2010–2019
Pagiging Ama—ang Ating Walang-Hanggang Tadhana
Abril 2015


10:29

Pagiging Ama—ang Ating Walang-Hanggang Tadhana

Nawa’y matamasa ng bawat isa sa atin ang kaganapan ng mga pagpapala ng Ama sa buhay na ito at ang katuparan ng Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian sa pagiging mga ama sa ating mga pamilya magpasawalang-hanggan.

Tinuruan ako ng aking ama ng mahalagang aral noong bata pa ako. Nadama niya na labis kong nagugustuhan ang mga temporal na bagay. Noong may pera ako, ginastos ko ito kaagad—halos laging sa sarili ko.

Painting of a father talking to son in front of window with a view of the city below

Isang hapon isinama niya akong bumili ng bagong sapatos. Sa ikalawang palapag ng department store, niyaya niya akong dumungaw kami sa bintana.

“Ano’ng nakikita mo?” tanong niya.

“Mga gusali, langit, mga tao” ang sagot ko.

“Ilan?”

“Marami po!”

Pagkatapos ay dumukot siya ng barya sa bulsa niya. Nang iabot niya iyon sa akin, itinanong niya, “Ano ito?”

Alam ko kaagad: “Isang dolyar na pilak!”

Dahil sa kaalaman niya sa chemistry, sinabi niya, “Kung tutunawin mo ang dolyar na pilak at hahaluan mo ito ng mga tamang sangkap, magkakaroon ka ng silver nitrate. Kung papahiran natin ng silver nitrate ang bintanang ito, ano’ng makikita mo?”

Wala akong ideya, kaya sinamahan niya ako sa isang malaking salamin na kita ang buong katawan at itinanong, “Ano’ng nakikita mo?”

Father and son looking in a mirror at a clothing store.

“Sarili ko.”

“Hindi,” sagot niya, “ang nakikita mo ay ang pilak na nakabanaag ka. Kung nakatuon ka sa pilak, sarili mo lang ang makikita mo, at parang tabing, hindi mo makikita nang malinaw ang walang-hanggang tadhanang inihanda ng Ama sa Langit para sa iyo.”

“Larry,” sabi pa niya, “‘huwag [mong] hanapin ang mga bagay ng daigdig na ito [kundi iyo] munang hangarin … ang kaharian ng Diyos, at pagtibayin ang [Kanyang] katwiran; at ang lahat ng bagay na ito ay pawang idaragdag sa [iyo]’” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 6:38 [sa Mateo 6:33, footnote a]).

Ipinatago niya sa akin ang dolyar at huwag ko raw itong iwala. Tuwing titingnan ko ito, dapat kong isipin ang walang-hanggang tadhanang laan ng Ama sa Langit para sa akin.

Mahal ko ang aking ama at kung paano siya nagturo. Gusto kong maging katulad niya. Itinanim niya sa puso ko ang hangaring maging mabuting ama, at ang pinakaaasam ko ay matularan ko ang kanyang halimbawa.

Madalas sabihin ni Pangulong Thomas S. Monson na ang ating mga desisyon ang nagpapasiya sa ating tadhana at walang hanggan ang bunga ng mga ito (tingnan sa “Decisions Determine Destiny” [Church Educational System fireside, Nob 6, 2005], 2; lds.org/broadcasts).

Hindi ba nararapat, kung gayon, na magkaroon tayo ng malinaw na pananaw sa ating walang-hanggang tadhana, lalo na yaong nais ng Ama sa Langit na marating natin—ang pagiging walang-hanggang ama? Hayaan nating ang ating walang-hanggang tadhana ang magtulak sa lahat ng ating desisyon. Gaano man kahirap ang mga desisyong iyon, palalakasin tayo ng Ama.

Nalaman ko ang tungkol sa kapangyarihan ng gayong pananaw nang samahan ko ang aking 12- at 13-taong-gulang na mga anak na lalaki sa isang 50/20 competition. Ang 50/20 ay binubuo ng paglakad nang 50 milya (80 km) nang wala pang 20 oras. Nagsimula kami nang alas-9:00 n.g. at naglakad kami nang buong magdamag at halos buong araw kinabukasan. Napakasakit sa likod ang 19 na oras, pero nagtagumpay kami.

Nang makauwi kami, talagang hilahod kaming pumasok sa bahay, kung saan naghanda ang isang napakabait na asawa at ina ng masarap na hapunan, na hindi namin nagalaw. Humandusay ang mas bata kong anak, sa sobrang pagod, sa sopa, samantalang ang mas matanda ay hilahod na bumaba sa kanyang silid.

Matapos akong makapagpahinga nang kaunti, pinuntahan ko ang aking nakababatang anak para tiyakin kung buhay pa siya.

“OK ka lang ba?” tanong ko.

“Dad, iyon ang pinakamahirap na bagay na nagawa ko, at ayaw ko nang ulitin iyon.”

Ayaw kong sabihin sa kanya na hinding-hindi ko na rin iyon uulitin. Sa halip, sinabi ko sa kanya kung gaano ko ipinagmamalaki na nagawa niya ang gayon kahirap na bagay. Alam kong ihahanda siya nito para sa mas mahihirap na bagay na daranasin niya sa hinaharap. Nasasaisip iyon, sinabi ko, “Anak, mangangako ako sa iyo. Kapag nagmisyon ka, hinding-hindi ka na maglalakad nang 50 milya sa isang araw.”

“Mabuti naman po, Dad! Kung gayo’y magmimisyon ako.”

Napuspos ng pasasalamat at galak ang kaluluwa ko sa simpleng mga salitang iyon.

Pagkatapos ay bumaba ako sa panganay ko. Tinabihan ko siya—at saka ko siya hinaplos. “Anak, OK ka lang ba?”

“Dad, iyon ang pinakamahirap na bagay na nagawa ko sa buong buhay ko, at hinding-hindi ko na uulitin iyon.” Pumikit siya—at dumilat—at sinabi niya, “Puwera na lang kung gusto ng anak ko.”

Tumulo ang luha ko nang sabihin ko kung gaano kalaki ang pasasalamat ko para sa kanya. Sinabi ko sa kanya na alam kong magiging mas mabuti siyang ama kaysa sa akin. Napuspos ang puso ko na sa bata at murang edad niya ay naunawaan na niya na isa sa kanyang mga pinakasagradong tungkulin sa priesthood ang maging ama. Hindi siya takot sa tungkulin at titulong iyon—ang mismong titulong nais ng Diyos mismo na gamitin natin kapag kausap natin Siya. Alam ko na responsibilidad kong pangalagaan ang ningas ng pagiging ama na nag-aalab sa kalooban ng aking anak.

Ang mga salitang ito ng Tagapagligtas ay nagkaroon ng mas malalim na kahulugan sa akin bilang ama:

“Hindi makagagawa ang Anak ng anoman sa kaniyang sarili kundi ang makita niyang gawin ng Ama; sapagka’t [anumang bagay] na kaniyang ginagawa, ay ang mga ito rin naman ang ginagawa ng Anak sa gayon ding paraan” (Juan 5:19).

“Wala akong ginagawa sa aking sarili, kundi … ayon sa itinuro sa akin ng Ama” (Juan 8:28).

Gustung-gusto ko ang maging asawa at ama—na kasal sa isang piling anak na babae ng mga magulang sa langit. Mahal ko siya. Ito ang isa sa mga pinaka-nakasisiyang bahagi ng aking buhay. Inasam ko noong gabing iyon na ang limang anak kong lalaki at ang kanilang kapatid na babae ay lagi akong makitaan ng galak na nagmumula sa walang-hanggang kasal, sa pagiging ama, at sa pamilya.

Mga ama, tiyak ko na narinig na ninyo ang kasabihang “Ipangaral ang ebanghelyo sa lahat ng oras, at kapag kailangan magsalita kayo” (mula kay Francis ng Assisi). Araw-araw itinuturo ninyo sa inyong mga anak ang kahulugan ng pagiging ama. Naglalatag kayo ng pundasyon para sa susunod na henerasyon. Matututo ang inyong mga anak na lalaki kung paano maging asawa at ama sa pagmamasid sa pagganap ninyo sa mga tungkuling ito. Halimbawa:

Alam ba nila kung gaano ninyo kamahal at itinatangi ang kanilang ina at kung gaano ninyo kagusto ang pagiging ama?

Malalaman nila kung paano tratuhin ang kanilang magiging asawa at mga anak kapag minasdan nila ang pagtrato ninyo sa bawat isa sa kanila tulad ng gagawin ng Ama sa Langit.

Sa inyong halimbawa, matututuhan nila kung paano igalang, bigyang-dangal, at protektahan ang mga babae.

Sa inyong tahanan, matututo silang mangulo sa kanilang pamilya nang may pagmamahal at kabanalan. Matututo silang maglaan ng mga pangangailangan sa buhay at ng proteksyon para sa kanilang pamilya—sa temporal at sa espirituwal (tingnan sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129).

Mga kapatid, buong lakas ng kaluluwang hinihiling ko na isipin ninyo ang tanong na ito: Nakikita ba ng inyong mga anak na lalaki na sinisikap ninyong gawin ang nais ng Ama sa Langit na gawin nila ?

Sana’y oo ang sagot ninyo. Kung ang sagot ay hindi, hindi pa huli para magbago, ngunit kailangan na ninyong magsimula ngayon. Pinatototohanan ko na tutulungan kayo ng Ama sa Langit.

Ngayon, kayong mga binatilyo, na mahal na mahal ko, alam ninyo na naghahanda kayong tumanggap ng Melchizedek Priesthood, tumanggap ng mga sagradong ordenansa sa templo, gumanap ng inyong tungkulin at obligasyon na maglingkod sa full-time mission, at pagkatapos, magpakasal sa templo sa isang anak na babae ng Diyos at magkaroon ng pamilya nang hindi na naghihintay nang matagal. Sa gayon ay mamumuno kayo sa inyong pamilya sa mga espirituwal na bagay ayon sa patnubay ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 20:44; 46:2; 107:12).

Natanong ko na ito sa maraming binatilyo sa iba’t ibang panig ng mundo, “Bakit kayo narito?”

Hanggang ngayon, wala pang sumasagot ng, “Para matutong maging ama, nang maging handa at karapat-dapat akong tanggapin ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit.”

Suriin natin ang inyong mga tungkulin sa Aaronic Priesthood na ipinaliwanag sa bahagi 20 ng Doktrina at mga Tipan. Maging sensitibo sa nadarama ninyo habang inaangkop ko ang mga tungkuling ito sa paglilingkod ninyo sa inyong pamilya.

“Mag-anyaya sa lahat [ng inyong pamilya] na lumapit kay Cristo” (talata 59).

“Pangalagaan [sila] tuwina, at makapiling at palakasin sila” (talata 53).

“Mangaral, magturo, magpaliwanag, manghikayat, at magbinyag” sa mga miyembro ng inyong pamilya (talata 46).

“Hikayatin silang manalangin nang malakas at nang lihim at isagawa ang lahat ng tungkulin na pangmag-anak” (talata 47).

“Tiyakin na walang kasamaan sa [inyong pamilya], ni samaan ng loob sa bawat isa, ni pagsisinungaling, paninirang-puri, ni pagsasalita ng masama” (talata 54).

“Tiyakin na ang [inyong pamilya ay] madalas na sama-samang nagtitipon” (talata 55).

Tulungan ang inyong ama sa kanyang mga tungkulin bilang patriarch. Suportahan ng lakas ng priesthood ang inyong ina kapag wala ang ama (tingnan sa mga talata 52, 56).

Kapag hinilingan, “ordenan ang ibang mga [priest, teacher, at deacon]” sa inyong pamilya (talata48).

Hindi ba mukhang ito ang gawain at tungkulin ng isang ama?

A young man reading a a Church publication.

Ang pagganap sa inyong mga tungkulin sa Aaronic Priesthood ay naghahanda sa inyong mga binatilyo sa pagiging ama. Ang sangguniang Tungkulin sa Diyos ay makatutulong sa inyo na malaman ang tungkol sa at gumawa ng partikular na mga plano sa pagganap sa inyong mga tungkulin. Magsisilbi itong gabay at tulong kapag hinangad ninyo ang kalooban ng Ama sa Langit at nagtakda kayo ng mga mithiin para maisagawa ito.

Dinala kayo ng Ama sa Langit dito sa partikular na panahong ito para sa isang espesyal na gawain at walang-hanggang layunin. Nais Niyang makita ninyo nang malinaw at maunawaan kung ano ang layuning iyon. Siya ang inyong Ama, at maaari kayong humingi ng patnubay sa Kanya sa tuwina.

Alam ko na nagmamalasakit ang Ama sa Langit sa bawat isa sa atin at may personal na plano Siya para sa atin upang makamtan natin ang ating walang-hanggang tadhana. Ipinadala Niya ang Kanyang Bugtong na Anak na si Jesucristo upang tulungan tayong madaig ang ating mga pagkakamali sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Biniyayaan Niya tayo ng Espiritu Santo upang maging saksi, kasama, at gabay tungo sa ating walang-hanggang hantungan kung aasa tayo sa Kanya. Nawa’y matamasa ng bawat isa sa atin ang kaganapan ng mga pagpapala ng Ama sa buhay na ito at ang katuparan ng Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian sa pagiging mga ama sa ating mga pamilya magpasawalang-hanggan (tingnan sa Moises 1:39). Sa pangalan ni Jesucrito, amen.