2010–2019
Maging Mabunga, Magpakarami, at Supilin ang Lupa
Abril 2015


10:20

Maging Mabunga, Magpakarami, at Supilin ang Lupa

Inutusan at binasbasan tayo ng Ama sa Langit na maging mabunga, magpakarami, at supilin ang lupa nang tayo ay maging katulad Niya.

Salamat, Tabernacle Choir, sa magiliw na papuring iyon sa Tagapagligtas ng mundo.

Noong araw na utusan ng Diyos Ama ang Kanyang Bugtong na Anak na lumikha ng tao ayon sa Kanilang wangis at anyo, binasbasan Niya ang Kanyang mga anak, na nagsasabing, “Maging [mabunga], at magpakarami, at kalatan ninyo ang lupa, at supilin ito, at magkaroon kayo ng kapangyarihan … sa bawat kinapal na gumagalaw sa lupa.”1 Kaya, nagsimula ang ating buhay sa lupa na may banal na utos at basbas. Inutusan tayo ng isang mapagmahal na Ama at binasbasan tayo na maging mabunga at magpakarami at magkaroon ng kapangyarihan upang tayo ay umunlad at maging katulad Niya.

Mga kapatid, ngayong hapon nawa’y manampalataya kayo at ipagdasal ninyo ako habang nagbabahagi ako sa inyo ng ilang ideya tungkol sa tatlong mahahalagang katangian ng ating likas na kabanalan. Dalangin ko na lahat tayo ay mas lubos na maunawaan at matupad ang ating sagradong responsibilidad—ang utos ng ating Ama—na magkaroon tayo ng likas na kabanalan upang mas matagumpay tayong makapaglakbay sa buhay at matamo natin ang ating banal na tadhana.

Una, Inutusan Tayo ng Diyos na Maging Mabunga

Ang isang mahalagang bahagi ng pagiging mabunga na hindi napapansin kung minsan ay sa pagtatatag ng kaharian ng Diyos sa lupa. Itinuro ng Tagapagligtas:

“Ako ang puno ng ubas, kayo ang mga sanga: Ang nananatili sa akin, at ako’y sa kaniya, ay siyang nagbubunga ng marami: sapagka’t kung kayo’y hiwalay sa akin ay wala kayong magagawa. …

“Kung kayo’y magsipanatili sa akin, at ang mga salita ko’y magsipanatili sa inyo, ay hingin ninyo ang anomang inyong ibigin, at gagawin sa inyo.

“Sa ganito’y lumuluwalhati ang aking Ama, na kayo’y magsipagbunga ng marami; at gayon kayo’y magiging aking mga alagad.”2

Nagiging mabunga tayo kapag nanatili tayo kay Cristo at “[tinaglay natin] sa [ating sarili ang Kanyang] pangalan [at] … [pinaglingkuran] siya hanggang wakas”3 sa pamamagitan ng pagtulong sa iba na lumapit sa Kanya.

Sa ating panahon, patuloy na nilalakasan ng mga buhay na propeta at apostol ang kanilang tinig upang anyayahan ang bawat isa sa atin na maging lubos na abala sa gawain ng kaligtasan ayon sa ating kakayahan at mga pagkakataon.

Ang una sa dapat gawin na nagbubunga ng marami ay maging “maamo at may mapagpakumbabang puso.”4 Sa gayo’y mas lubos tayong makakalapit kay Cristo kapag nakinig tayo sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu at tinutupad natin ang lahat ng tipan na ginawa natin.5 Maaari nating hangarin at tanggapin ang kaloob na pag-ibig sa kapwa at magkaroon ng lakas na anyayahan ang ating sariling pamilya, mga ninuno, at miyembro at di-miyembrong mga kapitbahay at kaibigan na tanggapin ang ebanghelyo ni Jesucristo.

Ang paggawa nang may diwa ng pag-ibig sa kapwa ay hindi isang tungkulin kundi isang kagalakan. Ang mga hamon ay nagiging mga pagkakataong palaguin ang pananampalataya. Tayo ay nagiging “mga saksi ng [kabutihan ng] Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan [tayo] maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan.”6

Lahat tayo ay maaari at nararapat maging lubos na abala sa gawain ng kaligtasan. Ibinigay na sa atin ng Tagapagligtas ang sumusunod na responsibilidad na may pangako: “Kayo’y hinirang ko, at aking kayong inihalal, upang kayo’y magsiyaon at magsipagbunga, at upang manatili ang inyong bunga: upang ang anomang inyong hingin sa Ama sa aking pangalan, ay maibigay niya sa inyo.”7

Pangalawa, Inutusan Tayo ng Diyos na Magpakarami

Ang ating pisikal na katawan ay isang biyaya mula sa Diyos. Tinanggap natin ito para isakatuparan ang gawain ng Ama sa Langit na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.”8 Ang katawan ang daan para matamo natin ang ating banal na potensyal.

Ang katawan ay nagbibigay-kakayahan sa masunuring mga espiritung anak ng Ama sa Langit na mabuhay sa lupa.9 Ang pag-aanak ay nagbibigay ng pagkakataon sa iba pang mga espiritung anak ng Diyos na maranasan din ang buhay sa lupa. Lahat ng isinilang sa mortalidad ay may pagkakataong umunlad at mapadakila kung susundin nila ang mga utos ng Diyos.

Ang kasal sa pagitan ng isang lalaki at isang babae ang institusyong inorden ng Diyos para isakatuparan ang utos na magpakarami. Ang pakikipagrelasyon sa kaparehong kasarian ay hindi nagpaparami.

Ang legal at ayon sa batas na kasal na ibinuklod sa templo at kung saan iginagalang ang mga tipan sa pagbubuklod ay nagbibigay sa mga magulang at sa kanilang mga anak ng pagkakataong maranasan nang husto ang pagmamahalan at paghahanda para sa isang buhay na mabunga. Nagbibigay ito sa kanila ng ulirang kapaligiran kung saan maaari nilang tuparin ang mga tipan na ginawa nila sa Diyos.

Dahil sa Kanyang pagmamahal sa atin, niloob ng Ama sa Langit na lahat ng Kanyang tapat na anak na hindi natatamasa o hindi matamasa ang mga pagpapala ng kasal sa tipan at pagkakaroon ng mga anak o ang kaganapan ng mga pagpapalang iyon nang hindi sila ang may kagagawan, ay matatamasa ang mga pagpapalang ito sa takdang panahon ng Panginoon.10

Pinayuhan ng mga buhay na propeta at apostol ang lahat ng may pagkakataong pumasok sa tipan ng walang-hanggang kasal na humayo nang may katalinuhan at pananampalataya. Hindi natin dapat ipagpaliban ang sagradong araw na iyon dahil sa mga makamundong mithiin o kaya ay magtakda ng napakataas na ekspektasyon kaya hindi nagiging karapat-dapat ang lahat ng posibleng mapangasawa.

Sa lahat ng nabuklod sa tipan ng walang-hanggang kasal at nagbunga sa pamamagitan ng pagtupad ng kanilang mga tipan ang pangako ay hinding-hindi magkakaroon ng kapangyarihan ang kaaway na sirain ang katatagan ng kanilang walang-hanggang pagsasama.

Pangatlo, Inutusan Tayo ng Diyos na Supilin ang Lupa

Ang supilin ang lupa at magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay na may buhay ay ang pamahalaan ang mga bagay na ito upang masunod nila ang kalooban ng Diyos11 habang ginagamit ang mga ito para sa layunin ng Kanyang mga anak. Kasama sa pagsupil ang pagpigil sa sarili nating katawan.12 Hindi kasama rito ang pagiging kaawa-awang mga biktima ng mga bagay na ito o paggamit dito nang taliwas sa kalooban ng Diyos.13

Ang pagkakaroon ng kakayahang supilin ang mga bagay sa lupa ay nagsisimula sa pagpapakumbabang kilalanin ang ating kahinaan bilang tao at ang kapangyarihang bigay sa atin sa pamamagitan ni Cristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala. Sapagkat “winika ni Cristo: Kung kayo ay magkakaroon ng pananampalataya sa akin, magkakaroon kayo ng kapangyarihang gawin kahit na anong bagay na kapaki-pakinabang sa akin.”14 Ang kapangyarihang ito ay napapasaatin kapag pinili nating sundin ang Kanyang mga utos. Nag-iibayo ang ating kakayahan sa pamamagitan ng paghahangad sa mga kaloob ng Espiritu at pagpapaunlad ng ating mga talento.

Ako ay isinilang at lumaki sa abang sitwasyong karaniwan sa maraming pamilya sa Africa. Nagkaroon ako ng kakayahang iahon ang sarili ko mula sa sitwasyong iyon sa pamamagitan ng paghahangad at pagtatamo ng mabuting edukasyon, at sa mapag-arugang tulong ng aking mga magulang. Ang pagkakaroon ng pananaw tungkol sa maaari kong marating ay naging mahalaga sa aking pag-unlad. Kalaunan, noong bagong kasal kaming mag-asawa, natagpuan namin ang ipinanumbalik na ebanghelyo, na patuloy na nagdudulot ng espirituwal na patnubay sa aming buhay. Gaya ng lahat ng pamilya, mayroon kaming mga pagsubok at hamon. Ngunit nang humingi kami ng tulong sa Panginoon, natagpuan namin ang mga sagot na naghatid ng kapayapaan at kapanatagan, at nakakayanan namin ang mga bagay na ito.

Ang mga hamong kinakaharap ng lipunan ngayon, kabilang na ang imoralidad, pornograpiya, digmaan, polusyon, droga, at karalitaan, ay lumalaganap dahil marami sa mundo ang pumiling sumunod sa “kagustuhan ng diyablo at ng laman”15 sa halip na sa kalooban ng Diyos. “Hindi nila hinanap ang Panginoon upang itatag ang kanyang kabutihan, kundi ang bawat tao ay lumalakad sa sarili niyang paraan, at alinsunod sa larawan ng sarili niyang diyos, na kung kaninong larawan ay kahalintulad ng daigdig.”16

Gayunman, inaanyayahan ng Diyos ang lahat ng Kanyang anak na hingin ang tulong Niya para madaig at matiis ang mga hamon sa buhay na ito sa mga salitang ito:

“Ako ang Diyos; ako ang lumikha ng daigdig, at ng mga tao bago pa sila napasalaman.

“… Kung ikaw ay babaling sa akin, at makikinig sa aking tinig, at maniniwala, at magsisisi sa lahat ng iyong paglabag, at magpapabinyag, maging sa tubig, sa pangalan ng aking Bugtong na Anak, … ikaw ay tatanggap ng kaloob na Espiritu Santo, hinihiling ang lahat ng bagay sa kanyang pangalan, at kung ano man ang iyong hihilingin, ito ay ibibigay sa iyo.”17

Ang matatapat na Banal sa mga Huling Araw na nakauunawa sa kanilang banal na potensyal at umaasa nang buong puso sa kapangyarihang natatamo mula sa Pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo ay napapalakas sa kanilang likas na kahinaan at “[naga]gawa ang lahat ng bagay.”18 Nabibigyan sila ng kakayahang madaig ang mga pang-aakit ng kasamaan na naglagay sa marami sa pagkaalipin ng kaaway. Itinuro ni Pablo na:

“Tapat ang Dios, [at] hindi niya itutulot na kayo’y tuksuhin ng higit sa inyong makakaya; kundi kalakip din ng tukso ay gagawin naman ang paraan ng pagilag, upang ito’y inyong matiis.”19

“Palibhasa’y nagbata siya sa pagkatukso, siya’y makasasaklolo sa mga tinutukso.”20

Inutusan at binasbasan tayo ng Ama sa Langit na maging mabunga, magpakarami, at supilin ang lupa nang tayo ay maging katulad Niya. Naglaan Siya ng tulong upang bawat isa sa atin, ayon sa ating sariling pasiya, ay talagang umunlad upang maging katulad Niya. Dalangin ko na mamuhay tayong lahat sa paraan na magagabayan tayo sa pagtanaw sa ating likas na kabanalan, matatamo natin ang lahat ng ating banal na pribilehiyo, at matutupad ang ating banal na tadhana.

Pinatototohanan ko ang katotohanan na buhay ang Diyos Ama at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak, ang ating Tagapagligtas na si Jesucristo; ang Kanyang maluwalhating plano ng kaligayahan; at ang mga susing ipinagkaloob niya sa isang buhay na propeta sa lupa ngayon, maging si Thomas S. Monson, na ating minamahal at sinasang-ayunan. Dalangin ko na nawa’y magkaroon tayo ng kapangyarihang matamasa ang kaganapan ng Kanyang mga pagpapala sa pangalan ni Jesucristo, amen.