Dumating Nawa ang Kaharian Mo
Ang ideya na darating Siya ay nagpapasaya sa aking kaluluwa. Magiging kagila-gilalas iyon! Ang saklaw at karingalan, ang lawak at kadakilaan, ay hihigit sa anumang nakita o naranasan na ng tao.
Habang kumakanta tayo, lubha akong naantig sa kaisipan na sa sandaling ito daan-daang libo, marahil milyun-milyon ang naniniwalang mga Banal sa mahigit 150 bansa, sa kamangha-manghang 75 iba’t ibang wika,1 at sama-sama tayong nananawagan sa Diyos, sa pag-awit:
“Halina, Hari ng Lahat!”3 Tayo ay napakalaking pandaigdigang pamilya ng mga nananalig, na mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.
Tinaglay na natin ang Kanyang pangalan, at sa pagtanggap natin ng sakramento linggu-linggo, nangangako tayo na lagi natin Siyang aalalahanin at susundin ang Kanyang mga utos. Hindi tayo perpekto, ngunit hindi mababaw ang ating pananampalataya. Nananalig tayo sa Kanya. Sinasamba natin Siya. Sinusunod natin Siya. Mahal na mahal natin Siya. Ang kanyang layunin ang pinakadakilang layunin sa buong mundo.
Nabubuhay tayo, mga kapatid, sa panahon bago ang Ikalawang Pagparito ng Panginoon, na matagal nang inasam ng mga nagsisisampalataya sa paglipas ng mga panahon. Nabubuhay tayo sa panahon ng mga digmaan at bali-balita tungkol sa mga digmaan, sa panahon ng mga kalamidad, sa panahong ang mundo ay puno ng kawalang-katiyakan at kaguluhan.
Ngunit nabubuhay rin tayo sa maluwalhating panahon ng Panunumbalik, kung kailan ang ebanghelyo ay inihahatid sa buong mundo—isang panahon kung saan nangako ang Panginoon na Siya “ay magbabangon … ng mga dalisay na tao”4 at poprotektahan sila “ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos.”5
Nagagalak tayo sa mga araw na ito at dumadalangin na buong tapang nating maharap ang mga paghihirap at kawalang-katiyakan. Ang mga paghihirap ng ilan ay mas matindi kaysa sa iba, ngunit walang hindi daranas nito. Minsa’y sinabi sa akin ni Elder Neal A. Maxwell, “Kung lahat ng nangyayari sa iyo ay maganda, maghintay ka lang.”
Bagama’t paulit-ulit na tinitiyak ng Panginoon na tayo ay “hindi kinakailangang matakot,”6 ang pagkakaroon ng malinaw na pananaw at pagtingin hindi lang sa mundong ito ay hindi laging madali kapag tayo ay nasa gitna ng mga pagsubok.
Tinuruan ako ni Pangulong Thomas S. Monson ng mahalagang aral tungkol sa pagkakaroon ng walang-hanggang pananaw.
Labing-walong taon na ang nakalipas habang sakay ng tren papuntang Switzerland kasama si Pangulong Monson, tinanong ko siya tungkol sa mabibigat niyang responsibilidad. Ang kanyang sagot ay nagpalakas sa aking pananampalataya. “Sa Unang Panguluhan,” sabi niya, “ginagawa namin ang lahat para isulong ang gawaing ito. Ngunit ito ang gawain ng Panginoon, at pinamamahalaan Niya ito. Siya ang namumuno rito. Namamangha tayo habang pinanonood natin ang pagbubukas Niya ng mga pinto na hindi natin mabuksan at nagsasagawa ng mga himala na hindi natin mawari.”7
Mga kapatid, ang makita at maniwala sa mga himala ng Panginoon sa pagtatatag ng Kanyang kaharian sa lupa ay makakatulong sa atin na makita at maniwala na ang kamay ng Panginoon ay kumikilos din sa buhay natin mismo.
Sinabi ng Panginoon, “May kakayahan akong gawin ang aking sariling gawain.”8 Sinisikap ng bawat isa sa atin na gawin ang ating bahagi, ngunit Siya ang dakilang Lumikha. Sa patnubay ng Kanyang Ama, nilikha Niya ang daigdig na ito. “Ang lahat ng mga bagay ay ginawa sa pamamagitan niya; at alin man sa lahat ng ginawa ay hindi ginawa kung wala siya.”9 Kapag tayo ay espirituwal na gising at alisto, nakikita natin ang Kanyang kamay sa iba’t ibang panig ng mundo at sa ating sariling buhay.
Magbibigay ako ng isang halimbawa.
Noong 1831, na 600 pa lang ang mga miyembro ng Simbahan, sinabi ng Panginoon, “Ang mga susi ng kaharian ng Diyos ay ipinagkatiwala sa tao sa mundo, at mula rito ang ebanghelyo ay lalaganap hanggang sa mga dulo ng mundo, gaya ng batong tinibag mula sa bundok, hindi ng mga kamay ay lalaganap, hanggang sa mapuno nito ang buong mundo.”10
Nakita ni Propetang Nephi na sa ating panahon “kakaunti” lang ang magiging miyembro ng Simbahan kung ihahambing sa populasyon ng mundo ngunit sila ay “nasa lahat ng dako ng mundo.”11
Tatlong magagandang halimbawa ng pagpapakita ng kamay ng Panginoon sa pagtatatag ng Kanyang kaharian ay ang mga templong ibinalita ngayon ni Pangulong Monson. Ilang dekada lamang ang nakalipas, sino ang mag-aakalang magkakaroon ng mga templo sa Haiti, Thailand, at Ivory Coast?
Ang lugar na pagtatayuan ng templo ay hindi madaling desisyon. Dumarating ito sa pamamagitan ng paghahayag ng Panginoon sa Kanyang mga propeta, na nagpapahiwatig ng dakilang gawaing gagawin, at pagkilala sa kabutihan ng mga Banal na magpapahalaga at mangangalaga sa Kanyang bahay sa paglipas ng mga henerasyon.12
Kami ng asawa kong si Kathy ay bumisita sa Haiti dalawang taon pa lang ang nakalipas. Sa tuktok ng bundok na tanaw ang Port-au-Prince, ginunita namin kasama ng mga Banal na Haitian ang paglalaan ng bansa ng noon ay si Elder Thomas S. Monson 30 taon na ang nakalipas. Hindi malilimutan ng sinuman sa atin ang mapangwasak na lindol sa Haiti noong 2010. Sa tulong ng matatapat na miyembro at magigiting na grupo ng mga missionary na halos lahat ay Haitian, ang Simbahan sa bansang ito ay patuloy na umuunlad at lumalakas. Sumisigla ang aking pananampalataya kapag nakikinita ko ang mga matwid na Banal na ito ng Diyos, na nakasuot ng puti, na taglay ang kapangyarihan ng banal na priesthood para pamahalaan at isagawa ang mga sagradong ordenansa sa bahay ng Panginoon.
Sino ang makakaisip na magkakaroon ng bahay ng Panginoon sa magandang lungsod ng Bangkok? Ang mga Kristiyano ay 1 porsiyento lamang sa bansang ito ng mga Buddhist. Tulad sa Haiti, nakita rin natin sa Bangkok na tinitipon ng Panginoon ang mga hinirang sa mundo. Habang naroon kami ilang buwan na ang nakalipas, nakilala namin sina Sathit at Juthamas Kaivaivatana at ang matatapat nilang mga anak. Sumapi si Sathit sa Simbahan noong 17 anyos siya at nagmisyon sa kanyang lupang sinilangan. Kalaunan ay nakilala niya si Juthamas sa institute, at nabuklod sila sa Manila Philippines Temple. Noong 1993, ang mga Kaivaivatana ay nabundol ng isang drayber ng trak na nakatulog, at si Sathit ay naparalisado mula sa kanyang dibdib pababa. Hindi nanghina ang kanilang pananampalataya. Si Sathit ay isang gurong hinahangaan sa International School Bangkok. Siya ang stake president ng Thailand Bangkok North Stake. Nakikita natin ang mga himala ng Diyos sa Kanyang kamangha-manghang gawain at sa ating buhay.
Ang himala ng Simbahan sa Ivory Coast ay hindi maikukuwento nang hindi binabanggit ang pangalan ng dalawang mag-asawa: Sina Philippe at Annelies Assard, at sina Lucien at Agathe Affoue. Sila ay naging mga miyembro ng Simbahan noong mga bago pa lang silang mag-asawa, isa sa Germany at isa sa France. Noong 1980s, nadama nina Philippe at Lucien na bumalik sa kanilang inang bayan sa Africa sa layuning itayo ang kaharian ng Diyos. Para kay Sister Assard, na isang German, ang iwan ang kanyang pamilya at payagan si Brother Assard na iwanan ang kanyang trabaho bilang magaling na mechanical engineer ay nangailangan ng pambihirang pananampalataya. Nagkita ang dalawang mag-asawa sa unang pagkakataon sa Ivory Coast at nagsimula ng Sunday School. Iyon ay 30 taon na ang nakalipas. Ngayon ay may walong stake at 27,000 mga miyembro sa magandang bansang ito ng Africa. Ang mga Affoue ay patuloy na naglingkod nang buong sigasig tulad ng mga Assard, na katatapos lang magmisyon sa Accra Ghana Temple.
Nakikita ba ninyo ang kamay ng Diyos na nagsusulong ng Kanyang gawain? Nakikita ba ninyo ang kamay ng Diyos sa buhay ng mga missionary sa Haiti o sa mga Kaivaivatana sa Thailand? Nakikita ba ninyo ang kamay ng Diyos sa buhay ng mga Assard at ng mga Affoue? Nakikita ba ninyo ang kamay ng Diyos sa sarili ninyong buhay?
“At walang bagay na magagawa ang tao na makasasakit sa Diyos … maliban sa yaong mga hindi kumikilala sa kanyang ginawa sa lahat ng bagay.”13
Ang mga himala ng Diyos ay hindi lang nangyayari sa Haiti, Thailand, o Ivory Coast. Tumingin sa paligid ninyo.14 “Maalalahanin ang Diyos sa bawat tao … ; oo, bilang niya ang kanyang mga tao, at ang kanyang … awa ay laganap sa buong mundo.”15
Kung minsan nakikita natin ang kamay ng Panginoon sa buhay ng iba ngunit iniisip natin, “Paano ko mas malinaw na makikita ang Kanyang kamay sa sarili kong buhay?”
Sinabi ng Tagapagligtas:
“[Huwag] mangagaalinlangan.”16
“Huwag kang matakot.”17
“Kahit [isang maya ay] hindi mahuhulog sa lupa kung hindi [alam] ng inyong Ama. …
“Huwag nga kayong mangatakot: [sapagka’t] kayo’y lalong mahalaga kay sa maraming maya.”18
Alalahanin ang binatang nagsumamo sa propetang si Eliseo nang sila ay mapaligiran ng mga kaaway: “Sa aba natin, [ano] ang ating gagawin?”19
Sumagot si Eliseo:
“Huwag kang matakot: sapagka’t ang sumasaatin ay higit kay sa sumasa kanila.
“At si Eliseo ay nanalangin, … Panginoon, … idilat ang kaniyang mga mata, upang siya’y makakita. At idinilat [nga] ng Panginoon ang mga mata ng binata; at [nakita nga niya na] ang bundok ay puno ng mga kabayo at ng mga karo ng apoy.”20
Kapag sinunod ninyo ang mga utos at nanalangin kayo nang may pananampalataya na makita ang kamay ng Panginoon sa inyong buhay, ipinapangako ko sa inyo na ididilat pa Niyang lalo ang inyong espirituwal na mga mata, at makikita ninyo nang mas malinaw na kayo’y hindi nag-iisa.
Itinuturo ng mga banal na kasulatan na tayo ay “matatag na [maninindigan] sa pananampalataya sa kanya na paparito.”21 Ano ang darating? Nanalangin ang Tagapagligtas:
“Ama namin na nasa langit ka, Sambahin nawa ang pangalan mo.
“Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”22
Katatapos lang nating kantahing lahat ang “Halina, Hari ng Lahat.”
Lumalago ang ating pananampalataya habang inaasam natin ang maluwalhating araw ng pagbalik ng Tagapagligtas sa lupa. Ang ideya na darating Siya ay nagpapasaya sa aking kaluluwa. Magiging kagila-gilalas iyon! Ang saklaw at karingalan, ang lawak at kadakilaan, ay hihigit sa anumang nakita o naranasan na ng tao.
Sa araw na iyon hindi Siya darating na “nababalot ng lampin, at nakahiga sa isang pasabsaban,”23 sa halip ay magpapakita Siya “sa mga alapaap ng langit, nadaramitan ng kapangyarihan at dakilang kaluwalhatian; kasama ang lahat ng banal na anghel.”24 Maririnig natin “ang tinig ng arkanghel, at … pakakak ng Diyos.”25 Ang araw at buwan ay magbabago, at “ang mga bituin ay hahagis mula sa kanilang mga lugar.”26 Kayo at ako, o ang mga susunod sa atin, “ang mga banal … mula sa apat na sulok ng mundo,”27 “ay magbabagong-anyo at aangat upang salubungin siya,”28 at ang mga pumanaw sa kabutihan, sila man ay “aangat upang salubungin siya sa [gitna] … ng langit.”29
Pagkatapos, isang tila imposibleng karanasan: “Lahat ng laman,” sabi ng Panginoon, “ay makikita ako nang sabay-sabay.”30 Paano mangyayari iyon? Hindi natin alam. Ngunit pinatototohanan ko na mangyayari iyon—ayon mismo sa ipinropesiya. Luluhod tayo sa pagpipitagan, “at ang Panginoon ay mangungusap sa kanyang tinig, at ang mga dulo ng mundo ay makaririnig nito.”31 “Ito ay magiging … gaya ng tinig ng maraming tubig, at gaya ng tinig ng malakas na kulog.”32 “[Pagkatapos] ang Panginoon, … ang Tagapagligtas, ay tatayo sa gitna ng kanyang mga tao.”33
Magkakaroon ng di-malilimutang pagkikitang muli ang mga anghel ng langit at ang mga Banal sa lupa.34 Ngunit higit sa lahat, tulad ng ipinahayag ni Isaias, “Makikita ng lahat na wakas ng lupa ang pagliligtas ng ating Dios,”35 at Siya ay “maghahari sa lahat ng laman.”36
Sa araw na iyon ang mga nangungutya ay mananahimik, “sapagkat bawat tainga ay makaririnig … , at bawat tuhod ay luluhod, at bawat dila ay magtatapat”37 na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan.
Ngayon ay Pasko ng Pagkabuhay. Nakikigalak tayo sa mga Kristiyano sa iba’t ibang panig ng mundo sa Kanyang maluwalhating Pagkabuhay na Mag-uli at sa ipinangako sa atin na pagkabuhay na mag-uli. Nawa’y paghandaan natin ang Kanyang pagparito sa palaging pagsasaisip sa maluluwalhating pangyayaring ito kasama ang mga taong mahal natin, at nawa’y maging panalangin natin ang Kanyang panalangin: “Dumating nawa ang kaharian mo. Gawin nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayon din naman sa lupa.”38 Pinatotohanan ko na Siya ay buhay. “Halina, Hari ng Lahat.” Sa pangalan ni Jesucristo, amen.