2010–2019
Ang Talinghaga ng Manghahasik
Abril 2015


15:38

Ang Talinghaga ng Manghahasik

Tayo na ang magtatakda ng mga prayoridad at gagawa ng mga bagay para maging mabuti ang ating lupa at umani nang sagana.

Ang mga paksa sa pangkalahatang kumperensya ay iniaatas—hindi sa pamamagitan ng mortal na awtoridad kundi sa mga pahiwatig ng Espiritu. Maraming paksang tutugon sa mga problema nating lahat. Ngunit gaya ng hindi itinuro ni Jesus kung paano daigin ang mga hamon sa buhay o paniniil ng mga pulitiko sa Kanyang panahon, karaniwa’y binibigyang-inspirasyon Niya ang Kanyang makabagong mga lingkod na magsalita tungkol sa kung ano ang magagawa natin para magbago ang ating buhay at makapaghanda sa pagbalik sa ating tahanan sa langit. Sa katapusan ng linggong ito sa Pasko ng Pagkabuhay nadama ko na dapat akong magsalita tungkol sa mahalaga at walang-kamatayang mga turo sa isa sa mga talinghaga ni Jesus.

Ang talinghaga ng manghahasik ay isa sa ilang talinghagang iniulat sa lahat ng tatlong buod na Ebanghelyo. Isa rin ito sa mas maliit pang grupo ng mga talinghagang ipinaliwanag ni Jesus sa Kanyang mga disipulo. Ang binhing inihasik ay ang “salita ng kaharian” (Mateo 13:19), “ang salita” (Marcos 4:14), o “ang salita ng Diyos” (Lucas 8:11)—ang mga turo ng Panginoon at ng Kanyang mga lingkod.

Ang iba’t ibang lupang kinahulugan ng mga binhi ay kumakatawan sa iba’t ibang paraan ng pagtanggap at pagsunod ng mga tao sa mga turong ito. Dahil dito ang mga binhing “nangahulog sa tabi ng daan” (Marcos 4:4) ay hindi umabot sa lupa kung saan maaaring tumubo ang mga ito. Para itong mga turo na nahulog sa isang pusong matigas o hindi handa. Wala na akong sasabihin pa tungkol dito. Ang mensahe ko ay para sa atin na nangakong magiging mga alagad ni Cristo. Ano ang gagawin natin sa mga turo ng Tagapagligtas habang nabubuhay tayo?

Ang talinghaga ng manghahasik ay nagbababala sa atin tungkol sa mga sitwasyon at saloobin na maaaring humadlang sa sinumang nakatanggap ng binhi ng mensahe ng ebanghelyo na magkaroon ng magandang ani.

I. Batuhan, Walang Ugat

Ang ilang binhi ay “nangahulog sa batuhan, na doo’y walang maraming lupa; at pagdaka’y sumibol, sapagka’t hindi malalim ang lupa: at nang sumikat ang araw, ay nangainitan; at dahil sa walang ugat, ay nangatuyo” (Marcos 4:5–6).

Ipinaliwanag ni Jesus na ganito ang mga tao na “pagkarinig nila ng salita, pagdaka’y nagsisitanggap na may galak,” ngunit dahil “hindi nangaguugat sa kanilang sarili, … [nang magkaroon] ng kapighatian o ng mga paguusig dahil sa salita, pagdaka’y nangatisod sila” (Marcos 4:16–17).

Bakit “hindi nangaguugat sa kanilang sarili” ang mga tagapakinig? Ito ang kalagayan ng mga bagong miyembro na nagpabinyag lamang dahil sa mga missionary o sa maraming kaakit-akit na katangian ng Simbahan o sa magagandang bunga ng pagiging miyembro ng Simbahan. Dahil hindi nag-ugat sa salita, maaari silang mainitan at matuyot kapag nagkaroon ng oposisyon. Ngunit kahit yaong mga lumaki sa Simbahan—ang matatagal nang miyembro—ay maaaring hindi pa rin nagkakaugat. Nakilala ko ang ilan sa kanila—mga miyembrong walang matibay at matatag na paniniwala sa ebanghelyo ni Jesucristo. Kung hindi tayo nag-ugat sa mga turo ng ebanghelyo at hindi natin ito regular na ipinamumuhay, sinuman sa atin ay magiging sintigas ng bato ang puso, na mabatong lupa para sa espirituwal na mga binhi.

Espirituwal na pagkain ang kailangan para sa espirituwal na kaligtasan, lalo na sa mundong lumalayo sa paniniwala sa Diyos at sa walang-alinlangang mga batas tungkol sa tama at mali. Sa panahong laganap ang paggamit ng Internet, na nakatuon sa mga mensaheng nagpapahina ng pananampalataya, kailangan tayong malantad pa sa espirituwal na katotohanan para lumakas ang ating pananampalataya at manatili tayong nakaugat sa ebanghelyo.

Mga kabataan, kung ang aral na iyan ay lubhang karaniwan, narito ang partikular na halimbawa. Kung ang mga simbolo ng sakramento ay ipinapasa at kayo ay nagte-text o bumubulong o naglalaro ng video games o may iba pang ginagawa na nagkakait sa inyong sarili ng mahalagang espirituwal na pagkain, pinuputol ninyo ang inyong mga espirituwal na ugat at lumilipat kayo sa mabatong lupa. Pinahihina ninyo ang inyong sarili at matutuyot kayo kapag naharap kayo sa matinding hirap na gaya ng pagkahiwalay sa iba, pananakot, o pangungutya. At totoo rin ito sa matatanda.

Ang isa pang makasisira ng mga espirituwal na ugat—na pinabibilis ng kasalukuyang teknolohiya ngunit hindi naiiba rito—ay ang makitid na pananaw tungkol sa ebanghelyo o sa Simbahan. Ang limitadong pananaw na ito ay nakatuon sa isang doktrina o gawi o napansing kakulangan sa isang pinuno at binabalewala ang maraming aspeto ng plano ng ebanghelyo at ang personal at panlahatang biyayang dulot nito. Nagbigay si Pangulong Gordon B. Hinckley ng isang malinaw na paglalarawan ng isang aspeto ng makitid na pananaw na ito. Nagkuwento siya sa isang BYU audience tungkol sa mga komentarista sa pulitika na “nag-aapoy sa galit” sa isang kababalitang kaganapan. “Mahusay silang nagbuhos ng galit at insulto. Tiyak,” pagtatapos niya, “na katanggap-tanggap at popular ito sa panahong ito.”1 Sa kabilang dako, para matatag na mag-ugat sa ebanghelyo, kailangan tayong maging mahinahon at maingat sa pamimintas at laging maghangad ng mas malawak na pananaw tungkol sa kagila-gilalas na gawain ng Diyos.

II. Mga Tinik: Mga Alalahanin ng Mundong Ito at Pandaraya ng mga Kayamanan

Itinuro ni Jesus na “ang ilan ay nangahulog sa dawagan, at nagsilaki ang mga dawag, at ininis ang mga pananim, at ito’y hindi nangamunga” (Marcos 4:7). Ipinaliwanag Niya na ito ay “yaong nangakinig ng salita, at ang mga pagsusumakit na ukol sa sanglibutan, at ang daya ng mga kayamanan, at ang mga pita ng ibang mga bagay na nagsisipasok, ang nagsiinis sa salita, at ito’y nagiging walang bunga” (Marcos 4:18–19). Tiyak na isa itong babala na dapat nating pakinggang lahat.

Babanggitin ko muna ang pandaraya ng mga kayamanan. Saanman tayo naroon sa ating espirituwal na paglalakbay—anuman ang kalagayan ng ating paniniwala—lahat tayo ay natutukso nito. Kapag ang mga saloobin o prayoridad ay nakatuon sa pagtatamo, paggamit, o pagkakaroon ng ari-arian, tinatawag natin itong materyalismo. Napakarami nang nasabi at naisulat tungkol sa materyalismo kaya kaunti na lang ang idaragdag dito.2 Yaong mga naniniwala sa tinatawag na teolohiya ng kaunlaran ay nadadaya ng mga kayamanan. Ang pagkakaroon ng kayamanan o malaking kita ay hindi tanda ng pagsang-ayon ng langit, at ang kawalan nito ay hindi katibayan ng di-pagsang-ayon ng langit. Nang sabihin ni Jesus sa matapat na alagad na maaari siyang magmana ng buhay na walang hanggan kung ibibigay lang niya ang lahat ng mayroon siya sa mga maralita (tingnan sa Marcos 10:17–24), hindi Niya sinasabi na masamang magkaroon ng kayamanan kundi masama ang saloobin ng tagasunod tungkol dito. Gaya ng alam nating lahat, pinuri ni Jesus ang mabuting Samaritano, na gumamit ng salapi para maglingkod sa kanyang kapwa na katulad ng salaping ginamit ni Judas sa pagkakanulo sa kanyang Tagapagligtas. Ang ugat ng lahat ng kasamaan ay hindi salapi kundi ang pag-ibig sa salapi (tingnan sa I Kay Timoteo 6:10).

Ikinuwento sa Aklat ni Mormon ang isang pagkakataon na ang Simbahan ng Diyos ay “nagsimulang maantala … sa pag-unlad” (Alma 4:10) dahil “ang mga tao ng simbahan ay nagsimulang … [ilagak] ang kanilang mga puso sa mga kayamanan at sa mga walang kabuluhang bagay ng daigdig” (Alma 4:8). Ang sinumang sagana sa materyal na bagay ay nanganganib na espirituwal na “mapakalma” ng mga kayamanan at ng iba pang mga bagay ng mundo.3 Akmang pambungad ito sa sumunod na mga turo ng Tagapagligtas.

Ang pinakatusong mga tinik na magpapahina sa epekto ng salita ng ebanghelyo sa ating buhay ay ang mga makamundong puwersa na tinawag ni Jesus na “pagsusumakit at kayamanan at mga kalayawan sa buhay na ito” (Lucas 8:14). Napakarami nito para isa-isahin. Sapat na ang ilang halimbawa.

Minsa’y pinagsabihan ni Jesus ang Kanyang punong Apostol, na sinasabi kay Pedro, “Ikaw ay tisod sa akin: sapagka’t hindi mo [ninanamnam] ang mga bagay ng Dios, kundi ang mga bagay ng tao” (Mateo 16:23; tingnan din sa D at T 3:6–7; 58:39). Ang ibig sabihin ng ninanamnam ang mga bagay ng tao ay pag-una sa mga alalahanin ng mundong ito kaysa sa mga bagay ng Diyos sa ating mga kilos, prayoridad, at pag-iisip.

Sumusuko tayo sa “mga kalayawan sa buhay na ito” (1) kapag tayo ay nalulong, na nagpapahina sa mahalagang kaloob ng Diyos na kalayaan; (2) kapag nadaya tayo ng mga munting gambala, na naglalayo sa atin sa mga bagay na walang hanggan ang kahalagahan; at (3) kapag inisip natin na karapatan nating matanggap ang isang bagay, na hadlang sa personal na paglagong kailangan para maging marapat tayo sa ating walang-hanggang tadhana.

Nadaraig tayo ng “mga alalahanin … ng buhay na ito” kapag hindi tayo makakilos dahil sa takot sa hinaharap, na humahadlang sa pagsulong natin nang may pananampalataya, pagtitiwala sa Diyos at sa Kanyang mga pangako. Dalawampu’t limang taon na ang nakararaan nagsalita ang kagalang-galang kong guro sa BYU na si Hugh W. Nibley tungkol sa mga panganib ng pagsuko sa mga alalahanin ng mundo. Tinanong siya sa isang interbyu kung ang kalagayan ng mundo at ang tungkulin nating ipalaganap ang ebanghelyo ang dahilan para hangarin natin kahit paano na “pagbigyan ang mundo sa ginagawa natin sa Simbahan.”4

Sagot niya: “Iyan ang buong kasaysayan ng Simbahan, hindi ba? Kailanga’y handa kayong manakit ng damdamin, kailanga’y handa kayong makipagsapalaran. Diyan pumapasok ang pananampalataya. … Ang ating katapatan ay kailangang subukan, maging mahirap, hindi praktikal ayon sa mga pamantayan ng mundong ito.”5

Ang prayoridad na ito ng ebanghelyo ay pinagtibay sa BYU campus ilang buwan lang ang nakararaan ng isang kilalang lider na Katoliko, si Charles J. Chaput, ang archbishop ng Philadelphia. Sa pagsasalita tungkol sa “mga problema kapwa ng mga komunidad na LDS at Katoliko,” tulad ng “tungkol sa kasal at pamilya, likas na katangian ng ating seksuwalidad, kabanalan ng buhay ng tao, at kahalagahan ng kalayaang pangrelihiyon,” sinabi niya:

“Gusto kong muling bigyang-diin ang kahalagahan ng patunay na pagsasabuhay ng ating pinaniniwalaan. Kailangan itong unahin—hindi lang sa buhay natin at ng ating pamilya kundi sa ating mga simbahan, mga pagpili natin sa pulitika, mga pakikitungo natin sa mga kasosyo sa negosyo, pakikitungo natin sa mga maralita; sa madaling-salita, sa lahat ng ating ginagawa.”

“Narito ang dahilan kung bakit ito mahalaga,” sabi pa niya. “Matuto mula sa karanasan ng Katoliko. Naniniwala kaming mga Katoliko na ang aming bokasyon ay maging lebadura sa lipunan. Ngunit napakaliit ng pagitan ng maging lebadura sa lipunan, at malamon ng lipunan.”6

Ang babala ng Tagapagligtas tungkol sa mga alalahanin ng mundong ito na magpapahina sa salita ng Diyos sa ating buhay ay talagang humahamon sa atin na ituon ang ating mga prayoridad—ituon ang ating puso—sa mga utos ng Diyos at ng pamunuan ng Kanyang Simbahan.

Ang mga halimbawa ng Tagapagligtas ay magpapaisip sa atin na ang talinghagang ito ay talinghaga ng mga lupa. Ang kaangkupan ng lupa ay nakasalalay sa puso ng bawat isa sa atin na nakalantad sa binhi ng ebanghelyo. Kapag inisip natin ang kahandaan ng tao na tumanggap ng espirituwal na mga turo, ang ilang puso ay matigas at hindi handa, ang ilan ay mabato dahil hindi nagagamit, at ang ilan ay nakatuon sa mga bagay ng mundo.

III. Nahulog sa Mabuting Lupa at Namunga

Ang talinghaga ng manghahasik ay nagtatapos sa paglalarawan ng Tagapagligtas sa binhing “nangahulog sa mabuting lupa, at nangagbunga” sa iba’t ibang paraan (Mateo 13:8). Paano natin maihahanda ang ating sarili na maging mabuting lupa at magkaroon ng magandang ani?

Ipinaliwanag ni Jesus na “sa mabuting lupa ay ang mga pusong timtiman at mabuti, na iniingatan ang salita pagkarinig, at nangagbubungang may pagtitiis” (Lucas 8:15). Nasa atin ang binhi ng salita ng ebanghelyo. Tayo na ang magtatakda ng mga prayoridad at gagawa ng mga bagay para maging mabuti ang ating lupa at umani tayo nang sagana. Kailangan nating hangaring maging matibay na nakaugat at nananampalataya sa ebanghelyo ni Jesucristo (tingnan sa Colosas 2:6–7). Nakakamtan natin ang pagbabagong-loob na ito sa pagdarasal, pagbabasa ng mga banal na kasulatan, paglilingkod, at regular na pakikibahagi ng sakramento para mapasaatin tuwina ang Kanyang Espiritu. Kailangan din nating hangarin ang malaking pagbabago ng puso (tingnan sa Alma 5:12–14) na pumapawi sa masasamang hangarin at mga makasariling mithiin at napapalitan ito ng pag-ibig sa Diyos at ng hangaring paglingkuran Siya at ang Kanyang mga anak.

Pinatototohanan ko na totoo ang mga bagay na ito at pinatototohanan ko ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagtuturo ng daan at ang Pagbabayad-sala ay ginawang posible ang lahat, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Let Not Your Heart Be Troubled” (Brigham Young University devotional, Okt. 29, 1974), 1; speeches.byu.edu.

  2. Tingnan, halimbawa, sa Dallin H. Oaks, “Materialism,” kabanata 5 sa Pure in Heart (1988), 73–87.

  3. Utang na loob ko kay Elder Neal A. Maxwell ang di-malilimutang larawang ito (tingnan sa “These Are Your Days,” Ensign, Okt. 2004, 26).

  4. James P. Bell, sa “Hugh Nibley, in Black and White,” BYU Today, Mayo 1990, 37.

  5. Hugh Nibley, sa “Hugh Nibley, sa Black and White,” 37–38.

  6. Charles J. Chaput, “The Great Charter at 800: Why It Still Matters,” First Things, Ene. 23, 2015, firstthings.com/web-exclusives/2015/01/the-great-charter-at-800; tingnan din sa Tad Walch, “At BYU, Catholic Archbishop Seeks Friends, Says U.S. Liberty Depends on Moral People,” Deseret News, Ene. 23, 2015, deseretnews.com/article/865620233/At-BYU-Catholic-archbishop-seeks-friends-says-US-liberty-depends-on-moral-people.html. Sinabi rin ni Archbishop Chaput na “ang ilan sa aming pinakamagagandang institusyong Katoliko ay nawala na o labis na humina ang kaugnayan sa kanilang relihiyon. … Ang Brigham Young ay … isang pambihirang unibersidad … dahil ito ay isang sentro ng pag-aaral na pinayaman ng kaugnayan nito sa relihiyon. Huwag kalimutan iyan kailanman” (“The Great Charter at 800”).