabbath at sa ibang araw din. Mayroon silang LDS.org, Mormon.org, mga Bible video, Mormon Channel, Media Library, Friend, New Era, Ensign, Liahona, at maraming-marami pang iba. Ang mga mapagkukunan na ito ay talagang makakatulong sa mga magulang sa pagtupad ng kanilang banal na tungkulin na turuan ang kanilang mga anak. Wala nang iba pang gawain ang hihigit kaysa sa pagiging mabuti at lubos na nangangalagang magulang.
Sa pagtuturo ninyo ng ebanghelyo, marami kayong matututuhan. Ito ang paraan ng Panginoon para tulungan kayong maunawaan ang Kanyang ebanghelyo. Sinabi niya:
“Binibigyan ko kayo ng kautusan na turuan ninyo ang isa’t isa ng doktrina ng kaharian.
“Masigasig kayong magturo … , upang kayo ay lalong ganap na matagubilinan … sa doktrina, sa batas ng ebanghelyo, sa lahat ng bagay na nauukol sa kaharian ng Diyos.”18
Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay ginagawang kaluguran ang Sabbath. Ang pangakong ito ay nauukol sa pamilya gaano man kalaki ito, sino man ang mga miyembro nito, o saan man ito naroon.
Maliban pa sa oras na kasama ang pamilya, makakaranas kayo ng tunay na kaluguran sa Sabbath sa paggawa ng family history. Ang pagsasaliksik at paghahanap ng mga kapamilya na pumanaw na sa mundong ito—sila na hindi nagkaroon ng pagkakataon na tanggapin ang ebanghelyo habang naririto—ay maaaring makapagdulot ng malaking kagalakan.
Nakita ko ito sa sarili kong buhay. Ilang taon na ang nakalipas, ang aking mahal na asawa, si Wendy, ay nagpasiyang matuto kung paano magsaliksik ng family history. Sa una ay mabagal siya, ngunit paunti-unti, natutuhan niya kung gaano kadaling gawin ang sagradong gawaing ito. At napansin ko na naging mas masaya siya. Kayo man ay hindi na kailangan pang pumunta sa ibang bansa o kahit sa family history center. Sa bahay, gamit ang computer o mobile device, maaari ninyong matukoy ang mga kaluluwa na sabik nang magawan ng mga ordenansa. Gawin ang Sabbath na kaluguran sa pamamagitan ng paghahanap at pagpapalaya sa kanila na mga nasa bilangguan ng mga espiritu!19
Gawin ang Sabbath na kaluguran sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba, lalo na silang may mga karamdaman o nalulungkot o nangangailangan.20 Ang pagpapasigla sa kanilang mga espiritu ay magpapasigla rin sa inyo.
Noong inilarawan ni Isaias ang Sabbath bilang “kaluguran,” itinuro din niya sa atin kung paano ito gagawing kalugud-lugod. Sinabi niya:
“Kung iyong iuurong ang … paggawa ng iyong kalayawan sa aking banal na kaarawan; at iyong tawagin ang sabbath na kaluguran, … at iyong pararangalan [ang Panginoon], na hindi ka lalakad sa iyong mga sariling lakad, ni hahanap ng iyong sariling kalayawan, ni magsasalita ng iyong mga sariling salita:
“Kung magkagayo’y malulugod ka nga sa Panginoon.”21
Ang hindi paghahangad na gawin ang “iyong kalayawan” sa Sabbath ay nangangailangan ng disiplina sa sarili. Maaaring pagkaitan ninyo ang inyong sarili ng anumang gusto ninyo. Kung pipiliin ninyong malugod ang inyong sarili sa Panginoon, hindi ninyo ituturing ang Sabbath na pangkaraniwang araw. Ang mga gawain at libangang karaniwang ginagawa ay maaaring gawin sa ibang araw.
Isipin ito: Sa pagbabayad ng ikapu, ibinabalik natin sa Panginoon ang ikasampung bahagi ng ating kinita. Sa pagpapanatiling banal ng Sabbath, inilalaan natin para sa Kanya ang isang araw sa pitong araw. Kaya pribilehiyo nating maglaan ng pera at panahon para sa Kanya na nagpapahiram sa atin ng buhay bawat araw.22
Ang pananampalataya sa Diyos ay nagbubunga ng pagmamahal sa Sabbath; ang pananampalataya sa Sabbath ay nagbubunga ng pagmamahal sa Diyos. Ang banal na Sabbath ay tunay na kaluguran.
Ngayon, sa malapit na pagtatapos ng kumperensyang ito, alam natin na saan man tayo nakatira na dapat tayong maging mga halimbawa ng mga nagsisisampalataya sa ating mga pamilya, kapitbahay, at kaibigan.23 Ang mga tunay na nagsisisampalataya ay pinapanatiling banal ang araw ng Sabbath.
Magtatapos ako sa pakiusap ni Moroni bilang pamamaalam, nang matapos niya ang Aklat ni Mormon. Isinulat niya, “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, at pagkaitan ang inyong sarili ng lahat ng kasamaan; at kung inyong pagkakaitan ang sarili ng lahat ng kasamaan, at iibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon … kayo ay pinabanal kay Cristo.”24
Dama ang pagmamahal sa aking puso, iniiwan ko ito sa inyo bilang aking panalangin, patotoo, at basbas sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.